Martes, Hunyo 03, 2008

The Banquet + 1

1.

Pinanood ko noong Linggo sa DVD ang "The Banquet" na pinagbibidahan ni Zhang Ziyi bilang empress. Komplikado ang relasyon ng mga tauhan sa isa't isa. Mas komplikado pa sa mga relasyon sa "The Curse of the Golden Flower." Ito rin siguro ang nagustuhan ko sa pelikula. Nagustuhan ko ang tunggalian ng mga pagnanasa't saloobin. Nagustuhan ko rin ang cinematography at maging art direction. Kumpara sa "The Curse of the Golden Flower" o ng "Hero," na parehong gumagamit ng matitingkad na mga kulay, gumagamit ng higit na malawak na uri ng mga kulay ang "The Banquet." Bagaman may mga matitingkad na kulay na ginagamit ang pelikula, tinatambalan ito ng higit na malamlam na itim at earth colors. Engrade pa rin ngunit engradeng may bahid ng pagkabulok o decay. At ito naman talaga ang kinalalagyang konteksto ng mga tauhan. Bagaman mga maharlika't nakatataas na uri, bagaman nababalutan sila ng magagarbong damit at napapalibutan ng mamahaling kagamitan, hindi nito matatakpan ang mga pagnanasang nagdudulot ng kapahamakan. Nagustuhan ko ang acting dito. Masalimuot. Maging ang mga fight scenes ay tigib sa emosyonal na kapangyarihan.

2.

Dumaan ako kanina sa Kagawarn para iwan na ang ilang forms at birth certificate ko para maayos na ang mga papeles ko. Hindi pa rin ako makapaniwala na magtuturo ako ngayong semestre. Pero parang mas excited pa ang mga magulang ko kaysa sa akin. Binili pa nga nila ako ng bagong sapatos.

Walang komento: