Nahihirapan akong magbasa. Hindi dahil hindi ako marunong. Ano ba yan, nakatapos na ako ng elementarya. Hindi rin naman nalabo ang mga mata ko. Pero mahirap sabihing crystal clear. Hindi naman sa nahihirapan ako sa wika, Ingles man o Filipino. Pero aaminin kong may ibang mga akdang talagang babanatin ang bokabularyo mo. Nahihirapan akong magbasa dahil hindi ko binabasa ang isang akda bilang isang mambabasa kung hindi bilang isang manunulat.
Anong problema doon? Malaki. Hindi ko na lubusang ma-enjoy ang aking binabasa. Hindi ko na mabasa ang isang aklat ng walang bahid ng pangungutya, pagpuna, at pagpansin sa mga mali, kahit na ang maganda. Hindi magawang tumalon sa loob ng mundo ng akda. Hindi ko lubusang magawang makisama sa mga tauhang hindi mapansin ang kanilang inconsistency. Hindi ko lubusang mapatawad ang mga pagkakamaling nadaraanan ko.
Gusto kong basahin ang isang akdang wala akong alam. Gusto kong basahin ang isang aklat na walang inaasahan. Gusto kong basahin ang isang akda bilang isang pagtakas, hindi isang paghuhusga. Gusto kong basahin ang isang akda na walang pinapatawan na pag-intindi o kaya’y pag-unawa sa pagkamasining nito. Gusto kong magbasa para lang magbasa.
Binabasa ko ngayon ang “Fahrenheit 451” ni Ray Bradbury. Maganda siya. Buo ang pagkakagawa sa mundo’t tagpuan nito. Ang lipunang ginagalawan ng mga tauhan ay buhay na buhay. Magaling ang pagkakabanghay. May problema nga ako sa mga detalye. Hindi ako sanay sa mga metapora na ginagamit ni Bradbury, ngunit ganoon lang talaga ang kanyang istilo. Mapapatawad at maiintindihan.
Kita n’yo na. Hindi ko na masabing, “Maganda! Kaantig-antig! Astigin!” Hindi. Hindi na.
Pero ganyan lang talaga. Nagbabago ang tao. Isang siguro itong paglago. Ganoon na nga. Ganoon na nga.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento