Mag-ingat. May spoilers.
Sinimulan ko ito noong summer ng 2007 at ngayon ko lang natapos. Maraming dahilan kaya natagalan akong sa pagbabasa nito lalong-lalo na ang mga required readings sa klase. Pero ang pinakadahilan lang talaga siguro para sa akin ay mahirap lang talagang basahin ang mga nobela ni Saramago. At ang haba-haba pa ng "Baltasar and Blimunda". Higit 340 na pahina at ang liliit pa ng font.
Pero kahit na mahaba ito, nagustuhan ko pa rin ang nobela. Sinusundan ng nobela ang dalawang bagay, una ay ang pagpapatayo ng kumbento sa bayan ng Mafra, ang sinilangang bayan ni Balthasar at ang pagtatayo, paglipad, pagbagsak at muling paglipad ng isang airship na nilikha ni Bartolomeu de Gusmao sa tulong nina Baltasar at Blimunda.
Maraming pagkakataon sa loob ng nobela na naglilista lamang ito. Nililista ang mga kagamitang ginamit sa pagpapatayo ng kumbento o ng airship. Nililista ang mga kayamanang ginastos sa upang itayo ang kumbento. Inilalantad ng nobela ang karangyaan at maging ang pag-aaksayang inilalaan ng mga Maykapangyarihan upang marangalan ang kadakilaan ng Diyos. Ngunit dahilan lamang ang Diyos upang ilahad at ipamukha sa mga tao ang kayamanan at kapangyarihan ng Hari at ng iba pang mga makapangyarihang tao.
Itinatambal naman ang karangyaang ito sa pagpapatayo ng Kumbento sa Mafra sa pagtatayo ng airship ni Padre Bartolomeu de Gusmao. Dito, yabang din ang nag-uudyok sa paring ito upang magtayo ng isang sasakyang tataliwas sa mga natural na batas. Sa pagtatayo ng sasakyang ito, tila hinahamak ni Bartolomeu de Gusmao ang Diyos at nais niyang ipamukha sa Kanya na kaya niya, isang hamak na tao, na lumipad.
At naiipit naman sina Baltasar at Blimunda sa dalawang pagnanasang ito. Kung tutuusin, walang tensiyon sa pagitan nina Baltasar at Blimunda kung ang mga pagkatao lang nila ang titingnan. Mahal nila ang isa't isa at sa kalakhan ng nobela'y hindi sila naghihiwalay. Ang nagpapausad ng kuwento ay ang mga pagnanasa ng mga tauhang nasa paligid nila, ng Hari at ni Padre Bartolomeu de Gusmao.
Ang isa pang bagay na marahil nagpapahirap sa nobela ay ang estilo nitong paligoy-ligoy. At hindi lamang paligoy-ligoy, sa nobelang ito, at kagaya ng isa pang nobela niyang nabasa ko, "The Stone Raft", nilalantad ang tagapagsalaysay. Sa nobelang ito, alam ng tagapagsalaysay na nagsasalaysay siya at alam niyang may nakikinig/nagbabasa. Kaya't maraming mga sandali ng self-reflexivity ang nobela. Nilalantad ng tagapagsalaysay ang mga detalye't mga pamamaraang kanyang ginagamit. Isa itong reaksiyon marahil sa pagkiling ng mga katha't nobelang gumagamit ng mga tagapagsalaysay na invisible. Third-person omniscient pero hindi ibig sabihin wala siya doon. Sa totoo lang, ang mga sandaling ito ng self-reflexivity ay pampatawa kumpara sa mga mabibigat na usaping tinatalakay ng nobela.
Karangyaan at ang pagkaasiwa sa karangyaang ito marahil ang kabuuan dating na nais ibigay ng nobela sa mambabasa. Ngunit tulad ng mga nagbibiyaheng nakasalubong at nakakita ng aksidente sa daan, hindi pa rin marahil maiiwasan ng mambabasa na umiwas.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento