Mainit ang sikat ng araw. Maraming mga taong naglalakad sa tabi ng mga riles. May mga dumaan na tinutulak na sasakyan. Naglalaro ang mga bata ng jolen sa labas ng mga bahay na gawa sa mga yero at kahoy. May mga binatang naglalaro ng bilyar sa isang bahay. May mga umiinom na lalaki ng softdrinks sa isang sari-sari store na pitong talampakan ang layo sa riles. Ngunit hindi ito ang riles sa Sampalok, Maynila kung saan ginanap ang Riles. Ito ang riles sa San Pablo, Laguna.
Hindi ang pelikulang “Riles” ang una kong karanasan sa isang riles. Kaya hindi ko masasabi na sobra ang gulat o pagmulat ko sa aking panonood ng “Riles.” Noong makita ko ang ang mga panimulang eksena ng pelikula, wala marahil dating sa akin iyon. Pero iba kung makikilala mo ang isang tao ng mas masinsinan.
Naging bahagi ako ng isang immersion kasama ang mga kamag-aral ko sa mataas paaralan. Nakisama kami sa ilang mga pamilya na nakatira sa riles. Nakakahiya pero hindi na natatandaan ang pangalan ng pamilya na nakasama ko. Mahina talaga ang aking alaala pagdating sa pangalan. Pero naaalala ko pa ang dalawang batang babae, ang ate nilang hindi pa nakakatungtong ng dalawampung taon na mayroon na agad na sanggol at batang lalaki na nag-aaral sa kanilang magkakapatid.
Mali siguro kung paghahambingin ko ang dalawang riles sa pelikula at sa naranasan ko. Sa, totoo lang wala naman talagang pinagkaiba ang dalawang riles sa isa’t isa. Mas madumi at mas matao marahil ang riles nina Mang Eddie at Aling Pen. Pero naan doon pa rin ang mga parehong problema, parehong mga alanganin.
Hindi ko marahil alam ang kahalagahan ng karanasan kong iyon. Hindi naging mahirap ang karanasang iyon sa akin para lubusan talagang imulat ang aking kamalayan. Hindi ko nakita ang pang-araw-araw na suliranin nila. Nakita ko ang mga ngiti at tawa noong nakipag laro ang mga bata sa akin. (Sumasampay sila sa akin, nagpapabuhat at nakikipaglaro.) Ngunit naiintindihan ko, pagkatapos ng kaunting pagmumuni-muni, ang kagandahan ng aking posisyon at ang mga problema sa lipunan.
Tinutulak ng karanasang iyon na may gawin ako pero paano ko ba talaga matutulungan ang iba? Hindi ko pa talaga alam ang aking sarili at lalo na ang mga posibilidad. Isa lang akong hamak na mag-aaral na kaunti ang kapangyarihan. Pero hindi mahalaga iyon. Kaya kong lampasan iyon. (At sana malampasan ko.)
Kaya noong napanood ko ang pang-araw-araw na buhay nina Mang Eddie, Aling Pen at ang kanilang pamilya, handa na ako sa mga makikita ko. Pero may ibang dating sa akin ang karanasan. Hindi ang kanilang sitwasyon lang ang nakikita ng mga manonood, sila at ang kanilang mga personal na damdamin ang matutunghayan ng mga tao. Makikita kung gaano kahirap ng paglalako ng Mang Eddie ng balut ngunit hindi lamang iyon ang nakikita. Makikita ang mga away nina Mang Eddie at Aling Pen. Ngunit makikita rin ang mga ginagawa nila para makalimutan o gumaan ang paghihirap nila. (Ang mga pag-inom ni Mang Eddie at pag-awit ni Aling Pen.)
Iyon marahil ang ideya sa likod ng pelikula. Ang mga personal na karanasan ng mga taong nasa gitna ng kahirapan. Mahirap tanggapin na naging mahirap sina Mang Eddie at Aling Pen sa buong buhay nila. Mahirap din na maintindihan na hindi pa rin sila sanay sa kahirapan. Hindi naman tama na sabihin iyon. Bilang bahagi ng kanilang facticity at isang di magandang pamumuhay, maiintindihan na gusto nilang lampasan ang kanilang kasalukuyang kalagayan. Gusto nilang guminhawa ang buhay, umalis sa riles at magkaroon ng sariling negosyo.
Pero alam nila na hindi nila kayang gawin iyon ng mag-isa o iwanan ang isa’t isa. Kaya kahit na nag-aaway sina Mang Eddie at Aling Pen, hindi sila naghihiwalay. Lampas doon ang kanilang pag-ibig. Kaya ng tunay na pag-ibig, magkasama sila sa kanilang buhay. Lahat ng dusa ay pinaghahatian nila pati na rin ang lahat ng suwerte sa buhay.
At kahit na nag-aaway sila, kita na may diyalogo sa pagitan nina Mang Eddie at Aling Pen. Naiintindihan nila ang isa’t isa at bukas sa isa’t isa, kahit na nahihirapan si Mang Eddie na gawin ang kagustuhan ni Aling Pen. Tunay ngang magkaagapay sila sa buhay. Hindi lamang sila umiiral, nabubuhay sila para sa isa’t isa.
Iyon siguro ang mahalaga, pag-iral kasama ang iba. Mahalaga ang pag-iral, mahalaga ang buhay. Kaya mahalaga din na makibahagi sa pag-iral ng iba at isama ang iba sa ating pag-iral. Lumalampas ka sa sarili nararanasan natin ang mga bagay na hindi natin basta-basta mararanasan ng mag-isa.
Hindi ko alam kung handa ako ngayong lumampas sa aking sarili at makasama ang iba. Ngunit alam ko na kaya kong gawin iyon at mamumulatan din tunay na katotohanan sa pag-iral at buhay kung magiging bukas ako para sa iba.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento