Miyerkules, Setyembre 03, 2008

Aklat, Aklat, Aklat, at, aba, Pelikula't Updates

1.

Katatapos ko lang basahin ang mga kalipunang "Iskrapbuk" ni Allan Derain, na kakapanalo lang ng Palanca para sa kuwentong pambata at katabi ko ang cubicle, at "Sa Labas ng Parlor" ni Nori De Dios, na kinuha ko ang dating cubicle. Pareho kong nagustuhan ang mga koleksiyon. Maraming mga kuwentong aliw at patawa sa "Iskrapbuk," tulad ng title story at "Ang Liaison sa 27th Floor". Aliw ding basahin ang "Dragon sa Bintana" at "Ang Regalo ng Taong Ibon". Pero karamihan ng mga kuwento'y patungkol sa hypocracy. Halimbawa'y sa isang bayan (Ang Daan Papuntang Baryo M), sa opisina (Isang Masustansiyang Sapal) at sa silid-aralan at paaralan (Sunod sa Pagkamakadiyos). Makulit kalimitan ang tono at boses na ginagamit ng tagapagsalay sa ilang mga kuwento pero may ilan na lubhang payak o low key ang pagsasalaysay tulad ng sa "Mga Mumunting Piguring Tupa" at "Anatomiya ng Isang Alila". Kaya maganda ang variety at range sa "Iskrapbuk".

"Sa Labas ng Parlor" naman, madaling ikahon ang buong koleksiyon sa gay lit. At totoo ngang lahat ng mga kuwento'y tungkol sa mga bakla at ang kanilang mga buhay. Pero magaling ang technique ni Nori sa mga kuwento dito. Mula sa mga kuwento ng pagkamulat (Atseng), ng pamilya (Nobena), kuwento ng pakikisangkot at pakikibaka (Kas; Giyera) hanggang sa kuwento ng pag-ibig at kasawian (Geyluv; Lalaki), magaling ang pagkakadala at pagsasalaysay. Pinakanagustuhan ko ang "Giyera" bilang kuwento. Mythic siya na contemporaty na gay. Basta. Maganda. Mas nagustuhan ko ito kumpara sa kuwentong nanalo ng Palanca yung "Sumpa ng Tag-araw". Okey din namang kuwento ang "sumpa" pero parang biglang nawala yung problema sa dulo ng kuwento dahil sa ulan. Ewan ko. Baka kailangan ko lang basahin ulit.

2.

Katatapos ko rin lang basahin ang "Dictionary of the Khazars" ni Milorad Pavic. Narinig ko si Milorad Pavic sa klase ko sa Development of Fiction sa ilalim ni Sir Danny Reyes. Non-linear itong nobela. Parang tulad ng "Hopscotch" ni Julio Cortazar. (Hindi ko pa nanatapos iyon. Hindi ko ma-gets noong una. Yung "usual way" kasi ang ginawa kong pagbasa. Try ko kaya yung suggested na pamamaraan ni Cortazar?) Isa itong kuwaring diksyunaryo o encyclopedia. Pagkatapos ng isang intro, bahala ka na. Kung paano mo lalapitan ang nobela. Wala siyang suggested na pamamaraan ng pagbasa. Meron kung kailan (pagkatapos daw ng hapunan) pero hindi kung saan magsisimula o saan matatapos, hindi katulad sa "Hopscotch". Bilang mambabasa, bahala ka sa buhay mo.

Tungkol ang nobela sa mga Khazars, isang likhang lipunan at taong dating nakatira sa may Black Sea, at kung paano sila sumampalataya sa isa sa mga pangunahing relihiyon, sa Islam, sa Kristiyanismo at sa Hudaismo. Binibuo ang nobela ng tatlong aklat ang ang bawat aklat ay batay sa mga sources ng bawat relihiyon tungkol sa mga Khazar. Kaya hindi talaga natin malalaman, bilang mambabasa kung ano relihiyon talaga sumampalataya ang mga Khazar, kinalaunan.

Dahil nga diksyunaryo, binubuo ng mga sipi o anekdota ang buong nobela. May mga mahahaba habang may mga maiikli. Marami sa mga entry ay tungkol sa mga Khazar at ang kanilang kumbersiyon ngunit karamihan ng mga entry tungkol naman sa mga tao na nahumaling na hanapin at buuin ang isang komprehensibong libro tungkol sa mga Khazar.

Pangunahing imahen sa nobela ay ang mga panaginip at alamat. Kaya may tendensiya ang buong nobela na maging napakamatalinghaga. At sa pagsama ng matalinghagang wika at panaginip at alamat, para kang naglalakd sa ulap habang nagbabasa. Sa sobrang taas ng imahenasyon at wika, parang nakalulula at parang napakadelikado ng bawat hakbang. Marahil ito rin naman ang nais na epekto ng nobela sa mambabasa. Sa kabuuan, nagustuhan ko ito.

3.

Noong Linggo, napagtripan ng pamilya ko na manood ng "For the First Time" na pinagbidahan nina KC Concepcion at Richard Guiterrez. Napakakonyo nitong pelikula. Mga high class at superrich ang mga tauhan. Hindi naman sa nagmamahirap ako pero, wala naman talaga silang mga problema bilang mga tauhan. May mga daddy issues at family issues lang sila. At hindi bumenta sa akin na nagkaibigan nga sila. Okey ang simula. Magandang comic relief ang karakter ni Candy Pangilinan at ng kanyang katambal. Balanse ito sa tambalan sa mga bida at maganda sanang pangutya sa kabuuang takbo ng isang pangkaraniwang love story. Pero nawala ang mga tauhan nila sa kalagitnaan ng pelikula. Kaya naging mushy na lang talaga. "Endo" pa rin ang pinakamagandang pelikulang pag-ibig. Mas kapani-paniwala ang mga problema nila at mas masalimuot.

4.

Kumain lang at naglaro ng Wii sa bahay namin sa San Pablo noong kaarawan ko. Pumunta sina Pao, Tonet, Gino, Aina, Mara, Daniel at Elmer. Hindi ko sila mayayang mag-overnight sa amin. Masyadong akong na-lowbat dahil sa Sagala. (Oo, nahirapan akong mag-recharge.) Nagdala rin ako ng leche flan at baked macaroni sa Kagawaran na luto ni Ninang. Syempre, nagustuhan ng mga tao ang leche flan. Kinulit pa ako ni Sir Joseph na magdala pa ulit.

5.

Mukhang ako ulit ang magiging scribe sa darating na 8th ANWW. Sana mapagbigyan ang hiling ko na magkaroon ng kasama sa pagta-transcribe. Ayokong mangyari sa akin yung nangyari last year na ngarag na ngarag. May interesado ba diyan? At mukhang dito rin lamang sa loob ng campus gaganapin ang workshop. Parang tulad noong batch namin. Ang hirap namang mag-load kapag sa Ateneo. Pero pwede na rin. Huwag lang masyadong mag-ingay.

Walang komento: