1.
Natapos ko ang "Sugat ng Alaala" ni Lazaro Francisco. Required reading ko para sa Nobelang Tagalog na tinuro dati ni Sir Vim Yapan. Hindi ko ito natapos noon kaya tinapos ko nito lang. Medyo mahaba kasi ang nobelang ito at mahaba pa ang mga pangungusap at kakaiba ang ritmo at indayog ng mga salita. Hindi katulad ng mga mas conversational at simpleng prosa ng higit na kontemporanyong mga nobela't kuwento. Maganda naman ang wika ni Lazaro Francisco kaya nga lang ay hindi ako sanay sa kanyang istilo.
Umiikot ang nobela sa pag-iibigan nina Felipe, isang auditor, at Nitang, isang guro. Tulad ng maraming mga love story, maraming mamamagitan sa kanilang pag-iibigan, lalo na ang di-pagkakaunawaan at lalong-lalo na ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
May black and white na pagtingin ang nobela sa mga pangyayari iyon ng digmaan. Makabayan. Magigiting ang mga sundalong namatay at lumaban habang traydor at duwag ang collaborator. Hindi kataka-taka ang ganitong posisyon.
Ngunit kakaiba din ang pagtingin ng nobela tungkol sa digmaan at epekto nito sa bansa. Bagaman nagdala ng poot at kasawian ang digmaan sa bansa, tinitingnan ng nobela ang digma na nangyari bilang isang mabuting pagkakatoon upang magsimulang muli. Sa panahon bago ng digmaan, puno ng kuropsiyon ang lipunan. Sa pagdating ng digma, naging malinaw kung sino ang tunay na may mabuting budhi at kung sino ang hindi. Kaya't nagkaroon ng happy ending ang nobela. Dahil ang mabuting si Felipe at matiising si Nitang ay nagkatuluyan na nga.
2.
Natapos ko noong Huwebes ang "Serve the People!" ni Yan Lianke. Nabili ko ito sa airport sa Hong Kong at binili ko dahil sa bold ilalics na nakasulat sa likod ng book cover: BANNED IN CHINA. Kung mababasa ko ang isang nobelang hindi maaaring basahin ng milyon-milyong Tsino sa mainland China, aba bilhin ko na, di ba?
Maikli lang itong nobela. Sinusundan nito ang kuwento ni Wu Dawang at ang kaniyang pakikiapid kay Liu Lian, asawa ng komandante ng kanyang dibisyon. Si wu Dawang ay isang sundalo sa People's Liberation Army at may matinding pagnanasang maging opisyal upang maipadala niya sa lungsod ang kanyang pamilya. Sa maraming mga kasabihang umiiral ng mga panahong iyon, ang katagang "serve the people" o pagsilbihan ang mamamayan. Ngunit ang birtud na itong dapat niyang itinataguyod ay binaluktot nang magsimula siyang manungkulan bilang utusan sa tahanan ng division commander niya. Ang paglilingkod sa pamilya ng division commander ay itinatambis sa paglilingkod sa mamamayan. Kaya't ang pakikipagsiping niya kay Liu Lian ay masasabing pagbaluktot sa mga ideal na dapat sanay tinataguyod niya. Makikita ito sa simula ng nobela kung kailan tinutukso ni Liu Lian si Wu Dawang. At nang tanggihan muna ni Wu Dawang ang mga pahiwatig ni Liu Lian, halos nabaligtad ang paninindigan niya bilang pangunahing sundalo ng kanyang dibisyon. Dahil nagalit si Liu Lian at ang "kawalang-galang" ni Wu Dawang ay isang na ring pambabastos sa mamamayan.
Matindi ang gamitan sa pagitan nina Liu Lian at Wu Dawang at maging sa iba pang mga maliliit na tauhan. Ginagamit ni Wu Dawang ang kanyang pakikipagrelasyon kay Liu Lian upang mapadala ang kanyang pamilya sa lungsod habang tila ginamit ni Liu Lian si Wu Dawang upang magkaanak. Ngunit ang nagpapatindi sa kanilang relasyon ay ang pala-palaging nasa peligro nila dahil isa iyong bawal na relasyon. Kaya't nang pinagsisira nila ang mga teksto, edipisyo at imahen na kaugnay kay Mao, tila isa na lamang itong pangkaraniwang gawain dahil sa konteksto ng kanilang relasyon ay wala naman talagang kapangyarihan si Mao at ang tunay na naghahari ay ang pagnanasa nila sa isa't isa at mga personal na mga kagustuhan.
Ewan ko kung bakit banned ito sa China. Oo, binabastos ng mga tauhan si Mao ngunit nakalagay ito sa konteksto ng hypocracy sa loob ng isang sistemang dapat sana'y nakatuon sa paglilingkod sa bayan. Ginagamit ang sistemang partido at militar para sa kapakanan ng iilan. Na pagbabalat-kayo ang lahat at sa huli'y nawawala ang tao sa pagkilala sa sarili dahil ang mga bagay na totoo sana'y hindi katanggap-tanggap sa nangingibabaw na sistema.
3.
Pinanood ko noong sabado ang "The Happening." Nagustuhan ko ito kahit papaano. Natakot ako't kinabahan para sa mga tauhan. Nakakatakot naman talagang makita ang mga taong nagpapakamatay. O madali lang akong nabola ni Shyamalan? Ewan. Basta nawirduhan lang ako't nalaman agad ng mga tauhan na ang mga halaman ang dahilan. Para sa akin, mas maganda ito kumpara sa "The Village." Hindi naman ako nagulat sa ending. Consistent naman ang pelikula pagdating sa green message nito. Medyo nalito rin lang ako. Ano nga ba talaga ang nakapagligtas sa mga pangunahing tauhan? Ang biglang paghinahon ng mga halaman o ang kanilang matinding pag-ibig? Hindi naman ako napa-wow pero hindi rin naman ako nagsisisi na napanood ko ito.
4.
Unti-unti na akong nasasanay sa pagtuturo pero medyo tense pa rin ako. Mabuti na lang at, kahit papaano, napapanatili ko ang atensiyon ng klase. Puros mga love poems ang tinalakay at binasa noon Huwebes. Kung may korni o makesong taludtod, napapa-AAAAWWWW sila and that's a good sign. Nauunawaan nila na sentimental nga iyong mga sandaling iyon.
5.
Una kong faculty day noong Biyernes. Ramdam na ramdam ko ang aking pagiging n00b noong mga sandaling iyon.
6.
Sumabit ako sa pag-load at mini-reunion ng fellowmates ng 7th ANWW noong Biyernes. Nagulat kami't nasa Metro Manila pala si Sonny dahil nakabase talaga siya sa Iriga. At ito ang namalayan ko, na masaya ring pag-usapan ang sining at panitikan kapag may signal ka.
7.
Nagising ako nitong araw ng Linggo sa malalakas na ihip ng hangin. Panandaliang nagkaroon ng kuryente kaya't nakapagsaing ka pa ako bago nawalan ulit ng kuryente. Nagbasa na lang ako buong araw.
8.
Kaya ito, natapos ko ang "Dekada '70" ni Lualhati Bautista. Si Amanda Bartolome ang tagapagsalaysay at nilalahad niya ang kanyang karanasan at ang mga nangyari sa kanyang pamilya noong bago at habang nasa ilalim ng Martial Law ang bansa.
Dalawang isyu ang nangingibabaw sa nobela. Ang isyu ng pakikisangkot sa laban para sa kalayaan at makatarungang lipunan. Ang isa pa ay ang isyu ng pagkababae. Nagtatagpo ang dalawang isyung ito kay Amanda, isang ina na umaruga sa lima niyang anak na namulat sa panahong iyon.
Medyo nakukulitan ako sa paglalatantad at pagrereklamo ni Amanda sa kanyang sitwasyon bilang ina't babae. Yun iyong mga madadaldal na sandali ng nobela. Sa mga sandaling ito binubuno ng nobela ang iba't ibang ideya tungkol sa pagkababae't pagiging ina. Pero tinatambal ang mga sandaling ito ng mga ideya sa mga sandaling naipapakita ang mga problema't alanganin ni Amanda sa mga higit na kongkretong eksena.
Sa kahabaan ng nobela, unti-unting namumulat si Amanda. Pareho sa kanyang pagkababae at sa mga politikal na isyu ng kanyang panahon. Kaya't hindi kataka-taka na makakaliwa ang pagkiling ng nobelang ito.
Ang isang hindi ko masyadong nagustuhan sa nobela ay ang pagtrato nito sa panahon. Medyo nakakalito ang narrative time ng nobela. Ang simula ng nobela'y tila sinulat bilang pagbabalik-tanaw ngunit lilipat ang tagapagsalaysay sa isang pagsasalaysay kung saan sabay nangyayari ang kuwento sa pagsasalaysay.
Pero sa kabuuan, isa itong magandang nobelang binabaybay ang personal at panlipunang katayuan pagdating sa pulitika.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento