Linggo, Hulyo 18, 2004

Ang Daming Ginawa...

Madami akong ginawa ngayong linggong ito. Humahagupit na ang mga gawain para sa paaralan. Sulatin dito, sulatin doon. Kakatapos ko nga lamang ng aking mapagmuni-muning papel para sa pilosopiya at teolohiya. Dapat ay ginagawa ko na rin ang aking mga maiikling kuwento para sa malikhaing pagsulat sa filipino at nandiyan din ang drama seminar. Hay.
 
Pero nagkaroon ako kanina ng munting pahinga. Nanood ako, kasama ng aking pamilya, ng palabas ni Micheal V. Show ko 'to ang pamagat ng palabas. Itinanghal sa Araneta Colesium. Kaya pala walang UAAP game ngayon doon eh.
 
Nakakatuwa. Tipikal na Micheal V. Mga costume at panauhin. Nagtanghal sa entablado kasama si Micheal V. sina Janno Gibbs, Aubrey Miles, Janine Desiderio, Allan K., Wendell Ramos, Rainier Castillo, at Sexbomb Dancers. Puro pagpapatawa ang palabas. Hindi ko siya masasabing seryosong concert pero nakakaengganyo at makakatuwa pa rin kahit papaano.

Walang komento: