Una kong narinig ang aklat na “Fahrenheit 451” ni Ray Bradbury mula sa isang dating kaklase. Maganda raw, classic. Kaya nang makita ko ang isang kopya sa Fully Booked sa Gateway, agad ko siyang binili. Hindi ko dapat siya babasahin agad ngunit natukso ako. At isang linggo lang pagkatapos kong mabili siya ay tapos ko rin siyang basahin.
Sinusundan ng kuwento ang tauhang si Guy Montag, isang fireman. At literal sa kanyang trabaho, nanununog siya at hindi tagapagpatay ng sunog. Dahil sa mundo ni Guy Montag, nangangailangan ng mga tagasunog ng mga aklat. Sa mundo ni Montag, “nakakasama” raw ang mga aklat dahil ginugulo lang nito ang isip ng mga tao na nagdudulot ng mga away at pagtatalo. Kung walang mga aklat, walang magtatalo, masaya ang lahat. Ngunit nagsimulang magdududa si Guy Montag sa kanyang trabaho. Sa kanyang pagsusunog, naakit siya sa mistiko ng mga aklat na iyon. Ano bang laman ng mga iyon kaya ang iba’y napapakamat para sa kanila? At dito magsisila ang kanyang pagtuklas sa tunay na kalayaan.
Kakaiba ang pokus ng sci-fi na nobelang ito kumpara sa ibang mga nobelang kagaya nito. Hindi sa teknolohiya o alien invasion ang kanyang pinag-iikutan, mismong ang kakulangan ng lipunan ang kanyang pinag-uusapan. May bahali naman ang teknolohiya ngunit talagang kaantig-antig ang mundong ginawa ni Bradbury dahil kahit na sinulat higit 50 taon na ang nakalilipas, kuhang-kuha nito ang mga problema sa kultura’t lipunan ngayon. Ang ideya ng pagkatutok sa TV, kawalan ng interes sa mga aklat, at kawalan ng sariling isip at opinyon. Lahat ng ito’y makikita natin sa ating modernong lipunan, lalong-lalo na sa Amerika.
Mabilis lang siyang basahin, kagaya ng iba pang mga sci-fi na nobela. Gawa siguro ito sa kanyang gumagalaw na pagbabanghay. Dirediretso lang siya, tuloy-tuloy. Umaatikabo, ika nga. Mahigpit lamang ang kanyang sjuzet, malawak ang kanyang fabula ngunit hindi naman nilulunod ng nobela ang kanyang sarili sa pagpapaliwanag ng kanyang mundo. Itong banghay siguro ang isa sa pinakamalakas na bahagi ng nobela.
Susunod kong bibigyang pansin ay ang tagapagsalaysay. Sa tagapagsalaysaya makikita ang estilo ni Bradbury. Gumagamit siya ng mga metapora upang ilarawan ang mga sitwasyon, galaw, at imahen. Consistent naman siya sa paggamit ng mga metaporang ito. Ngunit kinaiinis ko lang na hindi lahat ng mga metapora ay magaganda. At gawa na rin siguro, hindi ako madalas gumamit ng metapora sa aking mga gawa o kaya naman ay hindi madalas na gumamit ng mga metapora ang mga nababasa kong mga kuwento’t nobela. Nagbago na kasi ang mga kumbensiyon ng mga formalistang manunulat sa nakalipas na isang daang taon. Inaamin kasi ni Bradbury na sinusundan niya ang panunulat nina Herman Melville, Nathaniel Hawthorne at Edgar Allan Poe.
Magaling naman ang pagkakalago ng pagkatao ni Guy Montag. Damdam na damdam ko ang kanyang mga agam-agam at kalituhan. Ang maganda ang pagkakatambal sa kanya at sa kanyang asawang si Millie, na kahit na talagang puno pa rin ng pagwawalang bahala at tutok na tutok nsa mga nangyayari at sinasabi sa TV. Naiinis lang ako sa tauhang si Faber dahil hindi maganda ang pagkakapasok sa kanya sa kuwento. Pero maaaring patawarin.
Isang kaantig-antig na nobela tungkol sa kalayaan, hindi lamang tungkol sa gawa kundi pati na rin ng isipan. Hahayaan ba nating makulong ang ating mga isipan sa mga walang kuwentang bagay o palalaguin ba natin ang ating mga sarili? Kasiyahan nga lang ba ang ating mithiin sa buhay? Mga nakakatwang mga tanong, lalao na’t nanggagaling ito sa sci-fi na nobela.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento