Kanina raw ay naipasa na ng house of representatives ang batas na pinakukulo nila kung saan iniuutos na gawing "medium of instruction" ang wikang Ingles sa ilang mga baitang sa mga paaralan. Naiinis ako dahil parang hindi nila alam ang kasaysayan ng Ingles sa bansang ito at parang sumisipsip na naman tayo sa Amerika. Huwag nyo sana akong isipin na isang hipokrito dahil ginagamit ko din naman ang Ingles at nagbabasa sa wikang Ingles. Ngunit ang pagpapataw na ito ay isa na namang kawalang-balanse sa ating relasyon sa sarili at sa kolonyal.
Isang retorikang ginagamit nila bilang dahilan sa pagpasa ng batas ay ang pagsagot sa "global realities" na hinaharap ng ating bayan. Ngunit kailangang amin na ang "global realities" na ito ay hindi na pinaiibabawan ng US kundi kasama na rin ang China, India, at Europa. Kung gayon, hindi ang pagtuturo ng Ingles lamang ang makakatulong sa ating bayan kundi ang pagtuturo rin ng mga wika sa Tsina, India, Europa, Hapon at iba pang bansa sa mundong ito na nagiging "globalized".
Masyado nating binibigyang galang ang wikang Ingles nang walang pag-unawa kung ano nga ba talaga ito sa atin bilang isang bayan, isang bansa. Dinala ito dito bilang ISA ng Amerika, upang sakupin ang ating kamalayan gamit ang wika. Ngunit hindi naging lubos na nangibabaw ang Ingles dito dahil hindi nito kayang i-signify ang karansang Filipino, kung hindi ako nagkakamali'y ito ang sinabi ni Rolando Tinio. Naging matunog ang Ingles sa mga manunulat at nakatataas na uri dahil naisakonteksto nila ang Ingles sa Filipinas. Ginagamit nila ang Ingles bilang pagbibigay halaga sa sarili. Ngunit sa batas na ito, nawawala ang ating pagkaunawa sa ating sarili. Sobra ang pagtingin natin sa labas upang mahanap ang solusyon sa problema ng ating loob. At kung titingin rin naman tayo sa labas, kagaya ng sinabi ko, bakit wikang Ingles lamang ang binibigyang pansin natin?
Ano naman ang nagiging papel ng Filipino sa batas na ito? Etsa-puwera na naman ba ang ating mga wika sa sarili nating bayan? Masyadong one-sided ang batas na ganito. May mga tekstong mababalewala sa pagbibigay ng pribilehiyo sa Ingles. Hindi bibigyan ng pansin ng mga mag-aaral ang mga nobela, kuwento, tula, dula, at sanaysay na nakasulat sa Filipino, mga tekstong kung tutuusi'y mas malapit dapat sa ating karanasan bilang bilang Filipino. Mababakya na naman tayo niyan.
Magandang pansinin na hindi natin pinagdududahan ang wikang Ingles. Mahalaga ang Ingles, at maging ang ibang mga banyagang wika, sa ating pag-unawa sa mga bagong kaisipan at kaalaman na nabubuo sa labas ng Filipinas. Ngunit isa itong banyagang wika, at wika pa ating mananakop. Kailangang tanggapin ito na may kritikal na pananaw.
At magiging matanggupay kaya ang pagtataas ng "standards" sa ating mga paaralan dahil lamang sa pagtatalaga ng wikang Ingles bilang medium of instruction? Scapegoat na naman ang "wika" bilang sagot sa pangkalahatang problema ng ating sistemang edukasyon. Panakip butas lamang ang pagdadahilan sa "wika". Sa katotohanan, banat na banat na talaga ang sistema ng edukasyon natin, nakailangan paggugulan ng bilyon-bilyong piso upang itaas ang antas ng ating edukasyon. Ngunit mas madaling magtulak ng batas patungkol sa wika kumpara sa batas patungkol sa budget. Hindi Ingles ang solusyon kundi pera.
At kung maging medium of instruction nga ang Ingles, paano pa ang mass media? Dubbed sa Filipino ang maraming mga palabas na hakot mula sa ibang bansa. Ang balitang primetime, at maging ang karamihan ng mga dokumentaryo'y nasa wikang Filipino. Kung gagaling ang isang tao sa isang wika kailangan niyang magbabad sa wikang iyon. Kaya't kailangan niyang magbasa, manood, at makinig sa mga tekstong Ingles. Na malabong mangyari para sa mga mahihirap. Middle Class, pwede pa.
Yun lang yun. Nainis lang talaga ako sa pagpapataw na ito na obvious namang hindi lubos na pinag-isipan, na tinitingnan lamang ang "buti" ng wika at hindi ang politika at kasaysayan nito.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento