Hindi ko alam kung anong aasahan ko sa Ika-11 Ateneo-Heights Writers’ Workshop. Kahit na nakakuha na ako ng mga workshop classes sa nakalipas na tatlong taon. Sabi ni Em, Associate Editor ng Heights at Workshop Director ng workshop, na iba raw. At ngayong tapos na, masasabi kong tama siya.
Sa unang araw, noong Huwebes, ang lakas ng nerbiyos ko. Nauna na mga ka-fellow kong sina Kae Batiquin, Ino Habana, Migoy Lizada, Margie de Leon, Stef Jacinto, at Twinkle De Los Reyes sa Sacred Heart Novitiate sa Novaliches. Nakasabay ko sa kotse sina Javie, ang nagmaneho ng kotse noon, si Em, at si Kim, head ng Business. Kasama ko rin ang mga ka-fellows kong sina Anna Vecin, blockmate at Maddy Ong. Huling dumating si Vins Miranda kasama ang ibang mga facilitator ng workshop. Kasabay dapat ng huling trip si Sir Egay Samar, moderator ng Heights, pero nagpaiwan siya sa SM Fairview. Bumili kasi siya ng libro.
Hindi ako makakain ng tama doon. Lakas talaga ng nerbiyos. Wala kaming ginawang direktang nakakabit sa workshop. Kaunting pagpapakilala sa bawat mga fellows at patuloy na pagbabasa ng mga gawang ipinasa. Nagkaroon rin ng charades kinagabihan, pampatanggal ng stress. Medyo natanggal-tanggal rin naman. Nakasira nga pala ako ng isang upuan. Nakakahiya. Nagpapaumanhin ako. Hindi nga lang ako masyadong makatulog kinagabihan, naninibago pa ako siguro sa lugar.
Noong Biyernes nagsimula ang tunay na simula ng mga talakayan ng aming mga gawa. Ang mga panelist namin ay sina Sir Egay Samar, Sir Charlson Ong, Sir Tim Montes, Sir Vim Yapan, Ma’am Luna Sicat-Cleto, Ma’am Beni Santos, at Ma’am Marjorie Evasco. Kasa rin sa panelist si Sir Joel Toledo ngunit hindi siya nakapunta noong Biyernes. Sabado na siya nakahabol.
Pito sa dalawampung mga tula’t kuwento ang aming tinalakay. Hindi ko na pag-uusapan ang mga tinalakay sa mga session. Ang dami noon. Masasabi ko lang na hinimay-himay ang aming mga gawa. Ngunit malaking tulong ang mga panelist at binigyang gabay kami sa aming maaaring gawing mga revision at rewriting. Ang galing magbasa ni Ma’am Beni.
Medyo nakaka-stress ang mga talakayan kaya bilang pampanatag ng loob, nagpalitan kami ng mga joke. Noong tanghalian, hapunan, mga break time, palitan ng jokes at tawanan. Payburit namin ang mga joke tungkol kay Mahal.
Kinagabihan rin ng Biyernes ay nagkaroon kami ng scavenger hunt. Nakakatuwa. Hinati kami sa dalawang koponan at naging partner ko si Margie. Wala lang talaga ang buong scavenger hunt. May premyo pero hindi ko siya sineryoso. Pagkatapos noon ay nagkaroon kami ng isang writing exercise. Namuno sa aming mga fictionist si Douglas Candano, ang Workshop Director noong nakaraang taon. Nagsulat kami ng dalawang maiikling kuwentong ehersisyo, isa ay character driven at ang isa naman ay plot-driven. Wala lang rin talaga ang buong ehersisyo. Pagod na kasi ako’t hindi makapag-isip ng pantay. Kaya nang matulog ako’y napakahimbing.
Noong Sabado ay nagpatuloy ang talakayan. Nakasama na namin sa talakayan si Sir Joel. Mahaba ang araw dahil ang daming mga gawang tinalakay. Sampu. Hindi ko na rin pag-uusapan ang mga nangyari, mas madi pa kaysa noong Biyernes. Basta, kamuntikan na akong mahimatay. Pagkatapos rin ng mga talakayan noong Sabado, tinawag akong “kabayaw” ni Sir Joel. Nakalimutan kong tanungin sa kanya kung ano ang ibig sabihin noon.
Sabado ng gabi ang Poetry Reading. Una ko iyong pagbabasa sa harap ng isang manonood. Binasa ko ang unang bahagi ng isa sa dalawang kuwentong pinasa ko para sa workshop. Hindi ko masasabing ninerbiyos ako noon, nawala na nang malaki ang una akong nerbiyos. Nakakatuwa at nakakaantig ang ibang mga nagbasa. Ang basa ang lahat ng fellows. Ilan sa mga dating fellows na nagbasa ay sina Naya Valdelleon, Peachy Paderna, atbp. Pasensiya na’t hindi ko natatandaan ang pangalan ng ibang nagbasa. Sa mga panelist namin, nagbasa si Sir Joel ng kanyang mga tula. Nanalo nga pala siya ng unang gantimpala sa Palanca ngayong taon. Si Sir Egay ay nagbasa ng ilan niyang mga tula. Si Sir Vim naman ay nagbasa ng ilang bahagi ng kanyang bagong nobela. Ganoon rin si Sir Charlson. Bentang-benta talaga ang pagbabasa ni Sir Tim ng isang kabanata ng kanyang nobelang “Running Amok.” Kwela at bentang-benta ang kanyang pagbabasa. Nakakatawa ang kuwento’t sinabayan pa ng nakakatwang pagbabasa. Huling nagbasa si Ma’am Beni ng kanyang mga bagong tulang ginawa sa Boracay. Nasa sabbatical siya ngayon sa pagtuturo. Hindi nakapagbasa si sina Ma’am Marjorie at Ma’am Luna noong gabing iyon dahil mayroon silang pinuntahan.
Pagkatapos ng Poetry Reading, nagkaroong “Faci’s Night.” Kaunting bonting time sa pagitan ng mga facilitators, ang mga miyembro ng mga committeeng nag-ayos at nagplano ng Workshop. Tradisyonal na hindi kasama ang mga fellows at panelist sa kanilang “happy time.” Ngunit naging pasimuno si Sir Joel sa charades at kasama sina Sir Charlson, Sir Egay at Sir Vim sa mga charades. Ang iba namang mga tao ay nagkakantahan. Ang iba naman ay nagkukuwentuhan noong gabing iyon. Hindi ko lang sila nakasama nang matagal. Sobrang nakakapagod talaga ang araw at mahimbing ulit akong nakatulog.
Kinabukasan ay medyo nahuli ang simula ng aming talakayan. Gawa kasi ng nangyari kagabi. Kalahating araw lamang ang aming talakayan, isang kuwento’t dalawang tula lamang ang aming pinag-usapan. Masasabi ko lang na may-umiyak sa saya’t galak.
Sa aming graduation, binigyan kaming mga fellows ng isang libro bawat isa. Magkakaiba ang libro namin. Nakuha ko ang nobela ni Ma’am Lunang “Makinilyang Altar.” Siyempre, kumuha ako ng isang signature mula sa kanya. Nakuha ko rin ang titolong “Sphinx” para sa workshop.
Sa pag-uwi’y nalaman namin ang isang namulaklak na kuwento ng pag-ibig. Nakakatuwa.
Sa lahat-lahat, naging naging masaya ang buong karanasan. Sa totoo lang, parang naging maikli ang buong workshop. Balik sa sinabi ni Em na iba ang workshop classes sa Ateneo-Heights Writers’ Workshop, tama siya. Dahil hindi ko makukuha ang ganoong uri ng pagsasama sa aking mga ka-fellow kung dadaanin sa isang ordinaryong klase. Hindi rin matitingnan ang aming mga gawa sa mula sa iba’t ibang punto de bista ng mga panelists. Hindi rin namin makakasalamuha ang mga batikan at kilala nang mga manunulat kung hindi namin sila nakasama sa mga charades, sa kainan, at sa talakayan. Nagpapasalamat ako’t nakasama ako sa isang karanasang kagaya nito. Nakita ko ang aking sarili at ang aking sining na hindi ko makikita sa isang payak na klase. Simula lamang ito at inaasahan kong makakasama ko ulit ang aking mga ka-fellow, panelists, dating mga fellow, at iba pang miyembro ng Heights sa hinaharap. Ako'y nagpapasalamat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento