Isang sipi mula sa isang kuwentong bahagi ng thesis. "Isang gabay para sa manga indio tungcol sa manga sacramento at para sa icabubuti nang caloloua upang mapalapit sa Dios Ama, Anac at Espiritu Santo at maabot nang canilang manga caloloua ang Langit" ng pamagat ng kuwento. Nagpapasya pa ako kung paano ko babaybayin ang akdang ito. Gusto ko sanang estilong Espanyol circa Siglo 17 pero baka maging unreadable. Kung circa siglo 19, medyo off pagdating sa petsa ng pagkakasulat ng texto. Sinulat dapat ito ng isang Padre Enrique de la Rosa noong 1680. A, basta. Ulit, may talababa ang kuwentong ito.
Tungcol sa manga anting-anting, at ang tunay na cahulugan nang cruz, nang iconografia, nang Salita nang Dios
Isa sa maraming manga masasamang pamahiin na patuloy na laganap ang pananalig sa manga anting-anting nang manga indio. Hindi cacaunting pagcacataon acong nacaquita nang manga anting-anting na suot nang manga indio at capag naquiquita co ito ay cucunin co agad ang manga ito mula sa canila. Iba’t iba ang hugis at laqui nang manga anting-anting tulad na iba’t iba ang hugis nang manga dahon subali may manga catangian ang manga ito na magcacahauig. Una ay puno ang manga ito nang manga simbolo na pinaniniualaan nilang mayroong macapangyarihan o sinasabi nilang mayroong bisa tulad na lamang na matatagpuan nang cruz ang manga anting-anting dahil naquiquita nang manga indio ito sa manga simbahan. Icalaua ay mayroon din ito nang manga iconografia na inaacala nang manga indio na mucha nang P. Dios Ama, Anac at Espiritu Santo casama na ang mucha nang Virgen at nang manga Santo at Santa at tulad nang manga cruz ay pinaniniualaan nilang may bisa. Icatlo ay may manga letra ang manga anting-anting na nacasulat dito at bagaman muchang uicang Latin o caya ay Castilla subali cung babasahin nang mabuti ay uala itong cabuluhan caya madaling masasabing isang mangmang sa uicang Latin o Castilla. Mapapansing manga pinaghalo-halong manga salita lamang ang manga ito mula sa manga libro nang manga dasal at sa manga nacasulat sa simbahan. Sa paglalarauan na ito,i maquiquita na ginagaya lamang nang manga indio iba,t ibang simbolo na caniyang naquiquita sa paligid lalo na cung pinaniniualaan itong malapit sa pinanggagalingan nang bisa. [23]
Inaacala nila na cung macucuha nila ang manga anting-anting na ito na puno nang manga simbolo na may bisa ay magcacaroon sila nang capangyarihan. At ang pag-aacalang ito ang bibigay sa canila nang capanatagan nang mabuting buhay at ualang masama ang mangyayari sa canila. Caya may ilan ang lumacas ang loob upang lumabag sa batas at gumaua nang iba’t ibang crimen tulad na lamang nang lumaganap ang pagnanacao sa Cabangga. Tatlong bouan na hindi nacatulog ang buong bayan dahil sa pagsalacay nang magnanacao na itong ginagaua ang caniyang crimen sa calaliman nang gabi. Ginagamit niya ang dilim upang hindi madaling mabanaagan at gayoon din ay madali siyang macapasoc sa manga tahanan at macatacas. Malacas ang loob nang magnanacao na ito na maging ang bahay ni Potenciano na isang cabeza at ginagalang na tauo ay caniyang ninacauan. Nahuli lamang siya noong magtalaga nang manga bantay para sa buong bayan at napagtulungan siya nang manga mamamayan na nagsaua na sa caniyang panglalamang. At natagpuan sa caniyang ang isang anting-anting. Isang maliit na tela iyong may lamang itim na buto nang pusa at isang tinuping papel na puno nang manga simbolo, letra at salita na sinasabi niyang nagbibigay sa caniyang nang cacayahang maging anino at maging casing tahimic nang hangin. [24] Subali hindi dahil sa anting-anting caya hindi siya nahuli caagad cung hindi dahil pinili niya ang gabi upang gauin ang caniyang crimen at hindi maicacaila ang caniyang galing bilang magnanacao.
Ang manga anting-anting na ito ay malinao na isang pagbabaluctot sa manga mahal na simbolo nang ating pananampalataya. Caya icao indiong nagbabasa nito, paquitandaan na hindi capangyarihan o bisa ang ibig sabihin nang manga simbolo, letra at salita. Simbolo ang cruz nang paghihirap at sacrificio na ginaua ni Jesucristo upang tubusin ang ating manga casalanan at isa itong simbolo nang pagpapacumbaba at pag-ibig nang Dios Anac at hindi nang Caniyang capangyarihan. Gayoon din ay hindi ginagamit ang iconografia nang Virgen at manga Santo at Santa bilang tanda nang capangyarihan cung hindi bilang tanda at halimbaua nang manga natatanging manga tauo sa casaysayan nang simbahan na nagpaquita nang hindi natitinag na pananampalataya na maaaring sundin nang manga Cristiano. Pagdating naman sa manga salita, lalo na sa manga Salita nang Dios, tunay nga na mayroon itong capangyarihan subali matatagpuan ang capangyarihan nito sa cahulugan nang manga salita halimbaua na lamang sa manga dasal na ating isinasaloob. Hindi lamang natin inuulit-ulit ang manga dasal upang maranig ang alingaongao nang manga salita na bagaman masarap paquinggan lalo na cung ito,i inaauit subali ito ay isang pang-ibabao na catangian lamang nang manga salita. Cailangang isaloob ang manga cahulugan, ang manga aral at utos upang maisabuhay nang tauo ang manga nilalaman nang manga salita. Ito ang tunay na tunguhin nang manga simbolo at salita na cailangang unauain mo, indiong nagbabasa nito. [25]
__________
[23] Noong nasa hayskul ako, binigyan ako ni Dad ng isang anting-anting na minana niya mula kay Lolo. Isa iyong maliit na libro na puno ng mga salitang parang pamilyar pero hindi ko maintindihan. Nang tumanda na ako at nadiskubre ang tinatawag na “research,” sinaliksik ko kung ano ba ang sinasabi ng mga salita sa anting-anting. Iyon pala’y isa iyong libro ng mga dasal sa wikang Latin. Ibinigay ko iyon kay Allie nang magkasakit siya. Kahit na alam ko na ang “misteryo” at “hiwaga” na nakapaloob sa maliit na libro, gusto ko sanang maniwala na may bisa na rin kahit papaano ang anting-anting na iyon. Mula kay Lolo. Mula kay Dad. Mula sa akin.
[24] Naaalala ko tuloy si Diego Dimajuli. Di kaya sa magnanakaw na ito namana ni Diego ang kanyang agimat? Biro ko kay Allie na baka naglakbay sa panahon si Diego at natawa naman siya. Hindi naman ang magnanakaw na ito ang huling gagamit ng isang makapangyarihang bagay para labagin ang batas, legal man o pisikal. Kilala ang mga miyembro ng Samahan ng Diyos Langit, Lupa at Tubig sa paggamit ng anting-anting. At maging ako’y sumalalay sa anting-anting na ibinigay ni Dad sa akin sa pandaraya sa pagsusulit—doon ko isiningit ang kodigo ko. Kaya lang nahuli. Hindi pala kayang gawing inbisible ng anting-anting ko ang kodigo.
[25] Pero nga problema, nagkalat ang mga misyunaryo tulad ni Padre de la Rosa ng mga tanda sa paligid ng mga katutubo gayong hindi nila alam ang ibig sabihin ng mga iyon. Ang solusyon, gumawa ng sariling kahulugan. Ito siguro ang dahilan kung bakit kakaiba ang Katolisismo sa San Gabriel. Dahil may sarili na ritong mga kahulugan na mahirap nang itama o di kaya’y umugat na.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento