Lunes, Oktubre 15, 2007

It's Over? Not Exactly

1.

Tapos na dapat ang semestre pero hindi pa naman talaga para sa akin. Tapos ko na ang lahat ng mga requirements ko para sa Development of Fiction habang hindi ko pa napapasa ang para sa Malikhaing Pagsulat. Sa Miyerkules, sana matapos ko na ang pangalawa kong kuwento. Ayokong masyadong bilisan kasi, ayon sa karanasan, pangit ang mga kuwentong kong masyadong pinapaspas. Gusto kong pag-isipan nang mabuti ang kuwentong ito at huwag madaliin.

2.

Tinapos ni Sir DM ang aming klase sa Development of Fiction noong Sabado sa "One Hundred Years of Solitude." Isa talaga iyon sa mga paburito kong libro at lalo ko iyong nagustuhan pagkatapos basahin nang pangalawang beses. Nagulat lang ako, habang pinagsalita ni Sir Dm ang buong klase kung anong tingin nila sa nobela, na maraming hindi nagustuhan ang nobela. Napatawa lang ako. Hindi daw nila maunawaan. Exag daw sabi ng isa. Masyado namang maraming nangyayari sabi ng isa. Nakakalito raw sabi naman ng isa. Ito marahil ang nararamdaman ni kaligang Ilia kung binabasa niya si Marquez. Ako lang ang nagsabi sa klaseng "it speaks to me." Kultura ang pangunahing dahilang sinabi ko kung bakit ganoon. Maraming karanasan ang Latin Amerika na kahawig ng sa Pilipinas lalo na ang karanasang kolonyal. At ito nga ang itinurong dahilan ni Sir DM kung bakit nalikha ang "magic realism." Isa itong pagbawi sa nakaraan, isang malikhang paghaka kung ano kaya ang nangyari noon, ang nayari rito gayong nakalimutan na, dahil pinalimot, ang kasaysayan. Ito, ito ang hinahanap kong patunay na hindi lamang technique ang magic realism. Isa itong paninindigan.

3.

Nanalo si Doris Lessing ng Nobel Prize. Marahil dahil marami akong ibang mga manunulat na sinusundan, na puro nga naman mga lalaki, medyo nagulat ako sa pagpiling ito. Pero mukhang sang-ayon naman ang marami sa pagpiling ito kumpara sa nakalipas na mga taon. Reklamo lamang ng iba'y bakit ngayon lang.

Mula sa BBC
Mula sa NY Times
Mula sa The Guardian 1, 2
Mula sa LA Times

4.

Napanood ko kahapon ang "Stardust" kaya ngayon ay binabasa ko ang nobela para malaman ko ang pinagkaiba. Hindi ko pa tapos pero kita kong maraming pinagkaiba ang nobela pagdating sa mga pangyayari sa banghay. May mga pangyayaring hindi nilagay sa pelikula. Pang-streamline na rin siguro. Iba ang nobela sa pelikula, tandaan natin. Pero feeling ko nasa budget na rin para sa special effects. May mga eksena sa pelikula na kakaiba at medyo biglaan, kagaya ng pagtatagpo ni Yvaine sa unicorn at ni Tristan kay Primus. Pero nagustuhan ko naman ang pelikula. Madaming magagandang shots na ipinapakita ang kalikasan. Hindi lang ako benta sa pag-iibigan nina Yvaine at Tristan (Tristran sa nobela). Pero OK lang. Natuwa naman ako kay Captain Shakespeare dahil hindi iyon ang tipo ng tauhang kukunin ni Robert de Niro na kilala ng mga tao. Cute lang talaga ang tauhang iyon. (what am i saying?) Pero recommended ko ang pelikulang ito. Kung gustong n'yo pang malaman ang ilang impluwensiya at mga pananaw ni Neil Gaiman tungkol sa fantasy, puntahan n'yo lang ang link na ito sa The Guardian.

5.

Nanalo nga pala si Sir Mike ng SEAWrite Awards. Congrats sa kanya!

Walang komento: