1.
Oo, natutuwa ako tungkol sa huli kong post. Pero alam ko na noon pang isang buwan pero ayoko lang na ipagpalandakan gayong wala pa ngang press release. Pero nae-excite din ako ngayong nagbigay na ako ng cover image. Nakita ko yung ginawang cover spread ni Sir Joseph at maganda ang naging resulta. Kung wala akong thesis baka naglalakad na ako sa langit ngayon. Hay. Oo nga pala, may thesis pa ako. "Paglalayag Habang Naggagala ang Hilaga at Iba Pang Kuwento" ang pamagat ng aking chapbook. Post na lang ulit ako sa susunod tungkol sa launch details kapag meron na.
Anyway, heto ang ilang tala tungkol sa ilang mga nabasang libro. Noong isang taon pa ito. Ngayon lang nagkaoras (at lakas) para magsulat ng ilang mga pangungusap tungkol doon.
2. The Savage Detectives
Mahaba-haba itong nobela ni Roberto Bolaño pero hindi maikakaila ang halina ng prosa niya. Tungkol sa grupong “visceral realism” partikular ang mga unang nagpundar nito, sina Arturo Belano at Ulises Lima, binubuo ang buong nobela ng mga tagni-tagning salaysay ng iba’t ibang taong nakasalamuha nina Belano at Lima. Walang partikular na banghay ang nobela at ang tangi lamang talagang nag-uugnay sa buong nobela ay ang mga pangunahin nitong mga tauhan. Pero bagaman mga pangunahin silang mga tauhan, nananatiling misteryoso ang kanilang pagkatao dahil isinasalaysay ang buong nobela sa punto de bista ng ibang mga tao.
Ewan ko ba pero ngayong tapos ko na ang pagbabasa ng nobelang ito, gusto kong matawa sa pagdadrama nito tungkol sa buhay ng mga manunulat. Bagaman ipinapakita ng nobela ang mga manunulat sa iba’t ibang pinanggalingang uri at politika, halos nagkakaisa ang lahat sa pagtatangi sa gawain ng pagsulat at sa mga manunulat. Na wala naman talagang pinagkaiba ang lahat ng manunulat dahil pare-pareho lang nilang itinatangi ang sarili nila at kung ano man ang pinagkaiba nila ay pang-ibabaw lamang. Kaya ang paghahanap ng “tunay” na panitikan o “tunay” na tula ay isang quixotic na paglalakbay, tulad ng paghahanap na tinahak nina Belano, Lima at Madero sa disyerto ng Sonora para sa paghahanap kay Cesarea Tinajero.
3. (H)ISTORYADOR(A)
Isang kakaibang nobela ang (H)ISTORYADOR(A) ni Vim Nadera. Hindi ito realista, malinaw iyon. Tulad ng pagpansin ni Rolando Tolentino sa “Sipat at Kultura” kung saan binigyang-pansin niya ang “Prologo/Epilogo” ng nobelang ito na inilathala sa kalipunang “Kuwentong Siyudad,” kumakapit ang nobela sa antas ng datos upang bigyan ng “laman” ang kabuuan nitong tensiyon. Hindi talaga gumagalaw ang buong nobela sa banghay kundi sa diyalogo. Pero dahil nasa anyo ng diyalogo ang karamihan ng historikal na datos, nagmumukha itong tsismis na pinagpapasa-pasa ng mga tauhan sa isa’t isa o sa mambabasa na parang tsismoso na nakikinig sa kanilang kuwentuhan. At kapag sinabi kong tsismis, hindi ibig sabihin ay masama iyon. Marahil itong pagbababa sa historikal na kaalaman ay kailangang gawing tsismis upang bigyan ito ng isang personal na dimensiyon di tulad ng ibang mga historikal na datos na nakukunwari/nagmumukhang apolitikal/obhektibo. Pero sa (H)ISTORYADOR(A), hindi obhektibo ang kasaysayan. Mayroon tayong taya sa nakaraan at dahil dito mahalagang iugnay ito sa ngayon upang bigyang-daan ang isang kinabukasan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento