Nagkaroon ng General Assembly kanina para sa Fine Arts Festival para sa 2006. Kahit na matagal-tagal pa ay gusto na naming paghandaan ng mabuti ang huli naming banat sa kolehiyo. Mayroon na kaming napag-usapan pero wala pang mga bagay na kailangang gawin agad. Puro mga plano palang ang nagagawa namin pero mukhang alam na naman namin ang mga kailangang gawin.
Pagkatapos ng GA ay umuwi ako ng San Pablo. Wala kasi akong klase ng Sabado. Sasamahan daw ni Sir Mike ang ina niya sa ospital. Pero bago ako umuwi ng San Pablo, dumaan muna kami sa Binangonan. Mayroon kasing inuman si Dad kasama ng isang mga kaibigan niya doon sa bayang kinalakihan niya. Paalis na muli kasi ang isa sa kanyang kaibigang balikbayan balik ng Amerika. Doon ko muli nakita si Evan, yung sanggol na pinsan ko. Tumataba ata yung batang iyon.
Pauwi ay nakabangga kami ng isang aso sa may Alaminos. Biglaang patakbong tumawid ang aso mula sa aming kaliwa. Bago pa may nagawa si Kuya Adong, natamaan na namin ang aso. Gumulung-gulong ang aso papunta sa kabila ng kalsada, kumakahol at humihiyaw. Hindi namin alam kung namatay ang aso pero mukhang buhay na iyon pero baka malubha ang tama. Nakakaawa pero wala kaming magagawa.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento