Huwebes, Pebrero 04, 2010

Rebyu: Wizard of the Crow

Mapagsiwalat at isinisiwalat ng nobelang ito ni Ngugi wa Thiong’o ang absurdong kalagayan ng buhay sa ilalim ng diktadurya. Umiikot kay Kamiti, kinuha niya ang pagkatao ng isang witch doctor na nagngangalang Wizard of the Crow upang makatakas sa awtoridad, subalit kinailangan niyang akuin ang responsibilidad na ito upang tulungan ang mga mamamayang naghahanap ng lunas sa kanilang pang-araw-araw na problema. At sa sobrang laki ng naipon niyang impluwensiya, lumapit maging ang mismong diktadurya sa kanya upang tulungan ito sa problema nito sa mga rebelde at nambabatikos na mga elemento.

Mapapansin ang oral na katangian ng nobela. Madalas gamitin ang kapangyarihan ng sabi-sabi at iba’t ibang bersyon ng iisang pangyayari para makabuo ng isang mas buong paglalarawan at pagsasalaysay. Binibigyan ng kapangyarihan ng oralidad ng naratibo na bagaman fantastiko ang marami sa mga pangyayari ay totoo ito dahil nagmumula ito sa kamalayan ng nakararami. At paniniwala ng nakararami ang humuhubog sa realidad. Kaya mahalaga ang itong folk/popular na kamalayan na ito dahil kahit na anong gawing represyon o pagbabaluktot ng isang mapaniil na estado ay mayroong sariling opinyon at pananaw pa rin ang mga taumbayan at taliwas sa itinakda ng estado. Gayundin, mahalaga ang oral na katangian ng nobela dahil ipinakikita dito ang kawalan ng kontrol ng estado sa ganoong uri ng pagkalat ng impormasyon. Na bagaman kayang bayaran at kontrolin ang mass media tulad ng dyaryo at TV, hinding-hindi makokontrol ang dila at tainga.

Isinisiwalat din ng nobela ang relasyong postkolonyal ng mga lumayang bansa sa mga bansang dating colonial masters nila. At malinaw na bagaman kinakabit ang nasyonalistikong retorika ang mga gawain at proyekto ng mga postkolonyal na estado, sunod-sunoran pa rin sila sa mga dating amo hindi lamang dahil sa lumang “pagtingala” sa mga ito kundi pati na rin sa kalagayan ng mga dating amo bilang mayayaman at makakapangyarihan. Kaya’t bagaman siya ang pinakamakapangyarihan sa buong Aburiria, ang kinathang bansa na matatagpuan sa Aprika, kahihiyan at kahinaan ang nararamdaman ng Ruler ng Aburiria dahil, una, isa siyang relikya ng isang lumipas na panahon, at, pangalawa, kailangan niyang magpakababa para makuha ang pera at pabor na nagmumula sa mga dating amo. At bagaman kayang pilitin at batikusin ng mga dating amo ang dati nitong mga alagang bansa na maging higit na demokratiko, sa katotohanan ay wala silang kapangyarihan upang ipatupad ang ganoong pagbabago dahil (maliban kung sakuping muli ang postkolonyal na bansa at sapilitang ipataw ang demokrasya tulad ng ginawa sa Iraq) wala naman talaga sa kanila ang kapangyarihan at maging ang karapatan upang bigyan ng laya ang ibang tao. Tanging ang mamamayan lamang ng Aburiria ang kayang magpalaya sa sarili nito. At bagaman sa dulo ng lahat ay nagkaroon ng bagong diktador ang Aburiria, mababanaagan ang patuloy at walang katapusang laban sa pagitan ng estado at taumbayan. Dahil lagi’t laging may limitasyon ang kapangyarihan ng estado at tila walang katapusan at walang hangganan ang salita’t kuwentong paulit-ulit na binibigkas.

Walang komento: