Sabado, Marso 12, 2005

Isang Pagbibigay Liwanag sa “Mutyang Dilim” ni Virgilio S. Almario

Maligayang Kaarawan Chika!

***

Panimula

Nakakapanibago ang aking pagbasa sa “Mutyang Dilim” ni Virgilio S. Almario. Kakaibang tono ng “Mutyang Dilim” kumpara sa “Ang Makata sa Panahon ng Makina,” mas mapang-akit para sa mambabasa na makisama sa diskurso ng panitikang Filipino. Hinihingi niyang maging kabahagi ang mga manunuri sa paghahanap ng pambansang kaakuhan. Nagiging matimpi, hindi lamang ang pagsusulat, pati na rin ang pagbabasa at panunuri ni Almario. Hindi na mainipin at palaban, mas mapang-unawa ang Pambansang Alagad ng Sining.

Marahil ay dulot ito ng higit 20-taon na pagsasaliksik at pag-unawa sa Balagtasista’t Modernistang pamamaraan. At ang bunga ng pag-iipon ng kaalamang ito ay ang “Bagong Pormalismong Filipino,” isang panukalang paglapit ni Almario. Sa librong “Mutyang Dilim” isinakonkreto ni Almario ang kanyang bagong paglapit. Isang paglapit na kailangan pa ng kaunting pagpapaliwanag.

Ang Bagong Pormalismong Filipino

Sa “Ilang Paunawa,” binigyang paliwanag ni Almario ang kaniyang paglapit na “Bagong Pormalismong Filipino.” Sa isang etimolohiyang pagpapaliwanag, “Bago” ito sapagkat may nauna nang pormalismong sinimulan ng mga misyonero at pinagpatuloy ni Rizal at ng mga naunang Balagtasista hinggil sa tugma’t sukat ng panulaang Tagalog. “Pormalismo” ito dahil nagsisimula ang pagsisiyasat sa pagtingin sa anyo ng teksto habang inilalagay ang mga paglikha ng teksto sa daloy ng kasaysayan. “Filipino” ito dahil hindi na lamang ito Tagalog, ito ay isang pagtuklas sa “henyong Filipino,” sa pagtatanggol ng katutubo at pagsanib ng mga pamanang naturalisado sa pananakop ng Kanluran. Hindi raw ito postmodern, postcolonial, o postformalism.

Dalawa ang pakay ng “Bagong Pormalismong Filipino,” una, palawakin at pahabain ang pambansang gunita at, ikalawa, payabungin ang sariling wika ng panunuring pampanitikan. Para kay Almario, mahalaga ang dalawang pakay para “makaahon mula sa kumunoy ng komersiyalismo at paimbabaw” na “nasyonalismo ngayon” ang panitikan at kulturang Filipino.

Ngunit hindi ikinakaila ang impluwensiya ng Kanluran sa kanyang panunuri at ng iba pang panunuring pampanitikan sa Filipinas, mula sa mga salita hanggang sa mga konsepto. Ngunit iginigiit ni Almario na, sa paggamit ng mga “hiram” na kaalaman mula sa Kanluran, nababago ang hiram at nagiging bahagi ng poetikang Filipino. Halimbawa na lamang nito ang magkahiwalay na anyo sa nilalaman sa Kanluran ngunit ang hiwalay paradigmang ito ay hindi naganap sa Filipinas.

Pagbubuod ng “Mutyang Dilim”

Nahahati ang “Mutyang Dilim” sa 11 kabanata o artikulo, hindi kasama ang panimula. Ang lahat ng mga artikulo ay isang paglapit at pagbabasa sa mga tula kasama na rin ang ilang mga pananaw at saliksik ni Almario tungkol sa panitikan at nasyonalismo.

Ang unang gawa na binasa ni Almario ay ang “Caguilaguilalas na Buhay ni Juan Soldado,” isang awiting pasalaysay na sinulat ni Pascual H. Poblete. Binigyang pansin ng pagbasa ang katangiang kababalaghan at kagila-gilalas ng tula. Kababalaghan ito dahil sa paggamit ng mga kakaibang “katotohanan,” ang pagbaba ni Jesus at San Pedro sa lupa at ang engkwentro ni Juan kay Kamatayan. Kagila-gilalas dahil sa mahiwagang supot, maikukumpara sa mga kagila-gilalas na mga anting-anting at agimat ng mga pamahiin at epiko.

Kung ihahanay ang tulang ito sa depinisyon ng panitikang kagila-gilalas ni Tzvetan Todorov, may paglihis ang “Caguilaguilalas na Buhay ni Juan Soldado” dahil walang pagkamangha’t pagkagulat sa tono ng tagapagsalaysay. Dalawa ang haka ni Almario kung bakit. Una, kung may taimtim na paniniwalang Kristiyano ang tagapagsalaysay, walang dapat ipagtaka sa mga naganap na kababalaghan. Pangalawa, isang parikala ang tula ni Poblete sa lumalaganap at patuloy na tinatangkilik na uri ng panitikang kagila-gilalas.

Pinag-usapan naman ni Almario ang erotika desexada sa sumunod na artikulo. Binasa niya ang “Habang Nasa Antipolo Ka” ni Lope K. Santos. Pinag-usapan ni Almario ang simulain at tradisyon ng erotika desexada sa panulaang Filipino at pakay ni Santos sa tula. Nagsimula ang erotika desexada sa umiral na estetika at moralidad noong panahon ng Kastila. Kailangang umiwas sa “tawag ng laman” kaya kinakailangang maglikaw ng mga mabulaklak na salita at matatamis na hambingan sa kalikasan. Sa pakay ni Santos, ang tula ay isang panggagagad sa mga tulang sumusunod sa erotika desexada, ginagawa ni Santos ang panunulang erotika desexada para ipakita na “arte” na lamang ang panunula sa kanyang mga kapanahunan. Ngunit hindi lumabas at magtangkang baguhin ang panuntunan sa erotisismo si Santos. Tinataguyod pa rin ni Santos ang “wasto, matipid, marangal, at masiglang” katangian ng erotika desexada.

Sunod ay ang artikulong Ang Bait ng Panggagagad sa “Ang Matanda” ni Benigno Ramos. Ginagaya ng tula ang lumang kuwento ng naghahanap na matutuluyang Maria at Jose ng bibliya at ginamit ito sa isang kasalukuyang sitwasyon. Ang tula ay kontra-establisiyamento, laban sa Simbahan na namana ng mga Balagtasistang kagaya ni Ramos mula sa mga Propagandista at Himagsikan. Ngunit ginagimit ni Ramos ang ilang mga katangiang Modernista upang palabasin ang kanyang pananaw. Isang halimbawa ang tula ng magkaibang pananaw at pagsusulat sa pagitan ng mga Balagtasista at Modernista.

Ang Antaeus syndrome at ang paulit-ulit na pagbabalik ang tinalakay sa pagbabasa ng tulang “Ang Pagbabalik” ni Jose Corazon de Jesus. Ang Antaeus syndrome ng tula ay makikita sa tema ng pag-alis at pagbalik. Isang pagtingin sa masakit at masaklap na karanasan ng pag-alis sa pamilya’t tahanan para makipagsapalaran sa ibang lugar.
Binigyang pansin ng pagbasa ang katangian sa anyo ng tula. Puno ng paulit-ulit sa salita at diwa ang tula habang mapaglaro rin ito sa imahen. Mayroon ding mga ginawang pagtiwalag si de Jesus, pagkarating sa taludturan. Sa mga katangiang ito, mukhang masinsinan ang pagsulat sa tula ni de Jesus. Taliwas ang mga katangian ng tula mula sa kilalang pagiging “transparent” sa mga popular na tula ni de Jesus.

Marxismo at Pormalismo ang ginamit ni Almario sa kanyang muling pagbabasa ng “Three O’Clock in the Morning” ni Cirio H. Panganiban. Sa Pormalismong pagbabasa, inuulit lamang ni Almario ang ilang mga sinabi niya mula sa una niyang pagbabasa ng parehong tula sa “Ang Makata sa Panahon ng Makina,” ang madulang takbo ng dula. Dagdag na napansin ni Almario ang parikala sa mga imahen ng tula. Sa pagsusuring Marxista, binigyang pansin ang dekadenteng buhay na dulot ng modernisasyon at Amerikanisasyon. May pagkamoralista ang tula laban sa dekadenteng pamumuhay ngunit iniwasan ni Panganiban ang ordinaryong didaktikong balangkas na karaniwan sa panahon niya. At kung tatanungin kung para kaninio ang akda, naniniwala si Almario na ito ay natutok sa mga burges.

Binigyang pansin naman ang “kaakuhan” at panunula ni Alejandro G. Abadilla sa Ang Kaakuhan ng Makata at “Masusupling Ako sa Iyong Kawalan” ni Alejandro G. Abadilla. Sa pagsasaliksik ni Almario, makikita na ang tulang “Masusupling Ako sa Iyong Kawalan” ay isang sagot sa kritisismo ni del Mundo sa “Ako ang Daigdig.” Isa rin halos paglalahad ng mga paniniwala at komentaryo ang iba pang mga tula ni Abadilla, ang kaakuhang paghihimagsik laban sa mapaniil na ikaw. At dahil sa kanyang ipinakilalang pagbabago, ang “Ako ang Daigdig” ni Abadilla ang naging sagisag ng Modernismo.

Ngunit binigyang pansin din ni Almario ang iniambag na pagbabago ni Abadilla sa taludturan, hindi lamang sa pagpapakilala sa malayang taludturan ngunit pati na rin sa pagpapalawak ng sukat ng mga taludtod mula sa kakaunting panukalang sukat ng mga Balagtasista. Binibigyang galang ni Almario ang mga nagawa ni Abadilla sa panulaang Filipino.

Eksperimental na paghihiram ng mga banyaga ang tema at pokus ng pagbabasa ng “Valediction sa Hillcrest” ni Rolando S. Tinio. Ginunita ni Almario ang kolonyal na karanasan natin. Inaamin naman ni Almario na ang pagtatagpo ng katutubo at banyaga ay hindi kalimitang mapait o kaya ay masaklap. Ang pagtatagpo ay nagdudulot ng pagbabago na maaaring maging kapaki-pakinabang, patas man o di-makatwiran ang sitwasyon ng pagtatagpo.

Binibigyang pansin ni Almario pagdadalawang-loob sa kasaysayan ng Filipinas, ang hatak ng benepisyo ng wika ng mananakop laban ng sa katutubong wika. Binibigyang dramatisasyon ng tulang “Valediction sa Hillcrest” ang pagdadalawang-loob sa kasaysayan ng Filipinas. Ngunit iginigiit ni Almario na nasa sinakop ang kakayahan na tanggapin kung ano man ang ibinibigay ng banyaga.

Pinag-usapan naman ang tradisyonal sa “Doon Po sa Amin” ni Teo T. Antonio. Hinalungkat ni Almario ang tradisyon na pinagmumulan ni Antonio. Ang tradisyonal na pagkamulat ni Antonio at ang tradisyon ng mga tulang “doon-po-sa-amin” ang binigyang pansin ni Almario. Tinalakay muli ang magkaibang operasyon ng tradisyunal at makabago sa paggagad.

Eksistensiyalistang paglapit ang ginamit ni Almario sa kanyang pagsusuri sa “Paghabol ng Dyip” ni Elynia S. Mabanglo. Ginawa rin itong halimbawa ng mithiing paloob ng mga Modernista sa kanilang pagtula, nagpapaliwanag at kalimitang naglalarawan. May eksistensiyal na katangian ang tula dahil sa deshumanisasyon at pagkakaroon ng Kawalan para sa persona ng tula. Pinapansin rin ni Almario ang feministang pagkiling sa tula ni Mabanglo ngunit hindi na niya ito lubusang pinag-usapan.

Ipinagtanggol ni Almario ang tulang “Katipan” ni Mike L. Bigornia mula sa “sexist” na paghahatol ni Mabanglo. Iginigiit ni Almario na hindi isang basta-bastang “sexist” na pagbabalangkas ang ginagawa ni Bigornia sa tula. Ipinakita niya na isa itong pagtutunggalian, isang sagutan ng senswal at moral, ng temporal at eternal, at ng materyal at espiritwal. Pinapaigting ng mga tunggaliang ito ang moral na suliranin at kasawian ng pag-ibig ng persona. Sumasang-ayon naman si Almario na pagtatalik nga inilalarawan sa tula, ngunit masyado namang mapangahas ang paghuhusga ni Mabanglo.

Erudisyon sa katutubong kaalaman ang paksa sa huling artikolo. Ang mga tulang “Apokripa kay Maykapal” ni Vim Nadera at “Marcos” ni Roberto T. Añonuevo ang sinuri ni Almario. Sa mga tula, ginagamit ng mga makata ang kanilang kaalaman sa mga mitolohiya, alamat, at epiko upang makabuo ng bagong gamit sa luma sa kasalukuyang karanasan at panahunan.

Hinahamon ng mga tula ang kaalaman ng mga Filipino, iskolar man o pangkaraniwang mambabasa, tungkol sa mga luma’t katutubong mitolohiya’t epiko. Pinatitingkad ng mga tulang ito ang “mis-education” ani Renato Constantino ng mga Filipino dahil sa kolonyal na proyekto ng mga mananakop. Nagiging kulang rin ang kaalaman ng mga Filipino dahil sa impluwensiya ng kolonyalismong Espanyol at ang liberal at demokratikong kaisipan mula sa Propaganda’t Himagsikan kaya naisasantabi ng mga Filipino ang katutubong nakaraan.

Puna

Sa panimula ay may kaunting pagkukulang si Virgilio Almario. Hindi gaanong malinaw kung bakit hindi postmodern, postcolonial, o postformalist ang kanyang panukala. Problematiko ito dahil, sa isang banda, may kaunting katangian ang Bagong Pormalismong Filipino mula sa tatlong teoryang nabanggit. Katangi-tangi nga lang ang makabayang hangarin ng Bagong Pormalismong Filipino.

Mas patas na ang pagbabasa ni Vigilio Almario sa “Mutyang Dilim” kumpara sa “Ang Makata sa Panahon ng Makina.” Hindi na lamang pagtingin sa porma’t anyo ng tula, isinasakonteksto ang gawa, at ang kahalagahan ng gawa, sa proyekto ng pambansang kaakuhan.

Sa unang artikulo, ang kagila-gilalas na katangian ng panitikang Filipino ang naging pokus. Tanging kahinaan lamang ng unang artikulo ay hindi pa gaanong aral ang panitikang kagila-gilalas pati na rin ang kasaysayan at talambuhay ni Pascual Poblete.

Sa ikalawa, malinaw ang mga pamamaraan ng erotisismo ng mga Balagtasista’t Moderno ngunit medyo malabo ang sa sinauna’t katutubo. Kagaya ng sa una, kakulangan pa rin sa kaalaman tungo sa panitikan ng katutubo’t sinauna.

Sa ikatlo, isa itong pagpapaliwanag sa mga katangian ng Balatasismo’t Modernismo. Ang ang kontra-establisiyamentong katangian ng Balagtasismo’t ang mahinahon na pagnunula ng Modernismo. Isang magaling na pagbabasa, wala akong masabi.

Sa ikaapat, inaamin ko na nalito ako sa mga ginamit na salita ni Almario sa kanyang pagbabasa ng “Ang Pagbabalik.” Nawalan ako ng oras para hanapin ang mga ibig sabihin ng mga Griyegong salita at nagpapaumanhin ako. Ngunit naintindihan ko naman kung bakit mahalaga ang kadang ito ni Jose Corazon de Jesus, ang mala-“timelessness” na tema at ang matimping pagsusulat ng tula.

Sa ikalima na artikulo, masasabi kong medyo iba ang pagbabasa ni Almario sa gawa. Hindi ko alam pero parang may puntong gustong sabihin sa Almario rito. Para bang nabababawan siya ng kaunti sa kanyang pagbabasa. Para siya naiipit at sinasakal ng “palasak” na pagbasa.

Sa ikaanim, isa itong pagbawi sa kanyang sinabi sa “Ang Makata sa Panahon ng Makina” tungkol sa Alejandro G. Abadilla. Mas masinsinan ang pagbabasa, hindi na lamang ang diwang “rebelde” ang nakita ni Almario sa bantayog ng Modernismo’t kabaguhan. Binigyang halaga na ni Almario ang pilosopiya ni Abadilla pati na rin ang iniambag ni Abadilla sa larangan ng tugma’t sukat. Kulang na lamang na lantaran niyang sabihin ang kanyang paumanhin dahil walang kaalaman at kontribusyon ni Abadilla ang hindi binigyang pansin ni Almario.

Sa ikapito, ang panghihiram at ang pagpapalago ng wika ang kanyang pinunterya. Binibigyang halaga ni Almario ang malay na panghihiram at pag-angkin. Nagiging mapagbabala si Almario sa ating pag-angkin ng ibang wika. Madali itong sabihin para sa mga makata’t iskolar ngunit mahirap na mapatotoo para sa mga ordinaryong Filipino.

Ang ikawalo na gawa ay isa ulit na paghalungkat sa kasaysayan at kumbensiyon ng panitikang Filipino. Inihahanay ang tula ni Teo Antonio sa tradisyon upang malaman ang konteksto’t kaibahan nito. Puna ko lamang ay parang nauna ang pagsasakonteksto hindi ang pormalismong pagbabasa.

Sa ikasiyam, maihahambing ang pagbabasa sa tula ni Elynia Mabanglo sa pagbabasa kay Abadilla, pilosopikal. Ngunit ang akda ay may kaunting bahid ng feminismo kaya parang hindi "swak na swak" ang pagbabasa ni Almario.

Sa ikasampu, madaling paratangan ng pagkiling si Almario sa pagbabasa. Ngunit para bang gusto ring itama ni Almario ang mga pagpuna ni Mabanglo para mas mahinahon na feministang pagbabasa. Para bang ayaw ni Almario na gawin ni Mabanglo ang parehong mga pagkakamali.

Sa huling artikulo, madaling paratangan na “nativist” ang pagbabasa ni Almario. Ngunit ang tanging hinahangad niya ay ang paghahanap ng ikatlong konstelasyon. Hindi naman niya sinasabi na baliwalain ang una at ikalawang konstelasyon ng ating kamalayang pagka-Pilipino. Ngunit medyo bumalik ang palaban na tono ni Almario sa artikulong ito. Kaunting silip sa Almario ng nakalipas.

Dahil mga artikulong sinulat sa iba’t ibang taon, mula 1990 – 2001, may ilang mga nabanggit si Almario na nasa magkaibang dulo ng spektrum. Kaya nagtutunog na salungat ang kanyang ilang sinabi ngunit hindi naman.

Ang pinakamalaking problema nga siguro ng aklat ay ang kawalang ng kaisahan sa boses. Watak-watak ang ilang mga ideya tungkol sa wika at diwa, kailangan ng kaunting pagtatagpi ang mambabasa para mabuo ang watak-watak na ideya.

Hindi rin malinaw ang paggamit ng Kanluraning teorya’t lapit. Nagbabala si Almario sa mga mambabasa tungkol sa kolonyal na proyekto ng Kanluran. Nagmumukha kasi itong kontra-Kanluran na kailangang talikuran ang Kanluran. Problematiko ito dahil gumagamit si Almario ng mga Kanluraning paglapit na hindi maiaalis sa kanyang pagbabasa. Hindi man magkasalungat, nakakalito.

2 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

hindi sya maganda

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

di ko po xa magets eh..