Sabado, Hulyo 31, 2004

Uwi, Blindfold, Panalo, at Gupit

Umuwi ako ngayong weekend. Wala kasi akong klase para sa Fil 119.2. Kaya ito, nasa San Pablo na.

Interesante ang isang nangyari sa daan pauwi. May isang kotseng pula na aking gawing kanan. Convertable. Napatingin ako sa kotse kasi maganda ang desinyo. Isa pa, kakaiba ang nilagay na mga desinyo dito. Maliban sa pulang kulay, may mga bituin sa kabuuan ng kotse. Napatingin ako sa nagmamaneho. Aba, parang may suot. Shades? Hindi. Goggles? Eh gawa sa tela ang suot. Doon ko namalayan, nakatakip ang mga mata niya. Naka-blindfold. Nakakapangmangha. Nakita ko na mayroong sumusunod na iba pang mga van sa kanya. Susana Rose daw ang pangalan ng nagmamaneho. Kalaban ng krimen at, sa pagkakaintindi ko, isa ring mystiko. Kaya nga siya nagpapakitang gilas. Isang patunay ng kanyang galing, katatagan, at katapan sa kanyang pinapaniwalaan.

Sa totoo lang. Hindi ako naniniwala na hindi nga talaga siya nakakakita. Habang pinagmamasdan ko siya ay ginagalaw niya ng kaunti ang tela na parang inaayos niya ang kanyang nakikita o gustong makita. At saka mahirap patunayan na tunay hindi siya nakakakita. Isa pa, may bumubuntot sa kanyang mga kasama. Baka may nagraradyo sa kanya ng dapat gawin. Nakakapangduda.

Panalo nga pala ang Ateneo kanina. Astig. Kahit na wala si Larry, nanalo pa rin sila. Sa simula ay nagduda ako dahil maganda ang simula ng Adamson tapos ang sama-sama ng laro ng Eagles. Halos itapon ko ang remote ng aking TV. Mabuti na lang at gumaling na rin ang kanilang laro. Umalis ako para magsimba pero nakahabol na ang Ateneo. Dos puntos na lang ang lamang. At sa pagkakabalita ko ay panalo na sila. Yehey.

Nagpagupit na nga rin pala ako. Wala lang. Panget na ng buhok eh. Kaya ito, maikli na.

Huwebes, Hulyo 29, 2004

Imelda

Free-cut ang karamihan ng mga klase ko ngayon maliban sa History. Dahil libre ang aking hapon, pinanood ko ang documentary na Imelda.

Tunay ngang maganda ang pelikulang ito. Isang magandang pagtingin sa buhay ng isa sa mga pinakakilalang babae sa kasaysayan ng Pilipinas. Marami akong nalaman tungkol sa kay Mrs. Marcos na, marahil, hindi ko malalaman sa mga libro o sabi-sabi. Isang tunay na nakakatuwang tao si Imelda. Masayahin, mabait, at malambing. Mga katangian na nagbigay sa kanya ng malaking impluwensiya at lakas sa pamahalaan. Isa pang maganda sa pelikula ay hindi lamang sa dating First Lady nanggagaling ang mga impormasyon. Kumuha rin ang mga gumawa ng pelikula ng iba pang interview mula sa mga malalapit sa kanya at mga kilalang politiko. Kaya isa itong balanseng pagtingin kay Ginang Marcos at sa kanyang pamilya. Kumpara sa ibang documentary na nakita ko, hindi puro pambabato sa dating Pangulo at ng kanyang asawa ang pelikulang ito. Nakita ko ang dalawang pananaw mula kay Gng. Marcos at sa mga kalaban at kaibigan nito.

Hindi ko lang alam kung ano ang kinasama ng pelikula. Siguro kahit na anong gawin ng direktor at manunulat ng pelikula, nagmumukha pa ring masama o, sa isang mas mahinhing opinion, kakaiba ang dating Unang Ginang. Hanggang ngayon, puno pa rin ng mga myto, alamat, at kuwento ang nakalipas na panahon.

Miyerkules, Hulyo 28, 2004

Mahabang Araw

Medyo nakakapagod ang araw ko ngayon. Medyo lang. Hindi naman ako nahingal o kaya ay sobrang inaantok. Nahabaan lang siguro ako sa mga klase ko ngayon lalo na kung sinapa ko pa ang mahabang pagsusulit para sa Teolohiya.

Pangkaraniwan lang naman ang nangyari sa mga klase ko, diskurso sa Drama Seminar, turo ni Fr. Arcilla sa Hisory, pagtatapos kay Descarte sa Pilosopiya. Pangkaraniwan. Ang nakakabigat ay ang napakahabang mahabang pagsuslit. Puros sanaysay ang kailangang isagot kaya sa katapusan ng pagsusulit ay sumakit ang mga kamay ng kumuha, kasama na ako. Sana naman ay tama ang mga pinagsasabi ko.

Lunes, Hulyo 26, 2004

Cut

Nag-cut ako ng theo! Hindi ko gusto pero napilitan ako! Tanga ko kasi. Nakalimutan ko ang bibliya ko. Asar. Ang lakas pa ng ulan. Hindi ko talagang gustong mag-cut pero wala na akong oras para makabalik pagkatapos kong kunin ang bibliya ko. Hay. Oh well. Susulatin ko na lang ang aking maikling kuwento.

Linggo, Hulyo 25, 2004

I Robot

Astig ang I Robot. Maganda ang special effects at witty ang script. Memorable ang mga tauhan lalo na ang robot na si Sonny. Kalimutan nyo na si R2D2 at C3PO, Sonny is the man! At si Will Smith ay palaging magiging si Will Smith at sa tingin ko bagay rin naman siya sa role na iyon. Nagbibigay siya ng kaunting comic relief para hindi masyadong mapaisip ang mga manonood.

Alam mo na kung ano ang msnyayari, ang maganda ay ang mga plot twist. Bakit ganoon ang nangyari sa mga robot? Sino ba talaga ang may gawa? Akala mo alam mo na yun pala hindi. Ayokong sabihin, baka may makabasa nitong hindi pa nakakapanood. Pero medyo mahirap sundan ang plot. Patalon-talon ng kaunti pero ok lang. Nagana naman.

Maganda siya. Kung marami ka nang napanood na mga pelikula tungkol sa mga robot, pangkaraniwan na rin ang kuwento ngunit dahil kakaiba ang delivery at presentation ng paksa, maiingganyo ka pa rin.

Sabado, Hulyo 24, 2004

Papunta sa Dulang "Speaking in Tongues" at Pabalik

Kinailangan kong manood ng isang dula na itinatanghal sa Tanghalang Huseng Batute sa Cultural Center of the Philippines. Kaya pagkatapos ng klase ko ay tinahak ko na ang daan papuntang CCP.

Ginamit ko ang lahat ng linya ng MRT 3, LRT 2 at ang orig na LRT kasi hindi ko alam kung ano ang mas madaling daan. Kaya mula Katipunan ay bumaba ako ng Cubao. At mula Cubao at dumeretso akong Taft.

Mas halata pala ang polusyon pagkatapos ng isang matinding ulan. Mas kita mo ang itim ng usok sa tambutso. Kaya parang ang dumi-dumi ng pakiramdam ko. Pinapawisan pa ako. Hay. Arte ko talaga.

Mula Taft ay sumakay ako ng original LRT papuntang Vito Cruz, malapit lang ddon ang CCP at ang kahanga-hangang De La Salle University. Pero hindi ako nakababa ng Vito Cruz kasi sobrang puno. Asar. Nagmamadali pa naman ako noon. Kaya kinailangan kong kunin ang pabalik na sakay. Mabuti naman at hindi ganoong ka puno ang kabila kaya nakababa ako ng maayos sa Vito Cruz.

Mula sa istasyon ay naglakad-lakad ako. Walang pinatutunguhan. Diretso ng Taft at sa unang kantong nadaanan ko ay kumaliwa na agad ako. Natatakot ako na nawawala na ako at hindi ko na alam ang aking pupuntahan. Kaya nagtangong ako sa isang padiyak kung saan ang CCP, tinuro niya ako sa orange na jeep na papunta lamang talaga sa direksiyon ng CCP. Wow, ayun lang yung sakayan. Ilang metro lang. Parang akong tinadhanang makarating sa aking pupuntahan. Sumakay ako at bumaba na sa CCP.

Apat na daan ang ticket ngunit may discount ang isang mag-aaral. Pero hindi ko dala ang aking ID kaya nagbayad ako ng buo. Sayang. Pero sulit pa din naman ang bayad kasi maganda ang dula.

Maganda ang Speaking in Tongues. Nakakatuwa ang umpisa, sabay-sabay nagsasalita ang mga tauhan at nagkakaiba lamang kasi iyon ang nababagay sa karakter o ugali ng tauhan. Maganda ang technique. Talagang naipakita ang pagkakaiba ng mga tauhan. Magaling din ang acting. Mga professional eh.

Nakakatuwa din ang banghay kasi halos lahat ng mga tauhan ay kilala ang isa't-isa o kaya ilang degrees of separation lamang. Naisip ko, "Nakahirap namang mangyari ang mga iyon." Pero sasagutin din naman pala ako ng tadhana.

Papauwi ay punong-puno ang MRT. Walang problema ang LRT2, MRT3 talaga ay madami na rin. Yun nga, nakasakay na ako sa Taft at papunta na akong Cubao. Sa may istasyon sa Ortigas punong-puno na ang sasakyan nang may nakita akong pamilyar na mukha. Bumukas ang pinto, nakatayo ako sa tabi nito, may mga lumabas at may pumasok at isa sa mga naghihintay na makasakay ngunit hindi na makasiksik ay ang dati kong kaklaseng si Lea. Hindi ko inaasahan na makita siya. Ganoon lang talaga ang tadahana, hindi mo inaasahan.

Lugmok na ang kotse
Posted by Hello

Mga tao sa baha
Posted by Hello

Biyernes, Hulyo 23, 2004

Paghamak sa Baha

Biglaan ang buhos ng ulan. Hindi inaasahan ng aking isang kaklase na uulan. "Pare, mukhang sayang iyang pagdala mo payong," banggit niya sa akin. Mukha nga namang hindi uulan noong magsisimula pa lang ang klase namin sa teolohiya. Paglabas namin ay nagulat na lamang ang iba sa alulong ng ulan. Mula SEC B ay pumunta ako ng CTC. Doon ay nasalubong ko ulit ang kaklase kong nagbanggit na hindi ko na kakailanganin ang aking payong. "O ano? Hindi ko na kailangan ang payong ko?" sabi ko sa kanya. Nagtawa lamang kami at inamin naman niyang nagkamali siya.

Papunta ng overpass mula CTC, walang epekto ang payong ko. Ang ulo ko lamang ang hindi nabasa. Mula balikat pababa, basa. Mabuti na lang at hindi ko dala ang aking backpack. Kung dala ko iyon, halos lahat ng aking mga libro, mga babasahin, mga papel, at mga gamit ay nabasa. Halos hindi ko makita ang aking dinadaan dahil sa ulan at sa kasabay na hampas ng hangin.

Basang-basa na ako nang dumating ako sa overpass. Ang aking sapatos at medyas ko ay sobrang basa, mistulang naglalakad ako sa baha ng kahit na tuyo ang aking nilalakadan. Mula Ateneo ay tinawid ko siya ngunit ang kabilang dulo ay binabaha na. Dahil basa na rin naman ako, tinawaid ko na ang tabing daan papuntang Jollibee. Ngunit sa sobrang lakas ng ulan ay hindi ko na hinamak ang pagdaan sa ibabaw ng baha at naghintay na lamang ako sa bukana ng National Bookstore. Alas tres y medya na noon.

Kaya naandoon ako, naghihintay na tumila at bumaba ang baha. Nababasa pa rin ako ngunit mas maganda na iyon kaysa lumangoy sa bahang hindi mo alam kung gaano ka dumi. Ganoon din ang iniisip ng karamihang nasa loob ng tindahan ng mga libro. Titingin sa labas at magugulat sa baha at, pagkalipas ng ilang sandali, papasok na muli sa katuyuan sa loob. Hindi na ako pumasok dahil nga basa na ako at malamig sa loob. Mas magkakaroon ako ng sakit doon kaysa sa kinalalagyan ko na.

Tudo buhos pa rin ang ulan at pagkalipas ng kalahating oras ay hindi na maaaring makaalis ang mga nakatigil na sasakyang naka-park sa tapat ng mga tindahan. Ang mga ilan na naghihintay sa loob ng mga nasabing kotse ay nagsipaglabasan na. Karamihan ay pumunta sa Jollibee at NBS. Halos umabot na sa kinalalagyan ko ang taas ng baha.

Nakakatuwa ang sitwasyon. Ang mga batang kalye nagsisipaglanguyan sa baha habang umiiwas ang ibang mga tao sa ulan at baha. Nagmistulan silang malaya habang kami ay naging preso ng malamig na mga butil. Sila naglalaro, naghahabulan, nagtatampisaw, at nagsasaya sa kayumanging tubig.

Dahil sa nagbabantang baha, napilitang maglagay ang mga taga-National ng mga harang. Naglagay sila ng dalawang mahabang kahoy na may ilang pulgadang haba. Patabi itong nilagay babang nilagyan ng tatlong sakong puno ng buhangin sa magkabilang dulo at gitna ng dalawang kahoy bilang suporta. Gumana naman at sa likod ng harang na ito ay napoprotektahan naman nila iyon. Ngunit sa sobrang lakas ng ulan ay kinulang ang kanilang nigay na harang. Kaya nagdagdag sila ilan pang kahoy at ng mga kariton para hindi sumingit ang tubig. At mula noon ay hindi na nagbanta ang bahang pumasok sa loob ng tindahan.

Walang makadaan na mga kotse dahil sa sobrang lalim ng tubig, lalo na sa tabi na papunta sa direksiyong papuntang fly-over. Nagkumpol-kumpol sila sa mababaw na parte ng baha at naghintay na lamang. Ang ibang hinamak ang tubig ay, kung hindi man tumila sa gitna, nahirap sa pagtawid sa malalim na tubig. Nakakaasar ang mga dumadaan na mga kotse kasi nakakagawa sila ng alon na bumabasa sa amin. Kaya kahit na hindi na tumataas ang baha ay kinakailangan pa ring nakatayo ang harang.

Humina na ang ulan pagkatapos ng isang oras kong paghihintay sa tapat ng National. Dito nagsimula nang magtrabaho ang mga tao kalye. Tinutulungan nila ang ilang mga taong makatawid papuntang overpass o kaya ay nagtutulak sa mga tumirik na kotse. Ang mga lalaking kasama kong naghihintay ay humingi naman ng tulong sa mga batang linisin ang drain.
"Boy, halika," sabi ng isa.
"Gago, wala ka namang perang pambayad diya eh," biro ng isa pang lalaki.
"Dali! Halika," patuloy ng naunang lalaki.
"Bakit?" sagot ng batang basang-basa.
"Punta ka doon sa butas at tanggalin mo iyong basura," sagot naman ng lalaki. "Sige na, bibigyan kita cellphone," pabiro niyang sumbat.
Tinawanan ko at ng mga kasama ko ang usapan nilang dalawa.

Pagkatapos ng isa't kalahating oras ay marami nang hinahamak ang baha. Madaming dumadaan sa tapat ng NBS. Ilan dito ay mga mag-aaral ng Miriam. Mukhang mga mag-aaral sa mataas na paaralan at kasama nila ang ilang mga mag-aaral ng mataas na paaralan ng Ateneo. "Kadiri!" sigaw nila pagkatapos nilang umahon. Kung kadiri, bakit pa sila lumusong. Kaya pinagtatawanan na lang namin sila. May isa namang lalaking nag-angkas ng isang babae. Pagkatapos makarating sa NBS ay bumalik siya sa pinanggalingan upang buhatin naman ang isa pang babae. "Namumutala ka na!" pansin ng isa pang lalaking kasama.

Bumaba-baba na ang baha, ako naman ang humamak sa baha. Lampas ng bangkong HSBC ay kaya ko nang maglakad sa hindi lubok na tabing-daan. Malamig sa paa ang tubig pagkatapos kong umahon. Hindi ko namalayan na hanggang tapat ng Kenny Roger's ay umabot ang baha kahit na hindi ganoong kataas. Matindi na ang trapik nang pumasok na ako ng condo. Marami pa rin ang hinahamak at humahamak sa baha pera kahit na kayang tawirin, hinahamak ka lamang ng baha.

Huwebes, Hulyo 22, 2004

Shameless Plug

Nakakatuwa si Fr. Arcilla, nag-advertise ba naman ng sariling libro. Hindi lamang yung textbook na ginagamit namin, yung isang nalathalang niyang at ang darating pa daw niyang libro. Pero parang walang pakialam ang mga kaklase ko sa mga sinabi niya. Mahirap pakinggan si Fr. Arcilla dahil hindi niya nakukuha ang atensiyon ng mga mag-aaral. Nakakatuwa pa rin naman siya.

CNN.com - Washing no longer dirty work - Jul 21, 2004

CNN.com - Washing no longer dirty work - Jul 21, 2004

Check this out! Hmmm. Sana maging mabili ito at maging mura. Astig. Hindi mo na kailangang maglaba! Isipin nalang natin kung ilang galon ng tubig ang hindi maaaksaya. Ang galing ng agham!

CNN.com - Reverse air rage on�Russia flight - Jul 21, 2004

CNN.com - Reverse air rage on�Russia flight - Jul 21, 2004

Nakakatuwa. Hindi ako sasakay sa airline na iyan. Anong pangalan? Aviaenergo? Shit. Mahilig kasi sa vodka. At bakit sila nalasing? Di ba dapat na hindi na sila pinasakay at nilagay sa duty? Kawawa naman ang pasahero.

Miyerkules, Hulyo 21, 2004

PJI :: National : Unpalatable aliens: Ajinomoto executives` ouster sought

PJI :: National : Unpalatable aliens: Ajinomoto executives` ouster sought

Tingnan mo nga naman oh. Paalisin na iyang mga iyan!

CNN.com - Four inmates escape, go on beer run - Jul 20, 2004

CNN.com - Four inmates escape, go on beer run - Jul 20, 2004

Nakakatuwa. Bakit pa sila bumalik? Tanga talaga ng mga presong iyan. Kung ako iyan, tamakbo na ako papuntang Mexico.

YM Conversation, The Plague at Saya sa Teolohiya

Nag-iinternet ako kanina at may nag-Ym sa akin. Hulaan niyo kung sino? Si Carla! Hehe. Ang saya. Matagal na ring hindi ko siya nakakausap. Ito yung usapan namin:

sleepingleb: mitch!!!!!!!!!!
fatguyisme_2000: hello
sleepingleb: >:D<     <-- (she gave me a hug...)
sleepingleb: msta na?
fatguyisme_2000: eto, kakagising lang
fatguyisme_2000: (:
sleepingleb: tagal mo ata natulog?
fatguyisme_2000: hindi
sleepingleb: ako kanina pa nagnenet, gawa ng profile para kay neil gaiman   <-- (sana nagising ako ng maaga...)
fatguyisme_2000: huli na akong natulog
fatguyisme_2000: para saan?
sleepingleb: sa eng 2
sleepingleb: report writing paper namin
fatguyisme_2000: ah
fatguyisme_2000: ok
sleepingleb: kaw? what ya doin?
fatguyisme_2000: internet lang
fatguyisme_2000: browse, browse
sleepingleb: buti ka pa
fatguyisme_2000: hindi nga ako datap nag-iinternet eh ;)
sleepingleb: may exam ka?
fatguyisme_2000: wala
sleepingleb: ano dapat ginagawa mo ngayon?
fatguyisme_2000: pero napaka-demanding ng mga teacher
fatguyisme_2000: nagbabasa
sleepingleb: ah
fatguyisme_2000: ng mga texts at readings
fatguyisme_2000: so anong nalaman mong bago tungkol kay gaiman?
sleepingleb: na xa ay pinanganak nong nov 10 1960
fatguyisme_2000: aaaahh :D
sleepingleb: hanap naman ako ngayon ng reports
sleepingleb: alam ko na. magbigay ka nga ng mahirap n word na may madaling kapalit
fatguyisme_2000: walang mahirap word, may mga salita lang na hindi ka sanay :D
fatguyisme_2000: yun ang sa tingin ko
sleepingleb: hindi ganito, technical words na lang na pdeng ma-explain in lay man's term
fatguyisme_2000: kagaya ng? magbigay ka ng technical word.
sleepingleb: la nga ako maisip
fatguyisme_2000: sodium chloride = salt     <-- (nerd!)
fatguyisme_2000: hehehe
sleepingleb: tama, pde nga naman un
sleepingleb: bigay ka pa. nagana utak mo e, sakin hindi na. kanina pa ko nagnenet, 3 hours straight, mamaya minamigraine na naman ako
fatguyisme_2000: hehe, wala na rin akong maisip. :D
sleepingleb: sige, kakain na kami mayamaya
sleepingleb: salamat ha
fatguyisme_2000: ok
sleepingleb: buti rin nakausap kita, tagal na rin no?      <-- (aah, she missed me...)
fatguyisme_2000: yup
sleepingleb: cge mitch bye~
fatguyisme_2000: ingat

Mundane, I know. Pero sino ang may pakialam? Ako lang!

Pagtapos kong mag-internet ay tinapos ko ang pagbasa sa nobelang The Plague ni Albert Camus. Maganda siyang libro. Patungkol siya sa pagkalat ng plague sa bayan ng Oran. At dahil dito, sinarado at hiniwalay ang lungsod mula labas at ang labas mula sa loob. Umiikot ang mga pangyayari sa aklat tungkol sa paglaban at pagbabago ng mga tao dahil sa mga panglaganap ng nakamamatay na sakit. Magaling ang tagapagsalaysay sa paglalabas ng mga damdamin gamit lamang ng mga paglalarawan ng mga galaw at gawa, ng mga bagay at lugar, at paghahambing. Isang magandang halimbawa ng dramaticized limited third-person point-of-view. Magaling ang technique ni Camus. Nararapat na nakamtan niya ang premyong Nobel para sa Panitikan.

Nakakatuwa talaga ang Teolohiya. Habang tumatagal ay nakikita ko na ang galing ni Fr. Dacanay sa pagtuturo. Kahit na mahirap makakuha ng mataas na marka mula sa kanya, ok lang. Sulit naman. Pero dahil nga kilala na hindi siya mataas magbigay ng marka, tuwang-tuwa rin ako kanina dahil sa pagkakakuha namin ng 4 para sa papel namin sa fundamental option. Nakakatuwa. Kahit may gagawin pa ako mamaya, masasabi kong ito ay isang napakagandang araw. Masaya.


Lunes, Hulyo 19, 2004

Cold Mountain at Batang Nagsisigarilyo

Pinanood ko mula sa mga nabili kong VCD and pelikulang Cold Mountain. Maganda. Ok din. Nakakatuwa ang kuwento. Medyo mahirap nga lang mangyari ang ibang mga pangyayari.
 
Maganda ang pag-arte ng mga aktor. Hindi ko lang alam kung dapat na nanalo si Renee Zellwegger pero magaling pa rin naman ang ginawa niya. Magaling din ang pag-arte nina Jude Law at Nicole Kidman pero napakahirap paniwalaan ang mga nangyari sa kanilang paghihintay. Maganda ang mensahe niya patungkol sa kalakasan ng dedikasyon ng tao.
 
Kanina ay nakakatuwang nakikita paminsan-minsan ang ilan sa mga dating nag-aaral sa Canossa. Nakita ko si Zyra sa hagdaan sa tapat ng pintuan, si Elaine sa may Lambingan Walk, at si Paolo sa may Mcdo. Nakakatuwa.
 
Sa may McDo din, pauwi pagkatapos bumili ng pagkain, nakita ko sa labas ng kainan ang ilang mga batang kalye na naninigarilyo. Mga batang minor de edad na naninigarilyo. Binbanggit ko ito dahil hindi iyon nararapat. Iyon ang katotohanan ng buhay ngunit mahirap hindi mapaisip sa isang bagay na hindi mo nakakasanayan. Mahirap.

Linggo, Hulyo 18, 2004

King Arthur

Kakapanood ko lang ng King Arthur kanina sa Glorietta 4. Ok din siya. Medyo historical. Isang posibleng pinanggagalingan ng alamat. Pero sana gumawa muna ng documentary para mas makaka-relate ang mga tao.
 
Hindi maganda ang pacing  ng pelikula. Masyadong nagbigay diin sa mga Knights at hindi masydong napagbigyan ng pansin ang setting at background ng pelikula. Stereotipo ang mga contrabidang Saxon pero inaasahan na iyon. Mas maganda sana na mas naipakita ang pagiging barbaro nila. Hindi rin ganoon kaprominente ang mga kalaban. Puros sa mga tambol lamang sila nagiging parte ng mga eksena. Hindi gaanong nakakapagbigay ng suspensa. Hindi masyadong nabigyan ng halaga ang tensiyon.
 
Ngunit maganda naman ang mga labanan at astig ang mga costume. Magaling ang Roman armor at Sarmatian armor na suot-suot ng mga Knights. Maganda din ang cinematography niya. Talagang nakatutok sa aksiyon at labanan. Sayang lang. Sana napaganda pa yung kuwento at nailabas pa ng mas maigi ang mga motivation ng ilang importanteng tauhan kagaya ni Guinevere. So ganun-ganun lang na napaibig siya kay Arthur? Weird.
 
Nakita ko nga pala ang Slapshock kanina sa Tower Records. Nagbabayad ako noon para sa mga VCD na napili ko. Nakakatuwa ang reaksiyon ng staff na nasa bayaran. Biglang lumaki ang kanyang mata habang pumasok ang banda. Mukhang may signing ata sila. Hindi ko na napansin kasi hindi bumaba sa music section nila.


Ang Daming Ginawa...

Madami akong ginawa ngayong linggong ito. Humahagupit na ang mga gawain para sa paaralan. Sulatin dito, sulatin doon. Kakatapos ko nga lamang ng aking mapagmuni-muning papel para sa pilosopiya at teolohiya. Dapat ay ginagawa ko na rin ang aking mga maiikling kuwento para sa malikhaing pagsulat sa filipino at nandiyan din ang drama seminar. Hay.
 
Pero nagkaroon ako kanina ng munting pahinga. Nanood ako, kasama ng aking pamilya, ng palabas ni Micheal V. Show ko 'to ang pamagat ng palabas. Itinanghal sa Araneta Colesium. Kaya pala walang UAAP game ngayon doon eh.
 
Nakakatuwa. Tipikal na Micheal V. Mga costume at panauhin. Nagtanghal sa entablado kasama si Micheal V. sina Janno Gibbs, Aubrey Miles, Janine Desiderio, Allan K., Wendell Ramos, Rainier Castillo, at Sexbomb Dancers. Puro pagpapatawa ang palabas. Hindi ko siya masasabing seryosong concert pero nakakaengganyo at makakatuwa pa rin kahit papaano.

Miyerkules, Hulyo 14, 2004

An Enemy of the People

Ok din siya. Maganda. Sinulat ni Henrik Ibsen at ibinagay ni Arthur Miller, napakapolitikal niya. Pinapakita niya ang butas at kamalian ng karamihan kumpara sa maaaring sinasabing katotohanan ng kaunti. Maganda ang mensahe ng dula ngunit mabigat ito at napakaseryoso.

Maganda ang acting. Isa si Yan Yuzon sa mga direktor ng dula, at siya rin ang punong tauhang si Thomas Stockmann ngayong gabing ito. Nakakatuwa ang Ingles na ginagamit ng mga aktor, napaka-Amerika. Napansin ko lang.

Minimal ang set at backdrop pero epektibo. Magaling din ang pagkakagamit nila sa ilaw at tunog. Ginamit nila ang mga ito para magbigay ng linaw at ilutang ang ilang mga punto na kailangan nilang ihatid. Maganda ang dula at magaling ang presentasyon.

Martes, Hulyo 13, 2004

Ingles sa History

Nakakatuwa si Fr. Arcilla. Parang isang English teacher niyang binigyan ng komento ang mga test paper namin. Narinig ko pa ang ginawa kong mali mula sa mga binanggit niya. Kakaiba lang dahil talagang binibigyan niya ng pansin ang Ingles namin. Siga na nga. Gagalingan ko na ang aking Ingles.

Lunes, Hulyo 12, 2004

Laro

Panalo ang Ateneo laban sa La Salle kahapon. Astig. Thriller.

Kanina ay interesante ang aralin namin para sa Theology. Nagbigay ng ilang suhestiyon si Fr. Dacanay ukol sa mga desisyon na dapat na gawin sa pagpili at pag-ayos ng isang relasyon. Isa sa mga importanteng punto ni Father ay maaaring isa lamang sexual object o emotion ang pagtingin natin sa ating "minamahal" kung mayroon man. Naniniwala ako diyan kaya wala pa akong sinisinta. Mayroon namang isang nakakatuwang "rule" na ibinigay si Father para sa mga babae, ang 5 year rule. Kung lumampas na ng limang taon ang isang relasyon at walang dahilan para hindi hingin ang kamay ng babae, mag-break na dapat. Nakakatuwang payo at sa isang banda ay totoo rin naman. Magiging kawawa lang silang dalawa sa isang relasyon na hindi patungo sa kasal pagkatapos magsama sa isang relasyon ng mahabang panahon.

Sa isang tabi, nakakuha ako ng 2 para sa huli kong quiz para rin sa Theology. Hindi mataas pero hindi rin naman bagsak. At para naman sa group reflection paper, naka-3.5 kami. Ang saya. Medyo inaasahan ko na rin iyon kasi magagaling ang mga kagrupo ko.

Sabado, Hulyo 10, 2004

Adbentur

Ang say ng araw ko. Nakakapagod nga rin lang.

Pagkatapos ng Fil 119.2, (Pasado na naman aking mga requirements. Galing ko talaga. :P) ako ay kumain ng tanghalian at nagsimula para sa aking munting adbentur.

Sumakay ako ng LRT 2, este Purple Line, dito sa Katipunan. Astig. Nasa ilalim ng lupa siya. Parang subway. Halos hindi ako nakasakay dahil hindi ko alam gamitin yung ticket dispenser. Syempre, obserba lang muna. Tingnan kung paano gumagana ang makina. Pagkatapos kong malaman kung paano makakuha ng ticket (pindot muna kung saan ang pupuntahan bago lagay ng bayad)ay sumakay na ako papuntang Araneta-Cubao.

Nagsimula na ang bagong UAAP season pero hindi iyon ang aking pakay kung bakit ako sumakay ng MRT. Balak kong pumunta ng Greenbelts para manood ng Zatoichi. Kaya nang makarating ako ng Cubao ay madali kong hinanap ang MRT 3, este Blue Line papuntang Ayala. Astig, sa ganoong layo ay nakagastos lamang ako ng kumulang-kulang na 25 piso. Talong-talo ang taxi. Nakakapagod nga lang.

Nakakatuwa ang mga nasakay ng light rail. Walang pansinan. Karamihan ay nag-iisa lamang. Sama-sama kaming naglalabak ng nag-iisa. May mga ilan-ilan na may kasama, ngunit nababalot ng katahimikan ang lahat. May mga sariling mga tingin sa pinaghahatiang bintana.

Intindihin ninyo ang aking lubusang galak. Bihira lang akong gumala ng mag-isa o di kaya ay makahalo ang nakakarami. Layo ako sa karamihan sa lipunan at natutuwa ako kanit sandali ay napabilang ako sa mga masang nakikita ko lamang sa TV o sa likod ng mga bintana.

Hindi natuloy ang aking balak. Alas diyes ng gabi pa ipapalabas ang Zatoichi kaya pinanood ko nalang ang susunod na magandang panoorin, Kill Bill Vol.2. Astig ang Kill Bill. Tunay na magaling si Quentine Tarantino sa kanyang pagkakagawa sa pelikula. Subtle ang mga dialogue at hindi flat ang mga tauhan. Masaya ang katapusan niya. Ayokong magsabi ng mga "spoilers." Panoorin ninyo nalang.

Pagkatapo ng pelikula ay naggala muna ako para mag-shopping. Isang bagay lang ang nabili ko, ang hinahanap kong librong pambata, Love You Forever ni Robert Munsch. Tuwang-tuwa ako dahil ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ako nagsusulat ngayon. Ito, kumbaga sa salita ni G. Serrano, ang aking bee. Isa siya si pinakamagandang kuwentong pambata na naisulat at nailathala. Masayang-masaya ako.

Pagkatapos ng aking pamimili ay tinahak ko na ang landas pauwi. Alas sais na noon. Hindi ko lang inaasahan na maaabutan ko ang rush hour, kung saan naging mistulang sardinas ako kasama ng ibang mga tao.

Sa istasyon sa Ayala ay nakita ko si G. Brion. Ako ay papuntang Cubao at siya ay sa kabilang direksiyon. Kaya mula sa magkabilang plataporma ay nagkakawayan kami.

Papuntang Cubao ay nakita ko ang paglubog ng araw at hindi siya maganda sa totoo lang. Mukhang ang araw mismo ay nasasakal at naghihingalo sa polusyon ng bayan. Namumula at mahinang-mahina.

Pagkarating ng Cubao ay minalas na ako. Nagsarado ng maaga ang Purple Line dahil may "sira" daw. Nakakapagtaka lang dahil kinailangan pa ng humigit kalahating dosenang militar at pulis para sa pagpapasarado ng light rail. Terror threat? Malay natin. Kaya napilitan akong kumuha ng taxi.

Hindi interesante ang pag-uwi ko gamit ng taxi kaya dito nagtatapos ang aking Adbentur.

Biyernes, Hulyo 09, 2004

Antok

Hindi pantay ang pagtulog ko. May mga gabi na tuloy-tuloy ang aking tulog at may mga pagkakataon namang kailangang magising ng maaga. Nalilito na ang aking orasan sa utak. Alas siete ng gabi palang ay inaantok ka na o kaya ay alas una ng umaga na ay hindi ka pa inaantok. Hindi siya problema. Nakakaasar lang.

Martes, Hulyo 06, 2004

Tindi ng Araw

Masaya ang drama seminar kanina. May pagka-acting ang ginawa namin. Sasabihan namin ang isang o dalawang kagrupo na gawin ang isang bagay. Ang punto ng buong ehersisyo ay ipakita ang pagkakaiba ng simpleng paggalaw lang sa isang tunay na gawa na may intensiyon o gusto. Nakakatuwa kasi ako palagi ang aktor na pinag-uutusan.

Biglaan ang pag-ulan. Nagpahinga lang ako sa condo kasi alas tres pa ang klase ko sa Philosophy. Tapos ay biglaan nalang ang pagkulog at pagkidlat, at pagtingin ko sa labas ay sumabay na rin ang ulan. Hindi nga naman dumating ang bagyo. Pero nang bumaba ako ay tumigil na ang ulan. Parang nakikipag laro ng taguan ang ulan sa akin. Pero maganda din ang ulan dahil lumamig naman ng kaunti ang panahon. Hindi kagaya ng mga araw na napakalagkit ng hangin. Parang nalinis ang hangin dahil sa ulan. Ang sarap.

Sabado, Hulyo 03, 2004

Papel, Pagsusulit, Handaan, Cramming, at Artista

Masaya ngunit nakakapagod ang nakaraang dalawang araw, kasama ang araw na ito. Kahapon ay maaga akong gumising para hanapin ang isa sa mga kailangan kong mabasang maikling kuwento ngunit hindi ko siya makita sa aklatan. Asar.

Pagkatapos noon ay pumunta ako ng McDo para sa meeting ko kasama si Hanniel at ang apat pang kalupon para sa papel na dapat naming isulat para sa Theology ni Fr. Dacanay. Ibibigay din iyon sa Lunes. Kanina rin lamang ay natapos ko na din siya at in-email ko na rin siya sa mga dapat magtagpi-tagpi ng papel.

Dumeretso kami ni Hanniel sa Ateneo para kunin ang Guidance Test. Sa ikalawang palapag ng Kostka ang pagsusulitan namin. Marami nang naghihintay sa tapat ng mga silid-aralan. Pagkatapos ng ilang sandali ay pumasok na kami sa silid at nagsimula na ang pagsusulit. Yung unang eksamen ay kakaiba. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin sa mga resultang nakuha ko. Ang pangalawa naman ay isang pagsusulat. May ipapakitang larawan at mula doon ay gagawa ka ng isang kuwento sa loob ng sampung minuto. Simple lang kuno. Bilang manunulat ay kulang ang sampung minutong iyon. Hindi ko natatapos ng maayos ang mga munting kuwentong ginawa ko. Asar. Pagkatapos noon ay nagsama-sama na kami para sa libre nina Yumi at Cerz, kakalipas lamang ng kanilang mga kaarawan at kahapon sila nagpakain.

Naghintay rin kami ng matagal dahil wala pa ang sina Chino, Kim at Billy. Kasama sa kainan ay sina Darls, Jay, Chika, Loi, Edlyn, Hanniel, Jace at iba pa. Pasensiya na. Makakalimutin ako. Sina Kim at Chino kasi ang magbibigay ng sakay para sa amin papuntang Eastwood, o Silangang Kahoy. Kakain kami sa Fazoli’s, isang kainang Italyano.Dumating si Kim ng mga alas singko habang dumating si Chino ng mga alas singko y medya ng hapon.

Manonood sana kami ng Spider-man pero puros puno na ang mga sinehan hanggang alas onse ng gabi. Nakita namin si G. Lozada, ang dati kong guro sa History 18, pababa mula sa sinehan ng Eastwood. Kaya naghintay na lamang kami muna sa plaza dahil alas syete pa ang reserba ng kainan. Dumating din naman kaagad si Ryan. Kasama si Jay at si Ryan, pumunta kami sa bagong paaralan ni Ryan, ang Thames. Malapit lamang iyon sa Eastwood. Maliit lamang ang gusali. Mga ilang daan din lamang ang mga estudyanteng kasyang magklase sa iilang silid nito. Tumingin din kami sa isang tindahan ng mga libro. Pagatapos ng aming paggagala ay bumalik na kami sa piling ng mga kasama naman.

Kumain kami ng masagana. Masarap ang pizza ng Fazoli’s ganoon na din ang pasta. Nakakaumay nga lang iyung napili kong pasta. Humabol si Abet, ang TNT namin noong OrSem.

Masaya ang mga pag-uusap namin. Mga pagpapatawa at pag-alala. Hindi ako nagtagal. Nauna na kami nina Jay at Ryan. May gagawain pa akong takdang-aralin at maaga pa kanina ang aking klase. Sakay kami a sundo ni Ryan at ibinaba kaming dalawa ni Jay sa overpass sa may Gate-2 ng Ateneo.

Masaya ang Fil 119.2. Madami akong natutunan para lumago ang aking sining. Mabuti nalang at hindi nagsulit tungkol sa babasahin. Kagaya nga ng sinabi ko, hindi ko nakuha yung isa sa dalawang dapat kong basahing kuwento.

Kanina lamang ay nakita ko si Claudine Barretto sa National Bookstore ng Katipunan. Noong napatingin ako sa kanya ay hindi ko namukhaan siya. Kakaiba ang hitsura niya sa personalan. Nalaman ko nalamang na siya iyon nang kausapin niya ang kanyang kapatid, ata, at narinig ang kanyang boses. Siya nga iyon. Ang puti niya, hindi natural. Sobrang puti.