Sabado, Pebrero 16, 2008

"I Love You"

1.

Hindi, hindi ito deklarasyon ng pag-ibig, implied reader. Nanggagago lang ako.

2.

Nagpalipas ako ng Valentines kasama ng aking mga magulang. Oo, nakakalungkot. Nanood kami ng concert ni John Lasaca sa PICC. Puros instrumental music iyon kaya madaling pakinggan. OK naman.

3.

Noong Feb 13, pinakinggan ko ang lecture ni Sir Vim Yapan tungkol sa "Ang Pagkamulat ni Magdalena" nina Alejandro Abadilla at Elpidio Kapulong. Nabasa ko na ito para sa klaseng "Nobelang Tagalog" na tinuro ni Sir Vim noong 2006. Bagay na bagay para sa Valentines, isang nobelang nagtataguyod ng free love. Bawat kabanata ata ng nobelang iyon may sex scene. Pero kagaya nga ng sinabi Sir Vim hindi lang dapat tingnan ang "Pagkamulat" bilang 1950's version ng Xerex. May matinding pilosopikal na tunguhin ang nobela. Kung hindi ninyo maintindihan ang ang mga tula ni Abadilla, basahin ninyo ang nobelang ito. Mas malinaw siya dito.

Isang akdang utopia ang basa ni Sir Vim sa nobela. Nilathala noong 1958, ang tagpuan ng nobela ay Pilipinas 1980. Nasakop na ng Komunistang Tsina ang Pilipinas. Tungkol sa pag-iibigan ni Magdalena at Dario, may bahid ng kaunting espionage thriller ang nobela. Si Dario kasi ay isang rebelde at si Magdalena ay nagtatrabaho para sa isang sangay ng gobyerno. Utopia ang nobela dahil itinataguyod ni Dario ang isang pilosopiya na nagtataguyod ng indibidwalistikong tunguhin. Makasarili pa nga kung tutuusin. Pangunahin dapat ang kaligayan ng sarili. Kaya maraming sex. Pero naniniwala si Dario na sa pagkamit ng indibidwal na kaligayan, kapag naging matapat ang sarili sa ikauunlad ng sarili, susunod na rin ang pag-unlad ng lipunan. Kapag matatag ang bawat indibidwal, matatag din ang lipunang malilikha ng mga indibidwal na ito.

Pinasimulan ni Sir Vim ang pagpansin sa konsepto ng "budhi" ng nobela. Kung ang batayang indibidwal ng Kanluran ay ang rason, para sa nobela, ito ay ang budhi. Medyo mistikal nga ang konseptong ito kaya hindi malalim na natalakay ni Sir Vim. Pero ibang-iba ito kumpara sa "self" na inihahayag ni Whitman at nagbibigay liwanag sa mga "ako, ako" ni Abadilla sa mga tula niya.

4.

Papanoorin ko ang "Endo" bukas. Yun lang.

Walang komento: