Heto ang isang excerpt ng ginagawa kong kuwento. Ideya ko ay sumulat ng mga maiikli pero interconnected na mga kuwento. Pwede silang basahin stand alone o hindi. Ito pa lang yung natatapos ko kaya sobrang early draft ito. Komento lang.
***
Ang Mandirigma
Kabilugan ng buwan at walang kaulap-ulap sa langit. Maliwanag na maliwanag ang daan papuntan ng bayan ng Villa Fernandina. Binaybay ni Taraki ang gilid ng daang-lupa kung saan nakatanim ang mga malalaking puno at madilim ang aninong likha ng mga malalagong dahon. Maingat ang kanyang paghakbang. Mahigpit ang hawak niya sa nakasukbit na patalim sa kanyang baywang, handa sa di inaasahang pangyayari. Bagaman malamig ang gabi, manipis na pawis ang namuo sa kanyang noo at ibabaw ng labi. Nililigalig ng kanyang pakay ang kanyang damdamin. Kailangan niyang pugutan ang mananakop, kailangan niyang pugutan si Juan de Salcedo.
Tatlong mandirigma na ang napugutan ni Taraki. Ang una’y pinugutan niya sa isang labanan sa tabi ng Ilog. Nagkaroon ng hidwaan ang kanilang barangay laban sa isang karatig na barangay pagkatapos maligaw ang isa sa mga kabaranggay nila at namatay sa lupain ng karatig na barangay. Isang karangalan hindi lamang sa mamumugot kundi pati rin sa pinugutan ang pagpugot. Tanging mga mandirigma lamang ang maaaring mampugot at mapugutan ng ulo. Kaya’t pinarangalan si Taraki bilang tunay na mandirigma pagkatapos ng labanan at umuwing may dalang ulo.
Ang pangalawang ulo niya’y galing sa isang Kastila. Nang unang dumating ang mga mananakop, alam na niyang mga mandirigma ang mga ito at karapat-dapat na katunggali. Madaling napasuko ng mga banyaga ang isa sa mga malalaking barangay sa dalampasigan. At nang makasagupa na nga ng kanyang barangay, namangha siya sa mga makikintab nilang baluti at umusok na mga baril. At bagaman natalo ang kanyang barangay at napilitang tumakas tungo sa masukal na gubat, nagawa pa ring mapugutan ni Taraki ang isa sa mga banyaga. Muntik na siyang mapatay ng banyaga. May hawak itong baril at nang itutok sa kanya’y yumuko siya’t tinaga ang paa nito. Isang malakas na hiwa lamang ang kinailangan para makuha niya ang ulo at madaling tumakas.
Ang pangatlo’y ulo ng kanyang lolo. Sa kabinataan, isang kilala’t kinatatakutang mandirigma ang kanyang lolo. Ngunit matanda na’t sakitin ito nang dumating ang mga banyaga kaya’t hindi ito nakasama sa labanan. At nang mamatay ang kanyang lolo pagkatapos lumubha ang sakit nito nang lumisan ang kanilang barangay tungo sa kasukalan ng gubat, napunta kay Taraki ang karangalang pugutan ng ulo ang kanyang lolo.
Pinaniniwalaang nasa ulo ng tao ang kanyang kaluluwa at sa pag-aari ng ulo ng isang tao—lalo na’t kung nanggaling ito mula sa isang dakilang tao—binibiyayaan ng mahiwagang kapangyarihan ang may-ari ng ulo. At nang malaman ni Taraki na namatay si Kapitan Juan de Salcedo, hindi na siya nagdalawang-isip na kunin ang ulo nito. Kinailangan niyang magmadali bago pa man mawala ang kapangyarihan ng ulo dahil sa lubusang paglisan ng kaluluwa.
Kaya't bagaman natuwa siya nang marating na niya ang ibayo ng bayan ng Villa Fernandina, binagalan ni Taraki ang kanyang paglalakad. Mula malayo’y nakita niya ang mga tanod na gumagala sa mga daan, may dala-dalang mga patalim. Malayo na ang nilakbay ng buwan sa langit at bahagya na itong natabing ng mga ulap nang makatagpo siya ng pagkakataon. Isang tanod ang napahiwalay sa mga kasama nito. Tahimik niya itong sinundan. Iningatan niyang hindi makita o marinig ng tanod na may dala-dalang ilawan. Nanatili siya sa dilim sa tabi ng daan. Naglakad sila patungo sa gilid ng bayan at naging madalang ang mga kubong nasasalubong nila. Sinundan niya ang tanod hanggang makarating sa isang kubo. May bakuran ang kubo at pumasok dito ang kanyang sinusundan at hula niya’y tinitirhan nito. Bago pa tuluyang makapasok sa loob ng kubo’t makawala ang kanyang sinusundan, dumapot siya ng bato at tinapon ito malayo, lampas ng kubo’t kinatatayuan ng tanod. Pinanood niyang lumingon ang tanod sa direksiyon ng ingay ng itinapong bato. Kaya’t madali niyang sinunggaban ang tanod mula sa likod. Hinablot niya ang nakasukbit na patalim ng tanod at itinapon ito palayo. At bago pa man makaharap sa kaniya, sinakal niya ang tanod mula sa likod gamit ng kanyang kanang braso. Nahulog ang ilawan sa lupa at nagpumiglas ang lalaki. Tinangka nitong abutin ang kanyang ulo ngunit nahahawi lamang ng mga daliri ng tanod ang kanyang pisngi at noo. At nang mawalan na ng malay ang tanod, dinala niya ito sa loob ng kubo. Nakanap siya ng lubid at itinali ang mag kamay at paa ng tanod. Kumuha siya ng tubig mula sa isang baul at ibinuhos ito sa nakataling tanod.
“Saan nakalibing ang Puting Halimaw?” tanong ni Taraki.
“Halimaw?” kunot na pagtataka ng nakatali.
“Ang pinuno ng mga banyagang sumakop sa mga lupaing ito, sa mga lupain namin. Papatayn kita kung hindi mo sasabihin.” Nagkunwarin siyang bubunutin niya ang kanyang patalim.
“Sa simbahan! Sa simbahan! Huwag mo akong patayin!” sigaw ng tanod.
“Simbahan?”
“Iyon pinagsasambahan namin. Hanapin mo ang gusaling may ganitong marka sa bubungan,” at gamit ng kanyang sakong, iginuhit ng tanod sa lupa ang markang krus.
Iniwan niyang katali ang tanod at bumalik sa bayan ng Villa Fernandina.
Unti-unti nang lumiliwanag ang langit dahil sa paparating na umaga nang makarating na siya sa simbahan. Matagal niyang sinubaybayan ang simbahan. Walang ingay na nagmula dito at walang tao ang pumasok o lumabas. Kaya’t pinagpasyahan niyang pasukin ito. Umingit ang malalaking pinto ng simbahan nang buksan niya ito. Hindi pa siya nakakakita ng ganoong kalaking gusali. At una niyang napansin ang halimuyak ng mga bulaklak sa loob ng simbahan. Ngunit wala siyang mabanaagang bulaklak. Tanging mga upuan at ang mga rebulto ng santo ang kanyang nakita. Sinundan niya ang amoy patungo sa isang silid sa tabi ng simbahan. Nakabuka ang pinto ng silid at nakita niya sa kanyang pagpasok ang isang sarkopago. Napapalibutan ito ng mga bulaklak at ng mga nakatirik na kandila. Sumakit ang kanyang ilong sa pinaghalo-halong bango ng iba’t ibang bulaklak at sa banayad na usok ng mga kandila. Dito nakahimlay ang may-ari ng pinakaaasam na ulo ni Taraki. Isang ulong maaaring makapagbigay sa kanya at sa kanyang barangay ng isang kakaibang kapangyarihan. Gawa sa kahoy ang sarkopago at nakaukit sa takip nito ang imahen ng buong katawan ni Juan de Salcedo. Kaya’t nakita ni Taraki ang mukha ng kanyang pakay. Mabigat ang takip kaya’t natagalan si Taraki sa pagbukas sa sarkopago. Nang mabuksan na niya ang sarkopago, agad niyang tinanggal mula sa pagkakasukbit ang kanyang dalang patalim. Ngunit nagulat siya sa kanyang nakita. Wala na ang ulo ni Juan de Salcedo. May nauna sa kanya. Galit ang una niyang naramdaman at ninais niyang sumigaw. Ngunit nabalisa siya nang may ibang sumigaw. Pagtalikod niya’y nakita niya ang dalawang lalaking nasa bukana ng pintuan. Tumakbo ang dalawang lalaki palabas ng simbahan, nagsisisigaw ng saklolo. Nilingon ni Taraki ang walang ulong katawan at napuno ng panghihinayang. At siya’y tumakbo na rin palabas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento