Linggo, Abril 11, 2004

Prusisyon

Noong Biyernes Santo ay pumunta kami ng pamilya ka sa Binangonan para manood ng prusisyon. Parang tradisyon namin iyong gawing magpapamilya. Tanghali kami dumating para iwas trapik. Tumigil muna kami sa bahay nina Ate Ting at Kuya Erik, kapatid ni Dad at ninong ko. Wala sila doon. Nasa Estados Unidos. Doon manganganak si Ate Ting. Para daw citizen agad ang anak. Masaya. May bago na namang pinsan.

Noong dumating kami doon ay nagmamahjong si Ka Tita, ina ni Ate Ting at ilang kasama. Isa sa mga manlalaro ay balikbayan. Nagbabakasyon. Hindi halata pero alalang-ala si Ka Tita kasi nagdudugo ng husto si Ate Ting doon. Pero noong hapong iyon ayos na naman ang kalagayan ng bata at ni Ate Ting.

Doon kami kumain ng tanghalian at nagpahinga. Hindi kami masyadong lumabas kasi napakainit doon. Mga dalawang oras na natulog lamang dahil nanghihgop ng lakas ang init. Lumabas na lamang kami ng mga alas singko ng hapon para magdasal ng Way of the Cross sa Simbahan ng Binangonan.

Maraming tao doon sa simbahan. Hindi pa naalis ang prusisyon at naghihintay na lamang silang magsimula. Lumana ang simbahan. Makakapal ang mga dingding nito. Gawa sa mga malalaking bato. Hindi siya pintado kaya kita ang pagkakatabas sa mga bato. Walang disenyong Baroque, Classical, o kung ano man. Gawa siya sa bato, parang makukumpara sa mga gawang gusali ng mga Aztec at Inca ang pagkakagawa nito. Wala ring kisame. Mga kalansay na kahoy na sumusoporta sa bungan ang makikita mo. Mga sangang kahoy gawa. Yung ibang kahoy ay hindi ginawang tabla kundi binalatan lamang na malalaking sanga. Kaya pang hindi mukhang dakila ang simbahan. Mas nagmumukhang dating fort. Pero ok lang, hindi magdadalwang isip pumunta ang mga tao doon.

Pagkatapos naming mag-istasyon ay pumunta na kami sa palagi naming pinapanoodan ng prusisyon, ang lumang bahay ng mga Cerda. Ancestral home ba. Ewan ko lang kung gaano nga ba katanda ang bahay na iyon. Basta doon lumaki si Dad at ang mga tita at tito ko. Marami nang nakakasalubong si Dad na mga kaibigan at kakilala sa daan habang papunta kami sa bahay.

Doon ay nanood lamang kami ng prusisyon. Nakadungaw sa bintana. Sabi ni Ma na mas maganda daw ang mga santo at karosa sa San Pablo pero hindi ko natatandaan kung nakita ko na. Pero hindi ang mga santo ang main attraction ng prusisyon. Ang gewang-gewang ang highlight. Ang mga lalaki ay dadalhin, hindi, bubuhatin ang patay na Kristo palibot ng bayan. Hindi lamang ito isang basta-basta na gawain. Mabigat at malaki ang Kristo. May umaangkas pa para mamuno sa "mob." Matindi ang eksena. Humgit isang daang kalalakihang panay nakaputi ang dahan-dahang maglalakad sa kalsada at sa gitna ng maraming tao ang patay na Kristo. Mabagal ang lakad ng Gewang-gewang kasi hindi organisado ang pagbubuhat. Maraming kalalakihan ang bubuhat at sila ay may sarisariling isip. kung kailan kailangan ng mob mentality ay doon pa nawalan.

Sa sobrang pagbagal ng paggalaw ng Gewang-gewang ay dumating ang balita na nanganak na nga si Ate Ting. Lalaki. Gusto sana nilang dalawa ni Kuya Eric ng isang babae pero ok na rin. May isa pang magdadala ng pangalang Cerda. Hindi alam ng mga kaangkan kung ano ang dapat bigyan ng atensiyon, ang balita o ang eksena.

Walang komento: