Biglaan ang buhos ng ulan. Hindi inaasahan ng aking isang kaklase na uulan. "Pare, mukhang sayang iyang pagdala mo payong," banggit niya sa akin. Mukha nga namang hindi uulan noong magsisimula pa lang ang klase namin sa teolohiya. Paglabas namin ay nagulat na lamang ang iba sa alulong ng ulan. Mula SEC B ay pumunta ako ng CTC. Doon ay nasalubong ko ulit ang kaklase kong nagbanggit na hindi ko na kakailanganin ang aking payong. "O ano? Hindi ko na kailangan ang payong ko?" sabi ko sa kanya. Nagtawa lamang kami at inamin naman niyang nagkamali siya.
Papunta ng overpass mula CTC, walang epekto ang payong ko. Ang ulo ko lamang ang hindi nabasa. Mula balikat pababa, basa. Mabuti na lang at hindi ko dala ang aking backpack. Kung dala ko iyon, halos lahat ng aking mga libro, mga babasahin, mga papel, at mga gamit ay nabasa. Halos hindi ko makita ang aking dinadaan dahil sa ulan at sa kasabay na hampas ng hangin.
Basang-basa na ako nang dumating ako sa overpass. Ang aking sapatos at medyas ko ay sobrang basa, mistulang naglalakad ako sa baha ng kahit na tuyo ang aking nilalakadan. Mula Ateneo ay tinawid ko siya ngunit ang kabilang dulo ay binabaha na. Dahil basa na rin naman ako, tinawaid ko na ang tabing daan papuntang Jollibee. Ngunit sa sobrang lakas ng ulan ay hindi ko na hinamak ang pagdaan sa ibabaw ng baha at naghintay na lamang ako sa bukana ng National Bookstore. Alas tres y medya na noon.
Kaya naandoon ako, naghihintay na tumila at bumaba ang baha. Nababasa pa rin ako ngunit mas maganda na iyon kaysa lumangoy sa bahang hindi mo alam kung gaano ka dumi. Ganoon din ang iniisip ng karamihang nasa loob ng tindahan ng mga libro. Titingin sa labas at magugulat sa baha at, pagkalipas ng ilang sandali, papasok na muli sa katuyuan sa loob. Hindi na ako pumasok dahil nga basa na ako at malamig sa loob. Mas magkakaroon ako ng sakit doon kaysa sa kinalalagyan ko na.
Tudo buhos pa rin ang ulan at pagkalipas ng kalahating oras ay hindi na maaaring makaalis ang mga nakatigil na sasakyang naka-park sa tapat ng mga tindahan. Ang mga ilan na naghihintay sa loob ng mga nasabing kotse ay nagsipaglabasan na. Karamihan ay pumunta sa Jollibee at NBS. Halos umabot na sa kinalalagyan ko ang taas ng baha.
Nakakatuwa ang sitwasyon. Ang mga batang kalye nagsisipaglanguyan sa baha habang umiiwas ang ibang mga tao sa ulan at baha. Nagmistulan silang malaya habang kami ay naging preso ng malamig na mga butil. Sila naglalaro, naghahabulan, nagtatampisaw, at nagsasaya sa kayumanging tubig.
Dahil sa nagbabantang baha, napilitang maglagay ang mga taga-National ng mga harang. Naglagay sila ng dalawang mahabang kahoy na may ilang pulgadang haba. Patabi itong nilagay babang nilagyan ng tatlong sakong puno ng buhangin sa magkabilang dulo at gitna ng dalawang kahoy bilang suporta. Gumana naman at sa likod ng harang na ito ay napoprotektahan naman nila iyon. Ngunit sa sobrang lakas ng ulan ay kinulang ang kanilang nigay na harang. Kaya nagdagdag sila ilan pang kahoy at ng mga kariton para hindi sumingit ang tubig. At mula noon ay hindi na nagbanta ang bahang pumasok sa loob ng tindahan.
Walang makadaan na mga kotse dahil sa sobrang lalim ng tubig, lalo na sa tabi na papunta sa direksiyong papuntang fly-over. Nagkumpol-kumpol sila sa mababaw na parte ng baha at naghintay na lamang. Ang ibang hinamak ang tubig ay, kung hindi man tumila sa gitna, nahirap sa pagtawid sa malalim na tubig. Nakakaasar ang mga dumadaan na mga kotse kasi nakakagawa sila ng alon na bumabasa sa amin. Kaya kahit na hindi na tumataas ang baha ay kinakailangan pa ring nakatayo ang harang.
Humina na ang ulan pagkatapos ng isang oras kong paghihintay sa tapat ng National. Dito nagsimula nang magtrabaho ang mga tao kalye. Tinutulungan nila ang ilang mga taong makatawid papuntang overpass o kaya ay nagtutulak sa mga tumirik na kotse. Ang mga lalaking kasama kong naghihintay ay humingi naman ng tulong sa mga batang linisin ang drain.
"Boy, halika," sabi ng isa.
"Gago, wala ka namang perang pambayad diya eh," biro ng isa pang lalaki.
"Dali! Halika," patuloy ng naunang lalaki.
"Bakit?" sagot ng batang basang-basa.
"Punta ka doon sa butas at tanggalin mo iyong basura," sagot naman ng lalaki. "Sige na, bibigyan kita cellphone," pabiro niyang sumbat.
Tinawanan ko at ng mga kasama ko ang usapan nilang dalawa.
Pagkatapos ng isa't kalahating oras ay marami nang hinahamak ang baha. Madaming dumadaan sa tapat ng NBS. Ilan dito ay mga mag-aaral ng Miriam. Mukhang mga mag-aaral sa mataas na paaralan at kasama nila ang ilang mga mag-aaral ng mataas na paaralan ng Ateneo. "Kadiri!" sigaw nila pagkatapos nilang umahon. Kung kadiri, bakit pa sila lumusong. Kaya pinagtatawanan na lang namin sila. May isa namang lalaking nag-angkas ng isang babae. Pagkatapos makarating sa NBS ay bumalik siya sa pinanggalingan upang buhatin naman ang isa pang babae. "Namumutala ka na!" pansin ng isa pang lalaking kasama.
Bumaba-baba na ang baha, ako naman ang humamak sa baha. Lampas ng bangkong HSBC ay kaya ko nang maglakad sa hindi lubok na tabing-daan. Malamig sa paa ang tubig pagkatapos kong umahon. Hindi ko namalayan na hanggang tapat ng Kenny Roger's ay umabot ang baha kahit na hindi ganoong kataas. Matindi na ang trapik nang pumasok na ako ng condo. Marami pa rin ang hinahamak at humahamak sa baha pera kahit na kayang tawirin, hinahamak ka lamang ng baha.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
1 komento:
Mag-post ng isang Komento