Panimula
Nilimbag ang aklat na “Kun Sino ang Kumatha ng ‘Florante’” ni Hermenegildo Cruz noong tang 1906. Ang aklat na ito ang pinakaunang nilathalang pag-aaral tungkol kay Francisco Baltazar at ang kilalang “Florante at Laura.”
Sa mga panahon pagkatapos ng himagsikan at panahon ng pagbubuo ng pambansang identidad, nagkaroon ng pagnanasa ang mga maka-Tagalog, at, sumunod, ang mga nasyonalistang magkaroon ng sariling haligi sa mundo ng panitikan. Nagkaraon ng pagnanasa na magkaroon ng bantayog kung saan papalibot ang mga dadating na mga manunulat at ang kamalayang pampanitikan.
Ang “Kun Sino ang Kumatha ng ‘Florante’” sa aklat na “Himalay” ay una at ika-apat na kabanata lamang ng orihinal na libro. Ayon sa mga editor, ang mga kabanata lamang na ito ang sinama nila sa kalipunan dahil ito ang mga kabanatang nanatili sa paksa at hindi lumiligoy. Ayon nga sa notas, “Napakaligoy ang estilo ng pagsusulat noon, hindi lamang ni Cruz kundi ng panahon mismo.”
Pagbubuod
Nahahati sa dalawa ang “Kun Sino ang Kumatha ng ‘Florante.’” Ang una ay ang “Kasaysayan ng Buhay ni Francisco Baltazar” at ang pangalawa’y “Ang Pagka-manunula ni Francisco Baltazar.” Ang unang bahagi ay tumatalakay sa buhay ni Francisco Baltazar, isang maikling biograpiya. Ang pangalawa naman ay tumatalakay sa galing at estetika ni Francisco Baltazar.
Kasaysayan ni Baltazar
Sinimulan ni Cruz ang bahaging ito sa pagtatama kung saan nga hinirang o ipinanganak si Francisco Baltazar. Pinatunayan ni Cruz na ipinanganak si Baltazar sa bayan ng Bigaa, Bulakan noong ika-2 ng Abril, 1788. Pinatunayan niya ito gamit ng isang kasulatan mula kay Padre Blas de Guernica, ang nangangasiwa sa mga datos ng bayang iyon noong taong 1906.
Gamit din ang parehong kasulatan, pinatunayan niya na ang pangalang Francisco Balagtas ang binyag na pangalan ni Francisco Baltazar. Ayon kay Cruz, nagpalit ng apelyido si Francisco Baltazar sa kanyang pagtira sa Tondo at Baltazar na ang ginamit ng kumatha ng “Florante” hanggang siya ay mamatay.
Pinag-usapan din ni Cruz ang pangunang-aral na nakuha ni Baltazar noong kanyang kabataan sa Bigaa. Pero binigyang linaw niya na “marahil, nang nagkaroon nang katamtamang gulang, siya’y ipinasok sa isang paaralan sa nayon ng kanilang tinitirhan.” Pinapaliwanang ni Cruz ang mga maaaring mga aralin sa mga paaralang pinapangasiwaan ng mga pari. Ang pag-aaral ng Doctrina Christiana, Cartilla, Misterio at Trisagio. Walang siguradong kasulatan o katibayan na nakapag-aral si Baltazar sa isa sa mga nasabing paaralan. Ngunit sa mga panayam ni Cruz sa mga kamag-anak ni Baltazar na nakapag-aral nga si Baltazar bago pa siya dumating sa Tondo.
Lumuwas ng Maynila si Baltazar noong taong 1799. Ipinalagay ni Cruz na mayroon si Baltazar na oficio o isang tagapangalaga. Kapalit ng pagtira sa ilalim ng oficio ay naging utusan si Baltazar para sa kanya. Ang oficio na iyon, ayon sa mga kamag-anak na nakapanayam ni Cruz, ay nagngangalang Trinidad.
Sa pormal na pag-aaral ni Baltazar, nag-aral siya ng Canones sa Colegio de San Jose noong taong 1812. Ipinalagay ni Cruz na nag-aral marahil muna si Baltazar sa Colegio de San Juan de Letran ng mga kursong kailangan para makapag-aral ng Canones. Mga pag-aaral sa “Gramatica Castellana, Gramatica Latina, Geografia, Aritmetica, at Fisica.”
Sa Colegio de San Juan de Letran, nagsimula nang magsulat si Baltazar ng mga tula. Dito niya kinuha ang kaunting pera at kita niya, sa mga pagsusulat ng mga tula para sa mga kamag-aral niya. Kumuha din siya ng ilang trabaho bilang tagapagsulat sa hukuman o kaya sa pamunuang bayan noon.
Ipinalagay ni Cruz na naging kakilala niya ang ilan sa mga bantog na manunula sa Tondo at Bulakan. Isa sa mga kilala na manunula noon ay si Huseng Sisiw. Siya ang nilalapitan ng mga nakababatang manunula, kasama na si Baltazar, para ipaayos ang nagawang mga tulang pag-ibig. Sinasabi na naging guro ni Baltazar sa panunula si Baltazar. Naging malapit daw ang dalawa, ayon sa mga nakapanayam ni Cruz. Ngunit nagkaroon ng away ang dalawa. Nagdamdam si Baltazar nang hindi inayos ni Huseng Sisiw ang ginawang tula ni Baltazar.
Noong taong 1835 o 36, lumipat si Baltazar sa bayan ng Pandakan at nakitira sa isang Pedro Sulit. Doon niya nakilala si Maria Asuncion Rivera at si Magdalena Ana Ramos. Ngunit nilinaw ni Cruz na hindi naman talaga taga-Pandakan si Magdalena Ana Ramos.
Niligawan ni Baltazar si Maria Asuncion Rivera ngunit nagkaroon daw siya ng karibal. Kaya raw siya dinakip at kinulong ng ilang araw.
May mga nagsasabing sa pagkakakulong sa Pandakan sinulat ni Baltazar ang “Florante at Laura.” Ngunit nilinaw naman ni Cruz na malabong dito sa panahong ito sinulat ni Baltazar ang “Florante at Laura” pero dinahilan niya na sa karanasan ni Baltazar sa kulungan na iyon hinango ang “Florante at Laura.”
Sa “Kay Celia” naman ay pinatunayan ni Cruz na si Maria Asuncion Rivera nga ang tinutukoy na M. A. R. sa tula. Ayon ito sa mga nakakakilala sa kanya na mga taga-Pandakan na nagsasabing Celia ang palayaw ni Maria.
Umalis si Baltazar sa Pandakan noong taong 1838 at bumalik ng Tondo sa taong 1840. Hindi alam ni Cruz kung saan namalagi si Baltazar sa panahong bagitan ng taong 1838 at 1840 pero ipinalagay na sa Tondo na rin nilipas ni Baltazar ang panahong iyon.
Noong taong 1840, naging kawani si Baltazar sa isang juez de residencia sa Balanga, Bataan. Dahil sa katungkulang iyon ay napalakbay siya sa mga karatig bayan ng Balanga. Isa na sa mga bayang iyon ay ang Udyong kung saan nakilala ni Baltazar ang kanyang mapapangasawang si Juana Tiambeng. Pinapatunayan ito ng isang kasulatan mula sa kura ng Udyong, si Padre Primitivo Baltazar.
Permanente nang lumipat sa Udyong si Baltazar at nagkaroon ng labing isang anak sa kanyang asawa. Pito ay namatay na habang ang ang apat ay buhay pa noong unang nilathala ang aklat. Ang mga pangalan ng apat ay Ceferino at Victor, Isabel at Silveria.
Sa kanyang pamumuhay sa Udyong, natanggap ni Baltazar ang ilang mga posisyon o katungkulang bayan kagaya ng pagiging Teniente Primero, Juez mayor de sementera, at iba pa.
Ngunit nabilanggo ulit si Baltazar sa bayan ng Udyong noong taong 1856 o 1857. Nasakdal siya sa pataw ng pagputol ng buhok sa isang alilang babae ni Alferes Lukas, isang mayamang taga-Udyong. Nakulong siya sa bilangguan ng Balanga ng anim na buwan at ang pinatuloy ang kanyang pagkakakulong noong 1857 o 1858 sa bilangguan ng Maynila, na matatagpuan noon sa Tondo. Lumabas siya ng bilangguan noong taong 1860.
Habang nasa loob ng bilangguan, ay sumulat ng maraming mga dulang moro-moro si Baltazar. Ipinalabas ang ilan sa mga ito sa “Teatro de Tondo.” Sa pagkakalabas ay nagpatuloy na magsulat ng tula at dula si Baltazar hanggang siya ay mamatay noong ika-20 ng Pebrero, 1862. Pinapatunayan ito ng isang kasulatan mula sa kura ng Udyong.
Isa lang daw ang bilin ni Baltazar sa kanyang asawa, pinagbawalan niya ang kanyang mga anak na magsulat ng tula.
Pagkamanunula ni Baltazar
Para kay Cruz, “Ang tunay na uri ng tula ay di [lamang] nakikita sa pagtutugma-tugma ng mga pangungusap, kundi sa ubod at pinakalalaman nito.” Ang mga katangian na ito ay makikita sa mga sinulat ni Baltazar at sa “Florante at Laura.” Puno ng mga nilalaman at mga kuro-kurong nababagay para sa pangangailangan ng panahon ni Cruz, lalo na noong himagsikan. Iyon ay ang pagkakapantay-pantay ng mga lahi.
Pinapatunayan din ni Cruz ang galing ni Baltazar. “Hindi lamang sa inam ng pangungusap at katotohanan ng mga sinasabi, ay ang mainam na paglalarawan, talas ng isip at paglalagay ng palamuti sa mga damdaming dalisay.”
Maraming sinulat si Baltazar. Ngunit dumating sa punto na sa sobrang dami ng kanyang sinusulat sa napakaikling panahon, kinailangan niya ng dalawang taga-sulat. Dinidiktahan niya ang mga taga-sulat, ang isa ay sinusulat ang isang komedya habang ang isa ay sinusulat ang isang tula.
Binanggit din ni Cruz ang pinanggalingan ng mga moro-moro. Ipinaliwanag na isa itong banyaga at Kastilang dinala dito sa Pilipinas. Ngunit hindi lamang isang gaya ang “Florante” sa mga libros de caballeria. Isa itong orihinal na gawa na walang kapareho.
Naniniwala din naman si Cruz na nauuna at maaga si Baltazar at ang sinulat niya kumpara ibang nasulat sa kapanahunnan ni Baltazar. Tumiwalag siya sa mga palatuntunan. Sa sobrang nauuna ang “Florante at Laura” sa nilalaman, tinuya ang katha ng mga manunulat noong una itong inilabas. Gumagamit kasi ang “Florante at Laura” ng mga imahen at bagay na hango sa Istorya at Mitolohiya, dalawang disiplina na hindi agad maiintindihan ng mga mambabasa.
Sa mga panahon din ni Cruz, maraming mga manunulat ang naglitawan at nagsusulat. Ngunit, para kay Cruz, hindi nila mapantayan si Baltazar. Kahit na mayroong laman ang kanilang sinusulat, kagaya nang kay Baltazar, wala silang “tamis at hinhin” sa pagsusulat ng kanilang Tagalog.
Ang “Florante at Laura” ay hango sa buhay ni Baltazar. May sinasabi ang katha tungkol kay Baltazar. Sabay noon ay mga katotohanan tungkol sa lipunan na totoo sa ano mang panahon.
Pagpuna
Maganda ang simula ni Cruz sa unang kabanata. Pinatotoo muna niya kung saan hinirang si Francisco Baltazar at kung alin nga ba sa dalawang apelyido, Balagtas o Baltazar, ang tunay na pangalan ng kumatha ng “Florante.” Mahalaga na masagot ang mga tanong na ito para sa pagbabasa ni Cruz. Ginagamitan kasi niya ng socio-historikal at hermenutikal na pagbabasa ang “Florante at Laura.” Socio-historikal dahil ginagamit nila ang lipunan at kasaysayan para sa kanyang pagbabasa ng "Florante at Laura." Hermenutikal dahil naghahanap ng mga sagot si Cruz gamit ang pagbabasa ng "Florante at Laura." Nagawa ng mga ugnayan si Cruz sa may-akda at sa akda at lipunan at ipinapalagay na tama ang kanyang pagbasa. Mayroong pinagmulan ang akda, iyon ay ang manunulat at ang lipunan nito. At may epekto ang akda sa hinaharap.
Maganda ang pagkakasaliksik ni Cruz para masagot ang maraming mga tanong tungkol kay Baltazar. Nakakuha siya ng mga kasulatan at mga panayam mula sa mga kamag-anak ni Baltazar at mga nakakakilala sa manunulat. Ang mga ito ay mga konkretong mga katibayan para sa kanyang mga hypotesis.
Ngunit hindi tuluyan ang paggamit niya ng mga konkretong katibayan kagaya ng mga kasulatan. Gumagamit si Cruz ng mga pagbasa sa “Florante at Laura” upang bigyang “kasaysayan” ang buhay ni Baltazar. Naiintindihan ko ang ganitong pagsalalay sa pagbabasa. Hermenutikal ang nakasanayan na ni Cruz kaya madaling paniwalaan ang mga nakagawiang pag-intindi sa akda at ang relasyon nito sa may-akda. Isang salamin, dapat, ng akda ang karanasan ng may-akda. Ngayon, hindi uubra ang ganyang pagsasakasaysayan dahil may mga pagbabasa ngayon na hindi man lamang binabanggit ang may-akda.
Marami ding mga pagpapalagay si Cruz sa ilang mga detalye. Nagpapalagay siya na totoo ang isang haka-haka kapag malabong mangyari ang isa. “Mahirap paniwalaan na mangyari iyan. Marahil ito ang nangyari” ang kalimitang lohika niya. Problematiko ito dahil hindi inaalalayan ng di magkakamaling katibayan ang mga hypotesis.
Nagpatuloy ang socio-historikal at hermenutikal na pagbabasa ni Cruz sa sumunod na kabanata. Hindi tinitingnan ni Cruz ang mga tugmaan ng “Florante at Laura.” Mas binibigyang halaga niya ang nilalaman ng tula.
Hinambing muna ni Cruz si Baltazar sa mga kapanahunan ni Baltazar. Nakakalamang daw si Baltazar pagkarating sa nilalaman dahil ang mga aral at kuru-kuro na ibinigay ni Baltazar ay magagamit sa mga darating na panahon. Dahil dito, hindi na lamang isang manunula si Baltazar, nagiging siyang isang propeta na may dakilang mensahe.
Hinambing naman ni Cruz ang mga manunulat ng kanyang kapanahunan at si Baltazar. Para sa kanya, pantay-pantay ang kanilang mga nilalaman ngunit mas nakakalamang si Baltazar dahil sa galing nito sa Tagalog. Problematiko ang paghahambing na ito sa sanaysay dahil walang mga diretsahang paghahambing si Cruz. Sinasabi lang niya na mas maganda ang Tagalog ni Baltazar ngunit walang malinaw na batayan.
Kasama din ng paghahambing ni Cruz sa mga ka-kontemporaryo niya kay Baltazar, nalabas ang nasyonalistang pagkiling ni Cruz. Ginagamit ni Cruz si Baltazar bilang halimabawa ng isang tunay na Pilipino, matalino at mayroong sariling paniniwala. Kapareho ito ng uri ng nasyonalismo ni Epifanio de los Santos. Mga Pilipinong binubuo ang sariling bansa at sariling kapalaran.
Inihambing din ni Cruz ang “Florante at Laura” sa mga “orihinal” na moro-moro. Hindi lamang daw isang panggagaya ang “Florante at Laura,” isa itong tunay na nag-iisang gawa na walang hambing mula sa mga Kastilang orihinal. Nakakatuwa ang bahaging ito dahil may tunog ito ng post-colonialism. Hango marahil ito sa nasyonalistang pananaw ni Cruz. Halata na ginagamit si Francisco Baltazar bilang isang mapang-isa at mapagbuklod na simbolo kumpara ng naging imahen ni Jose Rizal.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
4 (na) komento:
thank you for posting such an information in your blog .. it's a big help for us students especially now that we are beginning to undertake "Florante at Laura" and now that we have to make a research about Francisco "Balagtas" Baltazar .. Thank you and God Bless!! ..:D
malakaing tulong tlga to, lalo na ngayong 2nd year n kami! lahat po kasi ng impomasyon na kailangan ko s research ko ay nandito na! SALAMAT po!
Salamat. Hulog ng langit ang masinop na artikulong ito.
Hulog ng langit ang artikulong ito.
Mag-post ng isang Komento