Ayon sa kanyang dagdag, gusto ipakita ni Mark na isang komento sa proseso ng Maningning Miclat Awards ang kanyang unang bulalas. Pero sa tingin ko, after the fact na ito. Inamin din naman niya na isa ito bulalas ng damdamin. And I quote:
"Malaking panganib ang pagsisiwalat ng simbuyo ng damdamin sa blog dahil ibinibilad mo ang sarili sa iba't ibang nakamulagat sa harap ng computer screen"Okey na sana ako dito sa pag-aming ito. Lahat naman tayo'y napapabulalas. May pagkakataong gusto nating umiyak, suntukin ang dingding, o kaya'y sumigaw ng "putangina!" Pero nadagdag lamang ang inis ng mga tao (kasama ako) sa pagpapaka-self-righteous niya sa pagpapakita o "critique" kuno ng pagkahalang ng proseso at "establishment." Pero ang tunay na critique ay pinag-iisipan. Isa itong malalim na pagsusuri sa bagay at hindi lamang isang bulalas ng damdamin.
Sa kanya ring dagdag, pinilit niyang magtago sa "the author is dead" sa kanyang bulalas upang bawasan ang talim ng kanyang pambabastos. And I quote again:
"Pasensya na kung nasaktan ko ang loob ni Twinkle at ng mga kaibigan niya pero iyong tulang binasa ang pinagbuhusan ko ng opinyon. Sa isang workshop, nakaramdam ako ng pagkadurog dahil sinabihan ang tula kong "hindi tula". Pero teka, hindi ako ang tulang iyon. Walang panahon para ipabasa ko sa kanila ang iba pang tula ko."Totoo sana ang "the author is dead" na pahayag sa loob ng isang tunay na critique, na kagaya nga ng sinabi ko ay hindi isang bulalas ng damdamin kundi isang pinag-isipang pagsusuri ng isang bagay. Sa konteksto din ng workshop ay pwede ito dahil doon ay pinag-isipang pagsusuri rin ang (dapat) na inihahayag ng mga panelist at maging mga fellows. Ngunit hindi ang lamang ang akda ang kanyang "sinuri" kundi pati ang mga tao. Kaya hindi siya pwedeng magtago sa "the author is dead" na iyan. Sinabi niyang "mas mamatamisin ko pang matalo kay Caloy kesa kay Twinkle" hindi lamang ito patungkol sa akda ni Twinkle o sa proseso ng awards kundi isang pang-aapak kay Twinkle mismo, si Twinkle na buhay na buhay. Nang sabihin niyang si Ma'am Beni ay "formalistang nakababad sa formalin," hindi lamang ito atake sa formalismo at sa formalin, isa itong atak kay Ma'am Beni na buhay na buhay. (Oo, marahil may pagkiling na formalista si Ma'am Beni pero isa siya sa pinakamatinong makata at kritiko na kilala ko. Mabasa sana ni Mark ang disertasyon ni Ma'am Beni kasi hinuhubad niya doon ang lahat ng formalismo at ipinapakita ni Ma'am Beni na hindi nakababad sa formalin ang kanyang utak.)
Medyo lumalayo na ako pero sa paggalang, sabi niya:
"Saka teka bakit ba ipinipilit sa akin kung sino ang mga taong dapat kong respetuhin?"At kagaya nga ng sinabi ng isa sa nag-comment, dapat ginagalang natin ang lahat ng tao. Kapag ang isang tao ay hindi kagalang-galang, kagaya ng pagiging bastos at mayabang, kailangan na nating pag-isipan kung gagalangin pa rin ba natin siya. Parang karma iyan. Kung magbibigay galang ka, gagalangin ka rin. Kung mambabastos ka, babastusin ka rin. Kaya huwag sana siyang magulat, at tigilan ang pagsasabi ng "nu ba yan," kung negatibo at pambabastos ang kanyang natanggap. At ang paggalang ay hindi kaplastikan. Ang galang ay repleksiyon ng pagkatao. Marahil marami nang nakilalang plastik na tao si Mark at kung gayon ay naaawa ako sa kanya. At hindi na ako magtataka kung bakit inaamin niyang "bitch" siya. Tinatapatan lang niya ang lahat ng kapalstikan sa mundo gamit ng kanyang pagka-bitch. Pero mag-bitch sana siya kung plastik ang mga tao binastos niya.
At tama rin si Margie sa punto ng pagiging "anti-establishment" niya. Kung gusto niyang maging tunay na anti-establishment, huwag na siyang sumali sa mga kontes at maglathala ng mga akda. Pagpakaermitanyo na lang siya kagaya ni Cold Mountain, yung wasak na Tsinong makata. Yun ang anti-establishment, walang pangalan at wala man lang puntod. Pero hindi ako naniniwala na gagawin ito ni Mark, masyado siyang mayabang upang ipagkanulo ang buong mundo at ang lahat ng kanyang pagnanasang makilala.
Hayan, naku, medyo bumubulalas na ang aking damdamin. Kaya hanggang dito na lang. Kagaya ng sinabi ko sa simula, huwag natin itong idaan sa rambol dahil, sa tingin ko, away lang naman talaga ang hanap niya. At mahirap talagang kausapin ang mga taong naghahanap ng away.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento