Biyernes, Oktubre 31, 2008

Dalawang Aklat at isang Pelikula

1.

Katatapos ko lang basahin ang "Ang Aso, ang Pulgas, ang Bonsai at ang Kolorum" ni Jose Rey Munsayac. Inabot ako halos ng dalawang buwan. Palaging naaantala ang pagbasa ko iba't ibang mga gawain kaya nagkaganoon. Madali lang namang basahin ang wika ni Munsayac. Mahaba-haba rin lang talaga ito.

Binubuo ng tatlong aklat ang nobela. Ang una'y tungkol sa mga rebolusyunaryo pagkatapos ng sumuko si Pangulong Aguinaldo sa mga Amerikano. At pangunahin sa mga rebolusyonaryong ito ay si Ento, ang pinuno ng isang grupo ng mga rebolusyunaryong hindi sumuko pagkasuko ni Aguinaldo. Sinusundan ng unang aklat ang buhay at pakikidigma ng mga rebolusyunaryo sa panahon ng mga Amerikano. Ang ikalawang aklat naman ay tungkol sa panahon pagkatapos sumuko ng ang mga rebolusyunaryo at ang kanilang pagtatangkang magkaroon ng normal na buhay. Ang ikatlo ay tungkol sa buhay ng mga taga-Bagong Nayon, ang nayong itinatag ng mga sumukong rebolusyunaryo, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa simula'y malinaw na itinatanghal ng nobela ang labanan sa pagitan ng mga uri. Si Ento, kasama ng kanyang mga kapwa rebolusyunaryo, ang representante ng mas mababang uri. Bago ang rebolusyon, mga magsasaka sina Ento at ang kanyang mga kasamang rebolusyunaryo. Si Kabesang Pakong, ang dating heneral sa rebolusyon at propitaryo ng mga rebolusyunaryong pinamumunuan na ni Ento, ay malinaw na katunggali. Ipinipinta si Kabesang Pakong bilang tuso at mapanlinlang. At katulad ng maraming mga Filipinong may partikular na pansariling ineteres, ipinipinta siya bilang traydor dahil sa pagkampi sa mga Amerikano.

Malinaw ang hidwaan sa pagitan ng mga uri at bagay na bagay na lapatan ng Marxistang pagbasa. Ngunit magbabago ang lahat ng ito pagdating sa ikalawa at ikatlong ng aklat. Bagaman naroroon pa rin ang malinaw na paghahati ng mga uri, nagiging mas masalimuot ang ugnayan at tunggalian sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa mga pag-aalsa sa panahon ng Republika. Mas masalimuot dahil nariyan na, hindi lamang ang mga matataas na uring kumampi sa mga Hapon, nariyan na rin ang mga magsasakang kumampi rin sa mga Hapon. Nariyan din ang mga magsasakang naging sundalo't gerilya sa ilalim ng USAFFE at nariyan din ang mga magsasakang naging Hukbalahap. Ang dating magkakampi sana'y nagkakaaway kaya't mas masalimuot ang ugnayan at hidwaan.

Pagdating sa naratibo, nagmumukhang mas buo ang unang aklat kaysa sa mga sumunod. Marahil dahil may malinaw na tunggalian sa pagitan ng mga uri ang unang aklat kaya nagkaganoon. Malinaw na sinusundan ng nobela ang mga naggaganap kay Ento ngunit pagdating sa ikalawa't ikatlo, parang nagkalabo-labo na kung kaninong kuwento ba ito bagaman nananatiling pangunahin ang mga tauhang nanggagaling sa uri ng mga magsasaka. HIndi ko alam kung kapintasan ito. Marahil sinasalamin lamang ng naratibo ang kasalimuutan ng mga ugnayan at tunggalian. Bagaman kapansin-pansin ang pagdalas ng pagbubuod o summary sa mga huling bahagi ng nobela kumpara sa nauna, na maraming mga eksena't pagtatagpo.

2.

Ilang buwan na akong may VCD ng "Paprika" (nabili ko sa isang sale) pero ngayong sembreak ko lang ito napanood. Isa itong anime na mula sa mga lumikha ng "Tokyo Godfathers". Tungkol ito sa grupo ng mga siyentipiko na lumikha ng isang makinang kayang i-record ang mga panaginip at gayun din pwedeng paghatian ng mga tao ang mga panaginip. Halo-halo itong sci-fi, fantasy at detective story na binudburan ng psychoanalysis. Sa dulo ng pelikula naghahalo ang na mga panaginip at maging ang realidad at panaginip ay naghalo na rin. Mahirap ibuod ang kuwento nito. Nakakabangag. Pero may pakiramdam ako na mas bagay itong maging serye imbes na pelikula lamang. O baka nga may serye ito hindi ko lang alam. Basta natuwa ako't nagulat sa mga eksena't pangyayari. Hindi ko lang alam kung magugustuhan din ito ng iba.

3.

Noong isang taon ko pa ito sinimulang basahin, natigil nga lang. At ngayon ay natapos ko na ring basahin ang "Rashomon and 17 Other Short Stories" ni Ryunosuke Akutagawa. Isinalin ito ni Jay Rubin, isa sa mga tagapagsalin ni Haruki Murakami at binigyang introduksiyon ni Haruki Murakami. Kasama sa kalipunang ito ang mga kilala nang mga kuwento ni Akutagawa, ang "Rashomon", "The Nose" at "In a Bamboo Grove". Pero natuwa ako sa mga kuwentong hindi ako pamilyar tulad ng "Hell Screen" at "A Life of a Stupid Man". Itong dalawang huli ang pinakanagustuhan ko sa kalipunan.

Nahahati ang kalipunan sa apat. "A World in Decay", "Under the Sword", "Modern Tragecomedy" at "Akutagawa's Story". Nakatuon ang unang dalawang hati sa mga akdang historikal ni Akutagawa. Madilim ang karamihan ng mga kuwento dito tulad ng "Rashomon," "In a Bamboo Grove", "Hell Screen", "Dr. Ogata Ogai: Memorandum", "O-gin", "Loyalty", at "The Spiderthread". Ngunit mayroon namang mas magaan tulad ng "The Nose" at "Dragon: The Old Potter's Tale". Sa "Modern Tragicomedy" at "Akutagawa's Story" ang mas kakaibang hati ng akda kumpara sa mga nauna. Sa "Modern Tragicomedy" makikita ang mapaglaro't mapagpatawang bahagi ni Akutagawa. Isang mapaglarong metafiction ang "Green Onion" habang lubhang satirikal naman ang "Horse Legs". Mas tragic imbes na comic ang "The Story of a Head that Fell Off". Napaka-depressing naman ang mga kuwento sa "Akutagawa's Story". Karamihan ng mga kuwento dito ay isinulat noong mga panahong lumalalim na ang depression ni Akutagawa.

Mayroong partikular na lirisismo ang mga kuwento ni Akutagawa na nagustuhan. Kahit na sa mga morbid na kuwento niya, kaakit-akit pa rin. Bukod doon, magaling ang kanyang pagkakahawak sa kanyang mga tauhan.

Maganda rin ang panimula ni Haruki Murakami. Hindi sobrang intelektuwal ngunit mainam na pagbibigay paliwanag sa daloy ng karera at sining ni Akutagawa at maging ng konteksto ng Hapon sa panahon ni Akutagawa.

Walang komento: