Ang tindi talaga ng Midterm na iyan para sa Th 141. Hindi naman sa nag-cram ako, ayaw ko lang sigurong mag-aral. Pero hindi ako kinabahan bago magsulit. Ewan ko pero tinamaan rin naman ng nginig sa kamay habang nagsusulat. Hindi naman sa takot na wala akong masabi o walang maisulat, natakot ako dahil, walang hiya, ang bilis ng takbo ng oras. E ang bagal ko pa namang mag-isip at ayusin ang aking mga gustong sabihin pagkarating sa mga sanaysay. Kaya hindi ko natapos ang pangatlong tanong, nakakalahati lang ako sa mga kinakailangan pag-usapan sa bahaging iyon.
Isa pang nagpatindi sa aking kaba ay ang isang istudyante na klase bago ng akin na tinuturuan rin ni G. Tejido. Hindi naman sa sinadya kong makinig sa usapan niya at ng kanyang mga kaibigan, pero narinig ko na tinangka niyang mandaya. Ngunit bago pa man niya magamit ang mga "kodigo," nahuli siya ni Sir dahil nakasipit ito sa Bibliya niya bilang "marker." Hindi rin naman sa nagtangka akong mandaya rin sa araw na iyon. Pota, bakit ko pa pinilit ang sarili kong mag-aral at magsaulo kung mandadaya rin lang ako. Nagulat lang talaga ako dahil iyon ang una kong beses na makarinig ng pandaraya sa Ateneo. Nakakalungkot sila.
Sa gitna ng pagsusulit sa klase namin, may nahuli rin si G. Tejido. Narinig ko, habang nag-iisip ng quote mula kay Donal Dorr, na nagpaliwanag at nagmakaawa ang kaklase kong iyon. Agad na kinuha ang kanyang papel at Bibliya at pinalabas siya ng kuwarto.
Pwede akong magpakabait at magsermon pero hindi ko iyon gagawin. May sarili silang dahilan kung bakit sila natuksong mandaya. Sana, may natutunan sila sa pagkakamaling iyon.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento