Kinailangan kong manood ng isang dula na itinatanghal sa Tanghalang Huseng Batute sa Cultural Center of the Philippines. Kaya pagkatapos ng klase ko ay tinahak ko na ang daan papuntang CCP.
Ginamit ko ang lahat ng linya ng MRT 3, LRT 2 at ang orig na LRT kasi hindi ko alam kung ano ang mas madaling daan. Kaya mula Katipunan ay bumaba ako ng Cubao. At mula Cubao at dumeretso akong Taft.
Mas halata pala ang polusyon pagkatapos ng isang matinding ulan. Mas kita mo ang itim ng usok sa tambutso. Kaya parang ang dumi-dumi ng pakiramdam ko. Pinapawisan pa ako. Hay. Arte ko talaga.
Mula Taft ay sumakay ako ng original LRT papuntang Vito Cruz, malapit lang ddon ang CCP at ang kahanga-hangang De La Salle University. Pero hindi ako nakababa ng Vito Cruz kasi sobrang puno. Asar. Nagmamadali pa naman ako noon. Kaya kinailangan kong kunin ang pabalik na sakay. Mabuti naman at hindi ganoong ka puno ang kabila kaya nakababa ako ng maayos sa Vito Cruz.
Mula sa istasyon ay naglakad-lakad ako. Walang pinatutunguhan. Diretso ng Taft at sa unang kantong nadaanan ko ay kumaliwa na agad ako. Natatakot ako na nawawala na ako at hindi ko na alam ang aking pupuntahan. Kaya nagtangong ako sa isang padiyak kung saan ang CCP, tinuro niya ako sa orange na jeep na papunta lamang talaga sa direksiyon ng CCP. Wow, ayun lang yung sakayan. Ilang metro lang. Parang akong tinadhanang makarating sa aking pupuntahan. Sumakay ako at bumaba na sa CCP.
Apat na daan ang ticket ngunit may discount ang isang mag-aaral. Pero hindi ko dala ang aking ID kaya nagbayad ako ng buo. Sayang. Pero sulit pa din naman ang bayad kasi maganda ang dula.
Maganda ang Speaking in Tongues. Nakakatuwa ang umpisa, sabay-sabay nagsasalita ang mga tauhan at nagkakaiba lamang kasi iyon ang nababagay sa karakter o ugali ng tauhan. Maganda ang technique. Talagang naipakita ang pagkakaiba ng mga tauhan. Magaling din ang acting. Mga professional eh.
Nakakatuwa din ang banghay kasi halos lahat ng mga tauhan ay kilala ang isa't-isa o kaya ilang degrees of separation lamang. Naisip ko, "Nakahirap namang mangyari ang mga iyon." Pero sasagutin din naman pala ako ng tadhana.
Papauwi ay punong-puno ang MRT. Walang problema ang LRT2, MRT3 talaga ay madami na rin. Yun nga, nakasakay na ako sa Taft at papunta na akong Cubao. Sa may istasyon sa Ortigas punong-puno na ang sasakyan nang may nakita akong pamilyar na mukha. Bumukas ang pinto, nakatayo ako sa tabi nito, may mga lumabas at may pumasok at isa sa mga naghihintay na makasakay ngunit hindi na makasiksik ay ang dati kong kaklaseng si Lea. Hindi ko inaasahan na makita siya. Ganoon lang talaga ang tadahana, hindi mo inaasahan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento