Lunes, Disyembre 08, 2003

Walang Magawa

Sa mga ganitong oras na walang magawa, ano ang gagawain mo? Marahil ay wala. Kaya diyan ka na lang muna sa isang tabi at magmuni-muni at mag-aksaya ng oras habang hinihintay mo ang mga bagong problema.

Huwebes, Nobyembre 27, 2003

Buwan

“Ang ganda diba?” batid ni Dad sa tanawin habang pauwi kami ng San Pablo. Dumadaan kami noon sa Baranggay ng Palita. At makikita mo doon ang Pasko ng Pilipino. Isang buong baranggay ng Christmas lights.

Bawat bakuran ng bawat bahay ay mayroong desenyo ng Christmas lights. Lahat ng puno, bakod, bintana at pinto ay may ilaw. Parang bumaba mula sa langit ang mga bituin at sumabit sa mga puno, humilera sa mga bakod, dumikit sa mga dingding, in-outline ang mga bintana. Sa sobrang dami at liwanag ng mga ilaw ay mapapansin mo ang mga pag-itan ng mga ilaw imbis ang mga ilaw mismo. Maganda daw sabi ni Dad. Hindi na kailangan ng mga kotse ang kanilang mga headlights sa sobrang liwanag ng mga ilaw. Para sa akin ay masyadong nakakasilaw ngunit nakakapangdala ang mga ilaw kaya hindi maalis ang mga mga mata ko sa kanila.

Mayroon talaga silang nakakapang-akit na katangian. Marahil, ang galaw ng kotse habang dumadaan kami ay nagdadadag sa nakakapang-akit nitong katangian. O baka naman dahil hindi lamang talaga ako sanay sa ganitong uri ng pagpapakitang-gilas ng ilaw.

Lunes, Nobyembre 17, 2003

Kaba

Puno ako ng kaba ngayon. Hindi ko maintindihan. Wala namang dapat akong problemahin. Nagsisimula pa lamang ang bagong semester. Wala dapat na alalahanin. Wala dapat na isipin.

Marahil ay natatakot lamang ako. Sa maaaring mangyayari sa bagong semestreng ito. Natatakot sa kawalan ng kasiguraduhan o kapit sa mga susunod na magaganap. Parang kagaya ng matitinding ulan na biglang dumadating. Sa simula ay hindi mo inaasahan na uulan dahil mainit pa at maaraw. Tapos biglaan na lamang uulan. Mabilis na kumalimlim sabay ng mabtinding pagbuhos ng tubig. Ang lalaki pa ng mga patak. Nakakatakot maglagad sa ilalim ng mga hampas nito. Wala ka pang makita sa malayo dahil sa sobrang kapal ng mga patak. At bilis ng pagdating nito ay biglaan din siyang titigil.

Parang ganoon ang pakiramdam ko ngayon. Parang napakaganda ng panahon sa simula hanggang biglang uulan at hindi ko makikita ang mga nangyayari. Natatakot ako na hamakin ang ulan. Tama ba iyon o hindi ay hindi ko alam. Basta nanghihinayang ako dahil sa bawat paglipas ng panahon ay hindi pa rin nawawala ang kaba sa dibdib ko.

Huwebes, Nobyembre 13, 2003

Umuulan

Umuulan pero hindi pinansin ng matanda ang mga patak. Sa mga tao, pinoproblema ay kung paano mananatiling tuyo sa kabila ng ulan, siya lamang ang may ibang pinagkakaabalahan. Galit na galit siya. Nagsisisigaw. Nagmumura. Parang makakapatay ng tao. Nilagyan kasi ng illegally parked sticker ang kotse niya.

Tagapagmaneho siya. Nakabarong-tagalog at puting pantalon na uniporme. Hindi siya ang may-ari ng kotse pero parang kanya ito kung alagaan. Minumura niya ang mga guwardiya na nakabantay sa di-kalayuan. Galit na galit dahil hindi man lamang daw siya kinausap. Sana naman daw ay pinaalalahanan na lamang siya at hindi na lang sana nilagyan ang kotse ng napakahirap na tanggalin na sticker.

Wala namang masabi ang mga guwardiya. Natakot na sa paghiyaw ng matandang tagapagmaneho. Pinipilit na lamang nilang ipaliwanag ang kanilang patakaran ngunit hindi nakikinig ang matanda. Nagsisisigaw pa rin siya habang tinuturo ang isa sa mga guwardiya.

Ginagawa lamang ng mga guwardiya ang kanilang mga trabaho. Iyon ay ang ipatupad ang mga patakaran at pamantayan ng paaralan. Sa kabilang dako naman ay ginagawa rin lamang ng tagapagmaneho ang kanyang trabaho. Iyon ay ang alagaan at bantayan ang kotse. Naglalaban ang kanilang mga responsibilidad. Walang sagot sa galit ng matandang tagapagmaneho. Nag-aalala lamang siya para sa seguridad ng kanyang trabaho. Isa lamang na sandali ng pagkamuhi sa isang pagkakamali.

Edited:

Umuulan, pero hindi pinapansin ng matanda ang mga patak na pinipilit iwasan ng ibang tao. Mayroon siyang ibang pinagkakaabalahang mas mahalaga pa sa mga sakit na maaaring makukuha sa pagpapaulan. Galit na galit kasi siya. Sumisigaw. Nagmumura. Parang makakapatay ng tao. Nilagyan kasi ng illegally parked sticker ang kotse niya.

Hindi kanya ang kotse. Nakabughaw kasi siyang barong-Tagalog at puting pantalong uniporme. Tsuper siya ng kung sinong may-kaya. Ngunit nagmumura siya na parang ipinangbili sa kotseng iyon.

“Mga putang ina kayo,” sigaw niya.

“Hindi ninyo ba ba ako nakikita? Sana ay kinausap ninyo na lang ako at hindi nilagyan nito,” sigaw niya habang tinuturo ang sticker sa kausap na guwardiya sa di-kalayuan. Nag-iisa lamang ang guwardiya sa poste niya. Wala siyang masabi dahil sa takot sa galit na matanda.

“Hindi ho kasi kayo kayo dapat naandito eh,” sagot ng pangalawang guwardiya na dumating sa eksena.

Pinaliwanag lang niya ang ang kanyang kalagawan at ng kanyang kasamahang napag-iinitan. Ginagawa lang nila ang trabaho nila. Wala pa ring masabi iyong guwardiya na napag-initan ng mamang tsuper. Nakatitig pa rin lamang siya sa matanda.

Ngunit hindi kontento ang tsuper sa sinabi ng pangalawang guwardiya. “Kahit na,” balik agad niya. “Sana ay pinaalalahanan ninyo na lang ako.” Galit na galit pa rin siya. sinisigawan ng “putang ina” ang mga guwardiya.

Natatakot kasi ang mamang tsuper na mawalang siya ng suweldo o mas malala, ang kanyang trabaho. Natatakot isya na hindi niya muling mahahawakan ang kotse na inalagaan niya araw-araw. Natatakot siyang baka bindi na niya poproblemahin ang mga dapat na ihatid at sunduing mga tao. Natatakot siya na poprblemahin na lamang niya ang mga patak ng ulan.

Lunes, Nobyembre 10, 2003

Hinaharap

Umiyak si Marol kanina. Hindi dahil may umaway sa kanya o may nawala sa kanya, mga kalimitang dahilan kung bakit siya kalimitang umiiyak. Umiyak siya dahil sa hinaharap.

Kakakuha lamang niya ng mga marka niya mula sa paaralan. Puro mga bumaba ang kanyang mga marak kumpara sa huling bigayan kaya siya umiyak. Bigla siyang matakot. Ayaw niyang siya ay laitin at lokohin ng mga ate niya. Nakakatwang isipin na sa isang mababaw na bagay ay napaiyak siya ngunit nakakatakot ding isipin na unti-unti nn siyang nakukulong sa mundo ng matataas na pag-asa at panaginip.

Ano ba ang mawawala sa atin kung hindi natin nakamit ang inaasahan natin? Titigil na lang ba tayo ng basta-basta o magpapatuloy at matuto sa mga pagkakamali na nagawa? Kaunting tapik lamang sa balikat, ok na ang lahat.

Linggo, Nobyembre 09, 2003

Abala

Abala ang mga tao sa ngayon, sa kasalukuyan. Wala na tayong iniisip kung hindi ang dapat gawin sa ngayon. Abala sa mga problema na dapat ayusin. Abala sa mga bawat oras na darating.

Madaming mga gawain na ginagawa tayo kaya nakakalimutan natin na isipin ang paparating, ang bukas. Abala ako kahapon sa mga papel na kailangan ni mom. Nakakapagod mang isipin, nasanay na ako. Nasanay na ako sa pagpapagod at pagpupuyat kaya madali kong nagawa ang dapat na gawin. Sa bawat pagta-type ay wala akong iniisip kundi tapusin ang dapat tapusin. Hindi ko pinapansin ang oras at nang matapos na ang lahat ay wala akong maisip. Hindi ko alam kung ano ang susunod na gagawin. Kaya natulog na lamang ako. Natatakot ako na hindi ko na kayang managinip o mangarap. Lilipas din siguro. Kailangan kong managinip pa.

Biyernes, Nobyembre 07, 2003

Virus

Nakakuha ako ng virus sa laptop ko. Hindi ko alam kung paano nailagay sa laptop pero mas malamang na dahil sa pag-iinternet ko. Nakakapagtaka kung bakit ginagwa ng mga tao ang ganitong mga bagay. Mga bagay na nakakaabala sa mga pang-araw-araw na gawain ng mga pangkaraniwang mga tao. Ayon sa mga naririnig ko, ang mga taong ito, na tinatawag na mga hacker, ay gusto lamang gumawa ng kung anu-ano mang kalokohan para abalahin ang ibang mga tao.

Sa totoo lang, naniniwala ako na meron din silang iba pang mas magandang dahilan kung bakit nila ginagawa iyon. Yung iba ay ginawa iyon upang ipakita ang mga pagkakamali sa sistema. Ang iba naman ay ginagawa ang mga makasagabal na gawain na iyon upang patunayan ang kanilang mga sarili. Patunayan na mas magaling sila sa iba o sa sistemang laganap sa mundo.