Lunes, Hunyo 30, 2008

Unbearable Lightness (of being? hindi. wala lang akong magawa.)

1.

Sabay kong binili ang "The Unbearable Lightness of Being" ni Milan Kundera at ang "One Hundred Years of Solitude" noong freshman pa ako. Una kong nabasa ang "One Hundred Years" at madali akong nabighani. Pero tuwing sisimulan ko ang "The Unbearable Lightness of Being," madali akong nawawalan ng gana. Dahil siguro nagsimula ang "Unbearable Lightness" kay Neitzsche. Ewan ko ba, wala pa akong pasensiya sa pilosopiya noon.

Pero nang kamakailangang basahin ko ulit ang nobela, mas may pasensiya na ako at marahil mas tumanda na rin dahil halos wala na ang hirap na nadama ko noong mga unang pagtatangkang iyon. Mabilis ko na ring nabasa ang nobela dahil mas nauunawaan ko ang nais gawin ni Kundera sa kanyang nobela. Nauunawaan ko na kung bakit kailangan niya ng mga digressions. At hindi lamang patalino epek dahil may mabigat na ugnayan ito sa buhay ng mga pangunahing tauhan ng nobela. Nagmumukha ngang pinapansin niya ang mga bagay na naroon naman talaga pero hindi lang madaling mapansin.

2.

Pinanood ko ang "Wanted" at "Get Smart" nito weekend. Pinanood ko ang "wanted" para kay Angelina Jolie (para saan pa ba?) at sa action. Pinanood ko namana ang "Get smart" kasi naalala ko pa ang naunang "Get Smart" lalo na yung pelikula. At medyo disappointing ang dalawang pelikula. Ang labo ng plot ng "Wanted." Ang daming mga bagay na basta na lang nangyari. Pero hindi naman iyon ang habol ko sa pelikula e. OK naman yung action at yung special effects pero parang hanggang doon lang yung pelikula. May pa existential pa ang pelikula ala "Fight Club" pero hindi bumenta sa akin.

Sa "Get Smart," hindi ako sobrang natawa. May mga sandali na nakakatawa ang pelikula pero iyon yung problema. Sandali lang ang mga iyon. Kumpara sa orihinal, TV series man o yung pelikula, hindi kasing consistent ang pagiging makulit ng bagong "Get Smart". Epektibo ang orihinal dahil mas makulit ang pag-spoof at pag-exagerate nito sa mga spy movies at TV shows. Naroon yung tuwa at lugod ng orihinal. Kagaya ng sinabi ko, may mga sandali ang baging "Get Smart" pero hindi madala sa buong pelikula. Marahil hindi kasi kineri ng pelikula ang pangungulit tulad noong sandaling kinumbinsi ni Max Smart na bigyang-pansin ng higanteng henchman ang kanyang asawa. Kaya nagmumukhang hilaw ang pelikula. Kung higit na nirepaso ang script, baka mas nag-enjoy ako.

3.

Maganda ang nabasa kong review tungkol sa "Wall-E" ng Pixar. Kaya hihintayin ko ang paglabas nito sa Pilipinas. Hinihintay ko rin ang "The Warlords" at "The Dark Knight."

4.

Medyo on/off ako sa pagsusulat ko ng mga kuwento. Medyo one track mind ako pagdating sa mga intelektuwal na gawain. Kailangan kong tapusin ang isang proyekto, papel man iyan o kuwento. Pero dahil madami akong libreng oras at natapos ko na ang mahabang papel ko para sa klase ni Sir Mike, sinimulan ko na ulit ang magsulat ng kuwento. Tinangka kong ituloy ang rewrite ko sa kuwentong ipinasa ko noong Ateneo Nationals pero may mga tanong na hindi masagot-sagot at detalyeng hindi pa dumadating sa akin. Ang mas natamaan ako ng inspirasyon ay isang ideya ng kuwentong sci fi. Kaya lang feeling ko hindi ito bagay na gawing maikling kuwentong prosa. Mas natitipuhan kong gawin itong komiks. Pero siyempre hindi ako magaling mag-drowing. Sa ngayon tinatapos ko lang ang outline ng kuwentong ito. Alam ko na ang simula at ending. Yung nasa gitna ang palaging problema ko. At kahit na matapos ko man iyon, kalahati pa lang iyon ng kabuuan. Kailangan ko ng illustrator para tumulong sa akin na buuin ang akdang ito. May interesado ba diyan? Bubuuin ko muna ang kuwento sa isipan ko.

Lunes, Hunyo 23, 2008

Tungkol lang naman sa mga libro, so move along now (o kung babasahin ay mag-ingat sa spoilers)

1.

Natapos ko ang "Sugat ng Alaala" ni Lazaro Francisco. Required reading ko para sa Nobelang Tagalog na tinuro dati ni Sir Vim Yapan. Hindi ko ito natapos noon kaya tinapos ko nito lang. Medyo mahaba kasi ang nobelang ito at mahaba pa ang mga pangungusap at kakaiba ang ritmo at indayog ng mga salita. Hindi katulad ng mga mas conversational at simpleng prosa ng higit na kontemporanyong mga nobela't kuwento. Maganda naman ang wika ni Lazaro Francisco kaya nga lang ay hindi ako sanay sa kanyang istilo.

Umiikot ang nobela sa pag-iibigan nina Felipe, isang auditor, at Nitang, isang guro. Tulad ng maraming mga love story, maraming mamamagitan sa kanilang pag-iibigan, lalo na ang di-pagkakaunawaan at lalong-lalo na ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

May black and white na pagtingin ang nobela sa mga pangyayari iyon ng digmaan. Makabayan. Magigiting ang mga sundalong namatay at lumaban habang traydor at duwag ang collaborator. Hindi kataka-taka ang ganitong posisyon.

Ngunit kakaiba din ang pagtingin ng nobela tungkol sa digmaan at epekto nito sa bansa. Bagaman nagdala ng poot at kasawian ang digmaan sa bansa, tinitingnan ng nobela ang digma na nangyari bilang isang mabuting pagkakatoon upang magsimulang muli. Sa panahon bago ng digmaan, puno ng kuropsiyon ang lipunan. Sa pagdating ng digma, naging malinaw kung sino ang tunay na may mabuting budhi at kung sino ang hindi. Kaya't nagkaroon ng happy ending ang nobela. Dahil ang mabuting si Felipe at matiising si Nitang ay nagkatuluyan na nga.

2.

Natapos ko noong Huwebes ang "Serve the People!" ni Yan Lianke. Nabili ko ito sa airport sa Hong Kong at binili ko dahil sa bold ilalics na nakasulat sa likod ng book cover: BANNED IN CHINA. Kung mababasa ko ang isang nobelang hindi maaaring basahin ng milyon-milyong Tsino sa mainland China, aba bilhin ko na, di ba?

Maikli lang itong nobela. Sinusundan nito ang kuwento ni Wu Dawang at ang kaniyang pakikiapid kay Liu Lian, asawa ng komandante ng kanyang dibisyon. Si wu Dawang ay isang sundalo sa People's Liberation Army at may matinding pagnanasang maging opisyal upang maipadala niya sa lungsod ang kanyang pamilya. Sa maraming mga kasabihang umiiral ng mga panahong iyon, ang katagang "serve the people" o pagsilbihan ang mamamayan. Ngunit ang birtud na itong dapat niyang itinataguyod ay binaluktot nang magsimula siyang manungkulan bilang utusan sa tahanan ng division commander niya. Ang paglilingkod sa pamilya ng division commander ay itinatambis sa paglilingkod sa mamamayan. Kaya't ang pakikipagsiping niya kay Liu Lian ay masasabing pagbaluktot sa mga ideal na dapat sanay tinataguyod niya. Makikita ito sa simula ng nobela kung kailan tinutukso ni Liu Lian si Wu Dawang. At nang tanggihan muna ni Wu Dawang ang mga pahiwatig ni Liu Lian, halos nabaligtad ang paninindigan niya bilang pangunahing sundalo ng kanyang dibisyon. Dahil nagalit si Liu Lian at ang "kawalang-galang" ni Wu Dawang ay isang na ring pambabastos sa mamamayan.

Matindi ang gamitan sa pagitan nina Liu Lian at Wu Dawang at maging sa iba pang mga maliliit na tauhan. Ginagamit ni Wu Dawang ang kanyang pakikipagrelasyon kay Liu Lian upang mapadala ang kanyang pamilya sa lungsod habang tila ginamit ni Liu Lian si Wu Dawang upang magkaanak. Ngunit ang nagpapatindi sa kanilang relasyon ay ang pala-palaging nasa peligro nila dahil isa iyong bawal na relasyon. Kaya't nang pinagsisira nila ang mga teksto, edipisyo at imahen na kaugnay kay Mao, tila isa na lamang itong pangkaraniwang gawain dahil sa konteksto ng kanilang relasyon ay wala naman talagang kapangyarihan si Mao at ang tunay na naghahari ay ang pagnanasa nila sa isa't isa at mga personal na mga kagustuhan.

Ewan ko kung bakit banned ito sa China. Oo, binabastos ng mga tauhan si Mao ngunit nakalagay ito sa konteksto ng hypocracy sa loob ng isang sistemang dapat sana'y nakatuon sa paglilingkod sa bayan. Ginagamit ang sistemang partido at militar para sa kapakanan ng iilan. Na pagbabalat-kayo ang lahat at sa huli'y nawawala ang tao sa pagkilala sa sarili dahil ang mga bagay na totoo sana'y hindi katanggap-tanggap sa nangingibabaw na sistema.

3.

Pinanood ko noong sabado ang "The Happening." Nagustuhan ko ito kahit papaano. Natakot ako't kinabahan para sa mga tauhan. Nakakatakot naman talagang makita ang mga taong nagpapakamatay. O madali lang akong nabola ni Shyamalan? Ewan. Basta nawirduhan lang ako't nalaman agad ng mga tauhan na ang mga halaman ang dahilan. Para sa akin, mas maganda ito kumpara sa "The Village." Hindi naman ako nagulat sa ending. Consistent naman ang pelikula pagdating sa green message nito. Medyo nalito rin lang ako. Ano nga ba talaga ang nakapagligtas sa mga pangunahing tauhan? Ang biglang paghinahon ng mga halaman o ang kanilang matinding pag-ibig? Hindi naman ako napa-wow pero hindi rin naman ako nagsisisi na napanood ko ito.

4.

Unti-unti na akong nasasanay sa pagtuturo pero medyo tense pa rin ako. Mabuti na lang at, kahit papaano, napapanatili ko ang atensiyon ng klase. Puros mga love poems ang tinalakay at binasa noon Huwebes. Kung may korni o makesong taludtod, napapa-AAAAWWWW sila and that's a good sign. Nauunawaan nila na sentimental nga iyong mga sandaling iyon.

5.

Una kong faculty day noong Biyernes. Ramdam na ramdam ko ang aking pagiging n00b noong mga sandaling iyon.

6.

Sumabit ako sa pag-load at mini-reunion ng fellowmates ng 7th ANWW noong Biyernes. Nagulat kami't nasa Metro Manila pala si Sonny dahil nakabase talaga siya sa Iriga. At ito ang namalayan ko, na masaya ring pag-usapan ang sining at panitikan kapag may signal ka.

7.

Nagising ako nitong araw ng Linggo sa malalakas na ihip ng hangin. Panandaliang nagkaroon ng kuryente kaya't nakapagsaing ka pa ako bago nawalan ulit ng kuryente. Nagbasa na lang ako buong araw.

8.

Kaya ito, natapos ko ang "Dekada '70" ni Lualhati Bautista. Si Amanda Bartolome ang tagapagsalaysay at nilalahad niya ang kanyang karanasan at ang mga nangyari sa kanyang pamilya noong bago at habang nasa ilalim ng Martial Law ang bansa.

Dalawang isyu ang nangingibabaw sa nobela. Ang isyu ng pakikisangkot sa laban para sa kalayaan at makatarungang lipunan. Ang isa pa ay ang isyu ng pagkababae. Nagtatagpo ang dalawang isyung ito kay Amanda, isang ina na umaruga sa lima niyang anak na namulat sa panahong iyon.

Medyo nakukulitan ako sa paglalatantad at pagrereklamo ni Amanda sa kanyang sitwasyon bilang ina't babae. Yun iyong mga madadaldal na sandali ng nobela. Sa mga sandaling ito binubuno ng nobela ang iba't ibang ideya tungkol sa pagkababae't pagiging ina. Pero tinatambal ang mga sandaling ito ng mga ideya sa mga sandaling naipapakita ang mga problema't alanganin ni Amanda sa mga higit na kongkretong eksena.

Sa kahabaan ng nobela, unti-unting namumulat si Amanda. Pareho sa kanyang pagkababae at sa mga politikal na isyu ng kanyang panahon. Kaya't hindi kataka-taka na makakaliwa ang pagkiling ng nobelang ito.

Ang isang hindi ko masyadong nagustuhan sa nobela ay ang pagtrato nito sa panahon. Medyo nakakalito ang narrative time ng nobela. Ang simula ng nobela'y tila sinulat bilang pagbabalik-tanaw ngunit lilipat ang tagapagsalaysay sa isang pagsasalaysay kung saan sabay nangyayari ang kuwento sa pagsasalaysay.

Pero sa kabuuan, isa itong magandang nobelang binabaybay ang personal at panlipunang katayuan pagdating sa pulitika.

Miyerkules, Hunyo 18, 2008

Incredible

1.

Pinanood ko ang "The Incredible Hulk" nitong Linggo. Mahirap hindi ihambing ito sa naunang "Hulk" na dinirek ni Ang Lee. Higit na pangmasa, ika nga, ang pelikulang ito kumpara sa naunang pelikula na mas seryoso sa tono. Mas bagay sa role na Bruce Banner si Edward Norton kumpara kay Eric Bana dahil mas may nerd aura siya. It was just OK I guess kumpara sa "Iron Man."

2.

Katatapos ko lang basahin ang "Peksman (mamatay ka man) Nagsisinungaling ako" ni Eros Atalia. Makulit itong nobela, kung nobela nga iyon. Sinusundan ng mambabasa ang isang araw ni Karl Vlademir Villabos o Intoy at mahalaga ang araw na ito dahil ito ang araw na nag-apply at ininterbyu siya para sa isang trabaho. Manipis lang ang naratibo ng "Peksman" at ang tanging nagdadala sa boung kuwento nito ay ang makulit at mapanuring boses ni Intoy. Lahat na'y pinansin niya at binatikos. Natawa ako sa nobelang ito at kung bangag ako siguradong pagulong-gulong na ako sa sahig. Bagaman bastos o irreverent ang mga opinyon ni Intoy, sigurado akong maraming makaka-relate na mga naranasan ni Intoy. Dahil bagaman hindi natin malay na inuusal o iniisip ang mga reklamo at pansin ni Intoy, nauunawaan natin siya dahil nanggagaling siya sa isang karanasan na naranasan na ng maraming mga kabataan ngayon, ang paghahanap ng lugar at puwang sa isang lipunang wala naman talagang pakialam sa kanila.

3.

Inaasahan ko nang matatalo ang LA Lakers ngayong Game 6. Pero ano ba iyan? Talagang sinigurado ng Boston Celtics na karapat-dapat silang maging champion. Lampaso. Basahan. Nang magsunod-sunod na tres si Ray Allen noong 4th quarter, hindi ko maiwasang mangiti at matawa. Hindi ko alam kung bakit pero napangiti ako't natawa. Ayan, may championship ring na rin sina KG, Paul Pierce at Ray Allen.

4.

Bumili nga pala ng bagong kotse para kay Mae. Ford Everest ata kung hindi ako nagkakamali.

Biyernes, Hunyo 13, 2008

Ilang kagulat-gulat na mga bagay (at ilang hindi kagulat-gulat)

1.

Putsa, akala ko mananalo ang LA Lakers nang matapos ang 1st half. Pero aba, nakahabol ang Celtics mula 24 points down at nanalo pa sila. Karapat-dapat na manalo ang Celtics. Lord, bigyan nyon na po ng championship ring sina KD, Ray Allen at Paul Pierce.

2.

Hindi mahanap-hanap ang mga huling talata para sa papel ko sa klase ni Sir Mike. Mukhang sa susunod na sem na ako magko-compre.

3.

May malawakang mga rally sa buong Metro Manila. Kaya may ilang mga nagpoprotesta sa may tapat ng Gate 2.5 ng Ateneo. Karamihan sa kanila ay galing UP. They're too well informed at anti-American para maging Atenista. Pinakinggan ko ang lalaking nasa mikropono. Hinihiling nila ang pagbaba mula sa puwesto ni PGMA. Nagrereklamo sila tungkol sa kanyang palakad.

Lumakad lamang ako palayo.

4.

Happy Birthday kay Tonet!

Miyerkules, Hunyo 11, 2008

Nood muna ng pelikula bago magsimula ang sem

1.

Pinanood ko nung Linggo ang "Caregiver" na pinagbibidahan ni Ate Shawee. Dahil mababa ang expectations ko, nagulat ako na isa pala itong disenteng pelikula. Hindi ito sobrang OA na pelikula na habang umiiyak ay nagsesermon/nag-uusap ang mga karakter. May ganoong sandali rin pero isa beses lang nangyari at call for naman para sa eksenang iyon. Ang nagustuhan ko ay ang visual storytelling. Maraming mga sandali na hindi nagsasalita ang mga tauhan. Sapat na ang katahimikan, facial expression at mga galaw ng mga tauhanupang ihatid ang tensiyon at emosyon. Subtle baga. Hindi perpekto ang technique na ito sa pelikula pero at least hindi ito overwhelming para sa manonood. Kaya nagagawa ng pelikulang lumikha ng maraming layers pagdating sa usapin ng pamilya, bansa at sarili. Hindi ko na susuriin iyon. Baka makagawa pa ko ng paper. Basta. Okey din itong pelikula. Hindi aksaya ng panahon.

2.

Noong Lunes naman, nakipagkita ako kina Danny, Carla, Mara at Aina para manood din ng pelikula. Hindi na nakapanood si Danny dahil may date pa siya. Nagkahiwalay kami ng panood dahil napanood na ni Carla at Mara ang "Kung Fu Panda" habang napanood na ni Aina ang bagong "Chronicles of Narnia." Kaya nanood sina Carla at Mara ng "Narnia" habang sinamahan ko si Aina na manood ng "Kung Fu Panda." Aliw din ang "Kung Fu Panda." Madaming slapstick at fanboyish humor. At gusto ko ang moral ng pelikula: kayang maging astig ng mga matataba. Pagkatapos manood, nakita-kita ulit kami, kumain ng hapunan at ginala ang Greenbelt.

3.

Para sem na ito, hindi ko pag-uusapan ang klaseng tuturuan ko. Baka masisante ako. Ang masasabi ko lang ay naawa ako sa kanila dahil sa unang klase ng unang araw ng unang semestre ng unang taon nila sa Ateneo, test ang una nilang naranasan. Malas o bwenas, bahala na si Lord.

4.

Talo ang Boston Celtics kanina laban sa LA. Nangunguna pa rin ang Boston pero 2-1 na lang ang lamang nila.

5.

Happy Birthday nga pala kay K!

Sabado, Hunyo 07, 2008

Updates lang...

1.

Patay na raw si Rudy Fernandez dahil sa kanser.

2.

Isang sanaysay tungkol sa genre at comics.

3.

Napanood ko ang Colbert Report noong isang gabi at panauhin niya si Salman Rushdie. Wala lang. Sabog yung segment na iyon at tawa ako nang tawa.

4.

Ito ang problema ng one-child policy ng China: paano kung mamatay ang kaisa-isang anak?

5.

Kagaya ng sinabi ko dati, talking about the universe turns me on.

6.

Malapit nang magsimula ang semestre at mukhang nagsisimula na akong mag-panic. O excited lang talaga ako. Halos tapos na nga pala ang syllabus ko.

Martes, Hunyo 03, 2008

The Banquet + 1

1.

Pinanood ko noong Linggo sa DVD ang "The Banquet" na pinagbibidahan ni Zhang Ziyi bilang empress. Komplikado ang relasyon ng mga tauhan sa isa't isa. Mas komplikado pa sa mga relasyon sa "The Curse of the Golden Flower." Ito rin siguro ang nagustuhan ko sa pelikula. Nagustuhan ko ang tunggalian ng mga pagnanasa't saloobin. Nagustuhan ko rin ang cinematography at maging art direction. Kumpara sa "The Curse of the Golden Flower" o ng "Hero," na parehong gumagamit ng matitingkad na mga kulay, gumagamit ng higit na malawak na uri ng mga kulay ang "The Banquet." Bagaman may mga matitingkad na kulay na ginagamit ang pelikula, tinatambalan ito ng higit na malamlam na itim at earth colors. Engrade pa rin ngunit engradeng may bahid ng pagkabulok o decay. At ito naman talaga ang kinalalagyang konteksto ng mga tauhan. Bagaman mga maharlika't nakatataas na uri, bagaman nababalutan sila ng magagarbong damit at napapalibutan ng mamahaling kagamitan, hindi nito matatakpan ang mga pagnanasang nagdudulot ng kapahamakan. Nagustuhan ko ang acting dito. Masalimuot. Maging ang mga fight scenes ay tigib sa emosyonal na kapangyarihan.

2.

Dumaan ako kanina sa Kagawarn para iwan na ang ilang forms at birth certificate ko para maayos na ang mga papeles ko. Hindi pa rin ako makapaniwala na magtuturo ako ngayong semestre. Pero parang mas excited pa ang mga magulang ko kaysa sa akin. Binili pa nga nila ako ng bagong sapatos.