1.
Napanood ko nga pala kahapon ang "Cloverfield" sa sinehan. Okey naman ang pelikula. Mahirap nga rin lang itong panoorin dahil nga sa technique nitong naka-handheld camera. Ang pelikula ay batay, kuno, sa isang video recording na natagpuan ng department of Defence na naglalaman ng mga pangyayari habang sinasalakay ng isang higanteng halimaw ang Manhattan. Masasabi ngang gimik lamang ang ginawang ito sa pelikula pero mayroon itong dating nakanyang-kanya lamang. Dahil nga handheld at limitado lamang ang nakukuha ng camera, higit na claustrophobic at mas maigting ang sense of urgency ng buong pelikula. Naging mas kapansin-pansin ito sa mga eksena sa subway at sa nakatagilid na apartment building. Pero nakakatuwa ring tingnan itong pagnanasang i-record ang lahat bilang narsisismo ng panahon. Sa panahon ng Youtube, ang mulig pagsasalaysay at pag-alaala ay nawawalan na ng halaga. Ang mahalaga ay iatala ang ngayon, asa na lamang na may hinaharap na magbabalik sa sandaling ito.
At ito ang limitasyon ng buong pelikula. Hindi talaga alam ng manonood kung ano'ng nangyayari. Ano nga ba talaga ang halimaw na binansagang "Cloverfield"? Saan ito nanggaling? Kalimitan kasi sa mga monster movie, alam natin ang kasaysayan o damdaming nag-uudyok sa mga halimaw. Alam nating isang representasyon si Godzilla ng mga takot sa panahong Cold War at panahong Nuclear. Alam natig si Frankenstien ay representasyon ng pagdududa sa kapangyarihan ng agham. Siguro si Cloverfield ay isa lang talaga dambuhalang talagapagdala ng kamatayan, na tulad ng takot natin sa kamatayan, ay walang kasaysayan at pala-palaging nariyan lamang sa tabi-tabi. Gayundin sa kakulangan natin sa kaalaman kay Cloverfield, kulong ang ni-record ng handheld camera upang ipakita ang nangyari sa hinaharap. Naiiwang bukas ang pelikula kung ano nga ba ang nangyari sa New York at kay Cloverfield. Ang naitatanghal ay ang takot ng sandaling ito at hindi ang pangako ng hinaharap. Nagtatapos ang recording sa isang eksena bago ang pagsalakay ng halimaw. Nagtangkang mag-alay ng pangako ng mabuting kahahatungan. Ngunit lahat ng ito'y lumipas na. Walang mas mahalagang sandali kundi ang ngayon, ang narito kahit pa takot ito o tapang.
2.
Napanood ko nga rin pala ang "The Promise" ni Chen Kaige sa VCD noong nakaraang linggo. Isang itong fantasy movie. Mayroon pang diyos na nakikidawdaw sa tadhana ng mga tao. Nakukuha ang pamagat mula sa pakikipagkasundo ng isang babae sa diyosa upang maging pinakamanda. Ang kapalit, palaging may kapalit, ang lahat ng mga lalaking iibigin niya'y mamamatay o mawawala sa kanya. Mananatili ang ganito hanggang mabuhay muli ang patay at magtaglamig sa tag-araw.
Nagiging kahawig tuloy ng pelikula ang mga lumang dula tulad ng sa mga Griyego. Bagaman mayroong ganitong mga sandaling medyo pilit, masasabing kailangan ito upang ilabas ang mga pagnanasa ng mga tauhan. At dahil amy mitolohikal na kalidad, may pagka-timeless ang buong kuwento. Hindi ako magtataka kung naging box office hit ito sa China. Pero personally, mas gusto ko ang "The Curse of the Golden Flower." Mas maganda ang acting doon at mas masama ang mga tauhan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento