Sa aking pagsakay ng elevator, maynakasabay akong mga yaya kasama ang kanilang mga alaga. Kapansin-pansin ang isang bata habang buhat ng kanyang yaya. Nakatitig kasi sa akin. Hindi lamang isang tingin. Titig talaga. Halos lumabas ang mga mata ng bata mula sa mga lalagyan nito. Hindi man lang siya kumurap.
Nakakatuwa dahil hindi ito ang unang beses na nangyari sa akin ito. Noong 3rd year high school ako, nakasakay ako sa isang dyip. Kasama ko ang ilang mga Senior pabalik sa pinagdadausan ng Division Press Conference. Sa harap ko ay nakaupo ang isang ina, kalong-kalong ang kanyang anak. Hula ko, mga 6 hanggang 10 buwang gulang ang bata. Kagaya ng nangyari ngayong 2005, tinitigan rin ako ng bata iyon sa dyip. Hindi rin halos kumurap ang bata. Taimtim na nakatitig sa aking mukha. Syempre, nginitian ko lang ang bata. Inaasahan ko sanang ngingiti rin siya. Pero hindi tumitig lang sa akin. Hindi nagbago ang kanyang mala-zombie na pagtingin. Tumigil lamang ang bata sa pagtingin sa aking mukha tuwing titingin naman sa aking mga kamay. Tutungo siya ng kaunti tapos balik sa mukha.
Napansin ang pagtitig sa akin ng bata sa dyip ng katabi kong si Renard, kasama kong Senior. Nakitawa na lang siya sa akin. Sandaling tumingin yung bata kay Renard sa aming pagtawa. Pero bumalik din kaagad sa akin yung atensiyon niya. Nakatitig siya sa akin hanggang bumaba kami sa tapat ng paaralan.
Nakakatuwa ang mga tingin na 'yon. Ano bang meron ang aking mukha para na lamang titigan ng ganoon? Pogi ba ako? Meron ba akong charisma? Ewan. Basta nakakatuwa.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
2 komento:
Mag-post ng isang Komento