“Beauty is made up of an eternal, invariable element, whose quantity it is excessively difficult to determine, and of a relative, circumstantial element, which will be,... ...the age, its fashions, its morals, its emotions.”2
[Binubuo ang kagandahan ng isang eternal at di-nagbabagong elementong napakahirap sukatin, at isang relatibo’t nagbabagong elementong nakabatay sa panahon, sa kani-kanilang panlasa, moralidad at emosyon.]
At bagaman binubuo ng dalawang elementong ito ang kagandahan, buo ang pagdanas natin ng kagandahang ito. Ganito ang pagtingin kay Baudelaire sa kagandahan bilang isang pagbatikos sa labis na pagbibigay pansin sa sining na nalikha noong mga nakalipas na panahon habang binabalewala ang mga likhang sining sa kanyang kasalukuyang panahon. Kaya’t binigyang pansin ni Baudelaire ang pangalawang elemento ng kagandahan sa kanyang pagtataguyod sa “modernidad”. Para kay Baudelaire, ang pag-unawa at pagbibigay-buhay gamit ng sining ng mga kaugalian at partikularidad kanyang panahon matatagpuan ang tunay na henyo ng isang artista.
Sa kontekstong Filipino, hindi ang nayon kundi ang siyudad ang pinagluluklukan ng ating pag-unawa sa “moderno”. Ngunit bakit kinakikitaan ng mga aspektong “moderno” ang mga kuwento ni Macario Pineda? Isang nayon ang pangunahing tagpuan, maaaring tingnan na rin bilang tauhan, sa maikling kuwentong “Talambuhay ng Aming Nayon” ni Macario Pineda.3 Paulit-ulit lamang daw ang buhay sa nayong ito ayon sa tagapagsalaysay ng kuwento. May moderno ba sa nayon ni Pineda? Ito ang gusto kong masagot gamit ang sanaysay ni Baudelaire.
Para kay Baudelaire, ang isang artista ay isang flaneur na may kakayahang magmasid. Bagaman tamad ang pagkakatingin sa mga flaneur, nasa kanila ang kakayahang magmasid sa kaugalian, gawi, panlasa, at paniniwala ng balana.
Mahihinuha ang ganitong katangian ng flaneur sa tagapagsalaysay ng “Talambuhay ng Aming Nayon”. Bahagi siya ng pangkalahatang kamalayan ng nayon ngunit lampas pa dito. May isang mahiwagang pag-unawa ang tagapagsalaysay sa buhay ng nayon. Mula sa mga kapanganakan, pag-iibigan, kamatayan, at iba pang-araw-araw na gawain, nagbibigay ng isang pananaw sa buhay ang tagapagsalaysay at di lamang sa nayon. Sinasalaysay niya ang pang-araw-araw na buhay ng nayon habang sinisingitan ng mga partikular na anekdota ang kabuuang kuwento. Katatagpuan ng lungkat at tuwa, hindi ibig sabihin nito’y nakikiramay ang tagapagsalaysay sa buhay ng mga taganayon. Ayon sa introduksiyon ni Soledad Reyes para sa kalipunang isinaayos niya, “Tanging ang tinig lamang ng persona ang kakikitaan ng protesta at malaking panghihinayang sa harap ng pagtanggap ng mga tao sa ideolohiyang sumisiil sa kanilang buhay.” 4
Kaya’t hindi lamang flaneur ang hinihingi ni Baudelaire kundi kakayahang umunawa. At nagagamit ng artista ang pag-unawa sa kamalayang ito sa kanyang sining. Ang pag-unawang ito ang nagbibigay-laman sa pangalawang elemento ng kagandahan, isang kagandahang kakikitaan ng modernidad.
Maaaring bumalik sa tanong, may moderno ba sa “Talambuhay ng Aming Nayon”? Maaaring sabihing pastoral ang kuwento. Ngunit kung titingnan ang pagkakaunawa ni Baudelaire sa moderno at ang pananaw sa buhay ng tagapagsalaysay, maaaring sabihin kakikitaan ng isang modernong pag-unawa at sensibilidad ang kuwento. Kagaya nga ng sinabi ni Soledad Reyes sa kanyang intoduksiyon, kritikal ang tagapagsalaysay sa kawalan ng pinatutunguhan ng nayon. 5 Nauunawan ng tagapagsalaysay ang buhay sa nayon. Isa iyong walang tigil na siklo ng pagkabuhay at pagkamatay kung saan ang mga partikular na karanasan ng isang indibidwal ay lumilipas at nakakalimutan, kagaya ng kabaitan ni Ka Huli tuwing bagyo, dahil sa walang humpay na puwersa ng pananalig sa kabutihan ng kalikasan at ng nayon. Hindi kailangang nakikiramay ang isang pintor ng modernidad sa kanyang panahon. Kailangan lamang niyang hanguin ang kanyang natatanaw bilang sangkap sa kanyang pagbuo ng kagandahang may eternal.
Kaya’t nakaaangat ang tagapagsalaysay na ito ng “Talambuhay ng Aming Nayon” kumpara sa mga kasamahan niya sa nayon. 6 Tanging siya lamang ang nakakabatid ng mga pang-araw-araw at partikular na pangyayaring laganap sa nayong iyon. Bagaman ginagamit ang mga panghalip na “kami” at pang-aring “amin”, mayroon siyang personal na pagtataya sa mga nangyayari sa loob ng nayon. Sa kanya nanggagaling ang katatawanan o kalungkutang mababatid sa kuwento. Hindi lamang isang payak at pangkaraniwang paglalahad ang ginamit sa kuwento. Sabi nga ni Reyes, “matulain” ang buong daloy ng buhay sa loob ng kuwento, may mga puwang na lumilikha ng isang iba pang kahulugan.7 Masasabing mayroong sinasabi sa di sinasabi ang kuwento. Dahil sa taos na pagbibigay ng pansin sa kolektibo, nalulunod ang indibidwal. Nagiging isang anekdota lamang ang kanilang buhay sa loob ng talambuhay ng nayon. Kaya’t umaangat ang tagapagsalaysay. Sa kanyang pagsasalaysay sa kanyang pagkakaunawa sa nayon, naililigtas niya ang kanyang sarili sa pagkalunod.
Bagaman kaisa siya sa balana ng nayon, isang flaneur, nakakaangat din siya sa lahat, isang dandy. Bagaman may isang masamang pagkakahulugan ang dandy sa panahon ni Baudelaire, isang “modernong aristokrasya” ang mga ito para sa kanya. 8 Tinutuligsa ng isang dandy ang mga “trivial” na bagay. Ginagawa lamang ng mga dandy ang sa tongin nila’y mahalaga o marangal. Kaya’t may “pride” o yabang ang dandy, mapagmataas sila dahil sa pagpapahalagang ginagawa nila. At dahil din dito may kalamigan para kay Baudelaire ang mga dandy.
Ngunit isa rin lamang silang panawid mula sa pabagsak na piyudalismo patungong demokrasya. Kaya’t sa isang pagbabasa, isang pagtutulay ang ginagampanan ng tagapagsalaysay ng kuwento para sa mga taganayon. Ayon kay Reyes, “Rasyonal na plano sa buhay at hindi irasyonal na pagsandig sa tadhan ang dapat paunlarin ng mga tao, subalit nananatiling bulag ang mga tao sa kahalagahan nito.” 9 Tinataguyod ng tagapagsalaysay ang pagbabago tungo sa isang rasyonal na kamalayan ng mga taganayon. Ngunit kaiba sa mga dandy, na may nostalgia para sa nakaraang panahon ng aristokrasya at may kaunting pagsalungat, ang tagapagsalaysay ay pagtataguyod para sa rasyonal, isang katangiang katatagpuan sa demokrasya ng Kanluran.
Ganoon din, bagaman pastoral ang kuwento, halo ng biyaya at lupit ang larawan ng kalikasan sa loob ng kuwento. Mayroong pagkain na maaaring makuha mula sa kalikasan ngunit may maaaring magkaroon ng panahon ng kasalatan at kalamidad dulot ng bagyo. Para sa kuwento, hindi sa kalikasan kakikitaan ang “kagandahan” sa loob ng kuwento kundi sa pagsasalaysay ng nayon. Para kay Baudelaire, ang kalikasan ay kawalan.10 Maaaring balikan ang kaniyang depenisyon ng kagandahan upang mahinuha kung bakit ganito iyon. Binibigyang halaga ni Baudelaire ang relatibo’t partikular na elemento ng kagandahan, ang elementong kakikitaan ng galing ng artista, ng tao. Kaya’t nasa paglalarawan ng buhay nakukuha ang kagandahan ng isang likhang sining. Kaya’t “maganda” ang kuwentong “Talambuhay ng Aming Nayon” dahil sa paglalarawan nito sa relatibong elemento upang makabuo ng isang matingkad na uri ng kagandahan, isang kagandahang modernong-moderno. Sa kanyang paglikha ng isang nayong buhay na buhay ngunit sabay ding naghihingalo, binabagtas ng tagapagsalay ang eternalidad ng kagandahan at pati ang partikularidad nito.
[1]Charles Baudelaire, “The Painter of Modern Life” sa Vincent B. Leitch, Ed., The Norton Anthology of Theory and Criticm (New York: W. W. Norton and Company, 2001) p. 792-802
[2] Ibid. p. 793
[3] Macario Pineda, “Talambuhay ng Aming Nayon” sa Soledad Reyes ed., Ang Ginto sa Makiling at Iba Pang Kuwento (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1990) p. 63-77
[4] Soledad Reyes, “Introduksiyon,” Ang Ginto sa Makiling at Iba Pang Kuwento. p 32.
[5] Ibid.
[6] Isa siyang indibidwal sa loob ng nayon at hindi lamang isang kolektibong tagapagsalaysay dahil sa simula ng ika-14 na bahagi ng kuwento, “akin” ang panghalip na ginamit ng tagapagsalaysay sa halip ng “amin” na ginagamit sa kabuuan ng kuwento.
[7] Reyes, , “Introduksiyon,” Ang Ginto sa Makiling at Iba Pang Kuwento. P. 30
[8] Baudelaire, “The Painter of Modern Life,” The Norton Anthology of Theory and Criticm. P. 799
[9] Reyes, , “Introduksiyon,” Ang Ginto sa Makiling at Iba Pang Kuwento. P. 32
[10] Baudelaire, “The Painter of Modern Life,” The Norton Anthology of Theory and Criticm. P. 800
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento