Lunes, Oktubre 29, 2007

Dynasty

Tumatakbo sa SK ang pinsan ko sa Binangonan. Papalitan niya ang isa pa naming pinsan. O di ba? Dynasty! "Plataporma" niya ay palaro at liga ng basketball at pagpapaturo ng sayaw. Gusto sana ng kapatid kong tumakbo ng SK dito sa San Pablo. Pero nasa Maynila, sa La Salle, nag-aaral kaya hindi niya masaikaso ang kanyang aplikasyon. Mabuti na ring hindi siya natuloy, magugulo lamang ang sembreak ko.

Hindi ko ramdam ang pagiging eleksiyon ngayon. Dahil siguro barangay lang ito. Walang komersyal sa TV at di ganoong ka OA ang mga tao pagdating sa pangangampanya. Mas personal ang relasyon ng mga tao. Magkakakilala na, ika nga. Pero nariyan pa rin naman ang politikang patron. Maraming mga kandidato dito sa San Pablo ay bankrolled ng isang mas mataas na politoko. Yung nagpagagawa ng mga tarp at iba pang mga kailangan ng mga kandidato. Pero kahit na para sa barangay lamang ito, mukhang seryoso ang mga tao dito sa bahay na bumoto.

Napapanood ko ang serye ng mga dokumentaryo sa BBC tungkol sa demokrasya. Napapanood ko pa lamang at nababasa ay tungkol sa eleksiyon sa pagiging class monitor sa isang paaralan sa China at sa patutunguhan ng politika ng Russia. Parehong hindi hiyang ang demokrasya sa dalawang bansang ito. Higit na pinahahalagahan ang stability kumpara sa kalayaan at karapatang indibidwal. Hindi nauunawaan ng mag-aaral na Tsino kung bakit pa kailangan ng eleksiyon kung nariyan naman ang kanilang guro para pumili ng class monitor. Nang bumagsak ang USSR, maraming mga totalitarian ang nag-alma at nagalit sa pagpipilit sa "demokrasya," isang banyagang konsepto.

Bakit ko binabanggit ito? Dahil tila paghinga na para sa atin ang eleksiyon bagaman may sarili tayong gawain kumpara sa ibang bansa. Ang punto ko ay pinahahalagahan natin ito. Pero kung titingnan natin ay hindi naman nalalayo ang hinahanap nating stability kumpara sa China at Russia. Nagawa na rin lamang natin ay pagsamahin ang kaguluhan ng demokrasya sa pangako ng kapanatagan. Magandang halimbawa ang pamahalaang pambansa natin ngayon. Pangako nila ang kapanatagan at kapayapaan pero palagi't palaging may problemang lumalabas na tumitibag sa kanilang kakayahang papaniwalain ang mga mamamayan sa kanilang mga pangako. At sa patuloy na kawalang-kasiguraduhan ay nagkaroon ng iisa kasiguraduhan: na walang sigurado at walang katotohanan para sa pamahalaan at tangi na lamang nating gawin ay maghintay sa susunod na eleksiyon.

Walang komento: