Sipi mula sa isang kuwentong bahagi ng thesis. Ang pamagat ng kuwento ay "Walong Leyenda ni Diego Dimajuli" at ito ang isa sa walong leyenda. Ulit, may talababa ang kuwentong ito.
Si Diego at ang Labindalawang Tulisan [7]
Mayroong labindalawang tulisan na kinatatakutan ng lahat. Wala silang sinasanto’t ginagalang. Kanilang ninanakawan ang kung ano mang dumaraang karwahe at kalesa dumaraan sa kanilang teritoryo, hinahila man ang mga ito ng kabayo o kalabaw, pinaglulunanan man ng mayaman o mahirap. Naging malaking problema ang mga tulisan para sa pamahalaang Kastila ngunit hindi mahuli-huli ang mga tulisan na nagtatago sa mga kagubatan at kabundukan.
Isang araw, nagulat na lamang ang mga tulisan nang makabalik sila sa kanilang kampo pagkatapos ng isang matagumpay na panghaharang at pagnanakaw. Natagpuan na lamang nila ang isang lalaking nagpakilalang si Diego Dimajuli na naghihintay sa kanilang pagdating.
“Ano’ng ginagawa mo dito?” tanong ni Manuel Tabas, ang nagsisilbing pinuno ng mga tulisan. Siya ang pinakamalakas at ang pinakamatapang sa kanila.
“Kilala na kayo sa halos buong kapuluan,” simula ni Diego. “Ngunit hindi maganda ang ginagawa ninyo. Kailangan ninyong tigilan ang pagnanakaw sa mga mahihirap. Hindi ba’t sapat na ang pagnanakaw sa mga mayayaman?”
At natawa ang lahat ng mga tulisan sa kanyang sinabi. “At narito ka ba para utusan kami?” tanong ni Manuel.
“Hindi. Narito ako para kumbinsihin kayong naririto tungo sa isang higit na tamang landas,” sagot ni Diego.
“Hindi kami nakikinig sa isang taong hindi namin nasusukat ang pagkatao’t kakayahan,” sabi ni Manuel. “Patunayan mo muna ang iyong galing sa amin at saka kami makikinig sa iyo.”
“At ano ang kailangan kong gawin?” tanong ni Diego.
“Tatlo lamang na pagsubok,” sagot ni Manuel. [8]
“At ano ang mga pagsubok na ito?” tanong ni Diego.
Para sa unang pagsubok, dinala ng mga tulisan si Diego sa tabing-ilog. Doon, sa gitna ng mga naglalakihang mga bato, hinamon ng tulisan na buhatin ang isa sa malalaking bato at ihagis ito sa kabilang pampang. Nagtawanan ang mga tulisan dahil wala naman talaga sa kanilang ang kayang gawin ito. Kaya’t namangha’t nagulat sila nang buhatin ni Diego ang pinakamalaking bato sa tabing-ilog at inihagis sa kabilang pampang. Nginitian sila ni Diego at nagtanong, “At ano ang pangalawang pagsubok?”
Para sa pangalawang pagsubok, sinamahan ng anim na tulisan si Diego at binaybay ang tabing-ilog habang naglakad naman ang iba pang tulisan sa salingat na direksiyon. Nang hindi na halos makita nang bawat grupo ang isa’t isa, binigyan si Diego ng pana at sinabihang kailangan niyang tamaan ang dahon ng sampalok na nakapatong sa ibabaw ng isang bato kung saan naroroon ang kabilang grupo ng mga tulisan. At natawa ulit ang mga tulisan dahil alam nilang wala naman talaga sa kanila ang kayang gawin ang pagsubok na iyon. Kaya’t namangha’t nagulat lamang sila nang pakawalan ni Diego ang pana at tamaan nito ang dahon ng sampalok sa kabilang dulo ng ilog. At sa sobrang lakas ng pagkakatama ng pana, bumaon ito’t nawarak ang batong pinagpapatungan ng dahon ng sampalok. Nginitian ni Diego ang mga tulisan at tinanong, “At ano ang huli ninyong pagsubok?”
Bumalik sila sa kampo ng mga tulisan at doon ibinigay ang huling pagsubok. “Sagot mo ito,” sabi ni Manuel at nagbigay siya ng isang bugtong, “Isang bugtong na bata, hindi mabilang ang diwa.”
Matagal na nag-isip si Diego at tahimik na naghintay ang mga tulisan. Ngunit hindi matagal na naghintay ang mga tulisan dahil ngunit si Diego’t sinabi ang sagot, “Bugtong, bugtong ang sagot sa bugtong na iyan.” [9]
At nakapasa si Diego sa lahat ng mga pagsubok at mula noo’y sa mayayaman na lamang nagnanakaw ang mga tulisan at ibinibigay ang sobra sa mahihirap.
________
[7] Mula sa isang panayam kay Samuel Peñaflor, manunulat at direktor ng anim na pelikula tungkol kay Diego Dimajuli, mga pelikula na naging popular at tumabo sa takilya noong dekada 60 hanggang dekada 80. Kasalukuyan siyang executive producer ng isang serye batay sa buhay ni Diego Dimajuli at na sinimulan noong Pebrero 2002. Nagulat ako nang makakuha kami ng panayam sa kanya. Si Maureen ang nagkakuha noon. Ninong pala niya si Direk Sam. Sa mismong set ng “Ang mga Tagapagtanggol” kami nakipagpanayam sa kanya. Katatapos lamang ng taping nang gawin namin ang panayam. Medyo kinabahan kami kasi ang daming mga artistang nasa paligid namin. Pero mabait naman si Direk Sam at malugod na sinagot ang mga tanong namin. Hindi niya inaaming isa siyang eksperto tungkol kay Diego Dimajuli bagaman nagsaliksik din siya noon para sa kanyang mga pelikula. Unang narinig ang leyenda ni Diego Dimajuli mula sa isang magtataho na nakilala niya noong isang mababang scriptwriter siya para sa LSX Studios noong 1960. Nakagawa na siya noon ng isang iskript para sa isang pelikula pero kinontrata siya na magsulat ng apat pa. At timaan siya ng matinding writer's block. “Marahil sa pressure kaya nagkaganoon,” sabi niya. Noon niya nakilala si Mang Ando, isang magtataho, minsang naninigarilyo siya sa labas ng kaniyang inuupahan noong apartment. Dalawang linggo na siyang nadaraanan ng magtataho't nabebentahan ng taho. Naintriga si Mang Ando sa kanya at tinanong kung ano ang kanyang trabaho. Sinabi nga niyang nagsusulat siya ng pelikula pero wala siyang masulat noon. Dahil naging suki na rin naman siya, nagkuwento si Mang Ando sa kanya ng leyenda ni Diego Dimajuli. “Kasi iyon lang daw ang kuwentong alam niya bukod pa sa kuwento ni Hesus,” sabi ni Direk Sam. At ang leyendang ikinuwento ng magtataho ang naging inspirasyon niya at pinagbatayan ng pangalawa niyang pelikulang pinamagatang “Si Diego at ang Labindalawang Bayani.” Nang kumita ang pelikulang iyon, hinanap muli ni Direk Sam si Mang Ando at binigyan niya ang magtataho ng malaking pabuya. At nang maging matagumpay ang sumunod na mga pelikula niya, binigyan na rin niya si Mang Ando ng bahay at lupa at tinulungang pag-aralin ang mga anak nito. Mga interpretasyon at muling pagsasalaysay ang ginagawa niya sa mga pelikula't palabas at hindi mga matapat na historikal na kuwento. “Mas mura iyon e,” sabi nga niya. Nang gawin niya ang “Si Diego at ang Labindalawang Bayani,” tinangka niyang maging matapat sa historikal na detalye noong buhay pa si Diego Dimajuli pero masyadong at nakauubos ng oras. Kaya ang ginawa niya'y mga pagsasakontemporanyo ng mga kuwento ni Diego Dimajuli. Ito ngang “Ang mga Tagapagtanggol” ay paglalapat ng leyenda ni Diego Dimajuli sa mga gang at iskuwater ng Catalina. Tinanong ko si Direk Sam kung pakiramdam niya'y hindi siya nagiging tapat sa alaala ng isang taong tulad ni Diego Dimajuli. “Hindi naman sa naging tapat ako hindi,” sabi niya, “Binubuhay ko lang ang sa tingin ko’y isang mahalagang bahagi ng kultura natin, ng kasaysayan natin.”
[8] May mga bersiyon na humihiling lamang ng isa o dalawang pagsubok habang may iba naman na humihingi ng apat at mas marami pa. May bersiyong ginawa itong laro at isang walang katapusang pagsubok ang kakaharapin ni Diego hanggang mapagod na ang mga kalahok at tatapusin na lamang ang leyenda sa “At nagtagumpay si Diego sa lahat ng mga pagsubok na iniharap sa kanya at mula noo’y sumunod na ang mga tulisan sa Dakilang Diego Dimajuli.” Ang kalahok na nagbigay ng pinakamaraming pagsubok para kay Diego Dimajuli ang nagwawagi. Kalimitang nilalaro ang bersiyon ng leyendang ito sa mga lamay. Minsan ko nang nalaro ito nang makipaglamay ako sa Cabangga nang mamatay ang ama ng isang katrabaho sa pahayagan noong Mayo 2007. Talong-talo ako sa larong iyon at inabot nga naman kami ng magdamag. Nawala na ako sa bilang ng mga pagsubok na ibinigay kay Diego pagdating ng hating gabi.
[9] Paiba-iba ang bugtong sa iba’t ibang bersiyon ngunit kung ano man ang bugtong ay palagi itong nasasagot ni Diego.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento