1.
Madami akong ginawa nitong nakalipas na mga araw kaya ngayon lang ako nakapag-post ng entry. Lalong-lalo na noong isang linggo dahil Finals Week iyon. Ibang pagkangarag pala ang ngarag na nararamdaman sa kabilang panig ng desk. Kailangang tapusin na ang pagtsetsek ng papel. Ihanda ang mga kopya ng pagsusulit para sa araw ng exam. Kahawig sa pagkangarag sa pag-aaral para sa exam o paggawa ng papel. Pinakamalaking pagkakaiba lang siguro, okey lang na magkamali ka bilang estudyante. Pero pag ikaw ang guro, kailangan mong maging tama palagi at kailangang hindi mo pinagdududahan ang sarili.
2.
Ang thesis talaga ni Kalon ang pinakapinagngaragan ko talaga noong isang linggo. Rush job ito ika nga. Noong Martes ang thesis defence habang kinailangang ipasa ito noong Sabado. Marami lang papeles ang inayos. Lalo na pagkatapos ng defence. Mahaba ang proseso at hakbangin ang kailangang pagdaanan. At nagawa iyon sa loob ng limang araw! Noong Martes, dumaan ako sa Red Ribbon at Pan de Manila para sa ipapakain sa mga reader at sa ibang tao sa Kagawaran. P5.50 ang pinakamahal at pinakamalaman na pandesal sa Pan de Manila. Malasa naman ang tinapay pero medyo mahangin. Dahil nga paspasan, nagkaroon ng kaunti gusot pagdating sa proseso. Pero nakaraos din.
3.
Huwebes ng umaga ang Huling Pagsusulit ng klase ko sa Fil11. Mataas naman ang nakuha ng karamihan ng mga estudyante ko. O naging mapagbigay lang sa kanila pagdating sa essay part? Pero pagdating sa final grades nila, wala akong nabigyan ng A. Pero maraming B. Nakapagtataka. Sa araw mismo ng pagsusulit, may isa na hindi agad nakarating. Patapos na exam nang dumating siya. Kaya kinailangan niyang pumuntang ADAA para magpa-make-up. Nakapagtataka talaga't mayroon pang nahuhuli sa isang huling pagsusulit lalo freshman.
4.
Hindi ko na naabutan ang pagpapasa ni Kalon ng kanyang thesis o mabantayan ang estudyante kong nag-make-up test dahil Biyernes e pumunta akong Boracay. Martes e nagpabook na kami ni Mama sa Seawind Resort at Asian Spirit Airlines (na nagpalit ata ng pangalan at naging ZestAir). Napanalunan ko ito sa isang raffle nang mag-book launch ang ORP para sa mga antolohiya nito nang magpa-Boracay sila at nagsama ng mga guro't manunulat. Siyempre, mabait akong bata at binili akong isang set dahil marami akong mga guro na kasama doon. At ang mga bumili ng isang set e automatik na mapapasama sa raffle. Ang nakakatawa'y nagkaroon ako ng psychic moment dahil dito. Nang matapos na ang pagbabasa mula sa antolohiya at inanunsiyo ang simula ng raffle, sinabi ko sa sarili ko, "Makukuha ko iyan." Hindi naman sa gusto kong makuha ang premyo. Basta sinabi ko lang sa sarili ko na makukuha ko ang premyo nang basta-basta lang. At nakuha ko nga. Kaya nga hindi tuwa ang lumabas sa mukha kundi pagkabigla at pagkagulat. Hanggang Oktubre 15 lang pwede ang mga gift certificate na ibinigay sa akin kaya kahit na hindi pa ako tapos sa lahat ng trabaho ko, kinailangan ko nang gamitin iyon.
5.
Wala kaming masyadong ginawa noong unang araw. Pumunta lang kaming D'Mall at D'Talipapa. At hapang nagpapamasahe si Mama, nilakad ko lang beach mula Station 1 papuntang Station 2. Nahahati ang White Beach ng Boracay sa tatlong stations. Sa Station 1 yung may magandang beach habang nasa Station 2 yung mga tindahan at kainan. Nag-island hoping kami ni Mama noong Sabado. Pumunta kaming Crystal Cove at Puka Beach. Inikot lang naman talaga namin ang buong isla ng Boracay.Noong Linggo nga lang talaga kami nag-swimming. Ako, nanguha lang ako ng mga shells at coral sa beach.
6.
At timing naman ang pagpunta namin doon dahil kamakailan e nagbigay ng hatol ang Korte Suprema na pagmamay-ari ng gobyerno ang buong Boracay. At syempre, tsismosa si Mama kaya ang dami niyang tanong tungkol doon. Nakakatuwa nga ang island hopping na iyon kasi wala naman talaga kaming masyadong napuntahang isla at beach. Ang nangyari ay parang ininterbyu ni Mama ang mga mamamangka na kasama namin tungkol sa kalagayan ng Boracay. Itinuro sa amin ang mga bagong mga resort na ginagawa at ang istorya sa likod noon. Nakita namin ang resort ni Manny Paquiao. Nakita rin namin ang pinakamalaking proyekto na ginagawa doon ngayon, ang resort ng Shangri-La. Nang daan namin iyon, madaming mga barge na malapit sa beach na may dala-dalang mga construction materials. Sa pagkakakuwento sa amin, nabili daw iyon mula sa mga Sarabia sa halagang 300 milyong piso. Ang orihinal naman na bili ng mga Sarabia sa lupa e P300. Laki ng tubo nila. Sa hatol ng Korte, may kaunting galit at panghihinayang akong napansin sa boses ng mga nakausap namin doon. Dahil hindi lamang ang mga malalaking resort ang maaapektuhan dahil maging ang mga residente doon e magagambala. Paano ang kanilang mga karapatan gayong ang iba e jalos buong buhay nang nakatira doon bago pa man naging bakasyunan ang Boracay? Ewan ko ba. Parang napakasosyalista ang hatol at sa totoo lang wala akong tiwala na magiging patas ang Gobyerno sa lahat ng ito. Sa mga sabi-sabi nga, may investment si Pangulong Arroyo sa ginagawa ng Shangri-La pero tsismis ito na narinig ko lamang. Dagdag pa ito sa isyu ng mga Aetang naninirahan doon. Hindi ko alam na may komunidad pala ng mga Aeta sa Boracay. Nalaman ko lang ito nang magsimba ako noong Sabado at bahagi ng selebrasyon ang Indigenous People's Day. Sa pagkakarinig ko, hirap ang komunidad na iyon. Dati, malaking bahagi ng Boracay e pagmamay-ari ng kanilang komunidad. Ibinenta nila iyon sa mga dayong nagpayaman sa Boracay para sa bigas. Kaya nasa bundok na sila ngayon. Parang kuwento ng iba pang mga komunidad sa ibang bahagi ng Pilipinas, no?
7.
At siyempre, ang pinakamalaking balita nitong nakalipas na mga linggo ang meltdown ng ekonomiya ng mundo. Naka-chat ko nga sina Mara at Carla tungkol dito at napag-usapan kung paano sila naapektuhan. Kanailangan ngayon ni Mara na mag-nightshift nang dalawang gabi imbes sa dating isa lang. Nag-lay-off kasi sa Amerika kaya dumami ang trabaho nila dito sa Pilipinas. Illustrator siya at nagtatrabaho siya sa isang kumpanyang tumatanggap ng trabaho mula sa ibang bansa. Nagtatrabaho naman si Carla sa isang malaking internasyunal na bangko at nagsimula na silang mag-retrench. ie, may mga natanggal na sa trabaho. Natutuwa talaga sa mga ganitong salitang masarap pakinggan pero masama ang kahulugan. Parang salitang nilikha ng demonyo. Maikukumpara ko rin ito sa paggamit ng Ateneo sa katagang "successful self harm" para pamalit sa salitang suicide. Ewan ko lang paano maaapektuhan ang Ateneo ng krisis na ito sa ekonomiya. Sana hindi rin ako ma-retrench. Sana wala nang mangyaring successful self harm sa susunod na sem. (That was a bad joke.)
8.
Sa kabilang panig ng mga balita, tumaas ang ranggo ng Ateneo sa THE-QS World Universitiy Rankings. 254 na ang Ateneo kumpara sa ranggo nitong 451 noong isang taong. 276 naman ang UP mula sa ranggo nitong 398 noong isang taon. Nasa top 100 naman pagdating sa Arts and Humanities na kategorya ang Ateneo. 79 ito habang 82 naman ang UP. Naging isyu ito noong nakaraang taon pero sigurado akong matutuwa ang Admin dito.
9.
Kahapon, pinasa ko na ang mga grades ko. Kaya ito, home free na ako. Pero marami pang kailangang tapusin. Kailangan ko nang tapusin ang papel ko para kay Sir Mike para pwede na akong makapag-Compre sa susunod na semestre. Gayundin, tatangkain kong tapusin ang mga kuwentong gsuto ko nang tapusin lalong-lalo na yung matagal ko nang inuupuan. Pero mahirap pilitin ang Musa pero pakiramdam ko matatapos ko naman ito sa sembreak.
10. Links
Si Jean-Marie Gustave le Clezio, isang Pranses, ang nagwagi ng Nobel Prize in Literature. Hindi ako pamilyar sa kanya. (Sino ba?) Pero hihintayin ko na maging mas laganap ang mga kopya ng mga akda niya at husgahan sa aking sarili kung magaling nga ba talaga siya. Heto ang mga links sa New York Times at The Guardian tungkol sa balita.
Ang nobelang "The White Tiger" ni Aravind Adiga ang nagwagi ng Man Booker Prize para sa taong ito. Narito ang balita mula sa BBC, New York Times at The Guardian.
Pinaratangan si Milan Kundara sa pagkakakulong ng isang espiya noong panahon ng Komunismo sa Czechoslovakia (na nahahati ngayon sa Czech Republic at Slovakia).
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento