Noong nakalipas na tatlong araw, naging bahagi ako ng pagbababad (immersion) para sa Theo141. Dapat, kung binabasa ninyo ang blog na ito, noong Hulyo 29 hanggang 31 ang una kong pagbababad sa San Mateo, Rizal. Ngunit pinili kong sumama sa Ateneo_Heights Writers’ Workshop na ginanap sa parehong panahon. Kaya nag-sign up ako sa ibang lugar at panahon at napili ko ay ang pagbababad sa Virlanie na ginanap noong Agosto 19 hanggang kaninang tanghali, Agosto 21.
Isang non-government organization ang Virlanie Foundation. Tinayo ito ni Dominique Lemay, isang French national, katulong ng ilang Filipinong social workers. Tinutulungan nila ang mga bata, na ang karamiha’y galing sa lansangan, na magkaroon ng isang pamumuhay na malayo sa kapahamakan. Karamihan nga kasi ng mga bata na inaalagaan ng Virlanie ay inabuso, pinabayaan, at may nagawang krimen.
Apat sa labindalawang bahay ng Virlanie ang tinirahan ng mga nagbabad na kasama ko. Ako’y napunta sa CARESS Home, bahay na tinutiluyan ng mga batang lalaki. Kasama ko bahay si Adrian, magkaklase kami sa Theo 141 na klase ni Dr. Tejido. Ang ibang bahay na tinuluyan ng iba pang nagbabad ay ang Elizabeth, bahay para sa mga babae, Gawad Buhay, bahay para sa mga musmos, at JADE, bahay ng mga batang may espesyal na pangangailangan at sakit.
Bahay ang tinatawag ko at ng mga nakakakilala sa Virlanie dahil para talagang isang bahay ang pagpapatakbo sa bawat lugar. Mayroong Tatay at Nanay sa bawat bahay, mag-asawa kalimitan ang mga tatay at nanay sa mga bahay, maliban na lang sa CARESS na hindi mag-asawa ang nangangalagang mga magulang. Mayroon ding mga Tito’t Tita sa bahay at ilang mga social worker. Ang trabaho nila ay maging gabay at tagapangalaga sa mga bata. At magtuturingan ang mga humigit-kumulang 20 batang nagsasama sa mga bahay bilang mga magkakapatid.
Inaamin kong wala akong masyadong ginawa sa loob ng bahay. Nakakahiyang gumawa ng mga bagay-bagay kagaya ng paglilinis at pagluluto dahil mayroon silang schedule at assignment ng mga gawain at alam ninyo naman ang mga lalaki, may kaunting pride, gagawin nila ang kanilang gawain kahit na may nag-aalok ng tulong.
Hindi ko na masyadong pag-uusapan ang detalye ng aking pagtigil sa CARESS. Ngunit kaantig-antig sa akin ang dalawang mga batang lalaking nakilala doon, sina Ryan at Kenneth.
Una kong nakilala si Ryan nang umuwi siya ng bahay mga alas dose y medya ng hapon. Biglang naghimutok si Ate Pi, ang social worker na nakikitira sa bahay, nang makita niya si Ryan. Ang aga niya kasing dumating. Nanggaling kasi siya dapat sa paaralan. Ngunit, kuwento ni Ate Pi, nalaman niyang palagi raw siyang absent at wala sa paaralan mula guro si Ryan. Kaya pinapa-sign ni Ate Pi ang guro sa notebook ni Ryan bilang tanda ng kanyang pagpasok. Ngunit noong unang araw ko roon noong Biyernes, walang maipakitang lagda si Ryan.
Kaya habang nakain ng tanghalian, sinesermonan at pinagsasabihan nina Ate Pi at Nanay Ana sa kanyang ginawang pagliban sa klase. Ngumingisi lamang siya habang nakain. Hindi ko maintindihan ang pagngising iyon.
Napansin ko sa mga sumunod na mga araw na hindi niya palaging kasama ang iba pang mga bata’t binata ng CARESS. Naroon sa labas, naglalarong mag-isa. O kaya’y nasa isang sulok lang, hindi nakikisama sa mga usapan ng mga kasama.
Kinausap ko siya noong huling araw ko sa bahay. Naglalaro siya ng kotse-kotsehan. Tinanong ko kung ilang taon na siya. Labing-apat ang sibi niya sa akin. Noong unang araw ay nabanggit ni Nanay Ana na nasa grade 2 pa lamang si Ryan. Tinanong ko kung matagal na siya sa bahay at inamin niyang hindi, hindi pa siya matagal na nakatira sa bahay.
At naging malinaw sa akin ang lahat, na nag-a-adjust pa lamang si Ryan sa CARESS. Hindi pa siya lubusang bahagi ng dinamikong pang-araw-araw bahay.
Pangalawang lalaking nakilala ko sa CARESS nang maigi ay si Kenneth. Isa siyang special child. Ngunit hindi naman matindi ang kanyang pinagkaiba sa ibang mga bata. Maaari lang na sabihing iba sa kanyang ay ang kanyang pakikitungo. Tahimik lamang siya at kung magsasalita ay nahihirapang bumuo ng mga pangungusap.
Ngunit ang nakakatuwa siya dahil mayroon siyang nililigawan sa kabilang tahanan na inaalagaan din ng Virlanie. Sa ikalawang araw, tumigil sa bahay ang social worker ng Eliaya (mali ata ang pagbabaybay) at kinukutya si Kenneth. Bakit daw hindi na siya tinatawag na Ate? Pinopormahan nga ba talaga niya si Princess? Ngumingiti-ngiti lamang si Kenneth, pinipilit na itinatago ang kanyang mukha. “Hindi,” ang kanyang pinagsisigaw bilang sagot. Nililigawan nga niya si Princess.
Kinukutya rin siya na maligo. Hindi kasi siya mahilig maligo, ayaw niya. Ngunit iyon daw ang gusto ni Princess, malinis at mabango. Kaya agad namang naligo si Kenneth at nagtawahan sina Ate at Nanay. Talagang malakas ang tama.
Nakakatuwa ang mga kuwento. Masayang gawang ng mga fictional na mga tauhang batay sa kanila na lilinangin ko. Hindi ko lang alam kung ano ang magiging punto ng mga kuwentong iyon. Isusulat ko nga ba ang mga kuwentong iyon. Ngunit alam ko, kahit na hindi ko na sila makikita pa nang basta-basta, narito sila aking loob, nagpepresensiya. Kagaya ng mga tauhang naisulat ko na at isususlat pa lamang, nabubuhay sila sa isipan at puso ko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento