Maligalig ang paggising ko. Ginising ako ni Ninang ngunit ayoko ko pa. Pinilit ko na lamang binangon ang aking sariliat parang lasing na naglakad papunta sa banyo para maligo. Handa na ang lahat ng dadalhin, kailangan ko na lang dalhin ang sarili ko pero para pa yatang ayaw ko dahil sa antok.
Umalis ako kasama ng pamilya ko mula ng San Pablo papunta ng paliparanng mga alas 4 ng umaga. Nakatulog ako habang nagbibiyahe at nasa NAIA na kami nang magising ako.
Hindi pa bumabaon ang sa aking kamalayan na paalis na ako ng bansa. Ang katotohanang kasama ko ang buo kong pamilya ay nagpagaan ng loob ko.
Alas 6 y medya ay nakalinya na kami para mag-check-in ng mga bagahe, anim lahat-lahat na mga maleta at balik-bayan box. Ngunit hindi pa bukas noon ang check-in counter kaya naghintay kami ng hanggang alas 7 y medya nang magbukas na ang counter. Doon na kumapit sa aking isipan ang mga mangyayari sa darating na mga linggo. Mga walang tigil na pamamasyal, paggagala, at lalakad, mga bagay na hindi ko lubusang gusto ngunit pipiliting gawin. Mas gusto ko na lang na manatili sa isang sulok ng mundo na walang makikialam sa buhay ko. Iyon ang bakasyon. Walang pinoproblema maliban kung anong kailangang gawin na walang katuturan. Ngunit may-isang bahagi ng sarili ko ang gustong makaranas ng mga bagay-bagay mula sa pagpapalipas panahon na ito. Makita ang mga kakaibang bagay at malaman ang mga walang kakuwenta-kuwentang mga bagay.
Kaya halo ng pag-asam at kaba ang naramdaman ko nang tumungtong na ako sa Boeing 747 ng Japan Airlines. Ang destinasyon namin ay Orlando ngunit kailangan naming tumigil paliparan ng Narita at Los Angeles. Humigit-kumulang 24 na oras na walang tigil na paglalakbay at paghihintay sa pagdating sa pinaroroonan.
Unang ginawa sa flight ay kumain ng mani at crackers ng airlines. Hapon na crackers. Hindi lamang simpleng mani o pretzels ng ibang airlines. Pagkatapos noon ay nagtangjalian na rin kami kaagad pagkatapos magmerienda. Beef stroganoff ang pinili ko mula sa limitadong menu nila. Masarap naman eh. Parang menudo na nigay sa pasta. Ok din. Hindi ko nga lang gusto ang mga sidedish. Lusaw pa ang butter para sa tinapay.
Apat na oras lang ang flight papunta ng Narita. Yung stop-over namin doon ay nakakapanggigil. Hindi kami ng check-in ng bagahe peri nagmamadali naman kami ng sobra. Patalon-talon kami mula sa isang bahagi ng paliparan papunta sa isa. Ilang bus din ang sinakyan namin bago kami makasakay sa sasakyang eroplano. Hindi nga masarap ang sakay namin doon sa bus na pinasakay sa amin. Talo pa ang mga jeep ng Pinas sa pagpapatalsik ng mga pasahero. Ngunit mabilis din naman ang pagsakay namin sa connecting flight papuntang L.A. Kailangan eh. Wala pang isang ay dapat na nakasakay na kami ng eroplano. Kaya kailangan na mabilis lang kami.
Kaya eto, nakasakay na sa isang Boeing 777 ng American Airlines. Katabi ko si Mama. Maligalig, as usual. Nagreklamol sa landing, pagtulog, paghihintay, at pagkabagot. Ok lang. Tutal ay hindi siya nakasimangot at nagmumukmok. Limang oras bago makarating ng L. A. Dalawa pang walang kagana-ganang airplane meals. Masarap sila pero nakakawalang gana. Wala na akong masasabi. Pagdating ko na lang ng Florida.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento