Putsa. Nakakasira ng ulo ang Deconstruction. Pinag-uusapan namin kanina ang haliging ito ng teorya sa panitikan sa Fil105. Hindi ko pa rin lubusang naiintindihan ang teoryang ito. Pagkakaintindi ko, ang mga materyal na bagay ay ginagawang isang "sign" na nagiging bahagi ng "semantic web." Ang "sign" ay nahahati sa "signified," ang binibigyang simbolo at "signifier," ang simbolo para sa signified. Ang "semiotic web" naman ay binubuo ng mga koneksiyon sa pagitan ng iba't ibang "sign" sa isa't isa at ang mga koneksiyon ng mga "signified" at "signifier." Gets? Hindi? Kita mo na.
Para sa Deconstruction, walang simula at katapusan. Lahat ay bahagi lamang ng "semiotic web." Ang isa ay konektado sa isa, sa isa, sa isa. Parang sapot. Pwedeng mong puntahan ang isang "sign" patungo sa isa pang "sign" sa kung ano mang direksiyon o kombinasyon.
Problema dito sa Deconstruction, mahirap magkaroon ng isang pulitikal na pananaw dahil wala kanaman talagang pananaw e. Kung walang paghahati sa mga ideya at kaalaman, wala na rin sigurong paghahati sa pulitika? Kung Deconstruction ang pananaw mo, wawasakin mo ang sistema pero ano ang ipapalit mo? Ang kawalan? Wala kasing isang konkretong kaganapan sa mundo ang Deconstruction. Mula sa tunay na mundo ang lahat na nagiging bahagi ng web ay nagiging linguistic. Totoo pero hindi mo mahahawakan. Parang "ideal" ng mga Griyego.
Ewan ko kung tumpak ang aking pagkakaintindi. (Marahil ay hindi.) Kailangan ko pang magbasa para maintindihan ito. Deconstruction lang ito. Wala pang post-modernism.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento