Lunes, Setyembre 06, 2004

Bakit?

“Bakit?” Isang tanong na napakahirap sagutin. Talaga. Sobra. Hirap. Lalo na noong tinanong ko ang sarili ko noong naglalakad ako papunta sa istasyon ng MRT. Pero dahil napakahirap nga ang tanong na ito, tumigil na ako sa pagmumuni-muni at tinanong ko ang sarili ko ng ibang tanong. “Bakit napakahirap sagutin ang tanong na ‘bakit’?”

Bakit nga ba napakahirap sagutin ang tanong na “bakit?” Marahil, kailangang tanungin kung saan patukoy ang tanong. Sa isang gawa ba? (Bakit ko ito ginawa?) O sa isang pangyayari? (Bakit ito nangyari?) Makikita na ang dalawang tanong ay malapit dahil ang isang pangyayari ay dulot mula sa grupo o pagkakasunod-sunod na gawa. Kaya ang sa huli ay iisa lamang napatutukoy ang tanong na “bakit?” at iyon ay sa mga gawa, ang dahilan o mga dahilan ng mga gawa.

Paano ang dahilan sa buhay? Sa totoo lang ay napakalapit ng dahilan ng gawa at dahilan sa buhay dahil kung pagsasamahin mo ang mga gawa ay makakakuha tayo ng isang larawan kung sino tayo bilang mga sarili. Hindi malayo ang dahilan natin sa buhay sa dahilan natin sa gawa dahil nabubuhay tayo sa ating mga gawa. (Mala-Fr. Dacanay.)

Magulo ang dahilan ng mga gawa. Walang iisang dahilan para sa karamihan ng mga gawa. Lalo na sa mga dahilan kung saan malay tayo at hindi tayo malay. Kaya mahirap hanapin ang dahilan at sagutin ang napakahirap na tanong.

Pero marami nga bang mga dahilan sa ating mga gawa? May iisa bang malakas at dakilang dahilan para sa gawin ang ating mga ginawa o talagang may komplikadong mga dahilan sa ating mga gawa?

Kaya siguro binibigyan natin ng halaga ang mga biological na mga dahilan sa ating mga gawa para masagot ang unang tanong. Mga genetical na dahilan kung bakit pumapatay ang ilan. Mga psychological na dahilan para malaman kung bakit malungkutin o depressed ang ilan.

Pero, sa tingin ko, kaya ultimong napakahirap sagutin ang tanong na “bakit?” ay dahil sa ating pagkakaiba sa iba. Iba ang ating sarili sa iba at ang bawat tao sa atin. Iba ang katabi ko sa MRT sa mga guwardiya sa pasukan at bukana ng istasyon kagaya ng pinagkaiba ko sa lahat ng taong nagbabayad sa bataran ng ticket. Iba-iba kasi ang pakikitungo natin sa iba at kasama na rito ang pagkakaiba ng mga dahilan ng ating mga gawa. Kailangan nating tanggapin na ang ating mga gawa ay hindi lamang mga nakakaapekto sa ating sarili, ang mga gawa ay nakakaapekto sa iba sa isang direkta o di-direktang paraan. Kaya relatibo at subhektibo ang ating mga dahilan. Malay man tayo o hindi sa ating mga dahilan, mapapansin na iba’t-iba at marami ang mga dahilan natin sa ating mga gawa dahil iba’t-iba ang mga taong pinatutunguhan ng ating mga gawa.

Kaya ang tanong na “bakit?” ay hindi lamang isang tanong patukoy sa sarili kundi isa ding tanong patukoy sa ating pakikitungo at pakikisama sa iba. Pero napakahirap bang malaman ang kalagayan ng ating pakikitungo sa iba? Sa tingin ko ay mahirap lalo na sa isang mundong urban o lungsod kung saan mahirap nang husgahan pakikitungo sa iba. Sa dami-dami ng mga taong kasama natin dito sa napakalaking mundo ng lungsod at siyudad. Halos sandali lamang ang mga pagkilala sa iba. Kaya napakahirap.

Mahahanap siguro natin ang sagot sa tanong na “bakit?” sa ating pakikitungo sa pamilya at mga kaibigan dahil sila ang mga taong matagal at malalim ang ating mga pakikitungo. Marahil, sa kanila ay makikilala natin kung sino tayo at malalaman natin ang ating mga “bakit” o dahilan hindi lamang sa gawa kundi marahil ay sa buhay na rin natin.

Walang komento: