Martes, Setyembre 28, 2004

The Terminal

Pagkatapos ng kakaibang pangyayari noong Linggo, nanood ako ng pelikulang "The Terminal" bago makipagkita kina Mommy at Ninang Lily sa Glorietta. Maganda siyang pelikula pero masyadong napaikot sa ideya ng paghihintay ang kuwento.

Si Viktor Navorski, na ginampanan ni Tom Hanks, ay dumating sa Amerika ngunit hindi siya hinayaang makalabas ng paliparan dahil sumiklab ang isang rebolusyon sa kanyang bansang "Krakozhia" at nagkaroon ng problemang diplomatiko. Nakakatuwa kung paano siya namuhay, paano siya nakipagkaibigan sa mga empleyado ng paliparan at kung paano siya nanatiling tapat sa kanyang pangako na hindi lumalabag sa batas.

Maganda ang pag-arte ng mga aktor at aktres sa pelikula. Nakakatuwa ang paggiging mala-Russian ni Tom Hanks sa paliparan. At maraming mga tauhan sa pelikula ay galing sa iba't ibang nasyonalidad. Sa totoo lang, maliban kay Tom Hanks, karamihan ng mga tauhan sa pelikula ay ginapanan ng mga aktor na may ganoong nasyonalidad. Maganda ang pagpapakita ng multicultural na Amerika sa "The Terminal" hindi lamang dahil paliparan iyon. Imbes, dahil Amerika ang ultimong destinasyon ng karamihan.

Astig naman ang set. Hindi ko inakala na hindi pala isang tunay na paliparan ang ginagalawan ng mga tauhan. Magaling ang pagkakagawa nila.

Sa tingin ko, ang problem lang ng pelikula ay halos minimal ang tunggalian ng mga tauhan. Kahit na ang namamahala ng paliparan ay hindi isang tunay na hadlang para sa ibang mga tauhan. Ang dahilan siguro ng tema ng pelikula tungkol sa paghihintay at pasensiya ng tao. Mayroon ding mga di-kapanipaniwalang pangyayari na hindi nabigyang dahilan.

Maganda siya. Masyadong stereotype ang boss. Pero maganda ang pagkakagawa ni Steven Speilberg sa isang pelikulang may magandang mensahe at nagbibigay ng magandang pakiramdam.

Linggo, Setyembre 26, 2004

Muntik Manakawan

Kamuntikan na akong manakawan kanina noong papunta akong MRT. Papunta akong Makati para sa lingguhang pagkikita sa Glorietta ng pamilya. May isang lalaking kumalabit sa akin habang naglalakad ako sa may Aurora-Katipunan. Kinausap niya ako. Sabi niya na mayroon daw bubugbog at papatay sa akin "doon" at tinuro niya ang daan papuntang MRT. Pinagkamalan daw akong kamag-anak ng isang kung sino man siya. Tapos ay hiningi niya ang aking ID na syempe ay hindi ko ipinakita kasi hindi ko dala. At bakit ko naman ipapakita sa kanya, di ba? At noong ipinakita niya ang kanyang "patalim," na mukhang maliit at natitiklop na gunting. At noong tinanong niya kung magkano ang dala kong pera, doon ko na nakuha na hinoholdap niya ako.

Kakaiba ang asta niya. Pinipilit niya akong matakot. Palagi niyang sinasabi, "Ayaw ko ng skandalo. Huwag kang pupunta 'doon.'" Sinasabayan pa niya ng pag-akbay sa akin para hindi ako makalayo sa kanya. Takot ang kanyang ginamit para ibigay ko sa kanya ang pera ko.

Pero hindi ako nagpaloko. Natakot ako, oo. Pero hindi natakot na, "Naku, anong gagawin ko? Anong gagawin ko?" Isang takot iyon na "Ninanakawan ako! Tatakbo ako!" Kaya iyon ginawa ko. Pinakawalan ko ang sarili ko mula sa kanyang akbay nagsimulang tumakbo papuntang MRT station. Napag-isip-isip ko na ginawa ko ang isang bagay na mismong ayaw niyang mangyari, ang tumakbo ako. Nang magsimula akong tumakbo ay hindi na niya ako hinabol o sinundan.

Pagkarating ko sa MRT station ay sinabi ko agad sa security kung ano ang nangyari. Puno pa rin ng adrenaline ang katawan ko at pinilit na maging maliwanag ang aking pagpapaliwanag. Naalala ko na nakita ko siyang lampasan ako sa isang banda ng Katipunan. Inunahan niya ako, tumigil sa isang tindahan, tiningnan ako, hinayaang lumampas sa kanya, at, sa aking hula, sinundan muli ako. Mukha siyang bangag, hindi pantay ang kanyang pagsasalita at halatang nagsisinungaling. Sinabi ko sa security kung ano ang hitsura ng lalaki at nagpatuloy sa aking paroroonan.

Medyo napraning ako kaya kaba akong nakasakay sa MRT. Tinitingnan ko ang mga tao na kaduda-duda at nalayo sa kanila. Hagang makarating na nga ako sa Glorietta pero hanggang ngayon ay bangag pa rin ako sa adrenaline. Wow. Alam ko na kung ano ang pakiramdam kung pagpiliin ka ng iyong buhay o pera. Pinili kong tumakbo. Ang duwag!

At alam ko na din kung bakit "hold up" ang tawag doon kasi talagang pinatitigil ka, hinohold ka para manakawan ka. Sana ay binugbog ko na lang siya gamit ng aking payong. Hindi ko napakita ang aking "radical arnis skills." Pinakitang gilas ko lang na kaya ko pang tumakbo ng matulin. Hindi ako isang lampang duwag!

Sabado, Setyembre 25, 2004

Consultation

Kagaya ng sinabi ko dati, wala akong klase para sa Fil 119.2 kaya consultation lamang para sa proposal sa 30-minute play ang ginawa ko kanina. At kailangan kong gumawa ng bago. Hay. Akala ko pa naman ay matatanggap na. Siguro, hindi lang talaga ako marunong magsulat ng dula at, ultimo, hindi lang talaga ako isang playwright. Inaasahan kasi ni Sir Miroy na ako ay mag-pitch ng aking proposal.

E hindi naman ako magaling magsalita o mangumbinsi dahil iyon na mismo ang problema ko kaya ako nagsusulat. Hindi ako magaling magsalita. Kaya ako naakit sa pagsusulat, madami akong gustong sabihin pero hindi ko masabi, nakakahiyang tumayo sa harapan ng isa o maraming tao tapos para akong nagsesermon. Kaya ako nagsusulat, hindi harap-harapan ang manunulat sa mambabasa. Hindi ako masisingitan sa mga sinasabi ko habang ako ay nagsusulat.

Iba ako pagdating sa mga salitang sinasabi at sa mga salitang sinusulat. Kaya siguro nahihirapan ako sa pagsulat ng dula dahil may aspektong pagsabi ang mga ito. At may aspektong pagkamakata, ayon kay Sir Miroy. At hindi ako makata. Hindi ko nakikita ang mundo sa isang pangyayari lamang, one moment. Hindi ko nakikita ang mundo bilang talaban at aksiyon. Nakikita ko lamang ang mga kuwento ng mundo. Tsismis sa kanto. Mga haka-haka. Mga kuwentong halos walang tauhan ngunit may sinasabi. Mga kuwentong walang talaban, walang awayan. Mga kuwento lang na kayang basahin. Hindi na kailangang ipalabas. Hindi kailangan ng pitch. Hindi kailangan ng production crew. Hindi kailangan ng tanghalan. Kuwento lang ang kaya kong ibigay. Kuwento lang.

Biyernes, Setyembre 24, 2004

Hindi Tuloy, Hindi Tuluy-tuloy, at Sana Tuloy

Walang akong Fil 119.2 bukas kasi kaunti pa lang ang nakakapagpasa ng mga kuwento. Sayang naman. Inaasahan ko pa naman na ako ang unang kakatayin pagkarating sa workshop. Pinakahihintay ko pa naman iyon. Masochistic ba? Ewan. Sanay lang siguro talaga sa kritisismo.

Medyo lumuluwag na ang pagsisiksikan ng mga gawain sa pagtatapos ng semestre. Ang ibang mga kailangang ipasa na mga sulatin at proyekto ay malayulayo pa ang petsa ng pasahan. Pero hindi ako dapat maging kampante kaya tatapusin ko na ngayon ang mga kailangang tapusin.

Oo nga pala. Nag-YM ulit kami ni Carla. Hindi ko isasama kung ano ang pinag-usapan namin verbatim. Humingi siya sa akin ng tulong tungkol sa article niya kasi kailangan niyang kausapin ang isang eksperto tungkol sa schizophrenia. Kaya ibinigay ko sa kanya ang email address ni Ma'am Lia, guro ko sa Psychology 101. Sana nakuha na niya yung email address ni Ma'am Lia pinadala kong email.

Huwebes, Setyembre 23, 2004

Kuwento at Isa pang Talk

Pinadala ko na kanina ang bagong kong kuwento para sa Fil 119.2. Kung gusto ninyong basahin, gumawa ako ng bagong blog para lamang sa mga kuwento ko. Hindi siya public para ligtas ng kaunti. Ayaw kong magaya ang mga gawa ko. Pero bigyan ninyo sana ng komento. Nasa sidebar yung link sa bagong blog.

Nagkaroon din ng bagong talk para sa drama. Sino nga ulit? Marlene Fernandez? Basta. Nagsusulat siya para sa pambatang TV shows kagaya ng Sineskwela, Math-Tinik, Hirayamanawari at iba pa. Nakakatuwa kasi parang yung mga episodes na pinag-usapan niya ay napanood ko. Pinag-usapan din niya yung mga proseso at sensibilidad ng pagsusulat para sa TV o para sa mga bata. Mula sa narinig ko, parang mahirap magsulat para sa TV. Ewan. Iyon ang pakiramdam ko. Pero mahirap naman talagang magsulat, di ba?

Kakatikim ko nga lang pala kanina noong Cello's na donut. Masarap. Malambot. Masyado lang matamis ng kaunti pero ok na rin. Malinamnam.

Kalalabas lang ng Rome: Total War!

Wow. Sa sobrang liit, baka masira ko siya.
Posted by Hello

Ito. Isa pa.
Posted by Hello

The New PS2! Nakuha ko ang mga litrato na ito mula sa Gamespot.com
Posted by Hello

Martes, Setyembre 21, 2004

Tulog

Nakakatuwang isipin na noong bata ako ay ayaw kong matulog na maaga. Natatandaan ko pa kung gaano ako naiinis tuwing pinapatulog ako ng maaga ng mga magulang ko. Dapat ay natutulog na ako at ng mga kapatid ko ng alas nueve-alas nueve y medya ng gabi. Kung may kailangang namang tapusin na proyekto ay ayos lang pero hindi naman ako hinihintay o binabantayan. Kaya magmamadali ako sa paggawa kasi ... ehem... takot ako sa dilim.

Pero ngayon, kaya ko nang matulog ng kahit na anong oras na gusto ko. Pwede na akog matulog ng apat o tatlong oras lamang sa isang gabi. Ayos nga lang na hindi matulog ng buong gabi. Kagaya noong mga ginagawa ko sa nakalipas na araw kung saan halos hindi ako natulog. Nagawa ko nga rin na hindi matulog para lang matapos ang isang proyekto.

Ngunit sa mga panahong itong may nakuha akong kalayaan, imbis na itakwil ang mga alituntunin na nakasanayan ko, mas lalo kong inaasam at gustong balikan ang mga panahon kung saan naaabutan pa ng aking paggising ang bukangliwayway. Ayaw kong maabutan ang bukangliwayway, gusto kong gumising sa bukangliwayway. Gusto kong matulog ng alas siete ng gabi at magising ng alas sinco ng umaga at hindi matulog ng alas sinco ng umaga.

Ultimo, natutunan ko na ang kahalagahan ng pagtulog. Hindi lamang pagtulog ng maaga ngunit pagtulog mismo. Madami akong magagawa kung gising ako ng magdamag ngunit hindi maganda ang aking mga produkto dahil mas lasaing pa ako sa isang tambay sa kanto na nakainom ng sampung bote ng beer. Masarap lang talaga at kaginha-ginhawa ang pagtulog. Walang kaduda-duda. Lalo na kung nananaginip ako ng isang nakakatuwang panaginip na mas sabog pa sa isang telenovela na siniksik sa loob ng isang oras. Nakakatuwa iyon.

Kaya ngayon ay hinihintay ko at inaasam ang pagtapos ng semestreng ito dahil makakatulog na ako ng mahimbing. Pwede na akong magising sa bukangliwayway.

Huling Kasaysayan at Proposal

Kanina ang huling pangkaraniwang klase ko para sa History 165. Panatag kong masasabi na kahit na isang beses ay hindi ako basta-bastang nagliban sa klaseng iyon. Pinagmamalaki ko iyon. Kung alam lang ng iba kung gaano nakakabagot magturo si Fr. Arcilla, maiintindihan nila kung ano ang pakiramdam ko. Pero mabait si Pader Arcilla kung kakausapin. Isa na lamang mahabang pagsusulit sa ika-30 ng buwan na ito at ang mapanaliksik na papel na ipapasa sa Oktubre 8. Ang lapit na.

Kakatapos ko na din kanina ang proposal ko para sa aking 30-minute o one-act play. Ewan ko kung tama ang ginawa ko pero sana sapat na.

Lunes, Setyembre 20, 2004

Mga Bonus na Papel kung saan hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi ko

Wala lang. Ibabahagi ko lang sa iba kasi wala akong masulat sa blog ko.

Kamalayan, Katawan at ang Matrix

“What is the Matrix?” ang catch phrase ng pelikulang ito. At ano nga ba ang Matrix? Ang Matrix ay isang programa o simulation kung saan nananahan ang kamalayan ng lahat ng mga tao. Isang malaking panaginip kung saan kabilang ang lahat ng tao.

Kung malaman mong ang mundo na alam mo at kilala mo ay hindi totoo, isa lamang itong panaginip, ano ang gagawin mo? Ito ang premise ng pelikulang “The Matrix” at ang sci-fi/action na pelikulang ito ay nagbabato ng mga makasakit-ulong mga tanong.

Pinapatotoo na literal ang argumento ni Descartes kaya pinagduduhan niya ang kanyang mga pangramdam. Paano mo nga naman malalaman kung hindi isang panaginip ang mundo kung halos walang pinagkaiba ang panaginip sa tunay na mundo. Sa pelikula, direktang nakakabit ang mga utak ng mga tao sa Matrix at ang lahat ng nararamdaman nila ay inaapektuhan at minamanipula ng Matrix. Hindi napapansin ng mga tao na hindi totoo ang kanilang mundong ginagalawan dahil halos perpekto ang panggagaya ng Matrix sa mundo.

Sa isang banda, pinapakita rin ng pelikula ang ugnayan ng katawan at ng sarili. Hindi kayang mabuhay ng dalawa na hiwalay. Kahit na nasa loob ng Matrix ang sarili o ang cogito, ang sarili para kay Descartes, hindi dapat basta-basta mawala ang ugnayan ng katawan at ng cogito. Pinapatotoo ng pelikula ang pagsasakatawan ng tao. Ngunit, imbes na namamagitan ang katawan sa mundo ng Matrix, ang katawan ay nagmimistulang lalagyan ng cogito. Kaya kayang “lumabas” ng cogito sa katawan at umiral ito sa Matrix dahil hindi na namamagitan ang katawan. Ang katawan ay isang lalagyan kung saan hindi dapat tayo mahiwalay. Ngunit kailangan nating bigyang halaga na kahit na nasa loob ng Matrix ang cogito, may ugnayan pa rin mula sa katawan at cogito. Kaya noong puwersahang pinutol ni Cipher ang ugnayan ng katawan at cogitong nasa Matrix ng kanyang mga kasama ay namatay sila dahil hindi dapat mahiwalay ang dalawa.

Isa pa ay ang pananaw kung ano nga ba ang masasabi nating buhay o hindi buhay. Sa loob ng Matrix ay hindi lamang tao ang namumuhay doon kundi mga malay na programa, kagaya ni Agent Smith. Ang mga programang ito ay walang katumbas sa tunay na mundo hindi kagaya ng mga tao na mayroong katawan. Ang mga programa ay mga code at numero lamang na kasangkot sa mas malaking formula ng Matrix. Ngunit mga malay silang mga bagay. Kaya nilang magmuni-muni at gumawa ng sariling desisyon. Ang pinagkaiba lamang nila sa mga tao ay hindi nila kayang lumayo sa lohika at mga pormula kung saan pinagbabasihan ng mga programa ang kanilang mga desisyon. Kaya nating gawin ang mga hindi lohikal at hindi praktikal na bagay dahil tao tayo. Iyon ang pagpapakatao natin. Kaya nagagalit si Agent Smith sa mga tao dahil hindi tayo mga praktikal na mga nilalang kumpara sa ibang mga hayup. Imbes na kunin ang sapat lamang sa atin ay inaabuso natin ang kalikasan. Ang pagbabagay ng kalikasan para maging maginhawa sa tao.

Sa puntong iyon, bakit kaya nating ihiwalay ang sarili ating sarili mula sa kalikasan? Dahil kaya nating lampasan ang nandiyan na. Ang kalikasan ay isang facticity, isang bagay o katotohanan na naan diyan na. Ngunit kaya nating lampasan ang nadiyan na, kaya nating mag-transcend. Kaya kayang magkaroon ng “The One” sa Matrix dahil kaya nating lampasan ang mundo kung saan namulatan tayo. Dahil si Neo ay nagkaroon ng malay sa loob ng Matrix, maaaring siya nga ang “The One.” Kaya isang tao lamang ang kayang maging “Tha One” dahil ang mga programa ay limitado sa mga batas ng Matrix.

Kaya masasabing “buhay” ang mga makina at mga programa sa mundo ng Matrix ngunit hindi pa rin natin masasabing tao sila. Dahil kahit na matalino ang mga programa, hindi sila tao dahil hindi nila kayang lampasan ang kanilang sarili at ang mga facticity ng Matrix. Sa tunay na mundo naman ay hindi talaga tao mga programa o machina dahil wala silang katawan. Kung mayroon namang silang “katawang” gawa sa bakal, hindi naman sila sumasakatawan dahil kaya nilang ihiwalay ang kanilang kamalayan mula sa katawan.

Simone: Katotohanan at Kasinungalingan

Katotohanan sa pelikula at sa tunay na mundo. Kasinungalingan nagiging katotohanan. Totoo bilang pananaw at paniniwala. Peke na nagiging totoo. Pag-iral dahil sa iba. Ito ang mga bagay na pinag-usapan sa pelikulang Simone.

Ang pelikulang Simone ay tungkol sa isang direktor, si Viktor Taranski na ginampana ni Al Pacino, na nilapitan at pinamanahan ni Hank Aleno, isang programmer na ginampanan ni Elias Koteas, ng isang programa na may pangalang Simulation One o Simone. Kaya ni Simone na palitan ang tunay na aktor at kayang maging magaling na aktor dahil madali siyang gamitin at manipulahin. Gagamitin lang sana ni Viktor si Simone sa isa niyang pelikula para isalba ito at mapalabas man lamang. Ngunit hindi inaasahang tinanggap na taos-puso ng mga manonood so Simone at lumobo ng lumubo ang popularidad ni Simone na hindi na mabago ni Viktor ang sitwasyon.

Isang komedya ang pelikula ngunit malalim ang mga ideya nito at maaaring mangyari ang mga sitwasyon ng pelikula. Isa sa mga ideya ay ang pag-iral ng kasinungalingan at peke sa kamalayan ng mga tao. Isa itong nakakatakot na ideya dahil pinapatotoo nito ang takot at duda ni Descartes tungkol sa mundo. Ipinapakita ng pelikula na maaaring umiral ang kasinungalingan at maaaring tanggapin ng mga taong itong kasinungalian na ito bilang katotohanan. Si Simone ay hindi isang tunay na tao ngunit ipinakilala siya sa isang medium, ang pelikula, kung saan ginagaya o pinapakita ang katotohanan. Ang pelikula ay isang pamamaraan na ipakita ang katotohanan. Ngunit kayang ipakita sa isang pelikula ang kasinungalingan bilang katotohanan. Dahil dito ay tinanggap si Simone kasi hindi naihiwalay ng mga tao o, mas tama, ng mga tagasubaybay ang magkaibang mundo ng pelikula at tunay na mundo. Iyon ang kapangyarihan ng pelikula at ng media, sa kabuuan. Pinatotoo nito sa sinabi ni Viktor habang kinausap niya si Simone, o ang kanyang sarili, “Sa pelikula, ang totoo ay hindi mahalaga. Mas mahalaga ang pagsasabuhay ng katotohanan.”

Mula doon sa sinabing iyon ni Viktor ay binigyang kaibahan ang totoo mula sa katotohanan. Para kay Viktor, ang totoo ay mga bagay na umiiral sa mundo habang ang katotohanan ay ang mga ideya, pananaw, at paniniwala na umiiral sa mundo. Sa mundong puno ng mga pagkukunan ng kaalaman, kagaya ng TV, radyo, Internet at pelikula, madaling tanggapin na katotohanan ang mga kasinungalingan dahil nawawalan tayo ng oras para lubusang alamin kung ano nga ba ang katotohanan.

Isa pang pinag-usapan sa pelikula ay ang pag-iral ng tao. Si Simone ay isang programa na nagpapanggap na tao at dahil ang nasa likod ng kanyang pag-iral ay isa namang tunay na tao, si Viktor, kapanipaniwala ang kanyang pagpapanggap. Ngunit kung tatanggalin si Viktor sa harap ng computer, magiging isang walang kamalay-malay na bagay si Simone, hindi kagaya ng mga programa sa pelikulang “The Matrix.” Pero “buhay” ang pag-iral ni Simone sa mga kamalayan ng mga tao dahil “parang buhay” ang pagkakakilala ng mga tao sa kanya. Kung malay ang lahat na “buhay” ang hindi buhay, buhay pa ba ito? Ipinapakita ng pelikula ang mala-“An Enemy of the People” na sitwasyon kung saan bentang-benta sa pananaw ng mga tao na tunay at totoo si Simone, kahit na ito ay mali. Pinapaikot ng pelikula ang ideya ng pakikisalamuha ng mga tao. Dahil limitado ang “pakikisama” ni Simone sa mga tao, tinanggap ng mga tao si Simone bilang tunay na tao.

Ngunit hindi dapat nating hayaang umiral ang hindi totoo. Kailangang baguhin ang kamalayan ng mga tao. Hindi ako sumasasang-ayon sa pagtatapos ng pelikula kung saan hindi tinama ng pamilya ni Viktor ang sitwasyon. Dapat ay sinuportahan nila ang katotohanan. Hindi dapat nila dinadala sa kamalian ang mga tao kasi mahirap baguhin ang kanilang kamalayan tungkol kay Simone.

Linggo, Setyembre 19, 2004

Talk

Nakakapagod ang araw na ito pero masaya. Nakakatuwa si Nick Pichay at ang mga miyembro ng writer's block. Magandang karanasan para sa akin kasi nakakuha ako ng mga payo sa mga sanay sa pagsulat.

Ako nga ang inuna eh. Nabigla ako. Masyadong mahaba at malawak ang aking dula, iyon yung sabi nila. Pwedeng gawing mahabang dula o kailangan kong tutukan na lamang ang iilang tauhan. Ang dami kasing tauhan. At saka kulang ang urgency o tensiyon sa pagitan ng mga tauhan. Pero nagustuhan nila yung "language" ko at yung kalabaw kasi inilalabas nito yung "Amorsolo-esque" ng dula. Ewan. Hindi ko rin masyadong nakuha kung bakit nila nagustuhan iyon.

Sunod na pinag-usapan ay yung dula ni Cerz. Hango iyon sa maikling kuwento tungkol sa bananafish. Hindi ko masyadong alala kung ano ang hindi nila nagustuhan pero nagustuhan ni Nick Pichay ang premise ng dula.

Yung kay Jace naman ay tinira ni Nick Pichay dahil hindi niya nagustuhan yung pamagat at nalumaan sa kuwento. Ano nga ulit ang pamagat. "Faith, Love, Life and Dr. Lazaro." Ang OA pa ng pagbabasa ni Nick Pichay sa tauhang si Dr. Lazaro. Hindi ko tanda yung mga komento pero binigyan si Jace ng mga ideya. Yung "Mano po III" ayon kay Jace. Nakakatuwa.

Huling pag-usapan ay yung kay Jihan. Yung "Pork Empanada" mula sa maikling kuwento ni Tony Perez. Nagustuhan nila ang dula. Gusto nga daw idirek ni Alan, yung nanalo Palanca. Tuwang-tuwa nga si Jihan eh. Maganda daw yung daloy ng dula. Kaya ding pagputol-putulin ang dula.

Pagkatapos ng talk ay kumain kami sa Bamboo Rice nina Jace at Jihan. Pagkatapos ay nakisakay ako kina Jihan at sa kuya niya pauwi pabalik ng Katipunan. Salamat sa sakay ulit, Jihan.

Sabado, Setyembre 18, 2004

CNN.com - Asia switches slowly to green power - Sep 16, 2004

CNN.com - Asia switches slowly to green power - Sep 16, 2004

Nabasa ko itong balita tungkol sa renewable energy. (dali, basahin ninyo.) Nakakatuwang malaman na mayroon pa lang sugar-fuelled powerplant. Paano kaya nagana iyon? Sinusinog nila ang asukal? Isang chemical reaction kung saan gumagawa ang powerplant ng ATP? Ewan. Parang matamis. (I really had to say that didn't I?)

Biyernes, Setyembre 17, 2004

Kakaibang mga Panaginip

Nagkaroon ako ng mga kakaibang panaginip noong mga nakalipas na gabi. Ang hirap ipaliwanag. Gawa siguro ang pagpupuyat at pagpapagod.

Isang panaginip ay nasa loob ako ng gym ng Canossa. Medyo malaki din yung gym kumpara sa pagkakatanda ko. Nag-iisa ako. Tapos may taong biglang dumating at binuhusan ng kung ano ang buong gym. Gas pala ang kanyang ibinubuhos kaya nagsindi siya ng isang posporo at lumiyab ang buong gym habang ako ay nasa loob. Nasusunog, kaya tumakbo ako. Mula sa malayo ay lumiyab ng napakalaki ang gym. Madaming taong nanood ma masunog sa gym at walang taong gustong pumatay ng apoy. Gusto ko sanang hanapin kung sino ang sumunog sa gym mula sa mga tao pero nagising na ako.

Isa pang panaginip ay isa daw akong miyembro ng "assasin" group, lima ata kami. Hindi ko kilala ang mga kasama ko pero mukha silang mga tanga. Meron kaming kailangan na pataying "VIP" pero hindi namin mapatay-patay kasi siya ay isang warlock. Teka ... (deja vu moment) ... Dahil hindi namin siya mapatay, nagpupulong kami sa upper canteen, home base namin, para sa susunod na plano namin sa pagpatay. Pero, kahit na anong gawin namin ay hindi namin mapatay-patay ang warlock na iyon kaya nagising na ako.

Sa isa pang panaginip ay nagpapahinga ako sa tapat ng isang malawak na patag na puno ng berdeng damo at may maraming baka na kumakain. Tapos may isang lalaking biglaang dumampot ng isang piraso ng tae ng baka. Akala ata niya ay bola at noong namalayan niyang tae pala iyon ay nagalit siya.

Ano ba itong mga napapaginipan ko? May dahilan ba ito? Mayroon ba itong ibig sabihin? Sige, tulog pa ako.

Himbing

Lumindol pala kahapon ng madaling araw. Hindi ko naramdaman. Mahimbing kasi ako kung matulog. Tapos samahan pa ng matinding pagpupuyat sa mga nakalipas na mga araw, talagang hindi ako magigising sa kaunting pagyanig. Natatndaan ko pa noon na lumindol din ng malakas sa San Pablo noong nasa mataas na paaralan pa ako. Madaling umaga din noon at malakas ang lindol din pero hindi ako nagising.

Kakaiba ba na hindi ko maramdaman ang isang lindol habang natutulog? Medyo. Siguro.

Martes, Setyembre 14, 2004

Argh!

Ang daming kailangang gawin! Ang unti ng oras! Gusto kong matulog pero hindi ko magawa! Hindi ako magpapatalo. Mananalo ako laban sa Ateneo!

Sa Drama Seminar kanina ay ipinamigay na ni Sir Miroy ang huling proyekto namin. 20 pahinang dula. Hmm. Kaya naman. Pero ano kaya ang magandang topic? Si Jose Rizal? Si FPJ? Ang buhay ng isang pulube diyan sa kanto? Isip. Isip. Isip.

Ipinamigay na rin ni Fr. Arcilla ang huling papel na mapangsaliksik. Kailangan ko pag-usapan at bigyan ng komento ang relasyon ni Rizal sa mga kaibigan niya at kamag-anak niya ayon sa mga sulat at liham na sinulat ng dalawa sa isa't-isa. Ang mga usapan paggitan nina Rizal at Paciano, Rizal at Del Pilar, basta. Kailangang magbasa at magsulat. Hay, sana ibinigay noon pa para nagawa ko na noon pa. Pader talaga. Pero kakakuha ko lang ng huling mahabang pagsusulit at nakakuha ako ng B+! Unang beses na nagustuhan ni Fr Arcilla ang sinulat ko. Hindi ko alam kung bakit ako naka-B+ basta nakuha ko siya. Ang saya.

Nalaman ko din kung bakit wala si Sir Capili noong isang linggo, nanganak ang asawa niya! Congratulations! Mabuhay ang bagong buhay! Natutuwa lang ako.

Lunes, Setyembre 13, 2004

Reklamo

Hay, ang hirap talaga ng buhay. Fiction ang aking genre para sa CW pero kailangan ko pang kumuha ng seminar at dalawang workshop. Kailan ko kukunin ang mga iyon? Seminar sa pangalawang semestre. Paano yung dalawang workshop? Bakit kasi walang fiction seminar ngayong sem na ito. Kung meron, sana hindi ko na pinoproblema ang pag-aayos ng aking schedule. Gusto ko ng fiction pero wala silang maibigay na mga klase! Asar!

Linggo, Setyembre 12, 2004

10-minute play

Kakatapos ko lang ng aking 10-minute play. Pakiamdam ko ay... wala. Kabado. Ang hirap. Ang hirap gawing dula ang isang maikling kuwento. Hindi pa nga ako sigurado kung maganda ito. Hindi ako sanay magsulat ng dula. Pinaghirapan ko ito pero pakiramdam ko ay kailangan pa ng kaunting paghihirap. Medyo mahaba nga siya. 15 na pahina sa MS Word. Hindi na nga siya 10-minute play. Huwag sanang maligalig ang labi ni Macario Pineda sa ginawa kong pagbabago at paglalaro sa kanyang kuwento. Ang mga komento at payo ay malugod kong tinatanggap. Ito na yung dula.

---------

SUYUAN SA TUBIGAN
hango mula sa maikling kuwento ni Macario Pineda

Setting: Sa araruhing tubigan nina Ka Teryo at Ka Albina.

Mga Tauhan:

PILANG: Dalagang pamangkin ni KA ALBINA. Pinsan ni NATI. Mahiyain at maganda.
PASTOR: Binata. Isa sa mga magsusuyod sa tubigan ni Ka Teryo. May gusto kay PILANG.
ORE: Binata. Anak ni Ka Inso. Isa sa mga magsusuyod. May gusto kay Pilang.
KA ALBINA: Tiya ni PILANG at ina ni NATI.
MILYO: Binata. Malapit na kaibigan ni ORE. Matulungin.
PAKITO: Binata. Malapit na kaibigan ni PASTOR. Matuwain.
FILO: Binata. Kaibigan ni PASTOR.
TONING: Binata. Kaibigan ni ORE.
ASYONG: Binata. Kaibigan ni ORE.
TINONG: Binata. Kaibigan ni PASTOR.
KA IPYONG: kamag-anak ni Ka Teryo at KA ALBINA.
FERMIN: anak ni KA ALBINA at Ka Teryo. Kapatid ni NATI. Pinsan ni PILANG. May-asawa
KA PUNSO: Isa sa mga pinakamatanda. Ginagalang ng mga kasama. May-asawa.


(dadating sina Milyo, Ore, Pastor, Pakito, Ka Albina, Nati at Pilang, dala-dala ng mga babae ang mga kubyetas, inumin, at pagkain at daladala ng mga lalaki ang mga araro at ang kanilang mga kalabaw. Nauna na sina Ipyong at Fermin sa pag-aararo sa tubigan.)

KA ALBINA

Ipyong at Fermin talaga. Hindi pa hinintay ang ibang tutulong sa pag-araro.

ORE

(ibinaba ang dalang araro)
Hayaan ho ninyo. Mukhang hindi pa naman ganoon katagal silang nakalusong.

MILYO

Teka. Nasaan ho si Ka Teryo?


KA ALBINA

(inihanda ang mga dalang gamit)
Ang asawa ko’y hindi makakalusong. Natatakot na ata siya sa tubig. Sinusumpong na naman kasi ng rayuma. Mabuti na lang at nandiyan sina Ipyong at Fermin. Gusto pa ngang iurong ni Teryo ang pasuyo kasi ayaw niyang wala siya dito.

PASTOR

Mabuti ho naman at natuloy.
(daliang binababa ang dala at lalapit sa mga babae)
Aling Nati, tulungan ko ho kayo sa matong ninyo. Mukhang ang bibigat ng mga dala ninyong pagkain at kubyertas.

NATI

Salamat na lang ho. Pero kaya ko na ho ito.
(binaba ang dala kasabay ng ibang mga babae)
Isa pa, tinawag kayo rito upang mag-araro, hindi upang magserbidor.

PAKITO

Bakit hindi mo alukin ng tulong si Pilang?
(binaba ang dala)
Si Nati ba talaga ang gusto mo?

PASTOR

Sige na nga. Pilang, tulungan kita sa dala mo.

KA ALBINA

Hay naku. Iyang dala mo ang atupagin mo.

MILYO

(ibinaba ang dala)
(sa manunood)
Pastor talaga. Ayaw magpaalata. Alam naman naming si Pilang talaga ang gusto niya. Sa bagay, may iba diyang may gusto din kay Pilang.
(lalapit kay Ore)
Hindi mo tutulungan si Pilang?

ORE

Nahihiya pa ako.

MILYO

Mauunahan ka niyan ni Pastor e. Kailangan nating mag-araro bago umani. Hirap at tiyaga, kaibigan. Hirap at tiyaga. Hayaan mo, tutulungan kita.

ORE

Tulungan ako? Ikaw nga diyan ay hindi makapangligaw-ligaw kapag hindi mo kami kasama ni Toning.

MILYO

Kaya nga kita tutulungan e. Kasi kasama kita noong binato ako ng walis ni Ka Ferda noong hinarana ko si Yola. O itong tulong ko.
(pasigaw)
Pilang. May gustong sabihin sa ‘yo si Ore.

ORE

Ano ba iyan? Anong sasabihin ko?

PILANG

Ano iyon, Ore?

ORE

A. E. Na- Nagugutom ako. Ano bang ihahain ninyo para sa amin?

PILANG

Tiya, ano bang ihahain natin? Nagugutom na daw po si Ore.

KA ALBINA

Piniritong kamote at kape para pampainit ng tiyan. Pero hindi pa kami tapos sa paghahain dito kaya maghintay-hintay ka pa.

ORE

A. Ganoon po ba? Salamat po.
(kay Milyo)
Ano ka ba? Walang paghahanda e sinasabak mo agad ako.

MILYO

Ayaw mo naman kasing sabihin agad na “Pilang, iniirog kita.” Ang hina naman ng loob mo.

ORE

Ang dami-daming tao e. Nandiyan pa si Ka Albina. Ang taray-taray pa naman noon.

KA ALBINA

Ano iyon? Narinig ko ang pangalan ko diyan.

ORE

Wala ho. Wala. A. Kasi gusto ko lang hong malaman kung ilan ang natawag ninyo?
(bibilangin ang mga lalaki)
Aanim pa lang kaming nandito.

KA ALBINA

A ganoon ba? Sabi ni Ipyong, baka raw umabot sa sampu kayong lahat.

PAKITO

Kaya pala mukhang mabigat ang mga matong na iyan. Kay-rami marail ng pagkain.

KA ALBINA

Kayong mga lalaki talaga. Puro pagkain ang iniisip. Baka hindi ninyo matapos ang pagsusuyod ninyo.

(dadating sina Ka Punso, Toning, Filo, Asyong, Tinong)

MILYO

Bakit ngayon lang ho kayo?

KA PUNSO

Paumanhin. Ang tagal kasing tumae ni Filo.

FILO

Pasensiya. Tinitibi ata ako e.

PASTOR

Kain kasi ng kain ng saging.

ASYONG

O Milyo, Ore. Nandito na pala kayo.
(ibinaba ang dala)

TONING

Magandang umaga mga kaibigan.
(ibinaba ang dala)

ASYONG

Aba nandito rin pala si Pilang.
(kinakalabit si Ore)
Ore. Ore.

ORE

Alam ko. Alam ko.

MILYO

Huwag mo nang kulitin si Ore. Nilapitan na niya si Pilang kanina.

TONING

Talaga? Anong nangyari?

MILYO

Nanlamig ang kaibigan natin. Nanlamig.

ASYONG

Ayos lang. Mahaba pa ang araw. Magkakaroon ka din ng pagkakataon. Hayaan mo, tutulungan ka namin.

ORE

Huwag na. Tama na ang tulong. Baka lalo pa akong mapasama niyan sa mga tulong ninyo.

PASTOR

(lalapit sa mga babae)
Tulungan na kita Pilang. Baka magalusan pa ang mga magaganda mong kamay.

PILANG

Huwag na, Pastor. Piniritong kamote at kape lang naman ang ihaain. Kaya na namin ito ni Nati.

PASTOR

Bakit mo naman tinatanggihan ang aking pagtulong?

PILANG

(magpapatuloy sa ginagawa)

KA ALBINA

Kasi, hindi ka pa naliligo.

PASTOR

Ka Albina naman. Ang bango-bango ko ngayon. Matagal akong naligo kanina. Ang lamig nga ng tubig e.

ASYONG

Aba. May gusto rin pala si Pastor kay Pilang.

MILYO

Kanina pa nga iyang si Pastor e. Kulang na lang na magbigay si Pastor ng bulaklak.

ASYONG

Kung hindi ka gagalaw, Ore, matatalo ka niyan.

(pause)

FILO

Tila pusang nanunubok kung humila ang kalabaw ni Fermin a.
(tuturo sa tubigan)
Mukhang pagod na pagod.

PASTOR

Mangyari’y isang buong tag-araw na hindi nilubayan ‘yan sa kariton.

TONING

Siyanga. Talaga namang ibang-iba ang mga hita ng kalabaw na iyan.

PAKITO

(sisingit)
Mangyari’y nagpagawa naman ng bahay si Fermin. Hayan nga naman, mayroon na silang baay. May paglalagyan na rin ang pag-ibig nilang dalawa ni Gundang.

FERMIN

Hoy! Narinig ko ang pangalan ko! Huwag ninyo akong pag-usapan ng masama diyan. Kung hindi, makakaisa kayo sa akin.

FILO

Hindi ka namin pinag-uusapan, ‘yong kalabaw mo.

TONING

(lalapitan ang kalabaw ni Asyong)
Walang-wala iyang kalabaw ni Fermin sa bagong kalabaw ni Asyong. Magdadalawang taon pa lang di ba, Asyong? Mainam ang mga baraso. Tuyong-tuyo ang mukha. Ito ay isang tunay kalabaw.

PASTOR

Pero. Pagkarating sa kaliksihan sa tubigan ay walang tatalo sa aking kalabaw. Si Osman ang pinakamagaling na kalabaw dito pagkarating sa pag-aararo.

MILYO

Hoy. Hindi iyan totoo. Ang alaga ni Ore ang pinakamakisig at pinakamagaling.

ASYONG

Siyanga! Siyanga?

MILYO

Oo naman. Di ba, Ore, binibida mo sa akin kung paano mo sinuyod ang buong tubigan ni Ka Auring sa loob ng kalaating oras.

ORE

Ano? Wala akong…

MILYO

(sisingit at kakausapin si Ore)
Nanonood si Pilang. Ito na ang pagkakataon mo para sumikat at numingning. Sumabay ka na lang sa akin.

ORE

E, hindi naman totoo iyang sinasabi mo. Inabot ako ng kalaating araw doon. Pagurin na din ang alaga ko.

PASTOR

Totoo ba iyang sinasabi ni Milyo, Ore? Kalaating oras? Parang mahirap paniwalaan.
MILYO

Totoo ang sinasabi ko. Di ba, Ore? Di ba?

ORE

A. E.

KA PUNSO

Tama na muna iyang pagyayabang ninyo. Tara na at tulungan na nating magsuyod sina Ipyong at Fermin sa tubigan.
(kukunin ng mga lalaki ang kanilang mga araro at kalabaw at sila ay susulong sa tubigan)

NATI

Hoy, Pilang. Kanina pang nagpapaalata sina Pastor at Ore a. Kung wala kang gagawin ay baka hindi ka titigilan ng mga iyan.

PILANG

Ano ba ang gagawin ko? Nakakahiya naman kung pipili ako ng isa tapos ipagtatabuyan yung isa. Baka mag-away yung dalawa.

KA ALBINA

E di hayaan mong magbasag-ulo. Tapos piliin mo yung nanalo para tapos ang usapan.

NATI

Ang pangit naman ng payo ninyo, Inay. Ginawa nyo namang sabong ang panliligaw ng dalawa.

KA ALBINA

A, ito. Mas magandang ideya. Pagkabalik na pagkabalik nila, pareho mong hindian. Siguradong titigilan ka na ng mga iyan.

PILANG

Ang lamig naman noon.

NATI

Bakit? May gusto sa isa sa dalawa ano? Ee. Ano ang ang sasabihin namin sa mga magulang mo?

PILANG

Wala namang magtatanan a. Nanliligaw sila.

NATI

Ligaw. Tanan. Anong pinagkaiba noon?

KA ALBINA

Tama na nga iyan. Tatawagin ko na ang mga lalaki.
(pasigaw sa mga nag-aararo)
Halina kayo. Nakahanda na ang kape. Magpainit muna kayo ng tiyan.

(babalik sa kainan at pahingahan ang mga lalaki maliban kina Ore at Pastor)

KA IPYONG

Mabuti naman at kape na. Pampagising ng kaunti.

MILYO

Nasaan sina Ore at Pastor?
(pasigaw)
Hoy. Ore. Pastor. Magkape muna tayo.

PASTOR

(nakasakay sa kalabaw mula sa tubigan)
Hayaan ninyo. Mauna na muna kayo. Gusto kong malaman kung talaga nga bang mas magaling ang alaga ni Ore kaysa sa akin. Ano Ore, girian tayo?

ORE

(nakasakay sa kalabaw)
Kailangan ba natin? Pwede sa susunod na lang?

ASYONG

Sige, Ore. Kaya mo iyan! Patunayan mo ang sarili mo.

MILYO

Tama si Asyong. Hindi ito ang oras para maduwag.

ORE

Oo na! Maggigirian kami ni Pastor.

PAKITO

Ayan! Mukhang magiging maganda ito a.

ASYONG

Kaya mo iyan, Ore!
(bubulong kay Milyo)
Matatalo si Ore?

MILYO

Galingan mo, Ore!
(bubulong kay Asyong)
Matatalo si Ore.

TONING

Ore! Matatalo ka daw!

ORE

Tumahimik ka!

KA ALBINA

(Binigyan ng kape sina Fermin at Ipyong)
Ano ba ang ginagawa ninyo? Magkape na kayo.

FILO

Mamaya na muna, Ka Albina. Manonood muna kami.
(pasigaw)
Sisiw lang iyan sa ‘yo, Pastor.

NATI

Hay naku. Nagpapakalalaki na naman ang mga iyan.

KA PUNSO

Natatandaan ko tuloy noong araw na si Juana ay nililigawan ko, nagkatagpo kami niyong taga-Dalig sa pasuyo ni Tandang Lucio sa Nabao. Hinamon ako girian. Alam niyang nililigawan rin si Juana.

TONING

Maganda ba ang kalabaw niya, Ka Punso?

KA PUNSO

Maganda ang kalabaw niya. Ang gilas ng tindig. Kung masisindak ka’y masasabi mong mairap labanan sa girian.

PAKITO

Anong nangyari, Ka Punso? Nagkairitan ba kayo ng mabuti?

KA PUNSO

Nahuhuli ako. Sampung likaw na yata ay hindi ko pa nahahalataan ang kalabaw niya. Ang kalabaw ko naman ay ibig nang tumigil. Bumubula na ang bunganga. Abot na ang hingal. Noong dalawampung likaw na kami ay pinilantik ng taga-Dalig. Akala niya ay maiiwan na niya ako. Pero noong pinaltik niya ang kanyang kalabaw, bigla ba namang humiga ang alaga niya. Kay-lalim ng labak na ginawa. Swerte’t nanalo ako.

MILYO

Ang kalabaw mo, Ka Punso. Hindi ba nahirapan?

KA PUNSO

Anong hindi nahirapan? Ayaw na ngang tumayo kinabukasan noong ipangsuyod ni Ama. Kaunti na akong hambalusin ng urang ni Ama. Mag-isa akong pinaghanap ng panggatong ng dalawang buwan para parusa sa akin.

TINONG

Ayan magsisimula na. Bilisan mo, Pastor! Pakainin mo ng putik!

PASTOR

(mula sa tubigan)
Handa ka na ba, Ore? Gusto mo mauna ka. Partida.

ORE

Huwag na. Handa na ako.
(sabay na sumutsot ang dalawa sa kanilang kalabaw)

TONING

Ang liksi naman ng kalabaw ni Pastor. Nauna kaagad.

FERMIN

Ayan. Humaabol na si Ore.
(pipilantik si Ore sa kanyang kalabaw)
Ang lakas ng pilantik.
(sa unang paglikaw/pag-ikot ay nauna si Pastor ngunit hindi malayo si Ore)

MILYO

Sugod, Ore! Huwag kang magpapatalo!

FILO

(sa pangalawang paglikaw/pag-ikot ay nauuna pa rin si Pastor at lumaki ang lamang niya kay Ore)
Mukhang nahihirapan ang kaibigan ninyo sa paghabol lang.

KA IPYONG

(pumilantik si Ore sabay ng isang sutsot)
O, humahabol na ulit si Ore. Pantay na sila. Mukha ngang maganda ang girian na ito a.
(sa ikatlong paglikaw/pag-ikot ay pantay na sina Pastor at Ore)

PASTOR

(naka-ngiti)
Iyan lang ba ang kaya mo, Ore. Baka matalo ka niyan.

ORE

Maghintay ka lang, Pastor. Mauunahan din kita.

KA PUNSO
Mukhang ang kampanteng-kampante si Pastor. Ang laki ng ngiti.
(pumilantik si Pastor)
Ayan, pumilantik na rin si Pastor. Naku, lumalayu na ulit ang paggitan.

MILYO

Dali, Ore! Habol!

ASYONG

(sa ika-apat na paglikaw/pag-ikot ay nauna na muli ang si Pastor)
Sige pa, Ore! Huwag kang magpahuli!

FERMIN

(bumubula ang bunganga ng kalabaw ni Ore)
Talagang gumagalaw ang kalabaw ni Ore. Pero bumubula na ang bunganga.

FILO

Humahabol na siya. Mag-ingat ka, Pastor!

MILYO

(sa ika-limang paglikaw/pag-ikot ay nagpatuloy si Pastor habang tumigil na ang kalabaw ni Ore)
A! Tumigil ang kalabaw ni Ore! Tumigil na!
(hiyawan)
Hay. Talagang makisig ang kalabaw ni Pastor.

KA PUNSO

Pastor! Ore! Magkalag muna kayo.

(dadating sina Pastor at Ore. Babatiin ng mga kalalakihan si Pastor. Mag-isang pupunta sa isang tabi si Ore.)

PAKITO

Ang galing mo talaga, Pastor.

FILO

Wala kang kapantay.

TINONG

Walang sinabi sa ‘yo si Ore.

PASTOR

Salamat. Salamat.

MILYO

(lalapit kay Ore)
Pasensiya na Ore. Akalain ko ba na hahamunin ka ni Pastor?

ORE

Ayos lang. Mas nakakahiya naman kung hindi ko tatanggapin yung hamon niya.

ASYONG

Ako na ang maglilinis sa alaga mo. Mag-kape ka na muna.

TONING

Oo nga. Tutulungan ko si Asyong. Magpahinga ka na muna rito.
(lalapitan nina Asyong at Toning ang kalabaw ni Ore at huhugasan ito)

MILYO

(kukuha ng kape mula kay Nati)
(sa manunood)
Panalo si Pastor sa girian. Walang duda. Pero siya nga ba ang nanalo?
(titingin kay Ore. naka-ngiting lalapit ni Pilang si Ore at aabutan si Ore ng kape)
Mukhang magiging maganda ang ating araw ngayon.

Katapusan

Sabado, Setyembre 11, 2004

Salo-salo

Isang masayang salo-salo ang ginanap kahapon sa Tapika na isinaayos ni Edlyn. (Parang isang seryosong balita ito ah.) Ano pa ba ang masasabi ko? Ilang mga nakakatuwang mga sandali. Kagaya noong binuksan ni Edlyn ang kahong regalo niya. Yung mga pagkakataong inanyayahan si Edlyn na makapag-jamming ng bandang kumakanta. Ang unang inom ni Yumi. Ang panlalamig ni Jihan dahil sa air-con. Hay, kung hindi lamang masama ang pakiramdam ko noon, mas marami pa ang matatandaan ko ngayon dito. Salamat sa libre at malas naman na natalo ang Ateneo laban sa FEU.

Miyerkules, Setyembre 08, 2004

Swerte

Ang swerte ko! Nagbunga ang aking paghihirap sa Teolohiya. Nakakuha ako ng 2.15 sa pangalawang mahabang pagsusulit. Ibig sabihin noon ay makakakuha ako ng pangkabuuang grado sa mahabang pagsusulit ng 1.07. Pasado ako! Ayos! Nasaan ang susunod na problema? Dali! Habang swerte pa ako!

Martes, Setyembre 07, 2004

Oo nga pala...

Kaarawan ni Dad kahapon. Nakalimutan ko. (Happy Birthday Dad!) Kaarawan din ngayon nina Abet at Edlyn. (Happy Birthday sa inyo!)

Isa lang ang klase ko ngayon. Ang saya. Parang ako ang may kaarawan. Nag-consult kasi ako noong sabado kaya binigyan ang ang mga pumunta noong sabado ng free cut kanina para sa Drama Seminar. Wala naman akong Pilosopiya mamaya dahil on-leave si Sir Capili.

Lunes, Setyembre 06, 2004

Bakit?

“Bakit?” Isang tanong na napakahirap sagutin. Talaga. Sobra. Hirap. Lalo na noong tinanong ko ang sarili ko noong naglalakad ako papunta sa istasyon ng MRT. Pero dahil napakahirap nga ang tanong na ito, tumigil na ako sa pagmumuni-muni at tinanong ko ang sarili ko ng ibang tanong. “Bakit napakahirap sagutin ang tanong na ‘bakit’?”

Bakit nga ba napakahirap sagutin ang tanong na “bakit?” Marahil, kailangang tanungin kung saan patukoy ang tanong. Sa isang gawa ba? (Bakit ko ito ginawa?) O sa isang pangyayari? (Bakit ito nangyari?) Makikita na ang dalawang tanong ay malapit dahil ang isang pangyayari ay dulot mula sa grupo o pagkakasunod-sunod na gawa. Kaya ang sa huli ay iisa lamang napatutukoy ang tanong na “bakit?” at iyon ay sa mga gawa, ang dahilan o mga dahilan ng mga gawa.

Paano ang dahilan sa buhay? Sa totoo lang ay napakalapit ng dahilan ng gawa at dahilan sa buhay dahil kung pagsasamahin mo ang mga gawa ay makakakuha tayo ng isang larawan kung sino tayo bilang mga sarili. Hindi malayo ang dahilan natin sa buhay sa dahilan natin sa gawa dahil nabubuhay tayo sa ating mga gawa. (Mala-Fr. Dacanay.)

Magulo ang dahilan ng mga gawa. Walang iisang dahilan para sa karamihan ng mga gawa. Lalo na sa mga dahilan kung saan malay tayo at hindi tayo malay. Kaya mahirap hanapin ang dahilan at sagutin ang napakahirap na tanong.

Pero marami nga bang mga dahilan sa ating mga gawa? May iisa bang malakas at dakilang dahilan para sa gawin ang ating mga ginawa o talagang may komplikadong mga dahilan sa ating mga gawa?

Kaya siguro binibigyan natin ng halaga ang mga biological na mga dahilan sa ating mga gawa para masagot ang unang tanong. Mga genetical na dahilan kung bakit pumapatay ang ilan. Mga psychological na dahilan para malaman kung bakit malungkutin o depressed ang ilan.

Pero, sa tingin ko, kaya ultimong napakahirap sagutin ang tanong na “bakit?” ay dahil sa ating pagkakaiba sa iba. Iba ang ating sarili sa iba at ang bawat tao sa atin. Iba ang katabi ko sa MRT sa mga guwardiya sa pasukan at bukana ng istasyon kagaya ng pinagkaiba ko sa lahat ng taong nagbabayad sa bataran ng ticket. Iba-iba kasi ang pakikitungo natin sa iba at kasama na rito ang pagkakaiba ng mga dahilan ng ating mga gawa. Kailangan nating tanggapin na ang ating mga gawa ay hindi lamang mga nakakaapekto sa ating sarili, ang mga gawa ay nakakaapekto sa iba sa isang direkta o di-direktang paraan. Kaya relatibo at subhektibo ang ating mga dahilan. Malay man tayo o hindi sa ating mga dahilan, mapapansin na iba’t-iba at marami ang mga dahilan natin sa ating mga gawa dahil iba’t-iba ang mga taong pinatutunguhan ng ating mga gawa.

Kaya ang tanong na “bakit?” ay hindi lamang isang tanong patukoy sa sarili kundi isa ding tanong patukoy sa ating pakikitungo at pakikisama sa iba. Pero napakahirap bang malaman ang kalagayan ng ating pakikitungo sa iba? Sa tingin ko ay mahirap lalo na sa isang mundong urban o lungsod kung saan mahirap nang husgahan pakikitungo sa iba. Sa dami-dami ng mga taong kasama natin dito sa napakalaking mundo ng lungsod at siyudad. Halos sandali lamang ang mga pagkilala sa iba. Kaya napakahirap.

Mahahanap siguro natin ang sagot sa tanong na “bakit?” sa ating pakikitungo sa pamilya at mga kaibigan dahil sila ang mga taong matagal at malalim ang ating mga pakikitungo. Marahil, sa kanila ay makikilala natin kung sino tayo at malalaman natin ang ating mga “bakit” o dahilan hindi lamang sa gawa kundi marahil ay sa buhay na rin natin.

?

Nakakuha ako ng F sa quiz sa Theology! Hay. Inaasahan ko na naman. Mali naman talaga ang sinabi ko. Oh well.

Linggo, Setyembre 05, 2004

Connie & Carla

Pinanood ko kanina sa Glorietta ang pelikulang Connie & Carla. Maganda siya. Predictable ang banghay at stereotipo ang mga bading pero madaming mga nakakatuwa at nakakaantig na mga eksena sa pelikula. Nakakatuwa din ang mga pagkanta nila. Vordalos na Vordalos ang kapayakan ng pelikula at mga tauhan. Problema lang ay hindi ganoong nakakatakot ang kontrabida. Pero nakakatuwa ang kanyang utusan. Yun lang.

Sabado, Setyembre 04, 2004

Publishable at Consultation

Kakatapos lang kanina ng aming unang workshop para sa Fil 119. Magagaling ang mga kasama ko sa klase pagkarating sa pagsusulit. May mga jaunting problema ang mga ginawa namin pero kung maitatama ay, ayon kay Sir Yapan, "publishable" daw ang mga gawa namin. Ngayon ko lang narinig ang salitang iyon. Publishable.

Pagkatapos ng klase ay kinailangan kong magpa-consult kay Sir Miroy para sa 10 minute play na ginawa ko. Maayos ang usapan namin. Marami ako nakuha kung ano ang kailangan kong gawin para gumanda ang dula ko.

Nakakaasar talaga ang ulan. Wala lang.

Huwebes, Setyembre 02, 2004

Meeting at Bigay at Kuha ng Mahabang Pagsusulit

Pagkatapos ng drama seminar ay nag-meeting kami ng grupo ko sa Teolohiya para sa aming research paper. Kailangan na kasi para bukas ang outline para doon.

Pagkatapos ng meeting ay nagmadali akong umuwi ng condo dahil kailangan ko pang tapusin ang aking mahabang pagsusulit para sa Hi165. Salamat at take home siya. Sinagot ko kung ano ang kuwento ni Fr. Pelaez at Fr. Burgos. Binasa ko ang Manifesto ni Burgos at ang galing pala talaga niyang magbigay ng argumento. Astig pala siya. Inaakala ko dati ay pari lang siyang pinatay kasi hindi binibigyang pansin ng mga guro kung ano ba ang epekto nito sa rebolusyon. Masyado sigurong atat ang mga gurong makarating sa rebulosyon ng Pilipinas.

Nakuha ko naman mula sa Pilosopiya ang huli kong mahabang pagsusulit. Magaling at nakakuha ako ng B+. Yehey! Kailangan ko na lang tapusin ang mga ekstrang papel at kunin ang huling pagsusulit, na pasalita, sa Pilosopiya. Ang lapit na ng katapusan pero ang tagal bago makarating doon!

Miyerkules, Setyembre 01, 2004

Lumang Libro

Nakakatuwa lang na nakakita ako ng isang librong inilimbag noong 1912 sa Special Collection Section ng Rizal Library. Talagang luma na. Ang tagalog nito ay napakaluma at ang mga titik na ginagamit ng libro ay Espanyol. Ang titik "k" ay titik "c" sa libro. Astig talaga. Nakakatakot ipa-photocopy. Baka biglang maging abo.