Katatapos ko lang basahin ang nobelang "Snow Country" ni Yasunari Kawabata. At eto lang masasabi ko, “Yasunari Kawabata owns me! He owns all of you fictionist-wannabes out there!” Pero kailangan ko siguro itong suportahan.
Umiikot ang kuwento ng nobela sa relasyon nina Shimamura, isang art critic-kuno, at Komako, isang geisha sa isang bayang may hot spring na matatagpuan sa “snow country,” ang pinakamayelong bahagi ng bansa ng Hapon. Sinusundan ng kuwento ang kanilang pag-iibigan at ang katapusan nito.
Taon ang sinusundang banghay ng kuwento ngunit mabilis lang ang pagbabasa ko ng nobela dahil na siguro sa estilo ni Kawabata. Puno man ng mga magagandang detalye’t eksena, napakapayak ng pagkakasalaysay sa mga ito. At ang mga transisyon mula sa isang eksena patungo sa isa ay napakabilis. Nakakalito sa simula. Parang tumatalon ngunit hindi dahil sinasabi naman ng tagapagsalaysay ang mga maliliit na detalyeng magsasabing nag-iba na nga ang pinag-uusapang eksena. Kailangan lang na maging sensitibo.
Kagaya ng sinabi ko napakapayak ng pagkakasalaysay ng nobela. Ngunit napaka-deceptive nito. Mukhang payak lamang siya. Ngunit sa ilalim ng mga bawat pangungusap at palitan ng diyalogo sa pagitan ng mga tauhan, matatagpuan ang isang matinding damdaming tinitimpi. Maaaninagan mo lamang ang mga damdaming ito sa mga detalyeng ibinibigay ng tagapagsalaysay. Sa Kabuuan ng nobela, palagi akong napapatigil dahil sa mga detalyeng ibinabato sa akin. Hindi ko agad makita kung anong ibig-sabihin ng mga detalyeng ito para sa kabuuan ng kuwento. Yun pala, nasa mga detalyeng iyon ang susi upang lubusang maintindihan ang mga damdamin ng mga tauhan o kaya naman ang damdaming kailangang gustong ipakita ng tagapagsalaysay.
Isang magandang halimbawa ang nobelang ito sa birtud ng showing o pagpapakita. Dito ako luhod at hangang-hanga. Ngunit hindi lamang pagpapakita ang pakay ng tagapagsalaysay, karamihan ng mga ipinakita’y representasyon ng mga, kagaya ng sinabi ko, damadamin. Napaka-subtle niya, malumanay at banayad.
Kailangan ko sigurong ihayag na kailangang basahin ng lahat ang nobelang ito. Kung hindi ninyo maintindihan ang mga detalye sa nobela o bakit ganoon magsalita ang mga tauhan sa nobelang ito, ok lang. Ganoon katago ang mga mensahe’t damdamin sa loob ng nobela. Ngunit naroon na rin mismo ang saya sa pagbabasa ng nobelang ito. Kapag nakuha mo na ang ibig-sabihin isang detalye, mapapasigaw ka, “Yes! Gets ko iyon!” At doon sa mga sandaling iyon, mamamalayan mong aring-ari ka ni Yasunari Kawabata.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento