Lunes, Hunyo 30, 2008

Unbearable Lightness (of being? hindi. wala lang akong magawa.)

1.

Sabay kong binili ang "The Unbearable Lightness of Being" ni Milan Kundera at ang "One Hundred Years of Solitude" noong freshman pa ako. Una kong nabasa ang "One Hundred Years" at madali akong nabighani. Pero tuwing sisimulan ko ang "The Unbearable Lightness of Being," madali akong nawawalan ng gana. Dahil siguro nagsimula ang "Unbearable Lightness" kay Neitzsche. Ewan ko ba, wala pa akong pasensiya sa pilosopiya noon.

Pero nang kamakailangang basahin ko ulit ang nobela, mas may pasensiya na ako at marahil mas tumanda na rin dahil halos wala na ang hirap na nadama ko noong mga unang pagtatangkang iyon. Mabilis ko na ring nabasa ang nobela dahil mas nauunawaan ko ang nais gawin ni Kundera sa kanyang nobela. Nauunawaan ko na kung bakit kailangan niya ng mga digressions. At hindi lamang patalino epek dahil may mabigat na ugnayan ito sa buhay ng mga pangunahing tauhan ng nobela. Nagmumukha ngang pinapansin niya ang mga bagay na naroon naman talaga pero hindi lang madaling mapansin.

2.

Pinanood ko ang "Wanted" at "Get Smart" nito weekend. Pinanood ko ang "wanted" para kay Angelina Jolie (para saan pa ba?) at sa action. Pinanood ko namana ang "Get smart" kasi naalala ko pa ang naunang "Get Smart" lalo na yung pelikula. At medyo disappointing ang dalawang pelikula. Ang labo ng plot ng "Wanted." Ang daming mga bagay na basta na lang nangyari. Pero hindi naman iyon ang habol ko sa pelikula e. OK naman yung action at yung special effects pero parang hanggang doon lang yung pelikula. May pa existential pa ang pelikula ala "Fight Club" pero hindi bumenta sa akin.

Sa "Get Smart," hindi ako sobrang natawa. May mga sandali na nakakatawa ang pelikula pero iyon yung problema. Sandali lang ang mga iyon. Kumpara sa orihinal, TV series man o yung pelikula, hindi kasing consistent ang pagiging makulit ng bagong "Get Smart". Epektibo ang orihinal dahil mas makulit ang pag-spoof at pag-exagerate nito sa mga spy movies at TV shows. Naroon yung tuwa at lugod ng orihinal. Kagaya ng sinabi ko, may mga sandali ang baging "Get Smart" pero hindi madala sa buong pelikula. Marahil hindi kasi kineri ng pelikula ang pangungulit tulad noong sandaling kinumbinsi ni Max Smart na bigyang-pansin ng higanteng henchman ang kanyang asawa. Kaya nagmumukhang hilaw ang pelikula. Kung higit na nirepaso ang script, baka mas nag-enjoy ako.

3.

Maganda ang nabasa kong review tungkol sa "Wall-E" ng Pixar. Kaya hihintayin ko ang paglabas nito sa Pilipinas. Hinihintay ko rin ang "The Warlords" at "The Dark Knight."

4.

Medyo on/off ako sa pagsusulat ko ng mga kuwento. Medyo one track mind ako pagdating sa mga intelektuwal na gawain. Kailangan kong tapusin ang isang proyekto, papel man iyan o kuwento. Pero dahil madami akong libreng oras at natapos ko na ang mahabang papel ko para sa klase ni Sir Mike, sinimulan ko na ulit ang magsulat ng kuwento. Tinangka kong ituloy ang rewrite ko sa kuwentong ipinasa ko noong Ateneo Nationals pero may mga tanong na hindi masagot-sagot at detalyeng hindi pa dumadating sa akin. Ang mas natamaan ako ng inspirasyon ay isang ideya ng kuwentong sci fi. Kaya lang feeling ko hindi ito bagay na gawing maikling kuwentong prosa. Mas natitipuhan kong gawin itong komiks. Pero siyempre hindi ako magaling mag-drowing. Sa ngayon tinatapos ko lang ang outline ng kuwentong ito. Alam ko na ang simula at ending. Yung nasa gitna ang palaging problema ko. At kahit na matapos ko man iyon, kalahati pa lang iyon ng kabuuan. Kailangan ko ng illustrator para tumulong sa akin na buuin ang akdang ito. May interesado ba diyan? Bubuuin ko muna ang kuwento sa isipan ko.

Walang komento: