1.
Pinanood ko ang "Juno" kanina. Nakakatuwa siya. Matalas ang dila ng mga tauhan pero may puso. Kaya nga siguro nanalo ng best original screenplay sa Oscars.
2.
Pinanood ko naman noong Huwebes ang dance concert na bahagi si Tetel, kapatid ko, sa La Salle. Maganda ang auditorium ng La Salle. Mukhang teatro. Kung may ganoon lang na tanghalan ang Ateneo, wasak na wasak na talaga ang mga produksiyon ng TA, Entablado at BlueRep. Bahagi si Tetel ng dance company ng La Salle. Nabanggit ko na siguro dito na kasama siya sa China nang pumunta doon ang dance company. Napanood ko na nang madaming beses sina Tetel at Marol na magsayaw. Pero ngayon ko lang napanood si Tetel na magsayaw bilang bahagi ng dance company na ito. May naratibo ang mga sayaw kaya madaling sundan. Maganda ang buong palabas. Sinasabi ko iyon hindi lang dahil kasama doon si Tetel. Nakakainis lang at ang ingay ng mga nanonood. Karamihan kasi ng mga nanonood ay mga kaklase at kakilala ng mga nagsasayaw. Pero medyo distracting kung isa kang nagsasayaw at masyadong maingay ang mga nanonood.
3.
Noong Lunes, katatapos ko lang basahin ang "Atonement" ni Ian McEwan. Medyo mahaba ang nobelang ito kaya natagalan ako. Gusto ko sanang basahin ang nobela bago ko panoorin ang pelikula. Pero parang ayoko nang panoorin ang pelikula. Dahil ang buong nobela, para sa akin, ay isa ring masalimuot na meditasyon sa sining ng pagsulat at ng nobela at hindi lamang isang simpleng love story. Paano maililipat sa pelikula ang bagay na itong nagustuhan ko sa nobela? Kaya baka ma-disappoint lang ako sa pelikula.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento