Sabado, Hulyo 10, 2004

Adbentur

Ang say ng araw ko. Nakakapagod nga rin lang.

Pagkatapos ng Fil 119.2, (Pasado na naman aking mga requirements. Galing ko talaga. :P) ako ay kumain ng tanghalian at nagsimula para sa aking munting adbentur.

Sumakay ako ng LRT 2, este Purple Line, dito sa Katipunan. Astig. Nasa ilalim ng lupa siya. Parang subway. Halos hindi ako nakasakay dahil hindi ko alam gamitin yung ticket dispenser. Syempre, obserba lang muna. Tingnan kung paano gumagana ang makina. Pagkatapos kong malaman kung paano makakuha ng ticket (pindot muna kung saan ang pupuntahan bago lagay ng bayad)ay sumakay na ako papuntang Araneta-Cubao.

Nagsimula na ang bagong UAAP season pero hindi iyon ang aking pakay kung bakit ako sumakay ng MRT. Balak kong pumunta ng Greenbelts para manood ng Zatoichi. Kaya nang makarating ako ng Cubao ay madali kong hinanap ang MRT 3, este Blue Line papuntang Ayala. Astig, sa ganoong layo ay nakagastos lamang ako ng kumulang-kulang na 25 piso. Talong-talo ang taxi. Nakakapagod nga lang.

Nakakatuwa ang mga nasakay ng light rail. Walang pansinan. Karamihan ay nag-iisa lamang. Sama-sama kaming naglalabak ng nag-iisa. May mga ilan-ilan na may kasama, ngunit nababalot ng katahimikan ang lahat. May mga sariling mga tingin sa pinaghahatiang bintana.

Intindihin ninyo ang aking lubusang galak. Bihira lang akong gumala ng mag-isa o di kaya ay makahalo ang nakakarami. Layo ako sa karamihan sa lipunan at natutuwa ako kanit sandali ay napabilang ako sa mga masang nakikita ko lamang sa TV o sa likod ng mga bintana.

Hindi natuloy ang aking balak. Alas diyes ng gabi pa ipapalabas ang Zatoichi kaya pinanood ko nalang ang susunod na magandang panoorin, Kill Bill Vol.2. Astig ang Kill Bill. Tunay na magaling si Quentine Tarantino sa kanyang pagkakagawa sa pelikula. Subtle ang mga dialogue at hindi flat ang mga tauhan. Masaya ang katapusan niya. Ayokong magsabi ng mga "spoilers." Panoorin ninyo nalang.

Pagkatapo ng pelikula ay naggala muna ako para mag-shopping. Isang bagay lang ang nabili ko, ang hinahanap kong librong pambata, Love You Forever ni Robert Munsch. Tuwang-tuwa ako dahil ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ako nagsusulat ngayon. Ito, kumbaga sa salita ni G. Serrano, ang aking bee. Isa siya si pinakamagandang kuwentong pambata na naisulat at nailathala. Masayang-masaya ako.

Pagkatapos ng aking pamimili ay tinahak ko na ang landas pauwi. Alas sais na noon. Hindi ko lang inaasahan na maaabutan ko ang rush hour, kung saan naging mistulang sardinas ako kasama ng ibang mga tao.

Sa istasyon sa Ayala ay nakita ko si G. Brion. Ako ay papuntang Cubao at siya ay sa kabilang direksiyon. Kaya mula sa magkabilang plataporma ay nagkakawayan kami.

Papuntang Cubao ay nakita ko ang paglubog ng araw at hindi siya maganda sa totoo lang. Mukhang ang araw mismo ay nasasakal at naghihingalo sa polusyon ng bayan. Namumula at mahinang-mahina.

Pagkarating ng Cubao ay minalas na ako. Nagsarado ng maaga ang Purple Line dahil may "sira" daw. Nakakapagtaka lang dahil kinailangan pa ng humigit kalahating dosenang militar at pulis para sa pagpapasarado ng light rail. Terror threat? Malay natin. Kaya napilitan akong kumuha ng taxi.

Hindi interesante ang pag-uwi ko gamit ng taxi kaya dito nagtatapos ang aking Adbentur.

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...
Naalis ng isang administrator ng blog ang komentong ito.