Kumpara sa pagbasa ko ng "Baltasar and Blimunda", mabilis ang pagbabasa ko ng "Ang Mundong Ito ay Lupa" ni Edgardo M. Reyes. Kahit na higit 380 pahina ang nobela, malalaki ang font nito at pocketbook size lang. Nalathala na ito nang utay-utay sa Liwayway noong bata pa si Sir Egay (kabataan ko rin pero hindi pa ata ako marunong magbasa noon).
Tungkol ang nobela kay Ned, isang dalagang nag-aral ng kursong premed sa UST. Susundan ng nobela ang kanyang "pagkamulat" sa mundo ng pagsusulat, lalo na ang pagsusulat sa pahayagan. Mala-bildungsroman ang buong kuwento kaya't mahirap sabihing mayroong sinusundan na malinaw na banghay ang nobela. Ngunit kahit na ganito, nahirapan akong ibaba ang libro. Parang light reading ang nobela. Hindi mo mapapansing nakaisandaang pahina ka na pala.
Katatapos lang ng EDSA Revolution sa simula ng nobelang ito at ang iab't ibang moral at etikal na kaligiran ng mga panahong iyon. Ayon nga sa paunang salita ni Efren Abueg sa nobela, nirerepresenta ni Ned ang maraming ideal at mula sa kanyang pananaw ay nakikita ang lahat ng mga masasabing "imoral" sa lipunan--partikular na ang prostitusyon na pangunahing assignment na ibinibigay kay Ned ng kanyang editor. Mahusay ang pagbasa ni Abueg sa kaniyang panimula, lalo na ang pagpansin niya sa tambalang praktikalidad at idealismo na umiinog sa mobela. Praktikalidad ang nag-uudyok sa mga taong gawin ang kanilang ginagawa, maging mahirap man silang nagtungo sa prostitusyon o mga mayayamang napasubsob sa mga politikal na intriga.
Ang hindi ko lang talaga nagustuhan sa nobela ay noong papatapos na ito. Parang minadali. At medyo out of character o out of place ang mga bahaging iyon. Pero nasalba naman ng huling kabanata, kaya okey lang.
Marahil ang nobelang ito ay hindi kasinghalaga ng "Sa Mga Kuko ng Liwanag", o hindi pa. Hindi pa naman lubos na napag-aaralan ang buong ambag ni Edgardo M. Reyes. Ngunit kakikitaan pa rin ang nobela ng katangi-tanging kakayahan ni Reyes bilang mangangatha.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento