Panimula
Mahilig gumawa ang tao. Noong simula, gumawa at umimbento ng mga kagamitan ang mga ninuno ng sangkatauhan. Nakakatakot at mapanganib ang mga hayup kaya gumawa sila ng mga sandata. Mas masarap ang pagkain kapag linuluto kaya gumawa tayo ng mga putahe. Umiimbento tayo ng mga bagay-bagay para maging mas madali ang buhay.
Ngunit hindi lamang mga bagay ang ginawa at inimbento ng tao. Hindi nagtagal nagsimula tayong gumawa ng mga institusyon, kagaya ng mga lungsod, mga kaharian, mga relihiyon, at mga paaralan. Mula sa mga maliliit na mga komunidad, gumawa tayo ng mga mas komplikado at mas malaking mga sistema para maging mas madali ang buhay.
Di nagtagal, naging di mahirap ang mga institusyon, naging di makatao. Kung hindi man tuluyang bumagsak, binalikwas ang mga institusyon na mga ito. Pinalitan, binago, iniwanan. Patuloy pa rin hanggang ngayon ang pagbabago ng mga institusyon. Dahil siguro nagbabago din ang tao. At nagbabago ang tao dahil sa kanyang patuloy na paghahanap ng kaganapan, o di kaya, ng sarili.
Isang tuluyang pag-imbento at muling pag-imbento ang mundo ng tao. Isa ring tuluyung paggawa ang tao. Ang mga imbensiyon natin ay kalimitang walang tigil. Ang mga institusyon ay kalaimitang walang tulog. Ngunit hindi natigil gumawa ang tao.
Nagsisimula sa Isang Tanong
“Bakit?” Isang tanong na napakahirap sagutin. Tinanong ko sa sarili ko ang tanong na iyon noong naglalakad ako papunta sa istasyon ng MRT. Pero dahil napakahirap nga ang tanong na ito, tumigil na ako sa pagmumuni-muni at binago ko ang tanong, “Bakit napakahirap sagutin ang tanong na ‘bakit’?”
Bakit nga ba napakahirap sagutin ang tanong na “bakit?” Marahil, kailangang tanungin kung saan patukoy ang tanong. Sa isang gawa ba? (Bakit ko ito ginawa (kilos)?) O sa isang pangyayari? (Bakit ito nangyari?) Makikita na ang dalawang tanong ay malapit. Ngunit ang pinagkaiba, pinapatukoy ng unang tanong ang dahilan ng mga gawa na nagmula sa sarili habang ang pangalawa ay patungkol sa mga gawa na di nagmula sa sarili.
Ngunit paano ang dahilan sa buhay? Sa totoo lang, walang dahilan ang buhay. Hindi naman talaga natin alam kung bakit tayo nabubuhay. Ngunit naniniwala ako sa sinabi ni Fr. Dacanay sa isa sa mga pangaral niya sa Theology 131, “Nabubuhay tayo sa ating mga gawa.” Walang iisang dahilan para mabuhay ngunit sa paggawa ay napapamalas natin na tayo ay buhay.
Ano ang Gawa?
Ang gawa ay likas na maganda, sabi ni Karl Marx. Para kay Marx, iyon lang ang kailangan nating malaman para sa tayo gumawa. Hindi natin kailangan ng kapalit. Ngunit iba ang aking ideya ng gawa’t kilos kumpara kay Marx. Ang gawang iniisip ko ay ang mga gawa hindi lamang patungo sa mga obheto, mga produkto’t bagay, kundi pati na rin sa mga subheto, mga batas at institusyon. Kalimitan ang gawa ay kombinasyon ng obheto at subheto, batay sa mga paniniwala nina Platon at Aristoteles.
Isa pa, ang gawa na iniisip ko ay mga gawa mula sa sarili patungo sa kaiba. Malawak ang saklaw ng gawa na iniisip ko ngunit ang buong pokus ng aking papel ay hindi ang gawa’t kilos ngunit ang dahilan ng mga gawa, ano mang uri ito.
Ngunit maaari kong hatiin sa dalawa ang ideya ko ng gawa’t kilos, malikhain at mapanira. Malikhain kagaya ng pag-imbento at pagsusulat. Basta’t mapagbuo para sa kaganapan ng sarili’t kaiba. Mapanira kagaya ng digmaan at karahasan. Basta’t mapanira laban sa paglago ng sarili’t kaiba.
Mababaw lang at di komplikado ang aking depinisyon ng gawa dahil ang tunay ko naman talagang pakay ay hanapin ang panloob na dahilan o rason ng mga gawa. Gusto ko lang biglang liwanag kung ano nga bang gawa ang tinutukoy ko.
Dahilan ng Gawa/Kilos
Ang Makasariling Dahilan
Kalimitan ay makasarili ang mga dahilan ng ating mga gawa. “Ano ba ang mga biyayang makukuha ko kapag ginawa ko ito?” tatanungin natin paminsan-minsan Kaya nakakatuwa ang gawa. Nagmumula ito sa sarili ngunit nakatuon sa kaiba o sa labas ng sarili. Dahil nga nagmumula ito sa sarili, iniisip natin kung ano ang makukuha natin mula sa mga gawa natin. “Sayang ang effort,” sabi-sabi sa tabi-tabi. Ito ang unang dahilan ng gawa, ang makasariling dahilan. Ang makasariling dahilan ay masasabing awtomatiko at karaniwang dahilan natin sa ating mga gawa.
Problematikong dahilan ang makasariling dahilan dahil ang gawa ay panlabas. Kapag gumawa ang sarili, kalimitan may epekto rin ito sa iba at hindi lamang sa sarili. Ayon nga sa pag-iral-kasama-ang-iba, kabahagi tayo ng mundo at kailangang isaalang-alang ang katotohanang ito. Kaya kapag idadahilan natin ang isang makasariling dahilan sa iba kung “bakit,” magiging masama ang pagtingin sa atin.
Ang Makalipunang Dahilan
Mayroon din namang mga gawa kung saan hindi makasarili ngunit pangkalahatang ginhawa ang sanhi’t dahilan. “Gagawin ko ito para sa ikabubuti ng lahat,” kung ilalagay sa isang proklamasyon. Naroon pa rin ang pagtuon sa sarili ngunit hindi na lamang ang sarili binibigyang halaga para sa gawa. Ito ang pangalawang dahilan ng gawa, ang makalipunang dahilan.
Mayroon pagkilala ang makalipunang dahilan sa katotohanang umiiral-kasama-ang-iba ang sarili. Ngunit dahil naroon pa rin ang sarili sa pomulasyon ng dahilan, baka hindi ibigay ng sarili ang kanyang buong lakas sa mga gawang para sa iba dahil naiipit ang sarili.
Ang Mapagmahal na Dahilan
Ngunit mayroon din namang dahilan ang isang gawa na hindi makasarili. Sa totoo lang, walang pakialam ang isang tao sa sarili kapag ito ang dahilan ng gawa. “Para ito sa iyo,” kung ilalagay natin itong dahilan na ito sa isang proklamasyon. Ito ang pangatlong dahilan ng gawa, ang mapagmahal na dahilan.
Ang mapagmahal na dahilan ay salungat sa makasariling dahilan. Nagmumula ang mapagmahal na dahilan mula sa ating pakikitungo sa iba. Mahalaga ang isang malapitan at masinsinang pagkikisama sa kaiba. Kaya napapamahal tayo sa kaiba. Umiibig tayo dahil namumulatan tayo sa kahalagahan ng kaiba. Winawasak ng pag-ibig ang ating makasariling pagtuon. Ang mga mapagmahal na gawa ay hindi hinihingi ng kaiba ngunit ginagawa pa rin ng sarili dahil kakaiba ang pakiramdam ng gawang mula sa mapagmahal na dahilan kaysa sa makasariling dahilan.
Mapapansin na malapit sa pagsagot ng dahilan ng mga gawa ay sinasagot rin ang pakay ng mga gawa. Nanggagaling sa sarili, sa lipunan, at sa kaiba ang ating mga dahilan dahil ang sarili, lipunan, at kaiba’y naaapektuhan ng mga gawa. Ang sarili, lipunan, at kaiba ang patutunguhan ng gawa at ang sarili, lipunan, at kaiba ang pinanggagalingan ng dahilan. Nakakalito dahil sa mala-cycle na paggalaw. Tanungin na lang, kung hindi para sa sarili, para sa lipunan o di kaya’y para sa kaiba ang papupuntahan ng gawa, para saan pa? Bakit pa ako gagawa kung hindi lamang para sa sarili, para sa lipunan, at para sa kaiba?
Dahilan ng Pangyayari
May mga pangyayari na nadarama ang sarili. Ang mga pangyayari, sa isang deconstruction, ay mga gawa ng kaiba. Kagaya ng pag-apekto ng gawa ng sarili sa kaiba, naaapektuhan din ng mga gawa ng kaiba ang sarili.
Kaya ang mga dahilan sa gawa ay dahilan rin ng mga pangyayari. Imbes na manggaling sa sarili nanggagaling sa iba ang mga pangyayari. Kaya iba ang pakiramdam ng pangyayari dahil hindi na ito nagmumula sa sarili. Nakakagulat kung sasampalin ako ng isang babae hindi ko alam kung ano ang dahilan. Isa pang sitwasyong nakakagulat kung hahalikan ako ng isang bakla. Hindi ko alam kung ano ang iniisip nila. Kalimitan tatanungin natin ang ating sarili pagkatapos ang sitwasyong sinabi ko kanina, “Anong ginawa ko? Ano sa akin kaya nila ginawa iyon?” Hinahanap natin mula sa ating sarili ang dahilan ng mga pangyayari ngunit wala sa sarili ang dahilan, nasa kaiba.
Ngunit nasa kaiba ang dahilan ng kanilang gawa at wala sa sarili. Kailangan nating makipag-usap at makipagdiyalogo upang malaman ang kanilang dahilan. Sa isang banda, kailangan malaman ng sarili kung ano ang dahilan ng kaiba dahil naaapektuhan ng gawa ng kaiba sa sarili. May karapatan akong malaman kung bakit ako sinampal ng babae at minolestiya ng bakla. Hindi na lamang isang pagmumuni ang kailangan para malaman ang dahilan ng kaiba sa kayang mga gawa, kailangan nito ng diyalogo.
Paano ang Di-Paggawa?
Paano ang di-paggawa? Ang di-paggawa ay isa sa maraming desisyon at posibilidad na kayang gawin ng tao. Ang mga dahilan ay saklaw, hindi lamang ang mga gawa, kundi pati na rin ang di-paggawa dahil isa itong posibilidad mula sa pagpapasya ng sarili. Maaari akong di-gumawa dahil, sa isang makasariling dahilan, makakasama sa akin kung may gagawin ako. Hindi ako gagawa dahil hindi makakabuti para sa lahat ang aking gagawin. Sa isa namang mapagmahal na dahilan, wala akong gagawin dahil makakasagabal lamang ang aking mga gawain sa aking minamahal.
Ang Mahirap sa Paghahanap ng Dahilan
Mahirap malaman ang mga dahilan ng ating mga gawa dahil kalimitan hindi naman talaga natin iniisip kung bakit. Hindi tayo nagtatanong. Kalimitan ay na-react lamang tayo o di kaya’y ginagawa ang nakasanayan na. Kaya mas madaling paniwalaan ang mga teorya at pagsasaliksik ng mga doktor ng sikolohiya. Hindi na natin kailangan isipin kung ano ang dahilan ng ating mga gawa dahil, ayon sa X na teorya, ganoon ang kalikasan ng tao.
Ngunit mas naniniwala ako sa sinabi ni Gabriel Marcel na napapamuni lamang tayo dahil nagugulat tayo. Mahalaga, para malaman ang sagot, na magtanong muna tayo. Tumigil at pansinin ang ating sarili. Kung hindi, magmimistulan na lamang tayong mga robot o makina, nagawa’t umiiral hindi naman alam kung bakit. Kung walang dahilan, bakit pa tayo umiiral?
Isa pang rason kung bakit mahirap sagutin ang dahilan ay ang pinagkaiba natin sa isa’t isa. Kaya napakahirap sagutin ang tanong na “bakit” sa mga gawa at pangyayari dahil iba ang ating sarili sa iba at ang bawat tao sa atin. Iba ang katabi ko sa MRT sa mga guwardiya sa pasukan at bukana ng istasyon kagaya ng pinagkaiba ko sa lahat ng taong nagbabayad sa bataran ng ticket. Iba-iba kasi ang pakikitungo natin sa iba at kasama na rito, iba-iba rin ang pakikitungo ng iba sa ating sarili. Kaya ang lahat ng ating gawa ay hindi natin mailalagay sa iisang uri ng dahilan, relatibo at subhektibo ang ating mga dahilan.
Kaya ang tanong na “bakit” ay hindi lamang isang tanong patungkol sa ating pakikitungo at pakikisama sa kaiba kundi ang pakikitungo ng kaiba sa atin. Ang paghahanap ng dahilan ay hindi lamang patungkol sa sarili, patungkol din ito sa kaiba. Madaling malaman kung ano ang pagtingin ng ating sarili sa kaiba. Kaunting pagmumuni-muni, nalalaman na natin ang ating mga personal na mga isipin at damdamin. Ngunit mahirap malaman kung ano ang pagtingin ng kaiba sa ating sarili. Kaya mahalaga ang pakikipag-usap, ang diyalogo sa kaiba. Sa diyalogo, malalaman natin ang dahilan ng kaiba.
Pagtatapos
Komplikado ang paghahanap ng dahilan, ang paghahanap ng sagot sa “bakit,” dahil komplikado ang tao. Kagulat-gulat ang tao. At kalimitan ay gumagawa’t kumikilos tayong hindi nag-iisip. Kaya kinakailangan na magmuni ang tao pagkatapos gumawa’t kumilos hindi lamang para sa dahilan, hindi lamang para sa sarili, para na rin sa kaiba. Kailangan nating pag-isipan ng mabuti ang ating mga gawa dahil kayang gawin ng isang gawa na baguhin ang daloy ng buhay ng sarili at ng kaiba.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento