Noong Huwebes ay nag-Visita Iglesia ang buong pamilya. At nagsimula kami sa pinagpipitagan kong San Pablo Cathedral ng San Pablo City. Dito ako bininyagan, nag-baccalaureate mass noong ako ay matatapos na sa Mataas na Paaralan, at dito rin kinasal ang mga magulang ko.
Hindi ako sigurado pero ang Cathedral ang isa sa pinamalaking simbahan sa lalawigan. Maliban sa malaking simbahan ay may plaza pa ito napakalawak, Iba pang mga gusaling ginagamit sa iba't-ibang gawain, at isang eskwelahan na dating Ateneo de San Pablo (Liceo de San Pablo). May halong Baroque at Rococo ang disenyo ng simbahan, hindi lang ako sigurado. Ilang beses na rin kasing pinaayos ang simbahan. Wala pang masyadong tao noong dumating kami sa simbahan kaya maginha-ginhawa noon.
Sumunod sa binisita namin ay ang Simbahan ng Calauan. Patron nito si San Isidro Labrador. Maliit lamang ang simbahan kung ikukumpara sa Cathedral. Mala-Neo-Classical ang disenyo pero mukhang "pirated" sa modernong katawagan. Pilit ginagaya ang disenyo ng mga simbahang Renaissance pero ang pangit ng pagkakagaya. Maganda-ganda lang ay ang paglalagay ng iba't-ibang imahen ng mga santo sa ibabaw ng mga istasyon. Bago umalis ay bumili ng surbetes na tinda-tinda sa labas ng simbahan ang mga kapatid ko. Wala lang. Kasi ganoon din ang ginawa nila noong nakaraang bisita namin sa simbahang iyon, bumili ng surbetes.
Sumunod ay ang Simbahan ng Pagsanjan. Nakakatwa ang simbahang ito. Luma at walang kapintu-pintura ang labas nito samantalang napaka-moderno at pintado ang loob nito. Moderno kasi walang bahid ng kalumaan ang loob. Walang mga kurba at disenyong makikita sa ibang lumang simbahan, panay mga matitilus na sulok ang mayroon ito. Pero bagay naman iyong panloob na disenyo sa altar na ginto nito. Hindi mapapagala ang mga tamo dahil napakapayak ng kapaligiran, mapapatingin ka lamang sa harapan dahil talagang nagniningning ang altar. Ewan ko lang kung tunay na ginto iyon.
Pinuntahan naman naming sunod ay ang Simbahan ng Lumban. Wala akong masyadong natatandaan sa Lumban maliban sa tatlong relihiyosong stained glass sa kisame. Maganda sila kumapara sa mga nakalag sa mga bintana nito. Oo nga pala. Nang paglabas namin ay may nag-Visita Iglesia na mga tao na nakasakay sa isang bus. Kaya nang punuin ng mga taong iyon ang kalahati ng simbahan.
Ika-lima ay ang ang Simbahan ng Kalayaan. Matatagpuan ito sa isang burol at nahirapan pa ang kotse naming makaakyat doon. Nire-renovate siya kaya yung ika-sampung istasyon ay natatakpan ng isang hagdan. Maliit lamang siya, ang simbahan. Mukha nang pang-chapel lamang ang laki. Nakita ko rin doon ang dati kong guro sa THE, si Gng. Faylon. Wala lang. Hindi inaasahan na doon pa magkikita.
Sunod naming pinuntahan ang Simbahan ng Paete pero bago noon ay dumaan kami sa isang tindahan ng mang-uukit. Bibili ng ipinagbilin ni Ate Rowena, tita ko, na pasalubong pagkarating namin ng New Jersey sa darating na buwan. Pambihira ang Paete. Ang daming rebulto at imahen ng mga santo. Karamihan ay nasa loob ng simbahan nakalagay kasama ng mga karosa nito. Ang gaganda ng ukit. Hindi nga magkasya sa lumang simbahan kaya nilagay ang iba sa ibang gusali. Maraming mga bagong gawang ukit ng santo, kitang-kita sa magandang tabas na hindi nagmumukhang ivory ang mga mukha at may nila.
Mainit at maaraw sa Laguna pero hindi ako pinawisan. Mapreskong init ba. Sunod naman ay ang Simbahan ng Anitipolo. Bago kami makarating sa Lalawigan ng Rizal ay biglang umulan ng malakas. Mabuti na lang at tumila nang dumating kami ng Antipolo. Alas tres na ng hapon kami nakarating sa simbahan. Ang Simbahan ng Antipolo ang kaisa-isang simbahan na alam ko na pabilog ang disenyo. Marami nang tao sa loob, naghihintay sa di pa nagsisimulang misa. Dito namin tinapos ang Visita Iglesia. Bago kami umalis ay dinaanan muna namin ang Patron ng Antipolo para mahawakan ang damit nito. Dumaan kami sa likod kung saan ay mayroong simpleng museo tungkolsa kasaysayan ng simbahan at ng patron. Nagbigay ng kaunting dasal at nagpatuloy na rin kami. Nanood naman kami ng "The Passion of the Christ" ni Mel Gibson.
Maganda ang "The Passion." Wala namang binago sa kabuuang kuwento ng buhay ni Hesus. Totoo at hindi binago ang mga pangyayari sa pelikula sa mga pinagbatayang mga pangyayari. May kaunting mga dagdag pero nakakatulong naman iyon sa kabuuan ng kuwento. Realistiko ito at puno ng drama. Hindi niya niya sinundan ang daloy ng kuwento tulad ng sa biblia. Nilubos ni Direk Mel ang iba't-ibang magagawa mga epektong makikita mo lamang sa pelikula upang hindi magmistulang sinakulo ang pelikula kumpara sa ibang mga pelikulang patungkol kay Hesus. Anti-Semetic. Siguro. Kung gustong tingnan ng mga Hudyo at Israelita ang pelikula ng ganoon. Pero naging patas naman ang pagpapakita ni Mel Gibson sa mga kababayan ni Hesus. May mga nagpilitang magtanggol sa kanya at mayroon ding nagluksa ng lubusan sa pagpaparusa kay Hesus. Sa aking paniniwala bilang Kristiyano, hindi ang mga Hudyo ang pumatay kay Hesus, pinili niya iyon para iligtas tayo. Basta. Magiging turo sa Theology na ito. Basta maganda ang pelikula. Ito ang nag-iisang pelikulang patungkol kay Hesus na napaluha ako. Ramdam mo ang sakit na dinanas ni Hesus. Mapapaiyak na sana ako pero nagbibiro ang kapatid ko sa likod ko kaya hindi ko magawang umiyak. Ang luka talaga. Para lamang sa mga Kristiyano ang pelikula. Sila lang ang makaka-relate. Sa Hudyo at iba pang mga relihiyon ay mapapapikit sa dugo o, kung wa ipek, magkakamot lang ng ulo.