Kamuntikan na akong manakawan kanina noong papunta akong MRT. Papunta akong Makati para sa lingguhang pagkikita sa Glorietta ng pamilya. May isang lalaking kumalabit sa akin habang naglalakad ako sa may Aurora-Katipunan. Kinausap niya ako. Sabi niya na mayroon daw bubugbog at papatay sa akin "doon" at tinuro niya ang daan papuntang MRT. Pinagkamalan daw akong kamag-anak ng isang kung sino man siya. Tapos ay hiningi niya ang aking ID na syempe ay hindi ko ipinakita kasi hindi ko dala. At bakit ko naman ipapakita sa kanya, di ba? At noong ipinakita niya ang kanyang "patalim," na mukhang maliit at natitiklop na gunting. At noong tinanong niya kung magkano ang dala kong pera, doon ko na nakuha na hinoholdap niya ako.
Kakaiba ang asta niya. Pinipilit niya akong matakot. Palagi niyang sinasabi, "Ayaw ko ng skandalo. Huwag kang pupunta 'doon.'" Sinasabayan pa niya ng pag-akbay sa akin para hindi ako makalayo sa kanya. Takot ang kanyang ginamit para ibigay ko sa kanya ang pera ko.
Pero hindi ako nagpaloko. Natakot ako, oo. Pero hindi natakot na, "Naku, anong gagawin ko? Anong gagawin ko?" Isang takot iyon na "Ninanakawan ako! Tatakbo ako!" Kaya iyon ginawa ko. Pinakawalan ko ang sarili ko mula sa kanyang akbay nagsimulang tumakbo papuntang MRT station. Napag-isip-isip ko na ginawa ko ang isang bagay na mismong ayaw niyang mangyari, ang tumakbo ako. Nang magsimula akong tumakbo ay hindi na niya ako hinabol o sinundan.
Pagkarating ko sa MRT station ay sinabi ko agad sa security kung ano ang nangyari. Puno pa rin ng adrenaline ang katawan ko at pinilit na maging maliwanag ang aking pagpapaliwanag. Naalala ko na nakita ko siyang lampasan ako sa isang banda ng Katipunan. Inunahan niya ako, tumigil sa isang tindahan, tiningnan ako, hinayaang lumampas sa kanya, at, sa aking hula, sinundan muli ako. Mukha siyang bangag, hindi pantay ang kanyang pagsasalita at halatang nagsisinungaling. Sinabi ko sa security kung ano ang hitsura ng lalaki at nagpatuloy sa aking paroroonan.
Medyo napraning ako kaya kaba akong nakasakay sa MRT. Tinitingnan ko ang mga tao na kaduda-duda at nalayo sa kanila. Hagang makarating na nga ako sa Glorietta pero hanggang ngayon ay bangag pa rin ako sa adrenaline. Wow. Alam ko na kung ano ang pakiramdam kung pagpiliin ka ng iyong buhay o pera. Pinili kong tumakbo. Ang duwag!
At alam ko na din kung bakit "hold up" ang tawag doon kasi talagang pinatitigil ka, hinohold ka para manakawan ka. Sana ay binugbog ko na lang siya gamit ng aking payong. Hindi ko napakita ang aking "radical arnis skills." Pinakitang gilas ko lang na kaya ko pang tumakbo ng matulin. Hindi ako isang lampang duwag!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
6 (na) komento:
grabe mitch. buti di kinuha ang iyong magandang cellphone. ang lakas din ng presence of mind mo ah... asteeg. bilib ako sayo. ano sabi sayo ng parents mo?
Ang galing ko daw tumakbo. hahaha
idol na ni yumi si mitch :P
Mag-post ng isang Komento