Sabado, Disyembre 27, 2008
Lugon
Habang naghahanda bago muling gumala ng Macau, nag-usap kami ni Dad tungkol sa buhok. Partikular, tungkol sa unti-unting pagkalagas ng buhok ko. Ginamit niya ang salitang "lugon". "Nalulugon na nga ang buhok mo," sabi niya. Mukhang iyon ang salita para sa paglagas ng buhok. Ewan ko kung Timog Tagalog itong salita o Hilaga. (Tubong Binangonan si Dad.) Iyon kasi ang una kong beses marinig ang salita. Kung ano man, pinayuhan niya akong gamitin ang kanyang ginagamit na shampoo na Mane and Tail na pinaniniwalaan niyang dahilan kung bakit hindi pa siya kalbong-kalbo. (Sa mga hindi nakikilala nang personal si Dad, halos wala na siyang buhok liban sa mga maninipis na hibla at kitang-kita ang kanyang makintab na anit.)
Ito ba ang tanda ng pagtanda, kapag pinag-uusapan ninyong mag-ama ang tungkol sa paglugon?
2.
Isang bago kami umalis nang matapos ko ang "Sigwa", ang mga kalipunan ng mga maiikling kuwento na ni-reprint kamakailan ng UP Press. Babad ang mga kuwento sa uri ng pananaw-panlipunan ng mga panahon iyon ng Dekada 60-70. Maraming mga magagandang kuwento sa kalipunan ngunit hindi ko maiwasang maraming pag-uulit sa pagitan ng mga kuwento. Pala-palaging may pagmulat. Pala-palaging may rally. Pala-palaging may pangako ng pagbabago.
3.
Sa Diosdado Macapagal Airport ko natapos basahin ang "The Brief and Wonderous Life of Oscar Wao" ni Junot Diaz. HIndi ko intensyon na basahin ito nang bilhin ko ito sa National Bookstore. Pero nang basahin ko ang mga unang pahina nito, hindi ko maiwasang magpatuloy at basahin ang mga sumunod na mga pangyayari. Mapnlinlang ang pamagat dahil aakalain mo na tungkol lamang ang nobela kay Oscar, isang overweight Dominican nerd. Ngunit sinasakop nito ang kuwento ng pamilya ni Oscar sa Dominican Republic hanggang Amerika at ang kasaysayan ng Dominican Republic.
May magandang magsusuma at pagmumuni si Egay Samar sa kanyang blog tungkol dito kaya ayoko nang ulitin ang kanyang mga sinabi. Nakakaengganyo ang tono at boses ng nobela. Sarkastiko at self-depricaing pero totoo at makatotohanan. Ganoon din, nakakatawa. Kayang pagtawanan ng tagapagsalaysay ang kanyang sarili at maging ang kanyang ikinukuwento.
Isang eksenang natawa ako: nang bumisita ang pamilya ni Oscar sa Dominican Republic, nagtaka si Oscar nang biglang nagpalakpakan ang mga taong sakay ng eroplano sa paglapag ng eroplano sa airport. Natawa ako dito dahil Pinoy na Pinoy din itong gawi. Ilang beses na ba akong umiwi galing sa ibang bansa kasama ang mga OFW at nangyari ito? Madalas, madalas.
4.
Bago umalis papunta ng airport naman nang matapos ko ang "Para Kay B" ni Ricky Lee. Hindi ko sigurado kung malaki ang ipinagbago ng pamamaraan ni Ricky Lee noong mga panahon niya sa Sigwa sa ngayon pero alam kong magaling pa rin siyang magsulat. Mapaglaro ang buong nobela. Pinaglalaruan nito ang mga ideya ng Pilipino tungkol sa pag-ibig at pinagtatawanan ito. Ngunit naghahanap din.
Binubuo ang nobela ng limang kuwento ng pag-ibig tungkol sa limang mga babaing may partikular na karanasan tungkol sa pag-ibig. Ngunit kuwento ito hindi ng mga tauhan isinulat kundi ng manunulat na nagsulat ng mga kuwento. At isinisiwalat ng nobela ang katangian ng pag-ibig bilang isang antas ng fantasya. Na ang sarili ang lumilikha ng love story. Kaya't hindi maiiwasang ma-devistate ng pag-ibig dahil hindi palaging nagtatagpo ang tunay na buhay sa love story na nasa isipan natin. Ngunit kailangang magpatuloy upang maghanap ng ibang kuwento pwedeng pagkaabalahan.
Linggo, Disyembre 21, 2008
Alam mo...
Alam mo bang nasira ang cellphone ko? Ipapaayos ko pa.
Alam mo bang may nakita akong ebook sa Project Gutenberg na pinamagatang "Manures and the principles of manuring"?
Alam mo ba yung Chinese na babaeng nawalan ng pandinig sa kanyang kaliwang tainga dahil sa halik? Dalawa lang iyan e: hindi marunong humalik ang boyfriend niya o hindi magaling humalik ang boyfriend niya.
Alam mo yung pag-align ng Venus, Jupiter at Buwan na nagmukhang smiley face? Oo, iyon. Natuwa ako doon.
Alam mo bang lumabas na ang bagong isyu ng Heights? Wala lang. May kuwento kami nina Margie doon.
Alam mo bang nag-sale ang Ateneo Press at UP Press? Ang dami ko na namang nabiling libro. Kaya gagawa ako ng New Year's Resolution: hindi ako bibili ng libro sa 2009. Makakalimutan ko ang resolution na ito pagdating ng ikalawang linggo ng Enero.
Alam mo bang ang daming librong kailangang basahin bukod pa sa masayang basahin?
Alam mo bang nominado si Sir Vim Yapan para sa 8th Madrigal-Gonzalez Best First Book Award? Nanalo si Zosimo Quibilan. Congrats sa kanila at sa iba pang nominado.
Alam mo, hindi ko feel ang MMFF ngayong taon. Tulad ng mga nakalipas na taon.
Alam mo bang nasa San Pablo ako ngayon? Una akong pag-uwi ito mula nang magsimula ang sem.
Alam mo bang ang OA ng palamuti para sa Pasko sa bahay namin dito? Basta. Puros parol. Magkano kaya ang magiging bill namin sa Meralco?
Alam mo ba yung Talab, yung produksiyon ng mga applicants ng Tanghalang Ateneo? Wala lang. Medyo disappointed ang mga tao dahil malapit sa aming mga puso ang karamihan ng mga dulang itinanghal nila. Siyempre, mga first timers ang mga nagtanghal kaya hindi maiiwasan. Hindi naman panget ang mga pagtatanghal. May mga directorial decisions lang na sobrang napapakamot kami ng ulo. Nakakatuwang may dalawa akong estudyanteng bahagi ng produksiyon.
Alam mo ba yung Cha-cha? Asahan mong magbabalik iyan sa susunod na taon.
Alam mo bang ramdam ko na ang Pasko? Pero ko ma-enjoy dahil sa trabaho. Pero okey lang. Aliw pa rin naman ang trabaho kahit papaano.
Alam mo bang ang "Twilight" series ang pinakapatok na Christmas gift ngayong taon? Mahaba ang pila sa Fully Booked Gateway para lamang doon.Iyon ang exchange gift na nakuha ni Tetel. Oo, tiba-tiba ang mga book store.
Alam mo bang kalalabas lang ng dalawang nobela ni Marla Miniano sa National Bookstore? Oo, si Marla Miniano, yung kasama kong nagawaran din ng Loyola Schools Awards for the Arts 2006 para sa Creative Writing: Fiction. Binili ko iyong isa. Hindi kami masyadong nagkakilala kahit na magkatabi kami ng ilang araw sa Escaler para sa practice at awarding. Wala lang. Nakakainggit lang. Summit Books ang naglathala mga libro kaya obvious na may partikular na market o audience ang mga libro. Basahin ko na lang muna ang libro at bigyan ng rebyu sa susunod.
Alam mo bang tumatanggap na ng mga applicants ang Iligan National Writers Workshop? Mada-download daw ang application forms sa kanilang website.
Hanggang doon na lang muna.
Huwebes, Nobyembre 27, 2008
P*****ina, hindi pa tapos ang Nobyembre!?
Ngayon-ngayon ko lang nararamdaman ang physical toll ng pagtuturo ng isang full load. Pawisin naman talaga akong tao at pakiramdam ko, sobrang dehydrated na ako pagdating ng hapon lalong-lalo na tuwing TTH. At ngayon, meron pa akong konting sipon at ubo. Buti na lang, hindi nangongongo sa klase o madalas ang pag-ubo. Kaya pinakaaasam ko ang pagdating ng Christmas break. Masarap-sarap ang magiging tulog ko.
2.
Kagabi nga, sampung oras ang tulog ko.
3.
Andaming hearing sa Kongreso at Senado. Parang telenobela na halos ang ANC sa intrigahan sa politika. Ang pagbaon ni JDV sa First Couple. Ang pagbuking ng mga regional head ng Department of Agriculture kay Jocjoc Bolante. Pakapalan na lang talaga ng mukha. Saan ka pa?
4.
Pwede sa Thailand, kung saan libo-libong mga ang nagpoprotesta para pabagsakin ang kanilang gobyerno. Balak pa naman sanang pumunta ng mga magulang ko doon sa susunod na linggo. Matuloy kaya sila?
5.
Ngayong darating na weekend ang board exam para sa Nursing. Sana pumasa ang kapatid ko. Good luck, Mae! May simbahan pa ba kayong hindi nasisimbahan?
6.
Pumunta ako sa book launch ng aklat pambata ni Nanoy. Medyo naligaw pa ako nang kaunti kasi hindi ko kaagad natagpuan ang Ortigas Building at ang Ortigas Foundation Library. Kaya pawisan na ako nang makarating doon. Kasama ng pagbili ng libro at pagpapapirma, ibinigay ko rin kay Nanoy yung pinabibili niyang kopya ng "Kristal na Uniberso". Dalawa yung dala ko noon. Yung isa, ibinigay ko kay En. Hindi ko pa nababasa ang kuwento (oo, loser ako) pero maganda ang magkaka-illustrate dito.
7.
Nanood ang pamilya ng 'D Spooftacular Showdown na pinagbibidahan nina Candy Pangilinan, Jon Santos at John Lapus sa Music Museam. Nagkita-kita kami sa Greenhills. Okey naman yung palabas. Katulad ng maraming comedy shows, sabog siya at walang problema ito. Halo-halong skit at improv ang palabas. Nakakatawa naman pero hindi ako napatawa nang diretso ng buong palabas. May mga skit na hindi ko masyadong trip. Pero may mga moments din naman ang palabas.
8.
Katatapos ko lang basahin ang "Soledad's Sister" ni Jose Y. Dalisay. Dapat tinatapos ko na ang "Wolf Totem" ni Jiang Rong pero napagod ako doon. Maraming sandali na ulit-ulit ang "Wold Totem" sa polemiko nitong environmental at hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting "orientalism" sa paglalarawan ng Mongolia. (Tsino si Jiang Rong.) Kaya binasa ko na lamang ang "Soledad's Sister" na mas maikli at pwede pang maka-relate ako.
Mas nagustuhan ko ang "Soledad's Sister" kumpara sa unang nobela ni Dalisay na "Killing Time in a Warm Place". Oo, hindi ko pa natatapos ang "Killing Time..." pero ilang beses ko nang sinimulan at inayawan ang nobelang iyon. (Iritang-irita talaga ako sa unang pangungusap ng "Killing Time...") Dito sa "Soledad's Sister", nagustuhan ko ang istorya. Sa totoo lang, halos walang nangyari sa nobela. Sinundo lamang nina Aurora at Walter ang bangkay ng kapatid ni Aurora sa airport. May nangyari pa sa dulo pero suprise na lang sa mga gustong magbasa.
Para sa akin, nahihirapan akong sabihing nobela ang "Soledad's Sister". Marahil novella siya, yung nasa pagitan ng maikling kuwento at nobela. At hindi lang dahil sa haba. Hindi ko masabi nang malinaw kung bakit ganoon ang pakiramdam ko. Marahil dahil sa technique at pagkakalatag ng mga kabanata ng nobela. May mga kabanata na nagtataka ako kung bakit matatagpuan sa dulo ang kabanatang "building a new home" gayong maaari rin namang ilagay ito malapit sa simula. Mas malapit sa chapter six halimbawa. Oo, kita ko naman ang lohika kung bakit ganoon ang pagkakalatag ng mga kabanata. Marahil masyado ko lang napansin ang pagmamaneobra sa banghay at mga kabanata.
May mga nagsasabi, ayon sa panayam ni Dalisay, na masyadong bukas o hindi malinaw ang pagtatapos ng nobela. Sa totoo lang, okey lang sa akin na magtapos ang nobela sa chapter thirteen man lang. Lalo nga akong nalabuan sa chapter fourteen e. Marahil hindi lang naihanda ang mambabasa sa ganoong pagtatapos. Sobrang detalyado kasi ang pagkakasalaysay ng nobela. Nagbabaliktanaw ang nobela dahil gusto nitong bigyang liwanag ang maraming butas ng naratibo. Wala namang problema doon pero yun nga, nasanay ang mambabasa na pupunuin ng akda ang butas na naroon. Kaya marahil na let down ang ilan. Ako, nakukulangan pa nga ako sa butas.
9. Ateneo Press Booksale
We are happy to invite you to the much-awaited Christmas booksale ofthe Ateneo Press, from December 2-17, at the press bookshop inBellarmine Hall, ADMU Campus. All books will be sold at 10 to 50percent discount. Sale hours: Monday to Thursday, 8am to 12 noon, 1 to6pm and till 5 pm Friday.As always, browsing--like the warm salabat--is free.To reserve copies of your favorite titles, call Vangie or Anne at 02-4265984.Thank you. And happy reading!
10. Links
LS Awards for the Arts, bukas na!
According to the Blind Man: sanaysay ni Marie La Vina tungkol sa kanyang mga tulang nagwagi sa Palanca Awards.
Linggo, Nobyembre 16, 2008
Y
Kalilipas ng unang linggo ng semestre at naranasan kung ano ang pakiramdam ng may matinding teaching load. Wow ganoon pala iyon. Pagdating ko sa huling klase ko sa TTH, autopilot na halos ako dahil sa pagod. Pag-uwing-pag-uwi ko, idlip ka agad ako kalimitan. Siguro hindi ko dadalasan ang mga exercises nila para hindi ako malunod sa trabaho. Pero kailangan ko silang tutukan lalo na yung mga estudyante ni Sir Marx para handa sila pagbalik niya. Gramatika ang pag-aaralan sa linggong ito. How exciting. (Feel the sarcasm.)
2.
Napanood ko ang dulo ng Senate Hearing tungkol sa Fertilizer Scam at ang malaking bahagi ng Euro Generals Hearing. Natatawa lang ako sa dalawang hearing na ito. Sa una dahil inis na inis si Ping Lacson sa pagsagot ni Jocjoc Bolante. Napaka-evasive ni Jocjoc. Para siyang tubig na hindi mahuli gamit ng kulambo. Ang daming palusot. Ang galing niyang gumamit ng mga salita. Kaya sa huli, wala halos napuntahan ang hearing.
Iba naman ang naging timpla pagdating sa hearing ng heneral at opisyal ng PNP tungkol sa pagkakahuli kay Ret. Gen. De La Paz sa Moscow. Todo aminan naman ang mga tao. Umamin agad si De La Paz na may ginawa siyang mali. Todo hugas kamay naman ang iba. Laglagan na kung laglagan. Ang tanga kasi ng mga "scriptwriter" ng gobyerno. Parang mas bagay silang maging manunulat sa "Iisa pa lamang" at baka nga mas mainsulto pa ang mga manunulat ng "Iisa pa lamang" sa sinabi kong ito. Contingency fund? Wala ba silang mga credit card?
Para sa akin, wala naman talagang mapupuntahan ang mga hearing na ito. Hindi naman sila makakasuhan talaga. Ang Ombudsman ang namamahala doon. Ewan ko lang kung may ginagawa ang Ombudsman. Sana meron.
3.
Katatapos ko lang basahin ng "Y: The Last Man". Ito yung impulsive read ko bukod sa "Wolf Totem" at "Sipat Kultura". Natuwa ako dito. Nakakaaliw at interesante ang binuo nilang mundo na wala nang lalaki. O halos wala nang lalaki. Sa totoo lang, mas naaliw sa mga side stories ng buong comics. Yung supermodel na naging kilalang funerary expert. Yung mga manunulat na nagtangkang lumikha ng makabuluhang sining sa nagbabagong mundo. Nagustuhan ko ang ending. Napaka-mundane lalo na yung huling alaala. Na sa mundong halos wala nang lalaki, at kung sino mang lalaki ang natira'y parang sila pa yung problema imbes na solusyon, hinding-hindi natatapos ang pagkaligalig ngunit pala-palaging nagpapatuloy ang mundo.
4. Ang Unang Nobela ni Ricky Lee
"PARA KAY B
(o kung paano dinevastate ng pag-ibig
ang 4 out of 5 sa atin)"
Legendary Filipino scriptwriter RICARDO LEE will be launching his
much-awaited first novel on NOVEMBER 30, Sunday, 4 PM, at the
University of the Philippines Bahay ng Alumni, Diliman, Quezon City.
The director of ceremonies is no less than award-winning director
Marilou Diaz-Abaya.
A discounted price will be given to book orders prior to the launch in
November. (Bookstore price is approximated at P250, while the
discounted price is P220). You'll be given a reservation stub/bookmark
that will you can use to claim the book, as well as serve as your
invite to the book launch. For orders and other inquiries, you may
contact Elbert Or, 0916-7396237 or elbert.or@gmail.com
5. Ang Unang Libro ni Nanoy Rafael
Ilulunsad ng Adarna House at Philippine Board of Books for Young People (PBBY), sa pakikipagtulungan ng Ortigas Foundation Library ang aklat pambatang Naku, Nakuu, Nakuuu! na isinulat ni Nanoy Rafael at tampok ang mga guhit ni Sergio Bumatay III.
Si Nanoy Rafael ay kasapi ng LIRA at nanungkulan na bilang tagapag-ugnay (PR officer) ng organisasyon. Nagwagi ang kanyang kuwentong Naku, Nakuu, Nakuuu! ng PBBY-Salanga Writers’ Prize.
Dahil iilang tao lang ang kakasya sa lugar, kailangan munang magpatala (pre-register) kay Vanessa Estares (372-35-48 local 110). I-klik ang retrato sa taas para sa kumpletong detalye.
6. Performance Poetry Creative Talk7. link
Nanalo ang "Ilustrado" ni Miguel Syjuco ng Man Asia Literary Prize 2008. At hindi lang siya nanalo sa Palanca, ang ganda pa ng girlfriend niya. (Yes, envy comes in many levels.)
8.
Belated Happy Birthday nga pala kina En, Crisgee, Missy at Migoy.
Martes, Nobyembre 04, 2008
Ultraelectromagneticshield!
Halos buong araw akong nagpalipas ng Undas sa pagbabasa. At pag-idlip. Mainit kasi e.
2.
Malapit nang magsimula ang ikalawang semestre. Dahil naipasa ko na ang huli kong papel kay Sir Mike, may grade na ako sa klase niya. In short, makakapag-Compre na ako. Ayos. Sa bandang pagtuturo naman, ibinigay sa akin ang dalawang klaseng Fil 12. Magandang level up kumpara sa isang klase last sem. Pero ibinigay din sa akin ang lahat ng mga klase ni Sir Marx, na kasalukuyang nasa China hanggang katapusan ng taon, para maging substitute niya. Apat na klase iyon. Kaya eighteen o units o anim na klase ako sa unang dalawang buwan ng semestre. Mararanasan ko ngayon ang pakiramdam ng isang full-timer kahit na 1/3 lang ng semestre. Baptism of fire ika nga ni Ma'am Beni. At sa tingin ko baka makabuti nga ito. Tingnan natin kung tatagal ako. At gusto ko talaga ng ganitong mga challenge. Seryoso ko nang mahaharap ang mga pagkukulang ko bilang guro na napansin ni sir Je at sinasabi ng feedback ng mga estudyante. Either epic fail ang mangyayari o matinding level up. (Tangna, miss ko nang maglaro ng Final Fantasy.)
3.
Ultraelectormagneticshield! Magnetic shield, makakatulong sa paglalakbay sa outerspace.
Ilang mga unang larawan ni Dave Gibbons para sa Watchmen.
Mga finalist para sa National Book Awards ng Pilipinas.
4.
Aba, Birthday ni Doug Candano ngayong araw.
Biyernes, Oktubre 31, 2008
Dalawang Aklat at isang Pelikula
Katatapos ko lang basahin ang "Ang Aso, ang Pulgas, ang Bonsai at ang Kolorum" ni Jose Rey Munsayac. Inabot ako halos ng dalawang buwan. Palaging naaantala ang pagbasa ko iba't ibang mga gawain kaya nagkaganoon. Madali lang namang basahin ang wika ni Munsayac. Mahaba-haba rin lang talaga ito.
Binubuo ng tatlong aklat ang nobela. Ang una'y tungkol sa mga rebolusyunaryo pagkatapos ng sumuko si Pangulong Aguinaldo sa mga Amerikano. At pangunahin sa mga rebolusyonaryong ito ay si Ento, ang pinuno ng isang grupo ng mga rebolusyunaryong hindi sumuko pagkasuko ni Aguinaldo. Sinusundan ng unang aklat ang buhay at pakikidigma ng mga rebolusyunaryo sa panahon ng mga Amerikano. Ang ikalawang aklat naman ay tungkol sa panahon pagkatapos sumuko ng ang mga rebolusyunaryo at ang kanilang pagtatangkang magkaroon ng normal na buhay. Ang ikatlo ay tungkol sa buhay ng mga taga-Bagong Nayon, ang nayong itinatag ng mga sumukong rebolusyunaryo, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa simula'y malinaw na itinatanghal ng nobela ang labanan sa pagitan ng mga uri. Si Ento, kasama ng kanyang mga kapwa rebolusyunaryo, ang representante ng mas mababang uri. Bago ang rebolusyon, mga magsasaka sina Ento at ang kanyang mga kasamang rebolusyunaryo. Si Kabesang Pakong, ang dating heneral sa rebolusyon at propitaryo ng mga rebolusyunaryong pinamumunuan na ni Ento, ay malinaw na katunggali. Ipinipinta si Kabesang Pakong bilang tuso at mapanlinlang. At katulad ng maraming mga Filipinong may partikular na pansariling ineteres, ipinipinta siya bilang traydor dahil sa pagkampi sa mga Amerikano.
Malinaw ang hidwaan sa pagitan ng mga uri at bagay na bagay na lapatan ng Marxistang pagbasa. Ngunit magbabago ang lahat ng ito pagdating sa ikalawa at ikatlong ng aklat. Bagaman naroroon pa rin ang malinaw na paghahati ng mga uri, nagiging mas masalimuot ang ugnayan at tunggalian sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa mga pag-aalsa sa panahon ng Republika. Mas masalimuot dahil nariyan na, hindi lamang ang mga matataas na uring kumampi sa mga Hapon, nariyan na rin ang mga magsasakang kumampi rin sa mga Hapon. Nariyan din ang mga magsasakang naging sundalo't gerilya sa ilalim ng USAFFE at nariyan din ang mga magsasakang naging Hukbalahap. Ang dating magkakampi sana'y nagkakaaway kaya't mas masalimuot ang ugnayan at hidwaan.
Pagdating sa naratibo, nagmumukhang mas buo ang unang aklat kaysa sa mga sumunod. Marahil dahil may malinaw na tunggalian sa pagitan ng mga uri ang unang aklat kaya nagkaganoon. Malinaw na sinusundan ng nobela ang mga naggaganap kay Ento ngunit pagdating sa ikalawa't ikatlo, parang nagkalabo-labo na kung kaninong kuwento ba ito bagaman nananatiling pangunahin ang mga tauhang nanggagaling sa uri ng mga magsasaka. HIndi ko alam kung kapintasan ito. Marahil sinasalamin lamang ng naratibo ang kasalimuutan ng mga ugnayan at tunggalian. Bagaman kapansin-pansin ang pagdalas ng pagbubuod o summary sa mga huling bahagi ng nobela kumpara sa nauna, na maraming mga eksena't pagtatagpo.
2.
Ilang buwan na akong may VCD ng "Paprika" (nabili ko sa isang sale) pero ngayong sembreak ko lang ito napanood. Isa itong anime na mula sa mga lumikha ng "Tokyo Godfathers". Tungkol ito sa grupo ng mga siyentipiko na lumikha ng isang makinang kayang i-record ang mga panaginip at gayun din pwedeng paghatian ng mga tao ang mga panaginip. Halo-halo itong sci-fi, fantasy at detective story na binudburan ng psychoanalysis. Sa dulo ng pelikula naghahalo ang na mga panaginip at maging ang realidad at panaginip ay naghalo na rin. Mahirap ibuod ang kuwento nito. Nakakabangag. Pero may pakiramdam ako na mas bagay itong maging serye imbes na pelikula lamang. O baka nga may serye ito hindi ko lang alam. Basta natuwa ako't nagulat sa mga eksena't pangyayari. Hindi ko lang alam kung magugustuhan din ito ng iba.
3.
Noong isang taon ko pa ito sinimulang basahin, natigil nga lang. At ngayon ay natapos ko na ring basahin ang "Rashomon and 17 Other Short Stories" ni Ryunosuke Akutagawa. Isinalin ito ni Jay Rubin, isa sa mga tagapagsalin ni Haruki Murakami at binigyang introduksiyon ni Haruki Murakami. Kasama sa kalipunang ito ang mga kilala nang mga kuwento ni Akutagawa, ang "Rashomon", "The Nose" at "In a Bamboo Grove". Pero natuwa ako sa mga kuwentong hindi ako pamilyar tulad ng "Hell Screen" at "A Life of a Stupid Man". Itong dalawang huli ang pinakanagustuhan ko sa kalipunan.
Nahahati ang kalipunan sa apat. "A World in Decay", "Under the Sword", "Modern Tragecomedy" at "Akutagawa's Story". Nakatuon ang unang dalawang hati sa mga akdang historikal ni Akutagawa. Madilim ang karamihan ng mga kuwento dito tulad ng "Rashomon," "In a Bamboo Grove", "Hell Screen", "Dr. Ogata Ogai: Memorandum", "O-gin", "Loyalty", at "The Spiderthread". Ngunit mayroon namang mas magaan tulad ng "The Nose" at "Dragon: The Old Potter's Tale". Sa "Modern Tragicomedy" at "Akutagawa's Story" ang mas kakaibang hati ng akda kumpara sa mga nauna. Sa "Modern Tragicomedy" makikita ang mapaglaro't mapagpatawang bahagi ni Akutagawa. Isang mapaglarong metafiction ang "Green Onion" habang lubhang satirikal naman ang "Horse Legs". Mas tragic imbes na comic ang "The Story of a Head that Fell Off". Napaka-depressing naman ang mga kuwento sa "Akutagawa's Story". Karamihan ng mga kuwento dito ay isinulat noong mga panahong lumalalim na ang depression ni Akutagawa.
Mayroong partikular na lirisismo ang mga kuwento ni Akutagawa na nagustuhan. Kahit na sa mga morbid na kuwento niya, kaakit-akit pa rin. Bukod doon, magaling ang kanyang pagkakahawak sa kanyang mga tauhan.
Maganda rin ang panimula ni Haruki Murakami. Hindi sobrang intelektuwal ngunit mainam na pagbibigay paliwanag sa daloy ng karera at sining ni Akutagawa at maging ng konteksto ng Hapon sa panahon ni Akutagawa.
Lunes, Oktubre 27, 2008
Pahabol sa pahabol
Mula kay Carlo:
You are invited to Malate Literary Folio's
The Lilt & the Verve
(Halloween Party & 1st Issue Book Launch)
October 30, 2008; Thursday
6:00 PM onwards
Penguin Bar/Cafe
Remedios Cor. Bocobo Street, Remedios, Malate, Manila
Free admission! Free food!
Come in costume!
Theme: Demented Fairytales
with guest musical performances by
* Twin Lobster
* Mangina
* Orgasmic Chicken
* Musical O
Malate Literary Folio is the official arts and literary publication
of De La Salle University-Manila.
Spread the word!
2.
Mula kay Nanoy:
Magkakaroon ng mahabang Novel Reading ng Noli Me Tangere
sa Filipinas Heritage Library, 9PM ng Nov 8 hanggang 9AM ng Nov 9.
Oo, tama ang nabasa ninyo, 9PM-9AM. Lamayan.
Pahabol
May aquarium na sa bahay dito sa San Pablo. Cute.
2.
Katatapos lang ng 8th Ateneo National Writers Workshop. Maraming maganda at maraming stressful na karanasan. Pero ayokong maglunoy sa stress. Kaya aalalahanin ko na lang ang magagandang alaala.
Una, dumalaw si Dong Abay sa workshop para makipagkita kay Mang Jun. As in, the Dong Abay ng Yano. Starstruck naman si Sir Egay. At ang aming claim to fame, sa silid namin natulog si Dong Abay ng isang gabi. Kinabukasan, habang nagse-session, humingi ng papel si Dong Abay at nagsulat ng kanta.
Pangalawa, nakapagpapirma ako ng kopya ko ng "Dark Hours" ni Ma'am Chingbee Cruz. At naging crush ng workshop siya.
Pangatlo, Isang gabi akong sinuwerte sa tong-its. Ilang round kaming naglaro nina Yol at Sir Egay ng tong its. At hindi ako nagbalasa nang gabing iyon. Nag-pusoy dos din kami sa sumunod na gabi at kasama na namin noon si Sir Joseph. Mas malas ako noon pero ako ang ginawang kontrabida dahil nga sa hindi ko pagkatalo noong isang gabi at dahil na rin bastos akong maglaro ng pusoy dos. I think alam na ng mga Block E 06 itong pagkabalasubas ko sa pusoy dos.
Pang-apat, nakalikha kami ng bagong kahulugan para sa salitang "chaka". Unang gabi noon at tinatarayan ni Allan Popa, o sige na nga naming lahat, ang mga akda. Ito ang nagawa namin:
C - Contructive
H - Helpful
A - And
K - Knowledge
A - Assisting
3.
Sale ngayon sa Office of Reseach & Publications (ORP) ng Ateneo. Marami silang libro na 50% discount. Dinala ko nga iba sa mga fellows doon. Sinamahan ko din doon si Mang Jun. Pero hindi lang sila sale. Naglilinis din ata sila ng kanilang storeroom. Kaya may mga libro silang ipinamimigay lang. O ipinamimigay. Katulad ng "Kristal na Uniberso" ni Rolando Tinio. Nagulat na lamang kami ni Mang Jun na ipinamimigay lamang ito. Kaya kayo diyang fans ni Rolando Tinio (katulad ni Nanoy), punta na kayo sa 2nd floor, Gonzaga Hall at humingi ng kopya ng "Kristal na Uniberso" hangga't meron pa silang kopya. At malay natin, baka mayroon pa silang mga libro gusto lang nilang ipamagiya. Punta na kayo! Now na!
4.
Isang joke na seryoso:
Tao1: May nakita nang publisher si Allan Popa para sa kanyang bagong koleksiyon ng mga tula!
Tao2: Talaga? Sino?
Tao1: Ang ORP.
Tao2: A. Ano'ng pamagat ng aklat?
Tao1: "Basta"
Tao2: Ano? Ano'ng pamagat?
Tao1: "Basta"
Tao2: Basta-basta ka diyan. Ano nga ang pamagat?
Tao1: "Basta" nga e.
Tao2: He, ewan ko sa'yo. Kinakausap nang matino.
Tao1: "Basta" nga!
(Dapat akong binabayaran para dito.)
5. links/balita
Dalawang Pinoy ang bahagi ng Man Asia Literary Prize Shortlist.
Hindi lang Tsina ang namomroblema sa lason sa pagkain. Sa Japan, dalawang kumpanya ang nag-recall ng kanilang mga instant noodles.
Babae sa Hapon, kulong dahil pinatay niya ang virtual na asawa!
Hinay-hinay lang sa pagkain. Ayon sa isang pag-aaral, may ugnayan ang mabilis na pagkain sa pagtaba. Kaya pala ako ganito.
6.
Congrats nga pala sa kapatid ni Aina na si Aira sa pagpasa nito sa Board Exam ng Accounting!
Miyerkules, Oktubre 15, 2008
Iba pang magaganda balita
Rollercoaster
Madami akong ginawa nitong nakalipas na mga araw kaya ngayon lang ako nakapag-post ng entry. Lalong-lalo na noong isang linggo dahil Finals Week iyon. Ibang pagkangarag pala ang ngarag na nararamdaman sa kabilang panig ng desk. Kailangang tapusin na ang pagtsetsek ng papel. Ihanda ang mga kopya ng pagsusulit para sa araw ng exam. Kahawig sa pagkangarag sa pag-aaral para sa exam o paggawa ng papel. Pinakamalaking pagkakaiba lang siguro, okey lang na magkamali ka bilang estudyante. Pero pag ikaw ang guro, kailangan mong maging tama palagi at kailangang hindi mo pinagdududahan ang sarili.
2.
Ang thesis talaga ni Kalon ang pinakapinagngaragan ko talaga noong isang linggo. Rush job ito ika nga. Noong Martes ang thesis defence habang kinailangang ipasa ito noong Sabado. Marami lang papeles ang inayos. Lalo na pagkatapos ng defence. Mahaba ang proseso at hakbangin ang kailangang pagdaanan. At nagawa iyon sa loob ng limang araw! Noong Martes, dumaan ako sa Red Ribbon at Pan de Manila para sa ipapakain sa mga reader at sa ibang tao sa Kagawaran. P5.50 ang pinakamahal at pinakamalaman na pandesal sa Pan de Manila. Malasa naman ang tinapay pero medyo mahangin. Dahil nga paspasan, nagkaroon ng kaunti gusot pagdating sa proseso. Pero nakaraos din.
3.
Huwebes ng umaga ang Huling Pagsusulit ng klase ko sa Fil11. Mataas naman ang nakuha ng karamihan ng mga estudyante ko. O naging mapagbigay lang sa kanila pagdating sa essay part? Pero pagdating sa final grades nila, wala akong nabigyan ng A. Pero maraming B. Nakapagtataka. Sa araw mismo ng pagsusulit, may isa na hindi agad nakarating. Patapos na exam nang dumating siya. Kaya kinailangan niyang pumuntang ADAA para magpa-make-up. Nakapagtataka talaga't mayroon pang nahuhuli sa isang huling pagsusulit lalo freshman.
4.
Hindi ko na naabutan ang pagpapasa ni Kalon ng kanyang thesis o mabantayan ang estudyante kong nag-make-up test dahil Biyernes e pumunta akong Boracay. Martes e nagpabook na kami ni Mama sa Seawind Resort at Asian Spirit Airlines (na nagpalit ata ng pangalan at naging ZestAir). Napanalunan ko ito sa isang raffle nang mag-book launch ang ORP para sa mga antolohiya nito nang magpa-Boracay sila at nagsama ng mga guro't manunulat. Siyempre, mabait akong bata at binili akong isang set dahil marami akong mga guro na kasama doon. At ang mga bumili ng isang set e automatik na mapapasama sa raffle. Ang nakakatawa'y nagkaroon ako ng psychic moment dahil dito. Nang matapos na ang pagbabasa mula sa antolohiya at inanunsiyo ang simula ng raffle, sinabi ko sa sarili ko, "Makukuha ko iyan." Hindi naman sa gusto kong makuha ang premyo. Basta sinabi ko lang sa sarili ko na makukuha ko ang premyo nang basta-basta lang. At nakuha ko nga. Kaya nga hindi tuwa ang lumabas sa mukha kundi pagkabigla at pagkagulat. Hanggang Oktubre 15 lang pwede ang mga gift certificate na ibinigay sa akin kaya kahit na hindi pa ako tapos sa lahat ng trabaho ko, kinailangan ko nang gamitin iyon.
5.
Wala kaming masyadong ginawa noong unang araw. Pumunta lang kaming D'Mall at D'Talipapa. At hapang nagpapamasahe si Mama, nilakad ko lang beach mula Station 1 papuntang Station 2. Nahahati ang White Beach ng Boracay sa tatlong stations. Sa Station 1 yung may magandang beach habang nasa Station 2 yung mga tindahan at kainan. Nag-island hoping kami ni Mama noong Sabado. Pumunta kaming Crystal Cove at Puka Beach. Inikot lang naman talaga namin ang buong isla ng Boracay.Noong Linggo nga lang talaga kami nag-swimming. Ako, nanguha lang ako ng mga shells at coral sa beach.
6.
At timing naman ang pagpunta namin doon dahil kamakailan e nagbigay ng hatol ang Korte Suprema na pagmamay-ari ng gobyerno ang buong Boracay. At syempre, tsismosa si Mama kaya ang dami niyang tanong tungkol doon. Nakakatuwa nga ang island hopping na iyon kasi wala naman talaga kaming masyadong napuntahang isla at beach. Ang nangyari ay parang ininterbyu ni Mama ang mga mamamangka na kasama namin tungkol sa kalagayan ng Boracay. Itinuro sa amin ang mga bagong mga resort na ginagawa at ang istorya sa likod noon. Nakita namin ang resort ni Manny Paquiao. Nakita rin namin ang pinakamalaking proyekto na ginagawa doon ngayon, ang resort ng Shangri-La. Nang daan namin iyon, madaming mga barge na malapit sa beach na may dala-dalang mga construction materials. Sa pagkakakuwento sa amin, nabili daw iyon mula sa mga Sarabia sa halagang 300 milyong piso. Ang orihinal naman na bili ng mga Sarabia sa lupa e P300. Laki ng tubo nila. Sa hatol ng Korte, may kaunting galit at panghihinayang akong napansin sa boses ng mga nakausap namin doon. Dahil hindi lamang ang mga malalaking resort ang maaapektuhan dahil maging ang mga residente doon e magagambala. Paano ang kanilang mga karapatan gayong ang iba e jalos buong buhay nang nakatira doon bago pa man naging bakasyunan ang Boracay? Ewan ko ba. Parang napakasosyalista ang hatol at sa totoo lang wala akong tiwala na magiging patas ang Gobyerno sa lahat ng ito. Sa mga sabi-sabi nga, may investment si Pangulong Arroyo sa ginagawa ng Shangri-La pero tsismis ito na narinig ko lamang. Dagdag pa ito sa isyu ng mga Aetang naninirahan doon. Hindi ko alam na may komunidad pala ng mga Aeta sa Boracay. Nalaman ko lang ito nang magsimba ako noong Sabado at bahagi ng selebrasyon ang Indigenous People's Day. Sa pagkakarinig ko, hirap ang komunidad na iyon. Dati, malaking bahagi ng Boracay e pagmamay-ari ng kanilang komunidad. Ibinenta nila iyon sa mga dayong nagpayaman sa Boracay para sa bigas. Kaya nasa bundok na sila ngayon. Parang kuwento ng iba pang mga komunidad sa ibang bahagi ng Pilipinas, no?
7.
At siyempre, ang pinakamalaking balita nitong nakalipas na mga linggo ang meltdown ng ekonomiya ng mundo. Naka-chat ko nga sina Mara at Carla tungkol dito at napag-usapan kung paano sila naapektuhan. Kanailangan ngayon ni Mara na mag-nightshift nang dalawang gabi imbes sa dating isa lang. Nag-lay-off kasi sa Amerika kaya dumami ang trabaho nila dito sa Pilipinas. Illustrator siya at nagtatrabaho siya sa isang kumpanyang tumatanggap ng trabaho mula sa ibang bansa. Nagtatrabaho naman si Carla sa isang malaking internasyunal na bangko at nagsimula na silang mag-retrench. ie, may mga natanggal na sa trabaho. Natutuwa talaga sa mga ganitong salitang masarap pakinggan pero masama ang kahulugan. Parang salitang nilikha ng demonyo. Maikukumpara ko rin ito sa paggamit ng Ateneo sa katagang "successful self harm" para pamalit sa salitang suicide. Ewan ko lang paano maaapektuhan ang Ateneo ng krisis na ito sa ekonomiya. Sana hindi rin ako ma-retrench. Sana wala nang mangyaring successful self harm sa susunod na sem. (That was a bad joke.)
8.
Sa kabilang panig ng mga balita, tumaas ang ranggo ng Ateneo sa THE-QS World Universitiy Rankings. 254 na ang Ateneo kumpara sa ranggo nitong 451 noong isang taong. 276 naman ang UP mula sa ranggo nitong 398 noong isang taon. Nasa top 100 naman pagdating sa Arts and Humanities na kategorya ang Ateneo. 79 ito habang 82 naman ang UP. Naging isyu ito noong nakaraang taon pero sigurado akong matutuwa ang Admin dito.
9.
Kahapon, pinasa ko na ang mga grades ko. Kaya ito, home free na ako. Pero marami pang kailangang tapusin. Kailangan ko nang tapusin ang papel ko para kay Sir Mike para pwede na akong makapag-Compre sa susunod na semestre. Gayundin, tatangkain kong tapusin ang mga kuwentong gsuto ko nang tapusin lalong-lalo na yung matagal ko nang inuupuan. Pero mahirap pilitin ang Musa pero pakiramdam ko matatapos ko naman ito sa sembreak.
10. Links
Si Jean-Marie Gustave le Clezio, isang Pranses, ang nagwagi ng Nobel Prize in Literature. Hindi ako pamilyar sa kanya. (Sino ba?) Pero hihintayin ko na maging mas laganap ang mga kopya ng mga akda niya at husgahan sa aking sarili kung magaling nga ba talaga siya. Heto ang mga links sa New York Times at The Guardian tungkol sa balita.
Ang nobelang "The White Tiger" ni Aravind Adiga ang nagwagi ng Man Booker Prize para sa taong ito. Narito ang balita mula sa BBC, New York Times at The Guardian.
Pinaratangan si Milan Kundara sa pagkakakulong ng isang espiya noong panahon ng Komunismo sa Czechoslovakia (na nahahati ngayon sa Czech Republic at Slovakia).
Sabado, Oktubre 04, 2008
Arangkada
(Isang alaala nang minsang pumila sa cashier ng LS Bookstore para magbayad ng isang bilihin, bago mag-bonfire.)
Isang babaeng atenista, may hawak-hawak na puting t-shirt at kausap ang kanyang kaibigan: Ayan mayroon na akong ipasa-sign sa kanila at maipampupunas na rin.
(Gawin ba namang santo ang mga player.)
2.
Nanalo ni Sir Vim Yapan sa Urian noong Oktubre 1. Nanalo ang "Rolyo" bilang pinakamahusay na short film. Narito ang artikulo mula sa ABS-CBN
3.
Noong Huwebes ay huling araw ko ng klase para sa Fil11. Pinagreport ko ang aking mga estudyante tungkol sa imahen ng ilang mga artista. Isa sa mga grupo ay nag-report tungkol kay Juday. Tiningnan nila ang bagong imahen ni Juday bilang fitness guru. Ginawa nila e pinag-cross-dress nila ang malaking atleta na klase nila at pinagpanggap na Juday sa isang "interview". PinakaLOL na moment:
Interviewer: Juday, nagpa-lyposuction ka daw.
Juday: Hindi ha. Fitrum iyan. At push-ups. (hahawiin ang upuan at magpu-push-up)
Panalo.
4.
Natapos ko rin basahin kamakailan ang "Pamilya" ni Eli Guieb. Nabasa ko na nang pautay-utay ang mga kuwento niya sa ibang mga pagkakataon. Magaling si Guieb. Paborito kong mga kuwento e yung "Ama", "Kasal" at "Horoscope". Isa kong napansin sa mga kuwento ay kung gaano kaprominente ng kamatayan sa mga kuwento. At kalimitan ay lunsaran ang kamatayan para sa mga pagtatagpo. At consistent ito sa "Ama," "Pinsan", "Bunso", at "Horoscope".
5.
Pinanood ko kahapon ang final project ng mga klase ni Sir Egay. Enjoy naman kahit na medyo napapakamot kami ng ulo sa mga dokyu at dula na pinalabas. Natuwa kami sa mga dokyu lalo na sa "TODA" at "Gentle Giants". Magaling ang research ng mga ito. Katuwa yung mga interview ng "Gentle Giants" sa mga bouncer. Very timely naman ang "TODA" pagdating sa pagbusisi nito sa isyu ng pagbabawal sa mga traysikel na dumaan sa Katipunan Ave. Mayroon ding isang magandang play na itinanghal. Yung "Trabaho Soliloquey". Aliw lang talaga.
6.
Kanina e nanood ako ng "Batang Rizal" sa PETA Theater. Natuwa ako dito. Sabi nga ni Allan Derain, kahit na gasgas na iyong topic, nagawan pa ring fresh ang tungkol kay Rizal. Nakasama naming manood ang ilang klase ng mga estudyante. Statefield ata ang pangalan ng paaralan. At well behaved naman ang mga nanonood. Mas nairita pa nga ako sa mga bantay nila na ang iingay. Nakakatuwa yung mga estudyante pagkatapos ng dula. Pinagdiskitahan ng mga babae ang mga lead na lalaki. Binati kasi ng mga gumanap ang mga manonood pagkatapos ng pagtatanghal. Dinumog ng mga estudyanteng babae ang gumanap na Rizal at Pepito para magpa-picture. Nakakatuwa.
7. links
Isang mag-asawa sa Malaysia, namatay dahil sa ritwal!
Mga Taiwanese, nag-away dahil sa gatas!
Ang opisyal na press release para sa 8th ANWW.
Isang sanaysay tungkol sa maikling kuwento.
Miyerkules, Oktubre 01, 2008
Kulimlim
Ito yung mga araw na masarap humilata lamang sa kama at matulog o kaya't tumitig lamang sa kisame. Pero kailangang magbasa ng mga papel ng estudyante o kaya'y tapusin na iyon atrasado kong papel.
2.
Hindi ako pumunta sa bonfire kagabi. Umulan at ayokong maputikan ang aking mga sapatos. (Yeah right.)
3.
Tinapos na rin kagabi ang workshop manuscript para sa darating na workshop. Hindi ko lubos na natulungan ang mga taga-AILAP dahil tinatapos ko noon ang appendix ng thesis ni Kalon. Pero tinulungan ko si Yol na mag-isip ng pseudonyms para sa bawat akda. Surprise na lang kung anong kalokohan ang naroon. Inaasahang maipapadala na sa Thursday ang mga kopya ng manuscript para sa mga panelists at fellows.
4.
Binili ni Allan Derain ang pinahiram ko sa kanyang kopyang ng "Dictionary of the Khazars" kasi nagustuhan niya ito. Dalawa kasi kopya ko noon, pareho pang male version. Napadoble kasi ang bili ni Dad nang magpunta siya ng Amerika noong isang taon.
Linggo, Setyembre 28, 2008
Sakit
Nagkasakit ako kahapon. Intestinal flu daw sabi ni Mama. Masakit ang buong katawan ko kahapon at may lagnat pa. I think its karma. Buti na lang at may natira pa akong paracetamol mula noong huli kaong magkasakit noong isang buwan. Kaya hindi ko tuloy napanood ang dance concert na bahagi si Tetel kahapon. Sayang. Pero mas mabuti na pakiramdam ko ngayon.
2.
Nabasa ko kamakailan ang blog post na ito ni Charles Tan at ang reaksiyon ni MRR Arcega dito. Malaki pa rin talaga ang problema ko sa paggamit ng terminolohiyang "speculative fiction". Dalawa ang dahilan ko. Una, masyado itong sabog na salita. Katulad ng pagbibigay depinisyon dito, isa itong umbrella term para sa lahat ng di-realistikong akda o genre. At ito ang problema. Kailangan ng isang matatag na depinisyon para sa realismo upang magkaroon ng isang matatag na depinisyon sa speculative fiction. Kung tatanggalin naman ang realismo sa pagbibigay depinisyon sa spec fic, ano na ito? Kaya mas gusto kong gamitin ang salitang "fantastic" dahil iyon din naman yata ang gusto ng ipahayag ng "speculative fiction" bagaman may pagkamahiwaga na dating ito. Pangalawa, ano ba talaga ang ugnayan ng iba't ibang mga genre sa ilalim ng speculative fiction? Ano ugnayan ng scifi, horror, fantasy, magical realism (feeling ko talaga, mapapakamot ng ulo si Gabriel Garcia Marquez kung tawagin siyang speculative fictionist) at iba pa? Itong dalawang ito talaga ang mga bagay na umuukilkil sa aking kokote.
At nariyan pa ang politika ng salita. Malaking isyu ng tanong ng "pagka-Filipino" dahil lubhang napakabanyaga ng terminolohiya sa kabuuang karanasan natin. Speculative ba ang isang bagay, tulad ng paniniwala sa mga duwende, gayong milyon-milyong mga tano ang naniniwalang totoo sila? Ulit, isa itong pamantayang banyaga na tumitingin sa kulturang iba sa kanya. Kaya masasabing lubhang maka-Kanluran ang "magical realism" bilang terminolohiya. Gayundin ang speclative fiction. May pamantayan kung ano ang hindi speculative at tinatangka ng speculative fiction na lampasan ito. Pero paano kung lusaw na ang hanggahan at malabo na ang mga pamantayan? Nagiging mahalaga pa ba ang depinisyon?
Tangna, naguguluhan na ako sa sarili ko.
3.
Nabasa ko itong artikulo ni Bobby Anonuevo tungkol sa isang miting ng Galian ng Arte at Tula (GAT) noong Setyembre 7, 1980. Medyo mahaba-haba ito pero interesante lalo na sa mga mag-aaral ng panitikan. Hindi ko maiwasang tumawa sa mga hirit nina Adrian Cristobal, Franz Arcellana at iba pa sa open forum pagkatapos basahin ni Adrian Cristobal ang kanyang papel. Ang tataray ng mga tao. Pero interesante rin ang diskusyon.
4.
Pinalabas kanina sa HBO ang naunang movie adaptation ng "Captain America". Sa sobrang pangit nito wasak siya. Napaka-80's o 90's action movie ito pero mas pangit pa sa "American Ninja" series o sa mga pelikula ni Chuck Norris. Ang pangit ng acting, ang pangit ng directing, ang pangit ng script, ang pangit lahat. Nalugi kaya ang Marvel dito?
Biyernes, Setyembre 26, 2008
Untitled (wala akong maisip e)
Pumunta kami kahapos sa lamay ng ama ni Yol. Delikado pala ang lugar nina Yol. Hindi sa delikado na maraming kriminal doon kundi literal na delikado dahil bangin na ang malaking bahagi ng kanilang barangay. Condemned nga daw ang mga bahay na malapit sa bangin dahil baka magka-landslide. Nangyari iyon dahil nang ayusin ang C-5, malalim ang nahukay na lupa para sa mga kalye. Papunta doon, dumaan kami sa isang daang bumabaybay sa highway pero halos sampung talampakan ang taas namin. Kaya nakapagtataka talaga ang isang urban planning (meron nga ba?) na mas pinahahalagahan ang daloy ng trapik kesa sa mga tahanan ng tao.
2.
Panalo ang Ateneo! Yey! In fairness, ang labo ng mga tawag ng mga ref. Bonfire daw sa Martes. Sana hindi umulan.
3.
Made a professional mistake. Sorry about that.
4. links
Mga mahuhusay na thrillers.
Nakatagpo ako ng mga interactive na nobela sa internet. Dahil sa artikulong ito sa The Guardian, napunta ako sa 253 ni Geoff Ryman at sa Grammatron ni Mark Amerika. Baka maging interesado dito si Sir Egay.
Pati White Rabbit, banned na rin sa China.
Mayroon palang patimpalak na nakapangalan kay Emman Lacaba. Nasa gitna rin ng page na iyan ang tungkol sa UP Writers Workshop para sa darating na taon. Para ito sa mga "advanced" o "mid-career" na mga manunulat. Yung mga may libro nang inihahanda.
Huwebes, Setyembre 25, 2008
Fellows para sa 8th Ateneo National Writers Workshop atbp.
Heto na pala ang listahan ng mga natanggap na fellows para sa darating na Ateneo National Writers Workshop. Gaganapin ito sa campus ng Ateneo sa Oktubre 19-25.
Tula
1. Jan Brandon L. Dollente (Las Piñas; ADMU)
2. Francisco Monteseña (Angono, Rizal; Unibersidad ng Silangan-Caloocan)
3. Randel C. Urbano (Quezon City; UP Diliman)
Maikling Kuwento
1. Anna Marie Stephanie S. Cabigao (Quezon City; UP Diliman)
2. Bonifacio Alfonso Javier III (Bacoor, Cavite; UP Diliman)
3. Marinne Mixkaela Z. Villalon (Quezon City; UP Diliman)
Poetry
1. Genevieve Mae Aquino (Quezon City; UP Diliman)
2. Arlynn Raymundo Despi (San Mateo, Rizal; UP Los Baños)
3. Wyatt Caraway Curie Lim Ong (Malabon; ADMU)
Short Story
1. John Philip A. Baltazar (Cagayan de Oro; Xavier University)
2. Monique S. Francisco (Pasig City; ADMU)
3. Krisza Joy P. Kintanar (Davao City; UP Mindanao)
Congrats sa kanilang lahat. Pagkatapos makita ang bunto-buntong mga enties, napapakamot tuloy ako ng ulo sa pag-iisip kung paano ako napili noong ako naman ang nag-apply. May listahan na rin kami ng mga panelists pero mas mahaba pa iyon sa dami ng mga fellows. Mayroon kaming benteng panelists (more or less) ngayong taon. Kagaya ng nakagawian, rotating ang line up ng mga panelists. Iba't iba ang line up bawat araw. Kaya masaya. Ang ilan sa mga naaalala kong napupusuang maging panel ngayon ay sina Ma'am Beni Santos, Ma'am Marj Evasco, Susan Lara, Amang Jun Cruz Reyes, Ma'am Luna Sicat-Cleto, Rolando Tolentino at marami pang iba. Ewan ko lang kung umoo na sila. Most of them have, I think.
2.
Ngayong araw na ang Game 2 pero mukhang hindi ko ito mapapanood nang live sa TV. Pupunta ang Kagawaran sa bahay nina Yol upang makiramay sa pagkamatay ng kanyang ama noong Setyembre 22. Siyempre hindi na dapat tinatanong kung alin ang mas matimbang, di ba?
3.
Pansamantalang magsasara ang Large Hadron Collider (LHC) nang mga isang taon. Mayroon daw kaunting sira. Kaya sa susunod na taon pa tunay na magugunaw ang mundo.
4.
Super late na ito pero belated nga pala kay Carlo!
Linggo, Setyembre 21, 2008
Hindi lang pala isa, kundi dalawa!
Biyernes, Setyembre 19, 2008
Ayan, pwede na rin akong ma-plagiarize
Magsa-sub ako sa mga susunod na meetings sa mga klase ni Ecar. Nagkasakit kasi si Ecar. Okey lang. Parang ako ang bantay nila kasi reporting lang naman sila.
2.
Nagpunta nga pala akong Alpha Music para iwan doon ang mga questionnaire para sa thesis ni Kalan. Wala lang. Alam ko na kung saan ang opisina ng Alpha.
3.
Pagkatapos mag-sub sa mga klase ni Ecar, sumabay ako kina Allan Derain at Ma'am Rica Bolipata-Santos sa panayam ni Dr. Bienvenido Lumbera sa UP. Tungkol iyon sa Panitikang Rehiyunal at Kasaysayang Pampanitikan ng Pilipinas. Nakakatuwa yung hall na pinagdausan ng panayam. Parang UN. Circular. Wala lang. Mababaw ako. Nakakatuwang makita ulit sina Mang Jun at Ma'am Luna at Sir Joel. Pero nakaka-intimidate. Ramdam na ramdam ko ang aking pagiging baguhan o nagfe-feeling na manunulat status. Pagkatapos ng panayam ay ang book launch ng antolohiya ng mga sanaysay tungkol sa poetika ng iba't ibang mga manunulat at hango ang mga sanaysay mula sa mga sumali sa binagong UP National Writers Workshop. Marami akong mga dating guro na kasama sa antho. Kaya bumili ako. 250 lang pero parang walang launch discount.
4.
Mula UP, bumalik kaming Ateneo para launch ng bagong issue ng Heights. Double issue siya. Kasama doon ang isa kong tula at isang kuwento. Medyo nahihiya ako doon. Luma na yung tula at nadadramahan ako sa sarili ko. Yung kuwento, medyo na-edit ko na siya mula noong ipasa ko. Inedit ko ito bago ipasa sa Iyas at pagkatapos ng Iyas. Wala naman sobrang pagbabago. Inayos ko lang ilang continuity issues at ilang pagkakamali sa grammar. Kaya medyo mixed feelings ko. Pero sa wakas, nalatha na rin ako sa Heights.
Nalatha nga rin pala ang mga tula nina Kael Co, Jason Tabinas, Twinkle delos Reyes, ang mga kuwentong pambata nina April at Allan Derain at ang maikling kuwento nina Sir Vim Yapan at Dennis Castro, isang naging kaklase sa MA.
Kasama nga pala itong tula ni Kael sa bagong isyu ng Heights na bunga ng isang munting dialogo ng mga tula. Gumawa kasi ako ng tula na sumasagot sa tulang ito ni Kael. At sinagot niya ang tulang iyon na ginawa ko. Batay iyon sa mga Chinese poems at sa pagkakaalam ko, mahilig magdialogo ang mga makatang Tsino noon gamit ang mga tula. Wala lang. Trivia lang. At siyempre, binago na nang kaunti ang lumabas sa Heights kaya kumuha kayo ng kopya ng Heights para sa makita ang bagong bersiyon.
5.
Pagkatapos ng launch ng Heights. Kumain kami nina Sir Egay, Allan Derain at Sir Allan Popa sa Sweet Inspi. Syempre, napunta sa panitikan at disertasyon/thesis ang usapan. Humabol si Sir Allan P. At doon nagsimula ang matinding pang-aalaska kay Allan D. dahil sa nangyari sa kanyang pagkatapos ng Heights Workshop. Kung inaalaska ng mga ato ang weight ko, ito ang pang-alaska kay Allan D.
6.
Maraming tao ang nagsasabing pumapayat daw ako. Ewan. Hindi ko naman sinasadya. Kulang siguro kao sa kain. (Yeah right.)
Magnanakaw
At pinatutunayan ko na si Rap Menchavez ang may-akda ng tulang "Matapos Mo Akong Iwanan" na nalatha sa Heights Vol. LI No. 1 noong taong 2003.
Martes, Setyembre 16, 2008
Bantay
Napanood ko kamakailan ang "Hellboy 2". Masaya itong panood. Hindi masyadong pino ang naratibo pero maraming jokes at action scenes na pang-aliw. Paburito kong eksana yung nag-iinuman at kumakanta ng love song sina Hellboy at Abe Sapien. Tawa talaga ako nang tawa doon. Maganda yung art design at direction nito. Sa totoo lang, wala akong masabing sobrang masama o sobrang mabuti.
2.
Nag-observe nga pala si Sir Je kanina sa klase ko. Nang dumating siya, natahimik ang klase. Medyo nataranta naman ako kasi tumahimik sila. Pero okey lang. Keri naman.
3.
"Napagalitan" ako kanina ni Sir Egay. Ipinakita niya sa akin ang mga bago niyang diskubre sa bargain bin ng National, mga hardbound na kopya ng "Falling Man" ni Don Delillo at "Half the Yellow Sun" ni Chimamanda Ngozi Adichie na nabili niya sa halagang P75 bawat isa, nabanggit ko na nakakita ako ng kopya ng "The Reluctant Fundamentalist" ni Mohsin Hamid sa bargain bin ng National Glorietta. Siyempre nanghinayang akong bilhin dahil ang dami ko nang nabiling libro noong nakalipas na Book Fair. Pero sana binili ko na rin daw sabi ni Sir Egay. Sayang daw. at nasasayangan nga din ako ngayon e. Hindi naman kami mukhang adik sa libro, 'no?
4.
Nakakapagod palang magbasa ng mga maikling kuwento nang sunod-sunod.
Sabado, Setyembre 13, 2008
Book Fair Adventure 2008
Pumunta akong book fair kanina. Umalis ako ng Katipunan nang mga 11 ng umaga at nakarating na sa Taft Station ng MRT nang mga 12. Sakto naman ang pagbuhos ng ulan. Kaya nang makarating ako ng MOA sakay ng dyip, basang-basa ako. Pero nakarating din naman ako sa SMX Convention Center. 10 pesos ang entrance fee pero dahil kuripot ako ipinakita ko ang aking ID para makakuha ng 2 peso discount.
Una akong pumunta sa booth ng C&E. May naka-consigned sa kanilang mga aklat ng nagsarang DLSU Press. (Nagsara ang DLSU Press di ba?) At nakabili ako ng dalawang libro.
a) Fastfood, Megamall at iba pang kuwento sa pagsasara ng ikalawang milenyum (Rolando Tolentino)
b) Alagwa (Mes de Guzman at Vim Nadera, patnugot)
Pinuntahan ko ang UST Publishing, Ateneo Press at UP Press. Wala akong binili sa UST at Ateneo. Gusto ko sanang bilhin yung bagong libro ni Abdon Balde kaya lang ang mahal, 620 ata yun. Sa Ateneo, well, Atenista na naman ako e. Nagkapagtataka nga't ang laki-laki ng catalogue ng Ateneo e ang liit-liit ng booth nila at ang unti ng inexhibit nilang libro. Sa UP Press ako madaming nabili mula sa kanilang bargain bin.
c) Subanons (Antonio Enriquez)
d) Salingdugo (B.S. Medina Jr.)
e) A Madness of Birds (Jose Wendell Capili)
f) Himagsik ni Emmanuel (Domingo Landicho)
Dumaan din akong Trade Winds. May nakita akong original print ng "The Butcher, the Baker, The Candlestick Maker" ni Gilda Cordero-Fernando. Babayaran ko na sana nang ipaalam sa aking ng nasa counter na 4 for 100 ito at kailangan kong bumili pa ng tatlong libro. E di pumili ng tatlo pa. Heto ang nabili ko:
g) The Butcher, the Baker, The Candlestick Maker (Gilda Cordero-Fernando)
h) Philippine PEN Anthology of Short Stories 1962 (Franz Arcellana, patnugot)
i) 4 Latest Plays (Wilfredo Ma. Guerrero)
j) 12 new Plays (wilfredo Ma. Guerrero)
Pagkatapos e pumunta naman akong New Day at nakakita ginalugad ang kanilang kopya ng mga lupang libro.
k) Ballad of a Lost Season (Cristina Pantoja-Hidalgo)
l) Southern Harvest (Renato Madrid)
m) A Small Party in a Garden (Linda Ty-Casper)
n) Wings of Stone (Linda Ty-Casper)
o) Originality as Vengeance in Philippine Literature (Lucila Hosillos)
p) Passion and Compassion (Marra PL Lanot)
Nagkasalubong kami ni Jay at itinuro ko siya sa Trade Winds, dahil hinahanap niya ang isang kopya ng PEN Anthology 1962, sa New Day, kung saan bumili siya ng mga libro ni Eric Gamalinda at isang history book tungkol sa Bikol sa UP, kung saan nakabili siya ng mga Likhaan Books. Sa pangalawang daan ko sa UP kasama si Jay, may nakita akong ilang bagong libro sa kanilang bargain bin na agad ko namang binili.
q) Revolver (Mike Maniquiz)
r) Asintada (Lilia Quindoza-Santiago)
Magkasama kaming kumain sa Yellow Cab (iyon lang kasi yung nakita naming maluwag). Pero malayo rin ang aming nilakad para makita iyon. Nakasalubong ko pa nga sina Charles at Sir Allan Popa sa daan. at doon nakipag kita kina Chino at Billy. Ginala na rin namin ang Convention Center. Sa loob ng Main Hall, hinanap namin ang mga booth na para sa iba't ibang bansa. Pinagtripan namin galing sa Taiwan dahil ang ganda ng design ng kanilang mga libro at sa Iran dahil curious kami (pwede ring medyo racist). Pumunta rin kami sa 2nd floor at natagpuan ang aming mga sariling nasa gitna ng awarding ng Accenture. Yung malalaking hall sa 2nd floor ang kinuha nila. Natagpuan naman namin sa iasng tabi, sa mga maliliit na silid, ang iba pang silid na para sa Book Fair. Sa isang silid ay book launch ng librong "The Proxy Eros" ni Mookie Katigbak at dalawang libro. Sana binili ko ang "The Proxy Eros". Marami akong libro na sana'y binili ko. Sana binili ko yung isa pang nobela ni B.S. Medina sa C&E at yung "Kamao" sa CCP Booth. Pero maliban doon, satisfied naman ako. Aba, nakalabinwalong libro ako. Dapat lang. At magkano ang nagastos ko sa libro? P905. Oo, P905. Wala pang isanlibo. Halos P50 bawat libro ang nagastos ko.
Naghiwa-hiwalay na kami pagkatapos pumunta sa 2nd floor. Nagpaiwan sina Billy at Chino habang sabay kami ni Jay na naghanap ng masasakyan. Nangako si Jay na babalik bukas kasi kinulang siya ng pera. Sumakay si Jay ng taxi habang kumuha ulit ako ng dyip papuntang MRT.
Alam nyo ba ang feeling ng pagbubuhat ng 18 libro mula MoA hanggang Katipunan? Nakakangawit.
2.
Katatapos ko nga lang palang basahin ang "Barriotic Punk" ni Mes de Guzman. Napansin kong halos common sa lahat ng kuwento sa kalipunang ito ay karahasan. Tungkol sa frat ang "Samtoy" habang may eksploytasyon, pinansiyal at sikolohikal, ang pinapaksa ng "Baboy na di Matuhog-tuhog sa Litsunan". Tungkol naman sa assasination isang kuwento. (Nakalimutan ko ang pamagat.) Karahasang dulot ng pagkakahiwa-hiwalay ang tema ng "Kuwadro Kuwarto". Karahasan din ang naging sekf-expression ng mga binatang tauhan sa "Barriotic Punk". Militarisasyon at hazing ang sa "Sagwan" at "Plebo". Bagaman tungkol sa kaburyongan at pagkamanhid ang "Digital Buryong", mayroon ding mga sandali ng karahasan dito. Parody ang "Ultramegalaktiksuperpinoyhero" (tama ba?) ng mga action movies kaya eksaherado ang palalahad nito ng karahasan. Ang pagkakawatak-watak naman ng isang pamilya ang paksa ng "Angkel Anghel". Pagbaluktot ulit sa kamalayan ang itinatanghal sa "Reklamador".
Ang pinakanagustuhan kong kuwento siguro ay ang "Plebo" at "Reklamador". Pabago-bago ang punto de bista ng "Plebo" pero nagustuhan ko rin ang ambiguity nito pagdating sa katapusan. Surprising ang "Reklamador" pero pwede mo pa ring basahin nang paulit-ulit. At na-pull-off ni de Guzman ang 2nd person na pagsasalaysay. Tawa ako nang tawa sa "Ultra...". Sa kabuuan, solid itong koleksiyon.
Biyernes, Setyembre 12, 2008
Excerpt 2
***
Nalikha ang lawa sa panahon ng matinding pag-aalma sa mundo. Sa panahong ito, nalikha rin ang libo-libong mga bulkan, marahil kasama ang Banahaw at ang Makiling at maging ang buong kapuluan ng Pilipinas. At dito sa amin ay nalikha ang isang bulkang namatay at nakalikha ng butas, mga banging napakatarik, na kinalauna’y naging lawa.
Ngunit kung magliliwaliw kami sa mga bambang nito’y hindi ito ang aming magugunita bilang pinanggalingan ng lawa. Maaalala namin ang alamat kung saan may isang matandang dumating sa isang tahanang pagmamay-ari ng isang mag-asawa at ang lupaing pumapalibot sa tahanang ito’y punong-puno ng mga puno ng sampalok at dahil may sipon ay kinatok ng matanda ang bahay ng mag-asawa at humingi ng bunga ng sampalok para maibsan ang kanyang sakit ngunit tumanggi ang mag-asawa at sa pagtangging ito’y nagalit ang matanda at nagpakilala bilang diwata at pinarusahan niya ang mag-asawa sa kanilang karamutan sa pagbaha sa kanilang lupain at lumindol at bumuhos ang langit at nalunod ang buong lupain ng mag-asawa.
Noong bata ako, palaging inuulit ang alamat na ito sa paaralan. At napaisip ako, kung totoo nangyari nga itong alamat na ito ay may mga puno ng sampalok sa pusod ng lawa. Kaya’t kapag tititigan ko ang tubig ng lawa, ang nakalubog na gubat ng sampalok ang aasahan kong makita at hindi ang lalamunan ng isang patay na bulkan. At ganito rin marahil ang iba sa mga kababayan ko.
Marahil nakakatwang isiping naniniwala kami sa isang alamat na nagsasabing tao, na katulad namin, ang dahilan ng pagkalikha ng lawa. Hindi ito isang pagyayabang kundi isang pag-asam, na bahagi kami ng tadhana ng lawa at ang lawa ang aming tadhana.
Gayundin, wala rin naman talagang nakasaksi sa mga sandaling iyon ng pagsilang ng aming lawa. Alin nga ba ang higit na paniniwalaan, ang haka-haka ng mga siyentipiko o ang haka-haka ng mga ninuno? Sapat na, sa ngayon, ang malamang may simula, na may pinagmulan ang lahat. Kung ano man iyon..
+++
Ito ang suliranin ng isang kasaysayang higit na matanda pa sa mga nakakaalala: ang nalilikhang mga guwang. Naroon na ang lawa bago pa dumating ang mga ninuno at mananatili ito sa aming paglipas. Napakalaking guwang ang malilikha mula sa pagkasilang nito hanggang sa pagdating ng mga unang tao sa mga bambang nito.
Walang tala ng digmaan sa mga unang panahon ng aming lawa at bayan. Maaaring masabing nang dumating ang unang mga ninuno, naakit na sila sa lawa kagaya ng pagkakaakit ng ibang mga tao sa tabing-ilog at dalampasigan. Bagmaan kapanatagan ang kanilang natagpuan sa lawa di tulad ng mabangis na pagragasa ng tubig-ilog.
At marami na ring tao ang dumagdag pa, at naakit, mula sa mga unang dumating. Mga Espanyol na naghanap ng kadakilaan, mga Tsinong naghanap ng panibagong buhay, mga ibang Filipinong naghanap ng ibang matatahanan. At pala-palaging naging maluwag ang mga bambang ng aming lawa para kanino man.
Kagaya nang unang dumating ang mga Espanyol sa aming bayang nakahimlay sa bambang ng lawa. Malugod silang tinanggap ng mga ninuno. Isang kataka-takang pangyayari para sa mga Espanyol ang pagtanggap sa kanila nang ganoong kalugod dahil saan man sila nagpunta’y, kung hindi pagdududa, karahasan ang sumasalubong sa kanila. Subalit nauunawaan ng mga ninuno ang pagkapagal ng paglalakbay at hirap ng masusukal na gubat at nauunawaan nila ang galak na naranasan nang madatnan ang lawa.
Kaya’t hanggang ngayo’y maraming nadayo sa aming lungsod na nakahimlay sa bambang ng lawa. Maging ang aking mga lolo’t lola sa panig ng aking ina’y galing sa isang karatig na bayan. Ang aking ama naman ay tubo sa ibang lalawigan. Marahil lumipat sila sa aming bayan upang magsimulang muli. Iyon naman ang palaging pangako ng tubig. Ang tanong: mananatili ba ito sa darating na mga siglo?
+++
Kasali ako noon sa isang photojournalism contest at ginala ko ang bayan para maghanap ng mga makukuhang larawan. Wala akong nakuhang mainam na larawan. Walang larawan sa riles, sa mga barongbarong doon. Walang larawan sa gasolinahan, sa mga kotseng dumadaan doon para magpagasolina at sa mga attendant na naglalagay ng gasolina sa mga tangke. Walang larawan sa mga tindahan at mga restawran, sa mga taong labas-masok para magpalipas ng gutom sa mga tapsilogan, mamian, lugawan atbp. sa mga taong naghahanap ng mabibili para matuwa kahit sandali lang. Walang larawan sa mga sanglaan at bangko, sa mga taong nais mangutang at magkapera, para sa mga pangarap, o sa kinabukasan, o para sa mga problema sa ngayon. Marahil kumuha ako ng larawan sa tabing-lawa. Marahil kumuha ako ng larawan sa palengke, sa mga taong nagsisiksikan at mga panindang nagpapalitan ng kamay. Dalawang lamang na larawan ang naaalala kong kinuha noon. Isa ay larawan ng isang asong nakatihaya sa tapat ng istasyon ng bumbero. Yung isa naman ay larawan ng isang tandang, marahil ipangsasabong, na inaalagaan sa bangketa ng tindero ng isaw. Dapat sana’y naghanap pa ako ng mas maraming larawan.
+++
Umaawit ako noon para sa anticipated mass tuwing Sabado nang maging miyembro ako ng koro ng paaralan. Tuwing alas singko ng hapon ang misa. Ang paburitong kong bahagi ng misa ay ang simula dahil sa simula inaawit ang “Papuri”. Ang “Papuri” ang pinakagusto kong awitin sa misa. Hindi ko alam kung bakit. Marahil dahil kailangan kong ibigay ang aking buong sarili para sa awiting ito. Kailangang maging handa sa bawat pagbabago ng ritmo at ng himig. Dalawang beses inaawit ang buong “Papuri”. Sa una’y aawitin ito nang buong galak, sa mabilis na ritmo, na tila ba nagpupugay. Sa pangalawa’y magiging mabagal na naman ito, na tila ba mas seryoso ka na sa pagkakataong ito, na para bang biro ang naunang bahagi. Pagminsa’y nakakalimutan kong bahagi ako ng isang koro’t nakikisabay lamang ako sa pangkalahatang pagpuri sa Panginoon. Tuwing magsisimba ako, palagi akong natutuksong umawit.
+++
At nasasangkot paminsan-minsan ang aming bayan at lawa nang hindi inaasahan sa mga pangyayari bumabalot sa buong bansa. Dumating sa amin ang mga rebolusyon at digmaan bagaman hindi rin napapaaga. Ayon sa mga talambuhay ng mga sundalo noong panahon ng rebolusyon, maraming beses pinaglabanan ang aming bayan ng mga Espanyol at ng mga Rebolusyunaryo. Kapag nilalakad ko ang mga kalye sa bayan namin, hindi ko nakikita kung bakit napakahalaga ng bayan namin.
Miyerkules, Setyembre 10, 2008
May black hole na ba?
Hindi ko kayo mahal. I hate you. I hate the world!
2.
Sakit ng ulo. Buo na lang medyo gumaan-gaan na. Dahil siguro medyo hirap akong matulog kamakailan. Kagabi, ilang beses akong naalimpungatan. Buti na lang hindi masyadong naaapektuhan ang mood ko.
3.
Napaandar na pala ang LCH ng CERN kanina. Mukhang kailangang pagtiisan pa natin ang mundong ito. (Hindi naman ako tunog depressed, ano?)
4.
Belated nga palang bati sa ka-Ligang Debbie Tan sa kanyang pagkapanalo ng ikalawang gantimpala sa kategoryang dulang iisang-yugto nitong nakaraang Palanca.
Isang huling mensahe bago gumunaw ang mundo
Mahal na mahal ko kayong lahat. Lalong-lalo ka na pinakamamahal kong...
2.
Malapit nang paandarin ang CERN, isang higanteng eksperimentong matatagpuan sa hanggahan ng Switzerland at Pransiya. Matatagpuan ito isang daang metro sa ilalim ng lupa. Bilog ito na may habang 27 kilometro. Isa itong sub-atomic collider at gagamitin ito upang pagbungguin ang dalawang protons upang i-simulate ang kalagayan ng uniberso ilang sandali pagkatapos ng Big Bang. In short, bye bye Earth. Sabi-sabi, makalilikha daw ito ng black hole na hihigupin ang mundo. Para sa akin, hindi ko gustong mamatay dahil sa black hole. Sa totoo lang, hindi pa rin naman talaga sigurado ang mga siyentipiko kung ano nga ba talaga ang mangyayari. Eksperimento nga, di ba? Pero nakakatuwang malaman kung ano nga bang kayang abutin ng tao.
3.
Katatapos lang ng deadline ng pagpasa para sa Ateneo National Writers Workshop at isa ito sa mga pinagkakaabalahan ko ngayon. Technically, epal lang naman talaga ako. Pero natutuwa lang talaga ako at excited. Kung bakit, hindi ko alam. Siguro nagsesenti lang ako. Interesante rin na makita kung paano piliin ang mga magiging fellows at isipin yung taon napili. Napapakamot nga ako ng ulo dahil hindi ko pa rin maunawaan kung paano napili gayong ang papangit ng mga kuwentong ipinasa ko noon. Ngayon siguro, excited lang talaga akong makakilala ng iba pang mga batang manunulat. Siyempre, pa-feeling bata ako, di ba?
4.
Malapit na ang Book Fair. Waldas na naman ang pera ko. Iniisip kong pumunta nang Sabado. Magko-commute ako mula Katipunan papunta MOA. Isa na namang adventure ito. Ngayong weekend din nga pala ang 14th Ateneo-Heights Writers Workshop. Hindi ko alam kung makakadalaw naman ako doon. Sa Antipolo ang venue ngayong taon. Sabi ni Jason, plano niyang pumunta ng book fair at pagkatapos e pumuntang workshop. Ewan ko lang kung sasabay ako sa kanya. Bahala na.
5. Mga links
Nilabas na nga pala ang short-list para sa Man Booker Prize. Hindi kasama si Salman Rushdie.
Isang artikulo tungkol sa proseso ng pagpili ng Man Booker Prize nitong nakalipas na apatnapung taon.
6.
Happy Birthday nga pala kay Margie!
Biyernes, Setyembre 05, 2008
Excerpt
Heto ang isang excerpt ng ginagawa kong kuwento. Ideya ko ay sumulat ng mga maiikli pero interconnected na mga kuwento. Pwede silang basahin stand alone o hindi. Ito pa lang yung natatapos ko kaya sobrang early draft ito. Komento lang.
***
Ang Mandirigma
Kabilugan ng buwan at walang kaulap-ulap sa langit. Maliwanag na maliwanag ang daan papuntan ng bayan ng Villa Fernandina. Binaybay ni Taraki ang gilid ng daang-lupa kung saan nakatanim ang mga malalaking puno at madilim ang aninong likha ng mga malalagong dahon. Maingat ang kanyang paghakbang. Mahigpit ang hawak niya sa nakasukbit na patalim sa kanyang baywang, handa sa di inaasahang pangyayari. Bagaman malamig ang gabi, manipis na pawis ang namuo sa kanyang noo at ibabaw ng labi. Nililigalig ng kanyang pakay ang kanyang damdamin. Kailangan niyang pugutan ang mananakop, kailangan niyang pugutan si Juan de Salcedo.
Tatlong mandirigma na ang napugutan ni Taraki. Ang una’y pinugutan niya sa isang labanan sa tabi ng Ilog. Nagkaroon ng hidwaan ang kanilang barangay laban sa isang karatig na barangay pagkatapos maligaw ang isa sa mga kabaranggay nila at namatay sa lupain ng karatig na barangay. Isang karangalan hindi lamang sa mamumugot kundi pati rin sa pinugutan ang pagpugot. Tanging mga mandirigma lamang ang maaaring mampugot at mapugutan ng ulo. Kaya’t pinarangalan si Taraki bilang tunay na mandirigma pagkatapos ng labanan at umuwing may dalang ulo.
Ang pangalawang ulo niya’y galing sa isang Kastila. Nang unang dumating ang mga mananakop, alam na niyang mga mandirigma ang mga ito at karapat-dapat na katunggali. Madaling napasuko ng mga banyaga ang isa sa mga malalaking barangay sa dalampasigan. At nang makasagupa na nga ng kanyang barangay, namangha siya sa mga makikintab nilang baluti at umusok na mga baril. At bagaman natalo ang kanyang barangay at napilitang tumakas tungo sa masukal na gubat, nagawa pa ring mapugutan ni Taraki ang isa sa mga banyaga. Muntik na siyang mapatay ng banyaga. May hawak itong baril at nang itutok sa kanya’y yumuko siya’t tinaga ang paa nito. Isang malakas na hiwa lamang ang kinailangan para makuha niya ang ulo at madaling tumakas.
Ang pangatlo’y ulo ng kanyang lolo. Sa kabinataan, isang kilala’t kinatatakutang mandirigma ang kanyang lolo. Ngunit matanda na’t sakitin ito nang dumating ang mga banyaga kaya’t hindi ito nakasama sa labanan. At nang mamatay ang kanyang lolo pagkatapos lumubha ang sakit nito nang lumisan ang kanilang barangay tungo sa kasukalan ng gubat, napunta kay Taraki ang karangalang pugutan ng ulo ang kanyang lolo.
Pinaniniwalaang nasa ulo ng tao ang kanyang kaluluwa at sa pag-aari ng ulo ng isang tao—lalo na’t kung nanggaling ito mula sa isang dakilang tao—binibiyayaan ng mahiwagang kapangyarihan ang may-ari ng ulo. At nang malaman ni Taraki na namatay si Kapitan Juan de Salcedo, hindi na siya nagdalawang-isip na kunin ang ulo nito. Kinailangan niyang magmadali bago pa man mawala ang kapangyarihan ng ulo dahil sa lubusang paglisan ng kaluluwa.
Kaya't bagaman natuwa siya nang marating na niya ang ibayo ng bayan ng Villa Fernandina, binagalan ni Taraki ang kanyang paglalakad. Mula malayo’y nakita niya ang mga tanod na gumagala sa mga daan, may dala-dalang mga patalim. Malayo na ang nilakbay ng buwan sa langit at bahagya na itong natabing ng mga ulap nang makatagpo siya ng pagkakataon. Isang tanod ang napahiwalay sa mga kasama nito. Tahimik niya itong sinundan. Iningatan niyang hindi makita o marinig ng tanod na may dala-dalang ilawan. Nanatili siya sa dilim sa tabi ng daan. Naglakad sila patungo sa gilid ng bayan at naging madalang ang mga kubong nasasalubong nila. Sinundan niya ang tanod hanggang makarating sa isang kubo. May bakuran ang kubo at pumasok dito ang kanyang sinusundan at hula niya’y tinitirhan nito. Bago pa tuluyang makapasok sa loob ng kubo’t makawala ang kanyang sinusundan, dumapot siya ng bato at tinapon ito malayo, lampas ng kubo’t kinatatayuan ng tanod. Pinanood niyang lumingon ang tanod sa direksiyon ng ingay ng itinapong bato. Kaya’t madali niyang sinunggaban ang tanod mula sa likod. Hinablot niya ang nakasukbit na patalim ng tanod at itinapon ito palayo. At bago pa man makaharap sa kaniya, sinakal niya ang tanod mula sa likod gamit ng kanyang kanang braso. Nahulog ang ilawan sa lupa at nagpumiglas ang lalaki. Tinangka nitong abutin ang kanyang ulo ngunit nahahawi lamang ng mga daliri ng tanod ang kanyang pisngi at noo. At nang mawalan na ng malay ang tanod, dinala niya ito sa loob ng kubo. Nakanap siya ng lubid at itinali ang mag kamay at paa ng tanod. Kumuha siya ng tubig mula sa isang baul at ibinuhos ito sa nakataling tanod.
“Saan nakalibing ang Puting Halimaw?” tanong ni Taraki.
“Halimaw?” kunot na pagtataka ng nakatali.
“Ang pinuno ng mga banyagang sumakop sa mga lupaing ito, sa mga lupain namin. Papatayn kita kung hindi mo sasabihin.” Nagkunwarin siyang bubunutin niya ang kanyang patalim.
“Sa simbahan! Sa simbahan! Huwag mo akong patayin!” sigaw ng tanod.
“Simbahan?”
“Iyon pinagsasambahan namin. Hanapin mo ang gusaling may ganitong marka sa bubungan,” at gamit ng kanyang sakong, iginuhit ng tanod sa lupa ang markang krus.
Iniwan niyang katali ang tanod at bumalik sa bayan ng Villa Fernandina.
Unti-unti nang lumiliwanag ang langit dahil sa paparating na umaga nang makarating na siya sa simbahan. Matagal niyang sinubaybayan ang simbahan. Walang ingay na nagmula dito at walang tao ang pumasok o lumabas. Kaya’t pinagpasyahan niyang pasukin ito. Umingit ang malalaking pinto ng simbahan nang buksan niya ito. Hindi pa siya nakakakita ng ganoong kalaking gusali. At una niyang napansin ang halimuyak ng mga bulaklak sa loob ng simbahan. Ngunit wala siyang mabanaagang bulaklak. Tanging mga upuan at ang mga rebulto ng santo ang kanyang nakita. Sinundan niya ang amoy patungo sa isang silid sa tabi ng simbahan. Nakabuka ang pinto ng silid at nakita niya sa kanyang pagpasok ang isang sarkopago. Napapalibutan ito ng mga bulaklak at ng mga nakatirik na kandila. Sumakit ang kanyang ilong sa pinaghalo-halong bango ng iba’t ibang bulaklak at sa banayad na usok ng mga kandila. Dito nakahimlay ang may-ari ng pinakaaasam na ulo ni Taraki. Isang ulong maaaring makapagbigay sa kanya at sa kanyang barangay ng isang kakaibang kapangyarihan. Gawa sa kahoy ang sarkopago at nakaukit sa takip nito ang imahen ng buong katawan ni Juan de Salcedo. Kaya’t nakita ni Taraki ang mukha ng kanyang pakay. Mabigat ang takip kaya’t natagalan si Taraki sa pagbukas sa sarkopago. Nang mabuksan na niya ang sarkopago, agad niyang tinanggal mula sa pagkakasukbit ang kanyang dalang patalim. Ngunit nagulat siya sa kanyang nakita. Wala na ang ulo ni Juan de Salcedo. May nauna sa kanya. Galit ang una niyang naramdaman at ninais niyang sumigaw. Ngunit nabalisa siya nang may ibang sumigaw. Pagtalikod niya’y nakita niya ang dalawang lalaking nasa bukana ng pintuan. Tumakbo ang dalawang lalaki palabas ng simbahan, nagsisisigaw ng saklolo. Nilingon ni Taraki ang walang ulong katawan at napuno ng panghihinayang. At siya’y tumakbo na rin palabas.
Miyerkules, Setyembre 03, 2008
Aklat, Aklat, Aklat, at, aba, Pelikula't Updates
Katatapos ko lang basahin ang mga kalipunang "Iskrapbuk" ni Allan Derain, na kakapanalo lang ng Palanca para sa kuwentong pambata at katabi ko ang cubicle, at "Sa Labas ng Parlor" ni Nori De Dios, na kinuha ko ang dating cubicle. Pareho kong nagustuhan ang mga koleksiyon. Maraming mga kuwentong aliw at patawa sa "Iskrapbuk," tulad ng title story at "Ang Liaison sa 27th Floor". Aliw ding basahin ang "Dragon sa Bintana" at "Ang Regalo ng Taong Ibon". Pero karamihan ng mga kuwento'y patungkol sa hypocracy. Halimbawa'y sa isang bayan (Ang Daan Papuntang Baryo M), sa opisina (Isang Masustansiyang Sapal) at sa silid-aralan at paaralan (Sunod sa Pagkamakadiyos). Makulit kalimitan ang tono at boses na ginagamit ng tagapagsalay sa ilang mga kuwento pero may ilan na lubhang payak o low key ang pagsasalaysay tulad ng sa "Mga Mumunting Piguring Tupa" at "Anatomiya ng Isang Alila". Kaya maganda ang variety at range sa "Iskrapbuk".
"Sa Labas ng Parlor" naman, madaling ikahon ang buong koleksiyon sa gay lit. At totoo ngang lahat ng mga kuwento'y tungkol sa mga bakla at ang kanilang mga buhay. Pero magaling ang technique ni Nori sa mga kuwento dito. Mula sa mga kuwento ng pagkamulat (Atseng), ng pamilya (Nobena), kuwento ng pakikisangkot at pakikibaka (Kas; Giyera) hanggang sa kuwento ng pag-ibig at kasawian (Geyluv; Lalaki), magaling ang pagkakadala at pagsasalaysay. Pinakanagustuhan ko ang "Giyera" bilang kuwento. Mythic siya na contemporaty na gay. Basta. Maganda. Mas nagustuhan ko ito kumpara sa kuwentong nanalo ng Palanca yung "Sumpa ng Tag-araw". Okey din namang kuwento ang "sumpa" pero parang biglang nawala yung problema sa dulo ng kuwento dahil sa ulan. Ewan ko. Baka kailangan ko lang basahin ulit.
2.
Katatapos ko rin lang basahin ang "Dictionary of the Khazars" ni Milorad Pavic. Narinig ko si Milorad Pavic sa klase ko sa Development of Fiction sa ilalim ni Sir Danny Reyes. Non-linear itong nobela. Parang tulad ng "Hopscotch" ni Julio Cortazar. (Hindi ko pa nanatapos iyon. Hindi ko ma-gets noong una. Yung "usual way" kasi ang ginawa kong pagbasa. Try ko kaya yung suggested na pamamaraan ni Cortazar?) Isa itong kuwaring diksyunaryo o encyclopedia. Pagkatapos ng isang intro, bahala ka na. Kung paano mo lalapitan ang nobela. Wala siyang suggested na pamamaraan ng pagbasa. Meron kung kailan (pagkatapos daw ng hapunan) pero hindi kung saan magsisimula o saan matatapos, hindi katulad sa "Hopscotch". Bilang mambabasa, bahala ka sa buhay mo.
Tungkol ang nobela sa mga Khazars, isang likhang lipunan at taong dating nakatira sa may Black Sea, at kung paano sila sumampalataya sa isa sa mga pangunahing relihiyon, sa Islam, sa Kristiyanismo at sa Hudaismo. Binibuo ang nobela ng tatlong aklat ang ang bawat aklat ay batay sa mga sources ng bawat relihiyon tungkol sa mga Khazar. Kaya hindi talaga natin malalaman, bilang mambabasa kung ano relihiyon talaga sumampalataya ang mga Khazar, kinalaunan.
Dahil nga diksyunaryo, binubuo ng mga sipi o anekdota ang buong nobela. May mga mahahaba habang may mga maiikli. Marami sa mga entry ay tungkol sa mga Khazar at ang kanilang kumbersiyon ngunit karamihan ng mga entry tungkol naman sa mga tao na nahumaling na hanapin at buuin ang isang komprehensibong libro tungkol sa mga Khazar.
Pangunahing imahen sa nobela ay ang mga panaginip at alamat. Kaya may tendensiya ang buong nobela na maging napakamatalinghaga. At sa pagsama ng matalinghagang wika at panaginip at alamat, para kang naglalakd sa ulap habang nagbabasa. Sa sobrang taas ng imahenasyon at wika, parang nakalulula at parang napakadelikado ng bawat hakbang. Marahil ito rin naman ang nais na epekto ng nobela sa mambabasa. Sa kabuuan, nagustuhan ko ito.
3.
Noong Linggo, napagtripan ng pamilya ko na manood ng "For the First Time" na pinagbidahan nina KC Concepcion at Richard Guiterrez. Napakakonyo nitong pelikula. Mga high class at superrich ang mga tauhan. Hindi naman sa nagmamahirap ako pero, wala naman talaga silang mga problema bilang mga tauhan. May mga daddy issues at family issues lang sila. At hindi bumenta sa akin na nagkaibigan nga sila. Okey ang simula. Magandang comic relief ang karakter ni Candy Pangilinan at ng kanyang katambal. Balanse ito sa tambalan sa mga bida at maganda sanang pangutya sa kabuuang takbo ng isang pangkaraniwang love story. Pero nawala ang mga tauhan nila sa kalagitnaan ng pelikula. Kaya naging mushy na lang talaga. "Endo" pa rin ang pinakamagandang pelikulang pag-ibig. Mas kapani-paniwala ang mga problema nila at mas masalimuot.
4.
Kumain lang at naglaro ng Wii sa bahay namin sa San Pablo noong kaarawan ko. Pumunta sina Pao, Tonet, Gino, Aina, Mara, Daniel at Elmer. Hindi ko sila mayayang mag-overnight sa amin. Masyadong akong na-lowbat dahil sa Sagala. (Oo, nahirapan akong mag-recharge.) Nagdala rin ako ng leche flan at baked macaroni sa Kagawaran na luto ni Ninang. Syempre, nagustuhan ng mga tao ang leche flan. Kinulit pa ako ni Sir Joseph na magdala pa ulit.
5.
Mukhang ako ulit ang magiging scribe sa darating na 8th ANWW. Sana mapagbigyan ang hiling ko na magkaroon ng kasama sa pagta-transcribe. Ayokong mangyari sa akin yung nangyari last year na ngarag na ngarag. May interesado ba diyan? At mukhang dito rin lamang sa loob ng campus gaganapin ang workshop. Parang tulad noong batch namin. Ang hirap namang mag-load kapag sa Ateneo. Pero pwede na rin. Huwag lang masyadong mag-ingay.
Sabado, Agosto 30, 2008
22 (Mahaba-haba itong post )
1.
Ginamit ko ang nakalipas na long weekend para sa paggawa ng long test. Hinati ko sa dalawa ang test, isang bahaging objective at isang bahaging essay. Sobrang dali ng objective, mga multiple choice. At sobrang bano ng ibang tanong. Ito ang pinakabano:
Ano ang ibig sabihin ng alienasyon?
a. kapag ang tao ay nakarating na sa outer space
b. mahilig kumain ang tao ng alien
c. hindi aktibo ang tao sa mundo kaya’t ang mundo ay kakaiba sa kanya
d. mahilig manood ng pelikulang “E.T.”
Obvious naman sana kung alin yung tamang sagot, di ba? Nakalimutan ko rin ang isang tanong. Nagtaka nga sila. "Sir, nasaan ang no. 8!?" Natawa na lang ako at sinabi, "Bonus na iyan. Ayan, sigurado nang wala sa inyong zero." Mas nahirapan sila sa essay dahil mahirap-hirap ang ibinigay kong akda. Lalo na sa bokabularyo. E hindi ko sila pinadala ng sarili nilang diksyunaryo. Kaya binaha ako ng mga tanong tungkol sa mga salita. Kaya babaguhin ko nang kaunti ang finals ko para hindi na mangyari ulit iyon.
2.
Binantayan ko ang klase ni Ma'am Bong kahapon at nakita ko kung paano niya ginawa ang kanyang test. Hindi naman sa gagayahin ko iyon pero nagkaroon na ako ng sarili kong ideya kung paano ko gagawin ang aking finals.
3.
Maliban sa long test noong Martes, hindi ako nagklase. Bilang panakip-butas, dalawa pinagawa ko sa kanila. Una, mag-volunteer na maging tanod para sa Sagala ng mga Sikat, na ako ang namamahala sa mga tanod. Dahil mahirap-hirap na gawain iyon, binigyan ko sila ng automatic A sa kanilang recitation. Mabigat ang trabahong iyon kaya ginawa ko iyon. Pangalawa, pinapunta ko sila sa KA Poetry Jamming. Manonood lang sila doon kaya attendance lang pinakuha ko.
4.
Sobrang bigat ng Sagala noong Miyerkules. Pinakamalaking problema namin ang pagdating ng Bagyong Lawin. Kaya inulan kami at hindi nakapagparada ang mga arko sa Ateneo. Kaya sa Covered Courts na lang nagpalabas at nagparada ang mga arko. Ang naisip ni Sir Vim, ang namuno sa direksiyon, na paiikutin namin ang mga arko ng dalawang beses. Sa unang ikot, magpapakilala ang mga arko sa mga hurado. Sa pangalawa, magpepresenta na sila ng kanilang skit o pagsasayaw o kung ano man. Namroblema kami ni Sir Vim sa unang pag-ikot dahil malibis ang daloy ng mga arko patungo at palabas ng presentation area. Ang nangyari'y naipon ang mga arko sa dulo ng semi-circle habang hindi mabilis na nakagalaw ang mga nasa ulong pupunta sa presentation area. Halos isang oras kaming nagsisisigaw sa mga arkong gumalaw at umusad. Kaya nang matapos na ang lahat, halos wala na talaga akong lakas. Pero nag-inuman din ang ilan sa Kagawaran bilang selebrasyon at natapos na nga ang Sagala. Kaya alas-dose-medya na akong nakauwi. Pero naabutan ko pa ang replay ng Bandila sa DZMM Teleradyo. May segment kasi ang Bandila tungkol sa Sagala. Ginamit sa segment na iyon ang salitang "sagalahan" na hindi ako sigurado kung tamang salita. Pero hindi ko alam kung bakit ko pa papanoorin ang balita tungkol sa isang pangyayaring naroroo't naging saksi ako. Imagined community?
5.
Pero kinailangan kong gumusing nang maaga pagdating ng Miyerkules para tulungan si Kalon sa kanyang thesis proposal. Bumili ako ng tatlong malalaking bote ng softdrinks at isang plastic ng yelo sa 7/11. At dahil pinagbabawalan na ang mga trayk sa Katipunan (kinamumuhian kita BF), binitbit ko ang tatlong bote ng softdrinks at isang supot ng yelo mula 7/11 hanggang Dela Costa. Mabigat iyon at medyo nabanat ang aking balikat. Mabuti na lang at maraming pagkain sa Kagawaran sa araw na iyon. Sa totoo lang, buong linggong madaling pagkain sa Kagawaran. Kaarawan nina Sir Mike at Aris noong Martes at Lunes kaya may pakain sila noong Martes. Noong Huwebes, kasama ng pameryendang pancit at tinapay ni Kalon, may libreng tanghalian para sa pagtatapos ng Buwan ng Wika. Kaya mababa ang gastos ko sa pagkain nitong nakalipas na linggo.
6.
Umidlip muna ako bago dumalo sa KA Poetry Jamming. Sa KA inanunsiyo ang mga nagwagi sa mga timpalak at sa Sagala. Nagbasa ng mga tula ang mga anak ni Sir Mike pero ang pinaka-high-point siguro ay noong nagperform si Yol. Sumakit ang tiyan ko sa kakatawa at nang matapos na si Yol, binigyan siya ng standing ovation.
7.
Kaya heto, masakit ang katawan ko. Sumakit tiyan ko dahil sa kakasigaw. (Mukhang nasanay na talaga akong gamitin ang aking diaphram sa pagsigaw. Salamat, Ms. Belen.) Malaskit ang mga braso't balikat ko at mga binti. At antok na antok ako.
8.
Next week na nga pala ito. Repost ko lang.
***
The Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP) is accepting applications for the 8th Ateneo National Writers Workshop (ANWW) to be held on 20-25 Oct. 2008.
Each applicant should submit a portfolio in triplicate of any of the following works: five poems, three short stories, written in Filipino or English, with a title page bearing the author’s pseudonym and a table of contents. The 8th ANWW will not be accepting portfolios for one-act plays as a separate workshop will be conducted for this. Details will be announced later this year.
The portfolio must also be accompanied by a diskette containing a file of the documents saved in Rich Text Format.
All submissions must include a sealed envelope containing the author’s name, address, contact numbers, e-mail address, and a one-page resume including a literary curriculum vitae with a 1x1 ID picture.
Twelve fellows will be chosen from all over the country. Food and accomodations will be provided.
Please address entries to: Alvin B. Yapan, acting director, AILAP c/o Department of Filipino, 3F Horacio de la Costa Hall, Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City.
Deadline of submissions is on 8 September 2008. For inquiries, please call 426-6001 local 5320-21 or e-mail ayapan@ateneo.edu.