1.
Dumaan akong Makati para ipaayos ang laptop ni Mae. Hindi ko pa napupuntahan ang pagawaang sinabi ng pinuntahan ni Dad sa Mall of Asia. Mabuti na lang nang magtatanong ako, madaling naituro ng mga napagtanungan ko ang tamang direksyon. Sabi nang unang patingnan ito sa Mall of Asia, may sira daw yung fan. Pero nang tingnan naman ng technician sa pinuntahan ko, hindi naman daw. Ang sigurado lang talaga ay may virus ang laptop ni Mae. Noon pa yun. Ginamit ko ang laptop ni Mae para sa pagta-trascribe para sa Ateneo workshop. At napansin kong hindi ma-access ang task manager tapos pagkalipas ng ilang oras, bumabagal ito't nagka-crash. Kaya pina-reformat ko na lang. Yun.
2.
Kinuha nina Mama at Dad ang bagong service ng PLDT na wireless landline. Nabanggit na ni Nikka ang tungkol dito. (Yung serbisyo ng Globe ata ang nabanggit niya sa akin.) Wireless landline, ang tinding oxymoron. Nang ikuwento sa akin ito ni Nikka, hindi na-gets kung bakit tuwang-tuwa siya dito. "Landline pero wireless!" (I vaguely remeber her saying that.) At nang makita ko ang dala-dala ni Mamang telepono, tinanong ko sa kanila kung anong pinagkaiba niyan sa celphone. Nakakapag-text ito pero sobrang mahal. Nakakatawag ito pero may 600 minute limit. Wala itong kamera. Sa pagkakaalam ko, hindi ito nagpapatutog ng music. Tapos sa Laguna lang pwede. Sana nag-celphone ka na lang. Pero mura lang ito kung ikukumpara sa pangkaraniwang landline. Isang daan ata mas mura. Pero hindi ko pa rin gets kung bakit kinuha nina Dad at Mama ang serbisyong ito hanggang isipin ko ang pangangailangan ni Mama. Matagal na kasi naming pinipilit si Mama na magkaroon ng celphone. Lahat na kami sa pamilya ay meron maliban siya. Tapos doktor pa siya na palaging on-call. Di ba mahalaga ang celphone sa mga panahong ito, lalo na sa mga doktor? Ewan ko ba pero technologically inept si Mama kalimitan. At doktor na siya niyan. Kaya kung tutuusin -- wireless landline -- kaunti lang naman ang pinagkaiba nito sa pangkaraniwang landline na simpleng gamitin at sanay na siyang gamitin. Pero kung papipiliin pa rin ako, celphone na lang ako.
3.
Ilang beses ko nang nakasalubong tuwing pasakay na ako ng elevator para pumuntang Ateneo ang isang batang nakatira rin sa parehong palapag. Koreana ata siya. (Nante's favorite people.) At wala pa ata siyang dalawang taong gulang. Kalimitang kasama niya ang kanyang yaya o ina. Habang naghihintay sa pagdating ng elevator, napansin kong palagi niya ako tinititigan na para bang ngayon lang siya nakakita ng isang matabang tao. Siguro nga noon lang siya unang nakakita ng isang matabang tao. Pero napansin ko din na ginagagad niya ako. Ginagaya niya ang galaw ng mga kamay sa totoo lang. Tuwing hinahalukipkip ko ang aking mga kamay, hinahalukipkip din niya ang kanyang mga kamay. Siyempre, hindi naman talaga siya marunong maghalukipkip ng mga kamay. Pinapatong lang niya ang kanyang mga braso sa kanyang harapan. Ang cute-cute talaga. Naaalala ko tuloy nang minsang sumakay ako ng dyip at may sanggol na katapat ko. Nakakalong ang sanggol sa kanyang ina. Pero sa buong sakay ko, nakatitig lang siya sa akin. Para bang noon lang siya nakita ng matabang tao. Pinilit kong ituro sa kanya ang katabi ko na kasama kong sumakay ng dyip at nakapansin din ng pagtitig ng bata. Pero kahit na anong gawin namin, hindi pa rin mawala ang titig ng batang iyon. Doon naman sa batang Koreana, may iba naman kaming nakakasabay na mga tao pero ako pa rin ang pinagtutuunan niya ng pansin. Kaya ito, napapaisip ako, nagpayaso na lang kaya ako?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento