1.
Kahapon, nagkita-kita kami nina Danny, Elmer, Paolo, Aina, Tonet at Carla (na tinatawag ko ngayong "Madam" dahil ilang beses niyang hiniling na baguhin oras namin ng pagkikita). Nagkita kami sa McDo para planuhin ang dalawang bagay. Una ay isang summer outing sa darating Mayo 3 hanggang 4. Hindi pa sigurado kung saan basta sigurado na iyong date na iyon. Ang pangalawa naman ay isang reunion ng section namin noong grade school. Isang dekada na rin ang lumipas. Tatanungin pa rin namin ang iba pang mga dating kaklase kung game sila. Inaasahan namin na matutuloy ito nang mga Hunyo o Hulyo. Pagkatapos noon, kuwentuhan na lang. Tapos na pala ang sem ni Tonet kaya nainggit ako kasi kailangan ko pang bumalik sa Ateneo para magpasa ng mga papel. Hassle talaga ang sched ng taong ito. Vacation mode na sana para sa Holy Week pero may mga papel na kailangan pang gawin. Kaya ito, hindi ko feel na nagpahinga ako.
2.
Noong Huwebes ay nag-Bisita Iglesia kami at pinili naming tapusin iyon sa Tagaytay. Medyo wrong move kasi ang trapik sa Tagaytay. Pero okey lang kasi pagdating ng alas singko'y malamig na simoy ng hangin.
3.
Tulad ng kinagawian, pumunta kaming Binangonan para manood ng prusisyon doon. Tuwang-tuwa din naman ang mga kapatid ko kasi nakita ulit nila ang bunso naming pinsan, si Evan. Kung hahanapin ko ang dahilan kung bakit nahuhumaling ako't nagsusulat palagi tungkol sa mga paglisan, pananahan at paglalakbay, dito siguro ako magsisimula. Taga-Binangonan kasi si Dad kahit na ilang dekada nang malayo doon, malalim ang kanyang ugnayan doon sa bayan na iyon. Marami kasing kapamilya doon, marami ring nakalakihang mga kaibigan si Dad doon. Kaya ang pagkakaranas ko ng tahanan at pamilya, medyo displaced din. Doon kasi sa Binangonan kami madalas magpalipas ng bakasyon noong bata pa. Lahat ng mga pinsan namin, tagaroon. Dito kasi sa San Pablo, wala kaming mga malalapit na kamag-anak. Only child lang si Mama kaya wala kaming mga pinsan dito. Kung mga kamag-anak, taga-ibang bayan o barangay at medyo malayo na rin ang relasyon. Kaya ngayon, nasa Binangonan si Dad at si Tetel, ipagsasayaw daw nila sa Waswas doon. Pinagsasayaw nga nila ako dati pero hindi ko trip. Kahit na tagaroon si Dad, pakiramdam ko pa rin ay tagalabas pa rin ako.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento